Naic Christmas 2005

Bagaman malaki ang epektong dala ng naghihirap na ekonomiya ng bansa, sadyang tila mahirap nang ihawalay sa bayan ang paggunita at pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Paghahanda sa Pasko

Sa pag-unti ng mga christmas lights, sa pagbawas ng mga palamuting parol, marahil ay masasabing matamlay ang Pasko. Subalit, habang buhay na buhay ang usapan ukol sa paghihintay sa Kapaskuhan, hindi makatarungang sabihing nawawala ang diwa nito.

Patuloy ang mga tradisyunal na gawain sa bayan. Ang mga mag-aaral, partikular sa mga elementarya, ay idinaos ang kanilang taunang “Lantern Parade;” nagaganap pa rin ang mga karoling na hindi lang isinasagawa ng mga bata, kundi maging ng mga binatilyo at dalagita, binata at dalaga, at maging nang may mga edad na; at siyempre, ang pag-iisip kung paano ba maidaraos at mapasasaya ang Pasko ay tandang hindi naglalaho ang kahulugan nito.

Bilang karagdagan, ang proyekto ng lokal na pamunuan ay nagbigay kulay rin sa pagsalubong sa Kapaskuhan. Nitong ika-14 ng Disyembre, binuksan ang isang munting baratilyo sa Ibayo Silangan, sa kasalukuyang terminal patungong Magallanes, Cavite. Tinawag itong “Tinagge sa Naic: Bargain na Mura pa,” na nasa ikalawang taon ngayon. Tatagal hanggang ika-16 ng Enero 2006 ang nasabing pamilihan.

Simbang Gabi

Ika-16 ng Diyembre, ika-apat nang umaga, sunud-sunod na ang kalembang ng kampana sa simbahan–ang kabayanan ay ginigising para sa kinaugaliang simbang gabi.

Hindi lamang sa parokya sa bayan, maging ang mga munting parokya sa mga bahaging rural ng Naic ay kaisa sa simbang gabi. Sa parokya sa Bancaan, higit na marami ang tao kung simbang gabi kumpara sa mga ordinaryong misa kapag Linggo.

Hindi rin nawawala ang mga puto-bumbong, bibingka at iba pang kakanin na ibinebenta sa ganitong panahon. Gaya sa mga nakararaan, may mga nagtayo ng pwesto sa labas ng simbahan upang magtinda ng mga nasabing pagkain. May mga nagbebenta rin sa kanilang sari-sariling lugar ng tirahan.

Pagsalubong sa Araw ng Pasko

Nakiisa ang panahon pagbungad ng linggong kahalera ng Pasko. Habang naging maulan ang fiesta at mga unang araw ng Disyembre, unti-unti namang umaliwalas ang kalangitan at walang makapipigil, naramdaman na ang tinatawag na “simoy ng Pasko.”

Sa mga araw gaya ng ika-22, 23, 24, 25, nasa ulat panahon na ang average ng pinakamababang temperatura sa Cavite ay nasa 22 digring Sentigrado–na sa mga ilang bahagi ng araw ay bumababa pa rito, habang 27 digring Sentigrado naman ang pinakamataas. Ito ang temperatura ng panahong bumabalot sa Cavite, at ito ang hanging sumisimoy sa bawat Naicqueño. Sa madaling sabi, walang makatatakas sa minsanang uri ng lamig, lalo kung gabi, ng simoy Paskong ito sa Naic.

Kamangha-mangha rin na kung ikukumpara sa nagdaang fiesta, taliwas ang nangyari ngayong Pasko sapagkat habang nalalapit ang bisperas at mismong Kapaskuhan, patuloy namang dumarami ang mga taong namimili sa palengke at ilang pamilihang establisyamento. May mga namimili para sa kanilang mga pang-noche buena at handa sa Pasko, mga pang-regalo, o gamit at damit na para rin sa Pasko. Kahit nasa ikawalo na nang gabi, buhay na buhay ang galaw ng mga traysikel at ilang sasakyan, higit ng mga tao sa mismong poblasyon o kabayanan. Punung-puno ang mga bilihan ng pagkain at iba pa–gaya ng Velamart, 7-11, Cakelines, mga panaderya. Sa katunayan, marahil ay sa antisipasyon sa laki ng pangangailangan, ang Goldilock’s ay nagtayo ng kubol o tent sa tabi ng 7-11 kung saan nagbebenta sila ng mga cake at mga brownies.

Bilang gawaing pang-simbahan naman, sa kabayanan, hindi mawawala ang Panawagan. Ito ang tradisyunal na paggunita sa kung paano isinilang si Kristo. Pasado ika-6 ng gabi, sa ilang bahay sa kabayanan, isinadula ng nag-Birheng Maria at Jose ang gaya sa Bibliyang paghahanap ng lugar kung saan maaaring isilang si Kristo. Ganap na ika-8 ng gabi, sa simbahan nagtapos ang Panawagan sa pamamagitan ng isang misa. Naroon ang ginaya at ginunita ring talang maliwanag, pati ang sabsabang kinasilangan ni Hesus. Punung-puno ang simbahan sa nasabing misa kung saan abot hanggang sa malaking pinto ang mga tao.

Sa pag-usad ng mga oras, sa ilang mga tahanan naman, may mga pamilyang nagdiwang din ng noche buena. Sama-sama ang magkakamag-anak, maging ang magkakaibigan, sa kani-kanilang kaparaanan.

Ang Pasko

Marami ang maaga pa lamang ay nagsipaghanda na tungo sa simbahan. Dito nila unang ginunita ang pagsilang ni Kristo bilang pagsalubong na rin sa araw ng Kapaskuhan.

Kapansin-pansin, ang mga bata ang silang pinakanagalak sa pagsusuot ng mga bago o magagara nilang damit, pagtanggap ng aginaldo at mga regalo mula sa kanilang mga magulang, ninong at ninong, mga kamag-anak at iba pang kaibigan.

Hindi naman paiiwan ang mga kabataan at matatanda na kung hindi man natuwa sa pagtanggap din ng mga regalo, ay taos puso namang nagalak sa kahit papaano ay pagbabahagi sa iba; o payak may malaking bagay, nakiisa sila sa siglang nagaganap sa paligid.

Dahil masasabing araw na rin ng lahat, kahit saan magpunta ay makikita ang maaliwalas at masiglang galaw ng mga tao. Marami ang nagtutungo sa kanilang mga ninong at ninang upang magmano at tumanggap ng regalo, na kung minsan ay sila ring naghahandog sa mga huling nabanggit. Hindi rin naman mawawala ang mga tinatawag na “nagbabahay-bahay” o yaong hindi man kakilala ay pinupuntahan upang makahingi ng aginaldo.

Sapagkat hindi na rin naman nalalayo sa Bagong Taon, kabi-kabila na ring maririnig ang sabog, hindi ng mga tradisyunal na paputok (gaya ng pla-pla, labintador, at iba pa), kundi ng usung-uso ngayong uri ng kanyon–ang kanyong lata o PVC na kalimita’y de-gatilyo.

Bagaman hindi man tugma sa kabanalang mensahe ng Pasko, hindi maikakailang mayroon ding mga nag-iinuman at nagsusugal na nakaragdag din sa malawakang kilos na nagaganap sa halos lahat ng sulok ng Naic.

Habang nagkaroon na ng isang party at patimpalak sa sayawan noong ika-23 ng gabi sa covered court sa bayan, marami pa rin ang nagkaroon ng mga pagtitipun-tipon. Sa Palangue II, kinagabihan ng mismong araw ng Pasko ay nagkaroon ng party sa court ng baranggay. Dito dumalo ang ilang mga taga-San Roque, Halang, at iba pang karatig-baryo. Hindi rin maihihiwalay ang patuloy pang salu-salo sa mga bahay-bahay.

Habang kumakapit ang dilim, unti-unti ring nababawasan ang taong naglilibot sa mga kalye o kalsada, at nagbabahay-bahay. Tunay mang nakapapagod sa parte ng bawat isa, ang pag-iisip na nairaos ang Pasko nang may sigla at saya ay bumubuhay sa mabuting gawa ng pagmamahalan, pagsasalu-salo, pagtanggap, at pagbibigayan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s