PBA’s Ranidel De Ocampo to students: ‘Wag magbibisyo

Setyembre 18, 2017 (Lunes). “‘Wag magbibisyo.” Isa ito sa mga payo ni Ranidel De Ocampo, manlalaro ng Meralco Bolts sa Philippine Basketball Association o PBA, nang maging panauhin sa Sports Festival ng Cavite State University (CvSU) Naic kaninang umaga.

21845408_1529839550444273_669875010_o

Ang pagbisita ni Ranidel De Ocampo, manlalaro ng Meralco Bolts – PBA, sa Cavite State University Naic.

Ipinayo rin ni De Ocampo na magtapos ang mga mag-aaral ng CvSU Naic, sapagkat ayon sa kanya, “totoo ang sabi ng mga magulang na mag-aral nang mabuti.” Kayamanan aniya ang edukasyon. Dagdag niya, tatlo sa kanyang mga pinsan ay nagtapos sa CvSU Naic at maayos umano ang kani-kanilang buhay sa kasalukuyan.

Para sa mga manlalaro, idinagdag ni De Ocampo na huwag silang mag-aaway-away at nagbigay rin siya ng “good luck” para sa iba’t ibang palakasan.

Ayon kay De Ocampo, malapit sa kanya ang Naic gayong sa Tanza siya lumaki. Aniya, sa simbahan ng Naic siya noon nagsisimba, at ang kaarawan niya ay ang kapistahan ng bayan ng Naic, Disyembre 8. Madalas din umano siyang dumadaan sa Naic kung mapapagawi sa Batangas; at may mga pagkakataong kumakain sa mga food chain ng bayan.

Mainit ang pagtanggap ng CvSU Naic, at halos lahat ng mag-aaral ay nagkaroon ng pagkakataong makapagpakuha ng larawan kay De Ocampo. Ngayong araw ang pagbubukas ng hanggang bukas na palakasan sa CvSU Naic nang mahigit 1,000 mag-aaral sa sekundarya at kolehiyo.

Advertisements

Local government, church: Vigilance towards peace, order

Setyembre 16, 2017 (Sabado). Vigilance at pagtulong sa pagmamatyag ang iisang mensahe ng Pamahalaang Naic at Parokya ng Naic upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bayan.

21763610_1528311037263791_1870960664_nSa isang homilya sa Parokya ng Naic noong Agosto 27, sinabi ni Fr. Isagani Aviñante, kura, na mahalaga ang “positive vigilance” upang mapanatili ang kapayapaan sa pamayanan. Sa kanyang halimbawa, ang sinuman umanong makapapansin na may mga dayo at mga taong may kahina-hinalang kilos ang umaaligid sa isang lugar, ay marapat lamang na tawagin ang pansin ng otoridad, gaya ng Baranggay o kapulisan. Sa ganito umano, maaaring mapigilan kung may nagbabantang nakawan, pananakit o pagpatay.

Bahagi pa ng homilya ni Fr. Aviñante ay ang pagtukoy sa mahalagang gampanin ng pamilya upang maging ligtas ang bawat isa. Sa layong papagnilayin ang sambayanan, tinanong niya kung kilala ba talaga ng mga magulang ang kanilang mga anak, at kung kilala ba talaga ng mga anak ang kanilang mga magulang. Hinikayat ng kura ang bawat isa na panatilihin ang pag-uusap sa bawat miyembro ng pamilya. Ilan sa mahahalaga umanong paksa ay ang makilala ng mga magulang ang mga kaibigan o kasintahan ng kanilang mga anak; at ang maunawaan ng mga anak kung papaano sila itinataguyod ng kanilang mga magulang. Maaari umanong maging ugat ng pagkalulong ng isang kabataan sa droga ang pagkakaroon ng hindi maayos na pamilya.

Hawig din sa sinasabi ng Simbahan ang tema ng katatapos lamang na buwanang pagtataas ng watawat na pinangangasiwaan ng pamahalaang lokal ng bayan. Host sa seremonya noong Setyembre 4 ang Department of Interior and Local Government sa Naic. Ayon sa paksa ng pagtitipon, ang “Pamayanang Mapagmasid, Kapayapaan ang Maihahatid.”

Ayon sa mga ulat noong Pagtataas ng Watawat, sa nakalipas na mga araw, mula nang paigtingin ang panghuhuli sa maiingay na motorsiklo, nasa 65 na umanong paglabag ang nasawata dahil sa paggamit ng maiingay na muffler.

Ayon pa sa mga ulat, nasa 90% umano ng mga nahuli at ikinulong ng mga pulis-Naic ay may kinalaman sa droga. Kaugnay nito, nagkaroon ng drug testing ang mga opisyal ng barangay, kawani ng munisipyo, at maging ang mga kapulisan at bumbero. Negatibo umano ang lahat sa droga.

Sa kasalukuyan, malaking usapin sa Naic ang isyu ng kaayusan at kapayapaan dahil sa naging sunud-sunod na nakawan, pagkawala ng ilang indibidwal, at patayan. Ilan sa mga pinakahuling insidente ay ang pagpatay sa isang lalaki sa lugar ng pabahay sa Sabang kahapon ng umaga, bandang 9:00AM; at ang pagkanakaw ng isang motorsiklo na tinangay umano ng dalawang lalaki kagabi, 9:00PM, sa Kanluran. Kabilang pa sa mga pinag-usapan at nagbigay ng pangamba sa mga taga-Naic ngayong taon ay ang pagbaril at pagpatay sa isang lalaki sa krosing ng San Roque at highway; ang pagpatay sa isang lalaki sa Zamora noong Hunyo; at ang dalawang bangkay na itinapon sa bakanteng bahagi ng Ciudad Nuevo, Sabang kung saan pinutul-putol pa ang katawan ng isa noong Hulyo.

Bahagi rin ng mga aksyon ng pamahalaang lokal upang mapangalagaan ang mga mamamayan ay ang pagpapatupad ng curfew. Simula kagabi, umiiral na ang curfew mula 11:00PM hanggang 4:00AM para sa mga may edad 18-pababa.

Samantala, bilang Simbahang nakikiisa sa kahalagahan ng buhay at kumikilala sa bawat taong kawangis ni Hesus, nakiisa naman ang Parokya ng Naic sa panawagan ng Manila Archdiocese. Mula rin kagabi, 8:00PM, malungkot ang may limang minutong pagpapatunog ng kampana sa simbahan ng Naic. Ito naman ay pag-alaala umano sa libu-libong namatay sa madugong pambansang kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga.

 

 

 

Typhoon Maring swamps Naic

Setyembre 12, 2017 (Martes). Bagyong Maring. Lubog sa baha ang ilang bahagi ng Naic dahil sa walang tigil na pananalasa ng bagyong Maring.

21742360_1524783424283219_1270688789_o

Bandang alas-diyes kagabi nang magsimulang bumuhos ang malakas na ulan dulot ng bagyo. Nagpatuloy ito at higit pang lumakas pa-hatinggabi hanggang sa madaling araw. Sinabayan ang ulan ng pagkukulog at pagkikidlat.

Isinailalim ng Pagasa ang Cavite sa signal number 1 na nananatiling nakataas hanggang ngayong hapon. Alas-dos nang hapon ay nagbabala rin ang Pagasa tungkol sa malakas na pag-uulan. Itinaas ang Orange Warning Level sa Cavite na nangangahulugang mapanganib ang pagbabahang maaaring maranasan.

Samantala, sa mga unang oras pa lamang ng malakas na pag-uulan ay kaagad nang binaha ang maraming lugar sa Naic, partikular ang mga baryong kostal, lalo na sa Labac, hanggang Mabulo, Bancaan, at Bucana Malaki. Sa kasagsagan ng malalakas na ulan ay umaapaw ang mga daluyan maging sa Poblasyon na nagpapataas ng tubig sa mga daan.

Napuyat naman ang maraming taga-tabing ilog na nagmamatyag dahil din sa pagtaas ng nagngangalit na tubig. Pumantay na sa riprap at breakwater ang mga tubig sa Saluysoy maging sa Sapa. Kapuna-puna rin ang napakaraming basurang inanod ng baha at ilog. Sa kasagsagan ng pagbabaha, matutunghayang itinutulak na ang ilang traysikel sa Bancaan, at may ilan pang mga batang nagtatampisaw at naliligo sa baha.

Ipinagpapasalamat naman ng ilan, gaya sa Munting Mapino, na walang malakas na hanging naramdaman mula sa bagyo.

Bandang 12:45AM nang suspindihin ng Kapitolyo ang pasok ng mga mag-aaral sa buong lalawigan. Bago mag-8:00AM ay sinuspindi na rin ng Kapitolyo ang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan sa lalawigan, maliban sa mga naglilingkod sa mahahalagang sangay kung panahon ng sakuna. Halos kasabay nito ay sinuspindi na rin ng Malakanyang ang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan, sa Gitnang Luzon, Metro Manila, at Timog Katagalugan.

Sa kabila nito, may ilang taga-Naic na nagtatrabaho sa mga pribadong kompanya ang kinailangang pumasok o di kaya ay huli nang naabisuhan na suspindido rin ang trabaho. Kaugnay nito, naranasan nila ang mas matinding pagbabaha sa ilang bahagi ng probinsya, gaya sa Kawit, Noveleta, at Bacoor. Ang mga taga-Naic na nag-aaral at nagtatrabaho sa Kamaynilaan, ininda rin ang pagbabaha sa lungsod. Sarado naman ang Cavitex kung kaya kinailangan pang lumigoy sa mas malayong ruta ang mga nagparoot’ parito sa Naic-Maynila.

Sa kasalukuyan, pasado 6:00PM, ay mahina na ang ulan, at unti-unti na ring humuhupa ang baha sa mga baryong kostal.

Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Naic

Panimula

Maituturing na mapalad ang Naic sa pagkakaroon nito ng mayamang batis pangkasaysayan na nagsisilbing batayan upang balikan ang mga pinagdaanan ng bayan. Ang karanasan ng Naic noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay pinatingkad ng ilang naitagong sulatin at dokumento gaya niyaong kay G. Elias Manlapaz at ilang taga-Naic na miyembro ng USAFFE o United States Armed Forces in the Far East. Inihabi rin ang mga pangyayaring lokal sa karanasan ng rehiyon at bansa upang matunghayan naman ang karanasan ng Naic sa mas malawak na pananaw. Inihanda rin upang ilahad hanggang sa mga susunod pang salinlahi ang kwento ng bayan sa pagsasa-aklat ng kasaysayan nito, kung saan isang kabanatang tinalakay ang panahon ng Hapon.

ww2

Isang tagpo sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (internet photo).

Kaugnay ng mga nabanggit, marami pa ring natatagong karanasan ang bayan noong panahong iyon ng digmaan. Kasabay ng pagtanda at pagkamatay ng maraming mga saksi at nakaranas, patuloy na ring nababaon sa limot ang kanilang mga kwento. Upang mapagyaman pa ang talang kasaysayan, tinangkang siyasatin ng ilang mag-aaral ng Cavite State University Naic ang mga nalalabing kwento ng Naic noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ang unang bahagi, “Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Naic,” ay halaw sa nasusulat nang aklat-pangkasaysayan ng bayan. Inilahad ito upang isalarawan ang tagpong ginalawan ng mga karaniwang mamamayan noon na kinapanayam ngayon ng mga mag-aaral. Matutunghayan naman sa mga susunod na bahagi nitong sulatin ang panibagong hibla ng kasaysayan, mula sa ma-agham na pagsusuri sa mga kwento ng mahigit sa dalawampung (20) nakapanayam.

Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Naic

Ilang linggo mula nang salakayin ng mga Hapones ang Maynila, narating nila ang Naic noong Enero 1942. Bago ito, kaagad ipinag-utos ng noon ay mayor ng Naic na si Emilio Arenas na lisanin ng mga mamamayan ang bayan. Tumalima ang mga taga-Naic at nagtago sa mas mga liblib na lugar, hanggang sa Maragondon, Tanza, at Indang.

Ginawang istasyon ng mga Hapones ang Naic Elementary School kung kaya ito ang naging pangunahing target ng mga hukbong Amerikano-Pilipino na nasa Korehidor. Natunghayan ng Naic ang digmaang saklaw ang himpapawid sa pamamagitan ng mga lumilipad at bumabagsak na bala ng kanyon sa bayan. May mga pagkakataong ilang eroplanong pandigma rin ang natunghayan sa kasagsagan ng mga labanan. Wasak na wasak ang simbahan maliban sa altar nito. Sinira rin ng mga Hapones ang Tulay ng Kumbento na nagdurugtong sa San Roque at Malainen Bago.

Ang mga pananalakay na ito ng mga Hapones ay ilan lamang sa nagbunsod sa mga taga-Naic upang bumuo at palakasin ang isang kilusang gerilya. Nagkaisa ang ilang opisyal at mamamayan ng Naic para sa isang armadong samahan na lalaban sa mga Hapones. Sa tulong ng ilang kilalang pamilya sa Naic, napondohan ang ilang pangangailangan ng kilusan, gaya na lamang ng pagkakaroon ng mga armas.

Upang masugpo ang paglaganap ng kilusang gerilya, sinuyod ng mga Hapones ang buong Naic at siksikang ikinulong ang mga kalalakihang may edad 18 hanggang 50. Umabot sa walong araw ang pagsosona bago ito tuluyang inihinto, dahil na rin sa pagsuko ng may 40 armas ng mga taga-Naic.

Hindi napigil ang paglakas ng kilusang gerilya sa Naic kasunod na rin ng kautusan ni Mayor Arenas na ang lahat ng lalaking may kakayahang lumaban ay kailangang lumahok sa gerilyang lokal. Umabot sa 1,000 ang nagpalista sa kilusan at nagpatuloy ang pagpapalakas sa armas ng samahan. Tinawag ang kilusan bilang Taparan Unit, mula sa Tenyete Koronel nitong si Esteban Taparan. Hanggang 1945, naging madugo ang labanang kinaharap ng mga taga-Naic laban sa mga Hapones, bago tuluyang nakamtan ang liberasyon.

Ang Pamumuhay Noong Dekada ‘40

Pinakamatatag at matayog nang istrukturang maituturing noon ang simbahan ng Naic. Sa Poblasyon ay matutunghayan ang bahay ng mga prominenteng pamilya. Bagaman hindi pa sementado ang buong kabayanan, buhay na ang transportasyon sa lupa sa pamamagitan ng mga kalesa.

Habang nasa Poblasyon ang tahanan ng mga kilalang pamilya ng Naic, ang mga karaniwang mamamayan naman ay nasa mga liblib na baryo ng bayan. Dahil sa pagsasaka at pangingisda ang pangunahing kabuhayan, maraming pamilya ang mga nasa aplaya o kaya ay kakahuyan. Inilalarawang gubat ang mga baryo noon ng Timalan, Munting Mapino, hanggang Bucana at Labac. Karaniwan umanong nakatanim sa mga tabing-dagat ang mga puno ng aroma at sinegwelas. Gubat na gubat din umano hanggang sa matataas na bahagi, gaya sa Halang at Palangue. Nananatili namang palayan ang kapatagan gaya sa mga baryo ng Muzon, Makina, at Malainen. Layu-layo rin ang tayo ng mga bahay noon.

Payak din ang maraming bahay na matutunghayan sa mga baryo. Taliwas sa bahay na bato ng ilang taga-Poblasyon, yari sa pawid at kawayan naman ang mga kubo ng mga karaniwang mamamayan. Naglalaba ang mga tao noon sa ilog, pati na sa isang talon sa Sapa. Ilan sa mga larong pambata noon ay supo ng kasoy, supo ng pitsa, tumbang preso, at sipang lata.

Mahirap ang pamumuhay ng mga taga-baryo na kumikita lamang ng maliit sa pangingisda at pagtatanim. May ilan na ring nagpo-proseso ng isda gaya ng pagtutuyo at pagdadaing. Napakadalang naman ng nakapagpapagamot sa doktor kung may sakit, at marami ang namamatay na hindi na nakakapagpa-ospital.

Pangambang Hatid ng Digmaan

Itinuturing na payapa ang pamumuhay sa Naic bago dumating ang mga Hapones. Gayunman, umiral na ang pangamba at takot nang magsimula ang labanan sa pag-itan ng Hapones at ng pwersang Amerikano-Pilipino.

Ilang pamilya ang hindi na nabuong muli matapos dukutin ng mga Hapones ang ilan sa kanilang mga miyembro. Pinaniniwalaang pinaghinalaan o natuklasang tagasuporta ng kilusang gerilya ang marami sa mga dinakip. Kaugnay nito, kaba ang umiiral sa mga taga-Naic tuwing kakatukin ng mga Hapones ang kani-kanilang mga bahay upang magsiyasat.

Kitang-kita ng maraming taga-Naic kung papaano bumabagsak sa bayan ang bala ng mga kanyong nagmumula sa Korehidor. Mula iyon sa mga Amerikano-Pilipinong layong pulbusin ang mga Hapones na nagkukuta sa Naic Elementary School. Sa mga panahon iyon, namayani ang takot lalo at hindi tinatamaan ng kanyon ang mga pakay nito. Sa mga maling bagsak ng bala ng kanyon ay nagiba ang simbahan, at ilang puno sa mga kakahuyan ang nabuwal.

Modernong anyo ng digmaan ang natunghayan ng Naic matapos lumitaw sa himpapawid ang mga eroplanong pagdigma ng mga Amerikano. Naglalaglag ng bomba ang mga eroplano sa iba’t ibang dako ng lalawigan.

Hindi rin malilimutan ng maraming taga-Naic ang pagsosona sa buong bayan. Ipinag-alala ng bawat pamilya ang kalagayan ng kanilang mga ama, kuya at kamag-anak na ikinulong ng mga Hapones. Umabot din sa Naic ang kwento tungkol sa panununog ng mga Hapones sa bayan ng Ternate.

Bunsod ng takot na saktan o patayin, at bilang pagtalima sa nais ng mga Hapones, sinasaluduhan ng mga taga-Naic ang mga nasasalubong na Hapones. Itinuturing ng mga Hapones na kawalang-galang ang hindi pagsaludo sa kanila.

Sa tindi ng takot na idinulot ng pananakop at digmaan, isang taga-Naic ang noon ay namatay matapos atakihin sa puso. Sumidhi pa ang kahirapan at marami ang hindi na nakapagpatuloy pa sa pag-aaral.

Pagtatago at Pag-iwas sa Digmaan

Tuwing magsisimula ang putukan at kanyunan, agad nang nagtatago para sa kani-kanilang buhay ang maraming taga-Naic. Halos may kani-kanyang taguang hukay na sa bukid ang bawat pamilya sa baryo. Isang halimbawa ng taguan ay hukay sa lupang binubungan ng yero. Ang yero ay tinatabunan ng lupa at mga damo upang hindi maging kapansin-pansin sa mga Hapones. Ang ilan naman, minamabuti nang magtago sa mga yungib sa Ternate at Maragondon.

Samantala, tuwing oras ng digmaan, matutunghayan ang yapak na mga taga-Naic habang nagtatakbuhan patungo sa mga mapagtataguan; akay-akay ang matatandang pilit itinatawid palayo sa labanan; at takip-takip ang bibig ng mga sanggol na umiiyak upang hindi makalikha ng ingay na maaaring marinig ng mga kalaban. Kung nagkakabiglaang may dumarating na mga Hapones, napapakubli o napapadapa na lamang sa damuhan ang mga taga-Naic.

Higit naman ang hirap sa pagtatago tuwing sasapit ang gabi. Walang kuryente noon sa Naic at mapanganib ang paglikha ng apoy. Hangga’t maaari ay iniiwasan ng mga taga-Naic na magsindi ng mga ilawan dahil maaari silang matunton ng mga Hapones. Langis ng niyog at retaso lamang ang nagsisilbing ilawan kung kinakailangan. Agad namang sinasakluban ng timba o balde ang ilawan sakaling papatayin na ito dahil maaari ring matunton ng mga Hapones ang usok na nagmumula sa ilawan. Gayundin kung magluluto. Hinaharangan ang mga apoy ng lutuan at pinalilibutan ng mga basang damit o sako ang lutuan upang kumapit na sa basa ang nalilikhang usok ng apoy. Sa mga naninirahan sa baybayin, pinipili nilang matulog sa mga bangkang nakabara dahil hindi umano iyon madalas siyasatin ng mga Hapones.

Sa mga sandaling tumatagal ng ilang araw ang pagtatago, nagiging suliranin ang pagkain. Mapalad kung may mga ligaw na prutas o gulay sa bukid at gubat; kung wala naman ay magtitiis ng gutom ang mga nagkukubli. May mga pagkakataon pang lumalaganap ang sakit sa bayan gaya ng malarya. Pinalalala rin ang sakit at gutom ng talamak na nakawan ng mga alagang hayop sa bukid at palaisdaan, pati na ng mga aning gulay at palay.

Pagtatanggol sa Bayan

Ang mga pang-aapi at pananakit ng mga Hapon sa mga taga-Naic ay naging daan para sa ilang taga-Naic upang ipaglaban ang bayan. Gaya ng unang pagtalakay, lumahok ang maraming kalalakihan sa kilusang gerilya.

Ang mga bata at kababaihang hindi tuwirang nakalahok sa digmaan, nagpakita ng kabayanihan upang suportahan ang mga kalalakihan. Sa panahon ng pagsosona, ang mga bata at mga kababaihan ang naglakas-loob upang maghatid ng pagkain sa mga ibinilanggo. Patago silang maghahagis ng mga pagkain sa sabungang naging kulungan ng mga sinona. Ito ay sa kabila ng bantang maaari silang saktan o patayin ng mga Hapones.

Ang ilan pang kababaihan, nagsilbing nars nang pansamantalagang gawing pagamutan ang kumbento ng Naic. Ginamot sa kumbento ang mga sugatan sa digmaan. Ibinaon sa palibot ng simbahan ang mga namamatay.

Nang minsang maraming bangkay ng Hapones ang naanod sa pampang-Naic, ibinuhos ng taong bayan ang kanilang galit sa pamamagitan ng pamamato sa mga Hapones. Nang papahupa na ang digmaan, isang Hapones naman ang natagpuang nagtatago sa maisang nasa ibaba ng sementeryo sa Sapa. Ilang taga-Naic ang humuli sa kanya at pinagtulungan siyang patayin.

 

Local government reschedules activities for 226th Naic Foundation Day due to fire

Abril 27, 2017 (Huwebes). Dahil sa malaking sunog na nangyari sa poblasyon kahapon (Basahin ang detalye: “Fire razes iconic houses, business establishments in Naic“), nagkaroon ng pagbabago sa naunang iskedyul ng mga pagdiriwang para sa ika-226 na taong pagkakatatag ng Naic.

apoy2

Kuha matapos ang sunog na nangyari sa poblasyon ng Naic, Abril 26, 2017. Larawang mula kay Art Chester John Awa.

Ayon sa liham ni Mayor Junio Dualan na ipinakalat sa bayan, “dahil sa hindi inaasahang pangyayari, ang katatapos na sunog na naganap sa Bayan ng Naic, ikinalulungkot po naming ipa-alam sa inyo na ang mga activities ng 226th Naic Foundation Day na dapat ay isagawa mula Abril 28 – Mayo 1, 2017 ay magkakaroon ng pagbabago sa schedule.”

Nawala na ang mga pagdiriwang na gaganapin sana bukas, Abril 28. Kabilang dito ang paglulunsad ng parangal para sa “Natatanging Naicqueno” at Street Dancing Competition na inilipat na pareho sa Mayo 1. Ang bukas din sanang pagbubukas ng Naic Trade Fair at Basuraffle ay inilipat na sa Abril 29. Maging ang Sunduan Festival na gagawin sana sa Abril 29 ay inilipat na rin sa Mayo 1.

Sa bagong iskedyul, puno at sunud-sunod ang mga gawaing ilulunsad at iraraos sa bayan pagsapit ng Mayo 1, itinuturing na mismong Araw ng Naic. Magtitipon ang mga lalahok sa buong araw na gawain sa harap ng Bahay Pamahalaang Bayan, 5:30AM. Matapos ang maiksing programa, matutunghayan ang inaasahang mahabang parada mula munisipyo hanggang liwasang bayan sa poblasyon, 7:00AM. Matapos ang parada ay magkakaroon ng mas mahabang programa kung saan ilulunsad ang “Natatanging Naicqueno,” at Street Dancing Competition. Isasagawa ang Sunduan Festival, 3:00PM.

Walang pagbanggit sa sulat ni Mayor Dualan tungkol sa isang musical variety show na mayroon sana sa gabi ng Mayo 1, gaya ng nasa orihinal na iskedyul ng mga pagdiriwang. Ayon sa ilang source ng Naic Cavite Online, ang mga gagastusin sana umano sa panggabing palatuntunan ay ipamamahagi na lamang bilang tulong sa mga nasunugan.

Sa pagwawakas ng liham, sinasabing “kung may mga katanungan po kayo tungkol sa mga pagbabago, maaari po kayong tumawag sa telepono bilang 09176358526.” Umaasa rin umano ang pamahalaang lokal sa pag-ugnawa ng bayan.