Naic mourns passing of Pope John Paul II

Abril 10, 2005 (Linggo). Ngayong 2005, makailang ulit na na-ospital si Pope John Paul II. Sa likod nito, kagaya ng sambayanang Kristiyano sa buong mundo, patuloy ang Parokya ng Naic sa pananalangin para sa Santo Papa.

Si Pope John Paul II habang nakaburol (internet photo).

Sa nagdaang linggo bago ang pagpanaw ng Santo Papa, binantayan ng madla ang lagay niya sa pamamagitan ng mga balita sa pahayagan, radyo at telebisyon.

Ika-3 ng Abril, maaga pa ay lumaganap na sa Naic ang balita mula sa syudad ng Vaticano sa Italya, pumanaw na si Pope John Paul II. Sa bilis na dala ng teknolohiya, mabilis na nasaksihan sa cable television networks, pambansang mga istasyon ng radyo at telebisyon, at internet, kaagapay na rin ang cellphone at text messaging, ang mga pinakahuling balita sa pagpanaw ng Santo Papa (yumao siya ika-2 ng Abril, Sabado, sa oras na 9:37ng sa Vatican; o ika-3 ng Abril, Linggo,  sa oras na 3:37nu sa Pilipinas).

Ikinalungkot ng marami ang pagpanaw ng Santo Papa. Gayunman, ang pananalig na kapiling na niya ang Lumikha sa kalangitan ay ang siyang pumapayapa sa kalooban ng mga debotong Katoliko.

Samantala, ang ilan ay hindi naman naiwasang iugnay sa pagkamatay ni Pope John Paul II ang isang saglit na paglindol noong Linggo, naganap ilang minuto bago mag-ika-10nu. Sa pag-usad ng mga araw, sa ilan pang balitang lumabas, naging laman din ng usapan ang naganap na eklipse sa araw ng kapanganakan niya, at sa eklipseng magaganap sa araw ng kanyang libing.

Bilang pagpupugay, inilahad ng kura ng Parokya ng Naic, Fr. Nonilon Tibayan, ang ilang kaalaman sa buhay ni Pope John Paul II sa mga misa noong Linggo, kamamatay pa lamang ng huli. Kaugnay nito, naglagay rin ng larawan ng Santo Papa sa unahan ng simbahan, sa harap ng altar, na naaalayan ng bulaklak, at maaaring sulyapan at dasalan ng mga nagsisimba. Ang larawang ginamit ay may kasama pang pasada mula sa isinulat ng Santo Papa na “Evangelium Vitae,” higit na kilala bilang “The Gospel of Life” noong Marso 25, 1995.

Bahagi pa rin ng pagdadalamhati, alinsunod sa utos ni Pangulong Gloria Arroyo, ini-half-mast ang lahat ng bandila sa bayan–mga paaralan, tanggapan ng pamahalaan at iba pang lugar simula noong ika-4 ng Abril, Lunes, hanggang sa mailibing ang Santo Papa. Halos araw-araw ring nakibahagi ang bayan sa mga kaganapan sa tulong at sa piling ng media.

Ika-8 ng Abril, Biyernes, ika-4nh (oras sa Pilipinas), marami sa mga Naicqueño, kasama hindi lamang ang mga Pilipino, kundi ang bilyong tao sa buong mundo, ang tumutok sa telebisyon at radyo upang live na masaksihan ang mga kaganapan sa libing ng Santo Papa sa Vatican. Sa pamamagitan ng Vatican TV na inere ng mga pangunahing istasyon at cable televisions, nasaksihan at nakaisa ang sambayanang Naicqueño sa makasaysayan at banal na gawaing paglilibing sa Santo Papa.

Sa mga misa sa Parokya ng Naic ngayong araw, inawit ang pangunahing himno noong 1995 World Youth Day, “Tell the World of His Love.” Matatandaang ginanap noong 1995 sa Pilipinas ang World Youth Day, na maging sa Naic ay may ilang mga pagdiriwang. Ang pagpapatugtog at pag-awit ay isanagawa pagkakatapos ng misa, sa pamumuno na rin ni Fr. Tibayan. Kasunod nito, nag-alay rin ng panalangin at palakpakan bilang pag-alala at pasasalamat kay Pope John Paul II.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s