1990 Naic public market fire

Enero 10, 1990 (Miyerkules). Inilalarawang payapa na ang kabayanang Naic habang marami na ang nasa kani-kanilang tahanan. Walang kaginsa-ginsa, pasado ika-8 ng gabi, nabulabog at nagkagulo sa Poblacion matapos sumiklab ang hiyawan, “Nasusunog ang palengke!”

Noon din ay nagkani-kanyang panakbuhan ang nabiglaanang mga Naicqueño. Bagaman marami na ang nakapagsara ng mga tindahan sa pamilihan, pilit pa rin namang pinasok ng ilang taga-palengke ang kanilang mga pwesto para sa anumang paninda at gamit na masasagip.

Ang mga naninirahan sa palibot ng palengke, partikular ang mga taga-Balsahan at taga-Kanluran, ay nagsipagbalutan ng mga gamit at kung hindi man lumikas sa malalayong baranggay, ay dinala ang mga gamit at sarili sa mga panulukan ng kani-kanilang lugar–lahat ay taliwas sa kinaroroonan ng mabilis na lumaki at tila nag-abot-ulap na lagablab.

Sinasabing tanaw hanggang Kawit, ang apoy na kumain sa buong palengke ay pilit na inapula ng mga bumbero mula sa halos lahat ng bayan ng Cavite. Nagdulot ng matinding trapiko ang sunog na ang mga papasok mula Ibayo ay kinailangan nang maglakad.

Mapalad mang walang nasawi, sinasabi naman sa tala ng pamahalaang lokal na tinupok ng sunog ang humigit-kumulang 132, 000 pisong halaga ng ari-arian—malaking halaga na noong 1990. Bukod sa pamilihan, nadamay sa sunog ang tahanan ng ilan sa mga prominenteng mamamayan ng Naic na nakatira sa tabi nito: tahanan ng mga pamilya Torres, Dy, Velasco, at Unas.

***

Tagpo sa plaza ng Naic matapos masunog ang palengke ng Naic noong 1990.

Tagpo sa plaza ng Naic matapos masunog ang palengke ng Naic noong 1990.

Maraming naging usapin ukol sa pinagmulan ng sunog. Isa sa pinaka-kinikilala at pinaniniwalaan ng marami ay ang sabing nagmula ito sa pagdiklap o pagsabog ng isang refrigerator sa isang tindahan sa palengke. Gayunman, hindi nawala ang mga haka-hakang sinadya, para sa kung anumang dahilan, ang pagkakasunog ng pamilihan.

***

Ang nasunog na pamilihang bayan sa Poblasyon noong 1990 (itaas), at ang kasalukuyang kalagayan nito bilang terminal ng mga traysikel (ibaba).

Ang nasunog na pamilihang bayan sa Poblasyon noong 1990 (itaas), at ang kasalukuyang kalagayan nito bilang terminal ng mga traysikel (ibaba).

Papasikat na ang araw, ika-11 ng Enero 1990 (Huwebes), kasabay ng ilang saglit na pag-ulan, tuluyan nang naapula ang apoy sa palengke. Kaugnay nito, sa tuluyang pagsikat ng araw, tumambad ang kinahinatnan ng pamilihan–nag-uling at naabo ang mga pwestong yari sa kahoy, nangitim ang lahat ng yari sa bato, nalukos ang nagsipagbagsakang mga yero, at sama-samang natupok ang mga paninda at pinagbilhan.

Hindi pinalampas ng sunog maging ang naghalerang kabahayan pababa sa malaking hagdan o “paso” ng Balsahan. Ang mga pamilyang nawalan ng tirahan ay inilikas at lumagi sa Mababang Paaralan ng Balsahan. Halos isang buwan din bago ang lahat sa kanila ay nakahanap ng mga bagong masisilungan.

Dahil sa nasabing sunog, matagal ding nawala sa sistema ang pamilihang Naic. Ang ilang nagtitinda ay naglipana sa kung saan-saang bahagi ng kabayanan—palibot ng nasunog na pamilihan, plaza at ABC Hall (Lovers’ Park). Laganap din ang tagpo ng maraming namumulot ng mga barya mula sa nasunog na palengke.

***

Hindi naman naihiwalay ang mga kwento ng misteryo at himala sa pagkakasunog ng palengke. Habang patuloy na kumakalat at lumalaki ang apoy, natatanging ang bahay nina Alberto “Elvie” Suzara ang naiwang hindi nasunog. Bagaman walang dudang dinidilaan na ng apoy ang naturang bahay, nanatili itong buo at walang anumang naging pinsala. Kinumpirma ni Suzara nitong Hunyo 2008 sa NCO na hindi siya umalis ng kanilang tahanan upang sambitin ang isang “bulong” habang nagaganap ang sunog sa palengke. Minana pa umano ni Suzara ang bulong na dapat sambitin kung may sunog. Magpasahanggang ngayon, nananatiling nakatindig ang tahanang kahoy ng mga Suzara sa tabi ng ilat sa kabayanan.

Tagpo sa nasunog na palengke ng Naic noong 1990.

Samantala, kumalat din ang mga usaping ang Birheng Maria, o sa iba ay ang Sto Niño, ay nasaksihan sa tuktok ng apoy, o sa ibabaw ng ulap, habang nasa kainitan ng sunog. Ang mga nalikhang imahe umano ang nagpahupa sa apoy.

***

Unang termino na ni Mayor Edwina Mendoza nang mabuo ang bagong palengke sa Ibayo Silangan. Mahigit 18 taon ang nakalipas, sinapit ng wet section building ng bagong palengke sa Ibayo Silangan ang sinapit ng lumang pamilihan sa kabayanan.

Taong 1956, naitala ang unang pagkasunog ng pamilihang Naic. Bagaman hindi kasinglaki ng huling dalawang sunog, ang pagka-abo ng payak na palengke noon ay nagdulot din ng halos kagayang karanasan.

2 thoughts on “1990 Naic public market fire

  1. Karanasan hindi ko malilimot mayron magandang nangyayari kapag lumalapit at tumatawag sa Diyos at sa patrona ng ating bayan ang Mahal na Birhen na Immaculada Concepcion.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s