Naic celebrates Christmas 2008

Pamamahagi ng regalo ng Naic Alliance of Northern California sa mga batang Naicqueno; idinaos ito sa Hardin ni Maria ng simbahan ng Naic.

Disyembre 26, 2008 (Biyernes). Sa loob ng maraming araw, masiglang ipinagdiwang ng Naic ang Kapaskuhan.

Gaya ng kinagawian, pagpasok pa lamang ng Setyembre ay nagsimula nang maging paksa at pakay ng paghahanda ang Pasko. Bagaman hindi kasingrangya ng sa mga nagdaang taon, may ilan pa ring nagkabit ng mga christmas light sa kani-kanilang tahanan. Pangunahing dahilan sa pag-unti ng mga ilaw ay ang pagtitipid umano sa kuryente, bunga na rin ng naghihirap na buhay. Gayunman, naging maparaan ang marami sa paggamit ng mga mumurahing materyales para sa mga parol na ipinalamuti. Sari-saring christmas tree, mula sa mga pinakapayak hanggang sa mga pinakamagarbo, ang matutunghayan naman sa maraming bahay sa Naic.

Sa unti-unting pagsapit ng fiesta ng Naic noong ika-8, sinimulan na ring gayakan ng mga Baranggay ang kani-kanilang nasasakupan. Upang makatipid at maging isa na lamang ang paghahanda sa fiesta at Pasko, kalimitang parol na lamang ang ipinalamuti sa mga kalye ng iba’t ibang baranggay.

Unang linggo ng Nobyembre, naramdaman ang natatanging lamig maging ang mas mahabang gabi. Nobyembre na rin nang magsimulang marinig ang mga karoling sa iba’t ibang panig ng Naic.

Sa huling linggo naman ng pasukan sa mga eskwelahan at ilang tanggapan, nagsimula na rin ang kabi-kabilang christmas party. Umaga ng ika-17, tinanggap ng NAIC CAVITE ONLINE (NCO) ang mga ulat ukol sa pagkakaroon ng calisthenics sa Naic Elementary School at Bancaan Elementary School. Lantern parade naman kinahapunan ang idinaos sa Sabang Elementary School. Bukod sa mga nabanggit, isinagawa sa halos lahat ng eskwelahan–preparatory hanggang kolehiyo–ang kani-kanilang pagdiriwang.

Sa ulat na tinanggap ng NCO, ilang klase sa Naic National High School (NNHS) ang nagbaon na lamang ng mga de-lata at murang mga pagkain na pagsasaluhan. Ayon umano sa mga guro, kinakailangang magtipid lalo at dumaranas ng krisis ang maraming pamilya sa kasalukuyan. Sa kabila ng payak na salu-salo, naging masigla ang mga mag-aaral ng NNHS na nag-boodle fight sa oras ng kainan, at nagkaroon pa ng mga palaro sa mga pag-itan ng kanilang pagdiriwang.

Bukod sa mga salu-salo, naging panahon din ang Kapaskuhan upang magbigayan. Gaya ng kinagawian, namahagi ang Cavite College of Fisheries Multi-Purpose Cooperative (ng Cavite State University – Naic) ng grocery products sa ilang residente ng Bucana Malaki at Bagong Kalsada.

Ika-23, namahagi naman ang Naic Alliance of Northern California ng mga lobo at pagkain sa may 400 bata sa Parokya ng Naic. Pinangunahan ni Zorina Arenas-Cayetano, Board Member ng samahan, ang pamamahaging idinaos sa Hardin ni Maria. Bukod sa mga batang sakop ng parokya, may 400 ding mga bata ang nahandugan pa sa mga Quasi-Parish sa Bancaan at San Roque.

Natatangi naman ang christmas party ng pamahalaang lokal nang isabay ito sa kaarawan ni Mayor Efren Nazareno, noon pa ring ika-23. Alas-4nh, sinimulan ang pagdiriwang ng munisipyo sa pamamagitan ng pa-binggo. Punung-puno ang Municipal Hall Compound ng mga empleyado at opisyales ng pamahalaang Naic mula sa iba’t ibang tanggapan nito. Bukod sa mga pa-premyo sa ilang palaro, 163 items gaya ng mga appliances at aparador ang ipina-raffle sa munisipyo. Nakiisa rin si dating Vice Governor Jonvic Remulla sa pagdiriwang. Tinatayang hatinggabi na nang matapos ang palatuntunan sa munisipyo.

Pagsapit ng bisperas ng Pasko, damang-dama na ang sigla ng bayan. Sa paglilibot ng NCO sa palengke, marami na rin ang namimili ng pang-noche buena. Gayunman, sinasabing kung ikukumpara sa mga nakaraang taon, mas maunti na ang mga namalengke ngayon. Sa kabayanan, ilang stall para sa mga prutas at cake ang itinayo dahil sa inaasahang pagdami ng mga mamimili. Hapon hanggang gabi, nanikip na ang daloy ng trapiko, partikular sa Ibayo Silangan pa-Poblacion. Maraming mula sa Maynila at mga trabaho ang nagsisipag-uwian, bukod sa ilang nagpapa-uli-uli, ang naging dahilan sa pagbagal ng daloy ng mga sasakyan. Habang nakapamili na ng pang-regalo ang ilan, marami pa rin ang namili sa bisperas ng Pasko. Bukod sa mga malalaking mall na malapit sa Naic, buong araw ng ika-24 ay dagsa ang mga tao sa baratilyong nasa Ibayo. Ito pa rin ang baratilyong binuksan bago pa nag-fiesta.

Bandang alas-6ng, nagsimula naman ang Panawagan sa kabayanan. Humantong ang panunuluyan ng mga nagsiganap na Maria at Jose, kasama ang mga batang anghel, sa simbahan ng Naic. Wala pa mang alas-8, takdang oras para sa Christmas Eve Mass, punung-puno na ang simbahan ng Naic. Hindi mahulugang karayom ang mga gilid-gilid hanggang palibot sa labas ng simbahan. Siksikan maging ang mga nangakaupo sa simbahan.

Sa homilya ni Fr. Nonilon Tibayan, tinalakay niya ang dalawang uri ng Pasko na laman umano ng mga Ebanghelyo sa mga misa mula bisperas, pagsalubong, madaling araw, at mismong araw ng Pasko. Bukod umano sa kilalang konsepto ng Pasko na siyang pagsilang ni Hesus, na siya ring pinag-uugatan ng pagbibigay saya sa mga bata, Pasko ring maituturing ang dati nang pag-iral ng Diyos bilang Salita–hindi pa man nagkakatawang tao. Kaugnay nito, hinimok ng kura-paroko ang sambayanan na umigpaw sa konsepto ng Pasko na nababalot ng mga regalo, handaan at inuman. May mas malalim umanong kahulugan ang Pasko na mababakas sa paggamit ng “salita.” Ang lalim ng Pasko umano ay higit na matatagpuan sa mabuting kalooban ng bawat isa.

Sa natatanging pagkakataon, bago tuluyang winakasan ni Fr. Tibayan ang misa, pinasalamatan niya ang NCO sa paghahatid nito ng mga kaganapan, partikular ng mga naging homilya niya sa siyam na araw ng simbang gabi. Hinimok niya ang sambayanan na sundan sa website ang anumang napalampas na araw sa misa de gallo.

Samantala, bukod sa Parokya ng Naic ay dinagsa rin umano ng mga deboto ang simbahan sa mga quasi-parish ng bayan.

Matapos ang misa, maraming pamilya na ang nagsimulang magsalu-salo sa kani-kanilang tahanan. May payak na nagkainan at may mga nagkaroon pa ng mga palaro at ilang mumunting mga palatuntunan. May ilang maagang natulog, at may ilan namang inabot na rin ng madaling araw.

Sa mahabang panahon na nagdiriwang ang Naic para sa Kapaskuhan, pangkaraniwan nang maririnig ang pagbati ng “Merry Christmas” o “Maligayang Pasko.” Bukod sa mga batiang naganap sa mga christmas party at karoling, teknolohiya ang isa sa mga naging pinakamalaking daan upang maipaabot ang mensahe sa isa’t isa–lalo at nasa malayo ang babatiin o babati. Naging kapaki-pakinabang ang telepono, cellphone at computer sa naturang pagkakataon. Si Konsehal Mark Nazareno na nasa Amerika, nagpaabot ng pagbati sa Friendster account ng NCO, ayon sa kanya, “MALIGAYANG PASKO SA INYO LAHAT!!! MORE POWER.” Samantala, makailang ulit ding naganap ang batian para sa maligayang Pasko sa mga misa sa mga simbahan sa Naic.

Ika-25, mismong araw ng Pasko, muling bumuhos ang mga tao sa simbahan para sa mga pang-umagang misa. Pagkakatapos ng mga misa, bumubuhos ang mga batang naglilibot sa iba’t ibang panig ng Naic. Nagsimula na ang pamamasko ng mga bata sa bahay ng mga ninong at ninang, kamag-anak at kaibigan. May mga batang sama-samang namamasko, habang karamihan ay pami-pamilya. Pangkaraniwang matutunghayan ang mga daan na may mga nagsisipaglakaran.

Bagaman humupa na ang mga tao sa daan pagsapit ng tanghali, patuloy pa rin namang nagaganap ang pamamasko sa maraming bahayan. May mga namamasko rin at nagbabahay-bahay sa mga hindi kakilala.

Sa mga ulat pang tinanggap ng NCO, kinagabihan ay nagkaroon ng dance contest sa Kalye Cena sa Labac, at isang party naman ang idinaos sa Calubcob. Samantala, inaasahang binola na ang pa-raffle sa Makina kung saan premyo ang TV, cellphone at laptop.

Sa pangkalahatan, mapayapa at masiglang idinaos ng buong Naic ang Pasko, bagaman umambon sa katanghalian, at umulan kinagabihan.

Naicquenos to celebrate fiesta in California

Mula sa timog at timog-kanlurang California, kapwa naghahanda ang Naic Association of Southern California at Naic Association of San Diego, Inc. para sa kanilang taunang pagdiriwang sa fiesta ng kinagisnang patrona sa Naic, ang Imaculada Concepcion. Sa ika-8 ng Disyembre ngayong 2007, ayon sa pagkakasunod ng mga nabanggit na asosasyon, sasapit na sa ika-34 at ika-35 taon ang mga Naicqueno sa pagdiriwang ng fiesta sa California.

Ayon sa isang entry sa blogsite ni Ellen Olaes, ang paggunita sa kafiestahan ng Imaculada Concepcion ng Naic Association of Southern California ay isasagawa nila mula ika-9nu hanggang ika-5nh sa Cypress Community Center – 5700 Orange Avenue, Cypress. Kaugnay nito, isang misa ang idaraos sa ika-11nu.

Sa email namang tinanggap ng NAIC CAVITE ONLINE mula sa email account name na “NAICAN,” ang Naic Association of San Diego, Inc. ay isasagawa ang paggunita sa fiesta ng Imaculada Concepcion sa St. John of the Cross Hall sa Lemon Grove, ganap na ika-10nu hanggang ika-6ng. Ayon sa flyer na kalakip ng email, pupunuin ng mga tradisyunal na sayaw-Pilipino ang pagdiriwang ng mga mula sa Naic Association of San Diego, Inc.

Samantala, kasalukuyang presidente ng Naic Association of Southern California si Charlie Cailao, at ng Naic Association of San Diego, Inc. si Evelyn Nazareno.