Naic women show strength, power

Marso 23, 2013 (Sabado). Kaisa ang Naic sa malawakang pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan ngayong Marso. Tema ng mga palatuntunan ang “Kababaihan, Gabay Tungo sa Tuwid na Daan.” Kaugnay nito, tinipon ng Naic Cavite Online (NCO) ang ilang mahahalagang tala na nagpapamalas ng kisig at galing ng mga kababaihan sa bayan.

Isang artikulo ang inilathala sa Manila Standard Today (Marso 18, 2013) hinggil sa kwento ng taga-Naic na si Rosario Mendoza. Pinuri si Mendoza sa ulat na inilahad kung papaano siya sumasama sa kanyang asawa sa laot upang manghuli ng isda. Bukod umano sa pagiging mangingisda at ina sa pitong anak, isa ring community organizer si Mendoza. Bilang lider ng samahang Namamangka, napangasiwaan na umano niya ang isang micro-enterprise sa paggawa ng sardinas at nakapagdaos na ng mga leadership training para sa mga kababaryong babae. Sa sinupan ng NCO ay makikilala si Mendoza bilang taga-Bagong Karsada.

Sa mga nakalipas na taon, ilang pag-aaral na rin sa mga kababaihan ang naisagawa at naitala sa Naic. Isa sa mga pinakahuli ay ang pananaliksik ukol sa buhay ng mga kababaihan sa pangisdaan (2013). Sa isang survey, matutunghayang 57% sa mga natanong na mga kabababaihan sa baybaying Naic ay nagtitinda ng mga nahuhuling isda, habang 43% naman ang nakikiisa sa paghahayuma ng mga lambat. Pinatitingkad nito ang madalas na hindi napapansing papel ng mga kababaihan sa sektor ng pangisdaan.

Bahagi pa rin ng naturang pag-aaral, sinasabi ng mga kababaihan sa isinagawang mga panayam na malaki ang kanilang gampanin sa pangisdaan. Sila umano ang gumagawa ng paraan upang makabili ng gasolinang magpapatakbo sa bangkang lalaot, sila ang namamahala sa gastusin ng pamilya, sila ang nagsisilbi sa mga asawang namamalakaya, at bukod sa paghahayuma ay nag-aalis sila ng mga nahuling isda sa lambat. Hindi pa umano kasama rito ang mga tungkulin bilang inang nag-aasikaso sa mga anak.

Tatag at sikap din ang ipinamalas ng tatlong labanderang naging paksa ng isang pag-aaral sa Bucana Sasahan noong 2008. Bagaman hindi umano sumasapat ang kinikita nila sa paglalaba, pinipilit umanong pagkasyahin ng mga ina ang kanilang pera upang matustusan ang pangangailangan ng mga anak. Kumikita lamang sila ng 1,000 hanggang 3,000 piso kada buwan.

Pagmamahal sa trabaho ang nais namang iparating ng mga kababaihang nananahi ng bag sa baryon g Labac. Sinasabi ng tatlong mananahi (2008) na ang kanilang trabaho ay daan upang makasumpong sila ng mga kaibigan sa mga kasamahan. Malaking tulong din umanong masaya sila sa uri ng trabahong kanilang ginagawa. Bukod dito, nakadaragdag pa umano sa budget ng pamilya ang kanilang kinikita sa pananahi ng bag.

Tatlong kababaihan din sa Bancaan ang nagpapahiwatig sa kabuluhan ng pagmamalasakit bilang mga volunteer leaders sa Daluyan. Sa pag-aaral noong 2008 pa rin, sinasabi ng mga nakapanayam na higit sa trabaho, masarap sa pakiramdam ang makatulong at makapag-alaga sa kapwa. Itinuturing din nila ang mga gawain bilang paglilingkod sa Diyos. Bahagi ng kanilang trabaho bilang mga volunteer ang pag-aalaga at paggabay sa mga batang pinaaaral ng organisasyong kanilang kinabibilangan.

Pagiging ikalawang mga ina naman ang nagiging gampanin ng mga land lady na bahagi ng isang pag-aaral noong 2010. Bilang nagmamay-ari ng mga boarding house sa Bucana Malaki, sinasabi ng isa sa kanila na ang pagiging land lady ay daan upang mas maging mature siya bilang isang magulang. Bukod umano sa kanyang mga anak, isang malaking responsibilidad para sa kanya ang bantayan ang mga umuupa sa kanilang bahay, na kalimitan ay mga estudyante.

Sa magkahawig na pag-aaral (2010) ukol sa mga tindera sa Naic, matutunghayan ang pakikipagsapalaran ng ilang kababayang kababaihan. Hindi umano biro ang maghapunang paglalako sa halos buong bayan para lamang makabenta. Sa kabila nito, natutunan na umano nila ang pagiging palangiti at palakaibigan upang masuyo ang mga mamimili. Inilahad naman ng dalawang sidewalk vendors sa plaza ang mga pagpapahalagang marapat ng taglayin ng mga gaya nilang nagtitinda. Kabilang dito ang lakas ng katawan, tibay at pasensya, determinasyon at pananalig sa Diyos. Bagaman aminado ang dalawa na mahirap ang kanilang trabaho, kuntento na umano sila sa ginagawa at nakakadagdag na rin sa kita ng asawa ang kanilang napagbebentahan.

Pagtitinda rin ang ikinabubuhay ng tatlong taga-Halang na paksa ng isang pag-aaral noong 2010. Gulay ang kanilang pangunahing itinitinda at ilan sa mga hamong kanilang kinaharap ay ang masunugan at manakawan. Kalaban din umano nila ang nagbabagong panahon na nakakaapekto sa produktong kanilang kinakalakal. Bahagi rin ng kanilang tungkulin bilang mga babae ay ang magsilbing ilaw at gabay sa kanilang mga anak.

Inilahad ng isang taga-Munting Mapino at isang taga-Ibayo Silangan ang kanilang kwento bilang mga babaeng pinasok ang pagiging OFW (2010). Dahil umano sa kawalan ng trabaho at kakulangan ng kinikita ang pangunahing dahilan kung bakit napadpad ang isa sa Singapore at ang isa sa Dubai. Bunga ng may dalawang taong pagtatrabaho, kapwa sila nakabili ng lupa, nakapagpatayo ng bahay at nakapagpapa-aral ng mga anak. Kaakibat ng hirap sa trabaho, hindi rin umano nila maiwasan ang maliitin ng ibang lahi. Isa sa kanila ay nararanasan ang pagmamaltrato ng amo sa pamamagitan ng hindi pagbibigay sa kanya ng pahinga sa mga gawain. Sa kabila ng malaking kinikita, hindi pa rin umano nila ipagpapalit ang Pilipinas.

Sa kasalukuyan, nagunguna rin ang mga kababaihan sa pamumuno sa bayan. Pangunahing halimbawa ang kasalukuyang mayor na si Atty. Edwina Mendoza. Sa isang pagdiriwang ng Women’s Month sa Indang noong ika-21, inilahad niya bilang panauhing pandangal ang simula ng kanyang liderato. Bilang kapapasang abogado, wala umano sa kanya ang damdamin at isipin upang manguna at makilahok sa pagtugon sa mga hinaing ng bayan. Subalit sa isyung kinaharap ng mga kababayan sa lumobong singil ng dating Naic Electric Company, na sinundan ng iba’t ibang isyung inilapit sa kanya, nabuksan umano ang kanyang puso at isip at natantong may pangangailangan ang bayan—ito umano ay ang pangangailangan para sa isang lider na may malasakit at handang manguna sa pagtugon sa mga suliranin ng bayan. Iyon umano ang gumising sa kanyang kamalayan na naging daan sa pagpasok niya sa pulitika.

Samantala, higit sa talaang ito, inaasahang marami pang kwento at karanasan ang mga kababaihan ng Naic na nagpapakita ng kanilang halaga at ambag tungo sa pagsulong ng bayan.

Naic holds first flag raising for 2013

Enero 7, 2013 (Lunes). Sa kauna-unahang Lunes ng taon, muling nagsama-sama ang mga Naicqueño sa liwasan upang isagawa ang buwanang pagtataas ng bandila.

Nagkatipon ang mga kawani ng pamahalaang lokal, kapulisan, mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor: edukasyon, senior citizen, baranggay at iba pa.

Image

Sa mensahe ni Mayor Edwina Mendoza, inihayag niyang libre ang renewal ng prangkisa ngayon ng traysikel sa Naic.

Panauhin sa palatuntunan ang nakatatandang kapatid ng alkalde, Dr. Honesto Poblete. Paksa ng kanyang pananalita ang tema ng programa, “Bagong Taon, Bagong Pag-Asa.”

Host ng buong gawain ang Abeniano Delos Santos Academy Inc. (ADSAI), sa pangunguna ng prinsipal nitong si Gng. Enriqueta Delos Santos. Ayon sa punungguro, isa ang ADSAI sa mga nangunang private school sa idinaos na National Achievement Test.

Bahagi ng palatuntunan ang paghahayag sa mga nanalong kalahok para sa patimpalak sa paggawa ng recycled na mga parol. Nanguna ang parol ng grupong Kalartesa. Bukod sa mga kinuhang judge ng pamahalaang lokal, bahagi ng pag-iiskor ang online voting.

Inilunsad din ang simula ng Naic Pawikan Festival. Lumagda ang marami sa panunumpa upang pangalagaan ang mga pawikan. Nagkaroon din ng eksibit sa plaza, na hudyat ng pawikan roving exhibit na lilibot sa iba’t ibang elementarya sa mga baryong kostal ng bayan.

Naic, Cavite 2012: The NCO Yearend Report

Enero 1, 2013 (Martes). Ang taong 2012 ay nagdulot ng matinding hamon para sa bayan ng Naic. Kaugnay nito, naghatid din ang 2012 ng pag-asa at tagumpay. Sa nakalipas na 12ng buwan, saksi ang Naic Cavite Online (NCO) sa mga pinagdaanan ng bayan. Kaya naman, sa ika-11ng taon ng NCO, matutunghayan ang 11ng kwentong humubog sa kasaysayang Naicqueño nitong 2012.

Image

PAWIKAN (Top Story #11): Sa kagyat na pagsasama-sama ng iba’t ibang sektor, nasimulan ang agarang pangangalaga sa mga pawikan sa Naic noong huling bahagi ng 2011. Kaugnay nito, idinaos ang kauna-unahang Naic Pawikan Festival noong Enero 2012; at naitala ang halos 2,000 itlog ng pawikang naprotektahan sa baybay-Naic. Sa pamamagitan ng Protected Areas and Wildlife Bureau o DENR-PAWB, kinikilala na ngayon ng Pamahalaang Pambansa ang Naic bilang bayang nangangalaga sa mga pawikan; sa ganito ay kahanay na ng Naic ang ilang lugar sa Bataan at Tawi-Tawi. Hanggang sa pagwawakas ng 2012, patuloy na nangangalaga ng mga pawikan mula Labac hanggang Timalan. Patuloy rin ang paglulunsad ng iba’t ibang seminar at workshop upang patuloy na palaganapin ang ukol sa kahalagahan ng mga pawikan sa bayan.

BLACK BUGS (Top Story #10): Sa pag-atake ng mga black bug sa mga palayan ng Naic noong 2011, maiging nasalanta ang kabuhayan ng mga magsasaka. Isinailalim ng pamahalaang panlalawigan ang Naic sa State of Calamity at naglaan ng humigit-kumulang dalawang milyong pisong pondo upang tugunan ang pangangailangan sa sakahan. Sa tulong ng Provincial Agriculture Office, napigil ang peste sa mga pananim. Subalit nitong 2012, muling umatake ang mga black bug, na noong Mayo ay umabot muli hanggang sa kabayanan. Sa teknolohiyang hatid ng Probinsya sa mga magsasaka, mabilis ding napipigil ang peste. Gayunman, manaka-naka pa ring nananalasa sa mga palayan ang mga black bug hanggang sa kasalukuyan.

Image

MARK EBSON SUSANA (Top Story #09): Ang 2012 ay itinuturing na taon nang paghakot ng parangal ng mga taga-Naic. Gayunman, itinuturing si Mark Ebson Susana ng Naic Elementary School, na pinakagumawa ng ingay matapos ang kabi-kabilang pagkilala. Abril pa lamang, ginawaran na si Susana ng Youth Excellence in Science mula sa DOST IV-A. Ito ay dahil sa pagwawagi niya ng bronze sa 8th International Mathematics and Science Olympiad (IMSO) sa Naga City. Muli siyang nagwagi ng bronze medal sa sumunod na IMSO nitong Oktubre 28 hanggang Nobyembre 1 sa Lucknow, India. Inilathala sa iba’t ibang mainstream media ang ukol sa pagkapanalo ni Susana, na pinagpiyestahan din ng mga taga-Naic sa social media. Kaugnay ng pagkakapanalo sa India, kinilala ng pamahalaang pambansa ang karangalan ni Susana sa pamamagitan ng Senate PS Resolution No. 889, series of 2012. Bago magtapos ang 2012, itinuturing ding karangalan ang pagpasa ni Susana sa Philippine Science High School.

PAROKYA NG SAN ISIDRO LABRADOR (Top Story #08): Nagsimula bilang isang dating kapilya ng San Roque bago tuluyang naging quasi-parish ang Simbahan ng San Isidro Labrador na matatagpuan sa naturang baryo. Mula 2006, isang bagong gusali ang ipinatayo sa tabi ng kapilya, sa ilalim ng pamamahala ni Fr. Eleomer Dendiego. Sa panunungkulan ni Fr. Dendiego, sari-saring fund raising activities ang inilunsad upang maipagpatuloy ang konstruksyon ng simbahan. Ilan sa mga di malilimutang paraan ng pangangalap ng pondo ay sa pamamagitan ng mga konsiyertong mismong ang naturang kura ang nagtanghal. Ipinagpatuloy ni Fr. Orlando Jimenez ang mga nasimulang pagawain nang halinhan niya si Fr. Dendiego noong 2009. Nabuo ang simbahan ngayong 2012 sa lupang ipinagkaloob ng magkapatid na Matea at Justita Nazareno Lopez. Itinuturing na makasaysayan ang Setyembre 4, 2012 para sa Simbahan nang ganap na itong ipahayag bilang Nagsasariling Parokya, sa pagdiriwang na pinangunahan ni Lubhang Kagalang-galang Luis Antonio Tagle, Arsobispo ng Maynila. Naging kauna-unahang kura ng Parokya ng San Isidro Labrador ng San Roque si Fr. Jimenez. Bukod sa San Roque, sakop ng parokya ang sambayanang Palangue, Calubcob, Halang, Malainen, Molino at Muzon.
   ..
Image

BALIKATAN SA NAIC (Top Story #07): Itinuturing ang 2012 bilang taon ng pagkakaisa para sa mga taga-Naic. Sa paghambalos ng matitinding unos sa bayan, sabay-sabay nanawagan ng tulong ang mga local Facebook fanpage na Naic Cavite Online, Taga Naic Cavite Kami, at Balitaktakan sa Naic. Kapagdaka, sa pagsasama-sama ng mga administrator ng naturang fanpages, nabuo ang Balikatan SA NAIC Cavite. Tanging layon ng samahan ang makatulong sa mga kababayan. Noong Agosto 12, inilunsad ang isang relief operation para sa mga biktima ng kalamidad sa Malainen Bago, Labac, Mabulo, Bancaan, Bucana Sasahan at Munting Mapino. Umabot sa 745 ang nahatiran ng tulong mula na rin sa pagbuhos ng donasyon mula sa iba pang kababayan. Ang gawain ng Balikatan ay nasundan ng isang Medical and Dental Mission sa Bancaan na dinaluhan ng mga taga-Labac, Mabulo, Bancaan, Bagong Karsada at Bucana Malaki. Umabot sa 336 ang nabigyan ng serbisyong medikal. Bago magwakas ang 2012, ngayong Disyembre 30, isang gift giving ang isinagawa ng Balikatan para sa mga batang taga-Sabang, sa relokasyon ng mga nagmula sa Tibagan. Inaasahang magpapatuloy ang Balikatan sa paghahatid-tulong sa mga nangangailangang kababayan.

CONVENTO BRIDGE (Top Story #06): Sa nakalipas na 2012, iba’t ibang establisyamento at imprastraktura ang pinasinayaan at isinagawa. Ilan sa mga ito ang Training Center sa Bancaan, Road Concreting sa Tramo Estacion, Riprapping sa Gombalza, Grand Terminal sa may palengke, at Naic Covered Court sa Poblacion. Subalit sa lahat ng mga pagawain, higit at agarang naapektuhan ang napakaraming tao nang ipasara ang Tulay ng Kumbento noong Agosto 31. Ang naturang tulay ang nagdurugtong sa San Roque at Malainen, at pangunahing daang inaasahan ng patungo sa iba pang bayan gaya ng Maragondon at Ternate. Natuklasan umano ang malaking sira sa pundasyon nang tulay kung kaya ito ay isinara at agarang ipinagawa. Mula noon, nagbagong ruta ang napakaraming sasakyan na humantong sa pagbibigat ng daloy ng trapiko lalo na sa mga abalang oras. Naghaba ang pila ng mga sasakyan sa Sapa, habang naghihintayan upang makatawid sa Tulay ng Saluysoy, na ang kabila ay Kanluran. Nag-aabut-abot ang mga sasakyan hanggang kabayanan, hanggang sa Ibayo Silangan. Ang malalaking bus na pumapasok sa Maragondon at Ternate, hanggang Naic na lamang ang naaabot. Sa natatanging pagkakataon, naranasan ng mga taga-Naic ang trapikong nagtatagal ng humigit-kumulang isang oras marating lamang ang mga baryong pupuntahan. Habang idinadaing ng marami ang matinding trapiko, pangunahin umanong isinasaalang-alang ang kaligtasan ng publiko kung kaya isinagawa ang tulay. Nitong Disyembre 28, binasbasan na ang tulay at muli itong binuksan sa publiko. Samantala, panahon pa ng Kastila mula nang unang ipagawa ang Tulay ng Kumbento. Dahil sa ang mga batong ginamit sa paggawa ng tulay noon ay mula sa lumang kumbento ng simbahan ng Naic, isinunod dito ang pangalan ng tulay.

Image

HALALAN 2013 (Top Story #05): Bagaman sa 2013 pa ang halalan, itinuturing nang malaking usapin ang ukol dito ngayon pa lamang 2012. Sa itinakdang panahon ng Commission on Elections nitong Oktubre, upang makapaghain ng kandidatura ang mga tatakbo, dalawang malalaking pangalan sa pulitika ang nanguna sa paghahain ng intensyon sa pagkandidato. Naghain ng kandidatura para sa pagka-alkalde ang kasalukuyang Mayor na si Atty. Edwina Mendoza, at ang kasalukuyang ikalwang alkalde, Vice Mayor Junio Dualan. Nakilala na rin ng bayan ang mga tatakbo sa Konseho, pati na rin sa mga puwestong panlalawigan. Kaugnay nito, nagsara na ang patalaan para sa mga botante. Karaniwan na ring makikita ang mukha ng iba’t ibang kandidato, na sa iba’t ibang uri ng pagbati ay tila nangangampanya na sa bayan. Hindi na rin maiwasan ang kabi-kabilang pag-uusap hinggil sa kung sino ang mga dapat iboto, na maririnig mula sa mga karaniwang mamamayan, mga nasa pamilihan, mga tricycle driver, hanggang sa mga elitista ng bayan. Inaasahan ang higit pang pang-igting ng isyu sa pulitika hanggang sa sumapit ang eleksyon sa Mayo 2013.

INDUSTRIYALISASYON (Top Story #04): Sa halos buong 2012, naging karaniwan nang maririning ang ekta-ektarya at milyun-milyung halagang bentahan ng lupa sa Naic. Sa isang dokumento mula sa Philippine Stock Exchange, ang naturang bilihan ng lupa ay sa pangangasiwa umano ng pangunahing conglomerate sa bansa. Sa nalathalang artikulo kamakailan, inilatag na umano ng pamahalaang lokal ang Comprehensive Land Use Policy (CLUP) 2012-2022 na magiging batayan umano ng wastong paggamit ng lupain sa Naic. Sa kasalukuyan, kilala ang Naic na may pinakamalaking lupaing agrikultural na may irigasyon sa buong Cavite. Pangunahing pananim sa bayan ang palay, subalit may mga nagsasaka rin ng iba pang gulay at prutas. Ayon sa ulat, sa kabila umano ng pagiging “rice granary” ng Cavite, nasa siyam (9) na milyong piso lamang ang kinikita ng Munisipyo mula sa real property tax. Sa pamamagitan umano ng CLUP, mapatataas ng hanggang 200 o 500 milyong piso ang kita ng Naic sa pamamagitan ng pagtatalaga sa ilang pook para sa industriyalisasyon. Sinasabing mula 7,600 ay mababawasan ang lupang sakahan ng Naic tungo sa 1,400 na ektarya. Sa ulat, ipinaliwanag ni Municipal Consultant to the Mayor Fernando Prudente na sa magiging pagtaas ng kita ng bayan ay higit na umanong matutugunan ng pamahalaang lokal ang pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo para sa mga Naicqueño. Bahagi ng CLUP ang pagkakaroon ng industrial zone, pier at airport sa bayan. Habang sinasabing tiyak na trabaho ang naghihintay para sa maraming Naicqueño sakaling maisakatuparan na ang CLUP, nangangamba naman ang ilan sa magiging kalagayan ng ilang magsasakang nagbenta ng kanilang mga lupain.

Image

KRIMINALIDAD (Top Story #03): Sa mahabang kasaysayan ng Naic, bahagi na ng mga kwento nito ang iba’t ibang anyo ng krimen. Subalit matinding pangamba ang idinulot ng mga huling buwan ng 2012, matapos ang halos sunud-sunod na patayan sa bayan. Sa gitna ng karamihan, hapon, habang maliwanag pa ang araw, sa iba’t ibang petsa, tatlong taga-Naic ang nasawi sanhi ng pamamaril. Naganap ang mga pagpatay sa Ibayo Silangan, sa Poblasyon at sa Timalan. Ang pangambang dulot ng mga naturang krimen ay umigting matapos kumalat ang mga sabi-sabing marami pa ang posibleng patayin sa Naic, at ang iba ay nangambang baka aksidenteng madamay sa insidente. Bukod sa mga umpukan sa iba’t ibang bahagi ng Naic, lalong pinag-usapan ang patayan nang i-upload sa isang private Facebook account ang karumal-dumal na pagkakapaslang sa isa sa mga biktima. Bumuhos ang bilang ng mga “likes,” “shares” at mga kumento sa naturang larawan. Nalathala pa sa iba’t ibang pahayagan—gaya ng Abante, Pilipino Star Ngayon, at Manila Bulletin—ang ukol sa pinakahuling krimen, sanhi upang maging mas malawak pa ang talakayan ukol dito. Uminog at patuloy na umiinog ang usapan hindi lamang sa mismong bayan, kundi hanggang sa mga Naicqueñong nasa ibang panig ng mundo.

WALANG PLASTIK SA NAIC (Top Story #02): Matapos ang ilang linggong pangangampanya, sa islogan na “Sa Bayan ng Naic, Bawal ang Plastik,” ganap na ipinagbawal ang plastik sa bayan pagsapit ng Oktubre 1. Ang naturang batas ay mula sa Municipal Ordinance No. 6-s-2012, na batay naman sa Provincial Ordinance No. 007-2012, “prohibiting, regulating and prescribing certain uses of plastics for good commodities that end up as residual waste and promoting the use of eco-bags and other environment-friendly as an alternative and providing penalties for violation thereof.” Sa pagbabawal na ito, nalimitahan ang mga plastic sa Naic, na sa kasalukuyan ay naging daan upang gumamit muli ng mga bayong, basket at eco-bag ang maraming establisyamento, pamilihan at mga mamimili sa buong bayan. Naging karaniwan ding makikita ang mga papel na supot bilang lalagyan o sisidlan. Nitong nagdaang fiesta, kapansin-pansing sa halip na mga plastik, karaniwang ginamit ang mga tela sa iba’t ibang baranggay bilang banderitas.
..
STATE OF CALAMITY (Top Story #01): Hunyo pa lamang ay naiulat na sa Manila Bulletin na sampung baryong kostal ng Naic ang isinailalim sa state of calamity dahil sa pagbabahang bunsod ng tumataas na tubig-dagat. Kaugnay nito, inaprubahan umano ng Sangguniang Panlalawigan ang paglalabas ng 6.4 na milyong piso upang tugunan ang pangagailangan ng Timalan Balsahan, Timalan Concepcion, Munting Mapino, Bucana Malaki, Bucana Sasahan, Sapa, Bancaan, Mabolo, Labac at Bagong Karsada. Subalit isang buwan pa lamang ang nakalilipas, Hulyo 29, nagsimulang maramdaman sa Naic ang pananalasa ng bagyong Gener. Bagaman nasa hilagang bahagi ng Luzon, hinila at pinaigting naman nito ang habagat. Mula noon, 12 araw at gabing naranasan ng bayan ang walang tigil na pag-uulan. Kasama ng ulan ang malalakas na hanging higit na naramdaman sa baybayin ng bayan. Kaugnay nito, tumaas ang tubig-dagat at lumaki ang alon na winasak ang maraming kabahayan sa aplaya. Sa Munting Mapino na sinasabing pinakamaiging nasalanta, nasa 34 ang mga bahay na buung-buong winasak ng delubyo. Binaha ang lahat ng baryong kostal ng Naic, gayundin ang ilang baryong nasa matataas na lugar bunga naman ng nagbarang mga kanal. Ilang araw nasuspindi ang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan, habang higit na maraming araw na nawalan ng klase ang mga estudyante. Sa tindi ng pananalasa ng unos sa Naic, ilang araw naging laman ng mga balitaang pambansa ang Naic. Kaugnay ng kalunus-lunos na sinapit ng bayan, bumuhos naman ang tulong at suporta para sa mga biktima ng kalamidad. Mula Agosto hanggang ngayong magtatapos na ang taon, patuloy ang paghahatid ng tulong ng mula sa iba’t ibang organisasyon at samahan, lalo na para sa mga taga-Munting Mapino.

Naic celebrates feast of the Immaculate Conception

Disyembre 9, 2012. Sa muling pagkakataon ay ipinagdiwang ng Naic ang kapistahan ng Imaculada Concepcion sa pamamagitan ng mga gawaing pansimbahan at pambayan.

Mga Gawaing Pansimbahan

Image

Si Most Rev. Manuel Sobreviñas, Bishop Emeritus ng Imus, habang pinangungunahan ang Misa Concelebrada sa Naic.

Bago pa man ang ganap na kapistahan nitong ika-8 ng Disyembre, nagkaroon na ng mga nobena at misa para sa patrona mula ika-27 ng Nobyembre hanggang ika-5 ng Disyembre. Tuwing ika-5 ng madaling araw at hapon ay nagkaroon ng rosaryo at nobena, at misa tuwing 6:00 AM at 5:30 PM. Ang misa sa hapon ay may kasamang pag-aalay ng bulaklak at salve. Pinamunuan ng mga sumusunod na barangay ang mga gawain sa bawat araw: Balsahan (Nobyembre 27), Kanluran (28), Capt. C. Nazareno (29), Santulan (30), Makina (Disyembre 1), Humbac (2), Gombalza (3), Ibayo Estacion (4) at Ibayo Silangan (5).

Pagsapit ng ika-6, idinaos ang Misa Concelebrada sa parokya na pinangunahan ni Rt. Rev. Msgr. Josefino Ramirez, ganap na 8:45 AM. Bahagi ng araw na iyon ang hermanahan sa pangunguna ng Hermana de Fiesta, Gng. Zorina Arenas-Cayetano.

Bisperas ng fiesta, ika-7, itinuring na banal na oras ang mula 8:00 AM. Sinundan ito ng turn over ceremony kaugnay ng katatapos lamang na pinagawang bubungan ng simbahan, 10:00 AM. Pinamunuan ito ni Most Rev. Manuel Sobreviñas, Bishop Emeritus ng Imus. Kabilang sa dumalo sa gawain ang punongbayan, Atty. Edwina Mendoza, isa sa mga kilalang Born Again Christian ngayon sa Naic matapos ang kanyang paglipat ng relihiyon ilang taon na ang nakalilipas.

Image

Ang replica ng Imaculada Concepcion ng Naic na ipinuprusisyon sa kabayanan.

Halos sunud-sunod naman ang mga misa pagsapit ng mismong kapistahan. Nagkaroon ng mga misa sa umaga: 4:30 AM, 5:30 AM, 6:30 AM, 7:30 AM, 8:30 AM, at 9:30 AM; na hinalinhan ng binyagan pagsapit ng 10:00 AM. Muling nagkaroon ng misa pagsapit ng 12:00 NN, 2:00 PM, 4:00 PM, 5:00 PM at 6:00 PM. Matapos ang pinakahuling misa ay idinaos ang taunang prusisyon kung saan nilibot sa kabayanan ang replica ng imahe ng Imaculada Concepcion ng Naic.

Sa misa ng alas-2 noong fiesta, tinalakay na dahil sa talino at kakayahan ng tao ay nagkaroon tayo ng pagkakataong planuhin ang ating buhay. Gayunman, mahalaga umanong isaalang-alang ang plano ng Diyos para sa atin. Ipinaalala sa homilya ang naging buhay ni Maria, ipinaglihing walang sala, sa kung papaano siya tumalima sa Diyos. Mahalaga umanong maging modelo ng sambayanan ang Imaculada Concepcion, patnubay tungo kay Hesus.

Sa 6:00 PM na misa ngayong araw, binati ni Fr. Virgilio Mendoza, kura ng Parokya ng Naic, ang sambayanan dahil sa bawat misa umano noong fiesta ay puno ng tao ang simbahan. Nagpasalamat ang kura dahil nagbunga umano ang lagi niyang sinasabi sa mga misa bago ang fiesta, “bago sa mesa, misa muna.” Pinuna rin ng kura na kumpara sa mga nakararaan, hindi umano nahirapan ang Simbahan ngayon sa paglilinis ng mga kalat dahil halos walang dumi sa simbahan kahit buong araw dagsa ang mga tao.

Ayon pa kay Fr. Mendoza, theologically, mali umanong gamitin ang “Nuestra Adorada Inmaculada Concepcion.” Sapagkat sa saling “adore” ng salitang “adorada,” theologically umano ay “we don’t adore the Virgin Mary.” Pinakamalapit pa umano ang “abogada” o maisasalin bilang “tagapamagitan.” Sinasabi ng ilan sa Naic na mula umano sa mga unang letra ng Nuestra Adorada Inmaculada Concepcion nagmula ang pangalang “NAIC.”

Sa kahuli-hulihang pagkakataon, isinagawa ang isa pang prusisyon ngayong araw bilang pagwawakas sa fiesta, at pagpaparangal sa Imaculada Concepcion. Nilibot ng sambayanan ang kabayanan kasama ang imahe ng Birhen. Isinama rin sa prusisyon ang patron ng mga kapilyang sakop ng parokya. Sa paghantong ng prusisyon sa simbahan, nagpahayag ng pasasalamat si Gng. Cayetano at hiniling ang kapayapaan para sa buong mundo.

Mga Palatuntunang Pambayan

Upang pasiglahin pa ang pagpipista ng Naic, pinangasiwaan ng pamahalaang lokal ang ilang programa para sa publiko. Sa pag-itan ng 9:00 PM hanggang 11:00 PM, bisperas, ay ginanap ang patimpalak sa pagsayaw na tinawag na “Dance Power 2012.” Idinaos ito sa plaza at nilahukan ng mga dance group na karamihan ay mula sa iba’t ibang paaralan ng bayan. Dinagsa ng mga manonood ang palatuntunan. Sa huli, nagwagi ang mga grupong The Coastal Force (Naic Coastal High School – Labac) sa Best in Production Number; New One Crew (Naic Coastal High School – Pueblo del Mar) bilang 3rd Placer; Robotics Dance Troupe (La Vlaize Integrated Science School), 2nd; at ), Champion.

Image

Ang paghahayag ng nagwagi sa “Dance Power 2012″ na idinaos bisperas ng fiesta. Nagwagi sa naturang patimpalak ang “Revenge Movers” ng Naic 1 Alternative Learning System.

Muling pinasigla ang bayan sa mga programa, gabi ng mismong fiesta. Sa isang musical show na muling pinangasiwaan ng pamahalaang lokal, nagkaroon ng mga hot air balloon na pinalipad at mga pagtatanghal ng ilang personalidad sa telebisyon. Muling dumagsa ang mga manonood sa plaza at tinunghayan ang programang inabot na ng lampas hatinggabi. Dumating ang ilang artista ng istasyong TV 5 gaya nina Joseph Bitangcol at John Matthew Uy.

Samantala, ilang araw bago pa ang fiesta ay ipinahayag ng Munisipyo na walang pasok sa buong Naic para sa mga araw ng bisperas at fiesta, Biyernes at Sabado. Ilang linggo naman bago ang pagdiriwang ay nagkabit na ng mga banderitas sa mg baryong nagpipista mula sa pangunguna ng mga pamahalaang pambaranggay. May ilang pinag-isa na ang gayak pam-fiesta at Pasko; habang ang marami ay iniwasan na ang paggamit ng plastik sa dekorasyon alinsunod sa ordinansang nagbabawal ng plastik sa Naic. Karaniwang ginamit ang tela sa mga gayak.

Ilang Gawain at Tagpo sa Fiesta

Gaya sa mga nakalipas na taon, malayo pa man ang fiesta ay nagkaroon na ng mga baratilyo at peryaan sa Ibayo Silangan. Maituturing na kabilang ang mga ito sa nagpasigla sa mga tao bago pa man ang ika-8 ng Disyembre. Katunayan, ang perya ang isa sa mga pinakadinumog na lugar pagsapit ng mismong kapistahan. Sari-saring rides at gimik ang nasa perya na sa puna ng ilan ay higit na marami kumpara sa mga nagdaang taon.

Tumawag din ng pansin ang mga pumwestong nagtitinda sa paligid ng simbahan at plaza, hanggang sa mga bangketa ng P. Poblete Street hanggang bago sumapit ang Tulay ng Kay Alamang sa Ibayo. Samu’t saring panindang gamit pambahay at pagkain ang matutunghayan. Naaliw ang marami sa paniningin at pamimili ng mga murang bagay gaya ng laruan para sa mga bata, damit para sa mga kabataan, at kasangkapan para sa mga tahanan.

Image

Ang tagpo sa poblasyon, bisperas, habang unti-unting dumadami ang mga pwesto ng nagtitinda sa paligid, at nagdadatingan naman ang mga mamimili.

Bahagi naman ng tradisyong paghahanda sa mga bahay-bahay na sakop ng fiesta ay ang galaw ng mga tao sa pamilihang bayan. Bagaman sinasabing hindi kasingdami ng sa mga nagdaang taon, kung saan halos hindi makagalaw at hindi mahulugang-karayom ang palengke, ay marami pa rin ang mga namili bago at mismong araw ng fiesta. Namili naman sa mga supermarket ang ilang taga-Naic.

Maagang-maaga pagsapit ng mismong fiesta, naglibot na ang ilang banda musiko at mobile sound system sa kabayanan. Ang tugtog na dala ng mga nabanggit ay nagmistulang tagapanggising sa ilan, at tagapaghatid ng sigla para sa pagdiriwang.

Tila nagmistulang araw ng kampanyahan naman sa ilang bahagi ng Naic dahil sa mga nag-iikot na sasakyang may sound system. Habang pinatutugtog ang mga masisiglang tunog pam-fiesta, matutunghayan naman sa mga sasakyang ang mga tarpaulin na may mukha ng iba’t ibang pulitiko. Hindi maiwasang maiugnay ito sa nalalapit na halalan sa Mayo 2013, lalo at ang mga nakahayag na mga mukha ay mga kandidato sa susunod na eleksyon. Kapuna-puna rin ang ilan pang streamer na nangakakabit sa iba’t ibang panulukan taglay ang mukha ng ilang tatakbo sa halalan. Gaya ng biruan, “kasabay ng pagluluto para sa kapistahan, may mga nagluluto para sa halalan,” at “kasabay ng pangangamoy ng menudo ay ang pangangamoy ng eleksyon.”

Naghatid din ng masisiglang tunog ang mga mala-ati-atihang nag-ikot sa kabayanan. Isang grupo ang pumasok sa bawat daanan sa poblasyon, at bukod sa ingay ng mga tambol ay nagpamalas din ng mga sayaw at kakaibang pagtatanghal sa pamamagitan ng pagkain at pagbuga ng apoy. Nangalap ng pera ang naturang grupo sa mga tao at bahay na madaanan.

Image

Ilang tagpo sa perya nang dagsain ito ng mga tao noong mismong araw ng fiesta.

Maituturing naman na isa sa mga nagbibigay sigla at saya tuwing fiesta ay ang pagsasalu-salo ng marami. Nagpa-bayan ang mga taga-baryong hindi sakop ng kapistahan, at nagpasa-Naic ang mula naman sa mga karatig-bayan. May ilang mula pa sa malalayong lugar at ibang bansa ang sadyang umuwi sa Naic upang makiisa sa pagdiriwang ng kapistahan. Pangunahing pakay ng pamimiyesta ang kainan, at mayroon ding ilang nagsipag-inuman. Sa mga bahay-bahay at tambayan sa mga daan ay matutunghayan ang sari-saring kantahan, kwentuhan at kasiyahan.

Bagaman maraming tao, hindi naman maikukumpara ang dami nito sa dami ng mga tao sa nakaraang mga taon. Ayon sa ilan, maaari umanong ang hirap ng buhay ang dahilan nito: walang pamasahe ang mga mamimiyesta, at nagbawas o hindi na naghanda ang ilan; may ibang pinagkakaabalahan ang mga tao; at nangamba ang marami sa matinding trapikong maaaring danasin dahil sa pagbabagong ruta ng mga sasakyan bunsod ng isinasagawang Tulay ng Kumbento sa San Roque-Malainen. Hindi naging napakabigat ng daloy ng trapiko pagsapit ng kapistahan.

Una ring pinangambahan ang posibilidad ng pag-ulan sa Naic hatid ng bagyong Pablo na nananalasa sa timog ng Pilipinas. Sa kabila nito, naging maaliwalas ang ang bisperas at mismong araw ng fiesta. Naitala ang temperaturang 26.5 °C, patanghali ng mismong kapistahan. Bahagyang inulan lamang ang Naic bandang 2:45 ng hapon ngayon.

Samantala, bukod sa mga nasa mismong Naic, ang mga Naicqueño na nasa ibang bansa ay nagdiriwang din ng kapistahan ng Imaculada Concepcion. Sa pamamagitan ng Naic Association of Southern California (NASCAL) ay isang salu-salo ang idinaos sa Cypress Recreation and Community Center, sa 5700 Orange Avenue, Cypress, Ca 90630; 11:00AM hanggang 6:00PM, oras sa California.

Naging daan naman ang makabagong teknolohiya upang matunghayan ng mga nasa ibang bansa ang mga tagpo sa fiesta ng Naic. Nangunguna ang Facebook kung saan halos bumaha ng mga kwento, larawan at video hinggil sa iba’t ibang tagpo ng kapistahan. Inasahan din ang mga pangunahing local Facebook fanpages sa paghahatid ng mga ulat ukol sa fiesta. Ang Naic Cavite Online (NCO), maya’t mayang inihatid ang mga natatangi at mahahalagang pangyayari sa pamamagitan ng Facebook account at fanpage nito. Sa pag-uulat ng NCO mula ika-7 hanggang sa araw na ito ng Disyembre, naitala ang mga nakatunghay sa mga ulat mula sa Pilipinas, Amerika, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Canada, Hong Kong, France, Taiwan, Qatar, South Korea, Kuwait, United Kingdom, Bahrain, Australia, Norway, Singapore, Spain, Italy, Cyprus at Switzerland.

Bonifacio was in Naic during the 1896 town fiesta

Nobyembre 30, 2012 (Biyernes; Bonifacio Day). Lingid sa kaalaman ng marami, nagkaroon ng pagkakataon ang “Supremo” ng Katipunan na mamyesta sa Naic mahigit 110ng taon na ang nakalilipas.

Ika-7 ng Disyembre noong 1896, bisperas ng fiesta, nagtungo si Andres Bonifacio kasama ang ilang pinuno ng Katipunan sa Naic upang makiisa sa pagdiriwang ng bayan. Ayon sa isang liham ni Don Telesforo Canseco, na isinalin at isina-libro ni Jose Rhommel Hernandez:

Bago pa dumating sina Bonifacio, umuna na si Mariano Riego de Dios sa Naic upang paghandaan ang pagdating ng Supremo. “Ang Heneral na ito ay lumisan kasama ang buong sandatahang puwersa upang tanggapin [ang Supremo] sa may tulay (maaaring ang Tulay ng Kay Alamang) kasama ang banda musiko. Pagdating sa tulay, ang Supremo at ang kaniyang mga taga-sunod ay nagbabaan lahat mula sa kabayo at matapos ang saludo ni Heneral Mariano Riego de Dios ay pumila ang mga sundalo. Nagtungo silang lahat sa Casa Hacienda (Naic Elementary School ngayon) kung saan nandoon ang Tribunal. Pagdaan sa plaza ay pinatunog nilang lahat ang mga kampana. Nagpatuloy ang banda ng musiko na tumugtog buong araw, iniutos ng Supremo na sunduin siya ng mga sakristan kasama ang mga ciriales at ang palio para sa kaniyang pagdalo sa misa. Lumakad siya sa ilalim ng palio mula sa Tribunal katabi sa kaniyang kanan si Presidente Mariano [Alvarez] at sa kanyang kaliwa ang Ministro de Fomento na si Emiliano Riego de Dios. Nang bumaba ang Supremo upang sumilong sa palio ay sinalubong siya ng tugtog ng musiko na ‘Marcha Real’ at nang magsimulang lumakad ang banda ay hinatid siya sa Simbahan habang tumutugtog ng “paso doble.” Ang lahat ng mga pinuno at armadong sundalo ay sumama sa misa…” Lumisan si Bonifacio, maging ang banda musiko, at ilang pinuno at sundalo makalipas ang dalawa pang araw.

Samantala, isa lamang ang yugtong ito sa mga karanasan ni Bonifacio sa Naic. Isa sa mga tanyag na pilas ng kasaysayan ang tinatawag na “Naic Military Agreement,” kung saan mula sa Casa Hacienda de Naic ay tinangka umanong mag-kudeta ni Bonifacio sa pamahalaan ng pangulong Emilio Aguinaldo. Sa Naic din unang ikinulong at nilitis si Bonifacio bago inilipat sa Maragondon at tuluyang nahatulan ng kamatayan.