New Year 2006

Bahagi na ng masiglang kultura sa Naic ang pagsalubong sa bagong taon. Kapuna-punang ang pagsalubong sa bagong taon ay isa sa mga pinaghahandaan ng mga Naicqueño.

Bagong taon, bagong pag-asa. Ito marahil ang dahilan kung bakit sa kabila ng paghihirap, pilit idinaraos ng maraming Naicqueño ang pagsalubong sa bagong taon. Sa hirap na dinanas nitong 2005, sinong hindi maghahangad sa masaganang 2006.

Maaga pa ng ika-31 ng Disyembre, siksikan na sa palengke. Punung-puno ng mga namimili na ayon sa isang ginang, “mababasag ang bibilhing itlog sa dami ng tao… siksikan!”

Sa ganitong panahon, nagiging napakabili ng mga prutas. Ayon sa ilan, maging ang mga milong berde pa ang kulay, nagmamahal ang presyo. Ang mga kastanyas, pinipilahan ng todo.

Samantala, ang pagkakaroon ng mga party at palaro sa mga compound ng angkan-angkan, o ‘di kaya ay ng mga kalye o baranggay ay pangkaraniwan sa Naic. May nagsasagawa nito bago ang mag-hatinggabi ng ika-31, o ‘di kaya ay sa araw na o kinagabihan ng ika-1 ng Enero. Sa mga ganito, nagkakaroon ng sayawan, kantahan, laro at iba pa.

Habang natatahimik naman ang bayan, bisperas pa rin ng bagong taon, bandang ika-3 hanggang ika-4 ng hapon, nagulantang ang Ibayo sa napakalakas at sunud-sunod na mga pagsabog. Halos dumagundong ang buong baranggay, at umabot ang mga pagsabog hanggang sa kabayanan at mga karatig-baryo. Mangyari, isang pwesto ng tindahan ng mga paputok, sa Daang Palengke–malapit sa PLDT, ang napaputukan ng kwitis at agad na nagsabugan ang mga paninda. Sugatan ang may-ari at dalawa pang bata.

Kasingbilis ng mga pagsabog ang bilis ng pagkalat ng balita. Hindi pa man natatapos ang tila bombang nagsasabugan, sinasabi na sa mga karatig-baranggay na nasusunog ang palengke. Dahil dito, nagkaroon ng bahagyang tensyon na napanatag din matapos malaman ang tunay na dahilan.

Samantala, hindi naiwasang magpanakbuhan at magkagulo ang mga tao malapit sa pinangyarihan ng mga pagsabog.

Muling umusad ang mga oras at hindi mapipigilan ang pagsapit ng bagong taon. Patuloy sa kainan ang maraming Naicqueño na masasabing siyang isang mukha ng bayan sa tuwing magbabagong taon.

Maliwanag pa man, manaka-naka nang maririnig ang mga putukang nagmumula sa iba’t ibang panig ng bayan. Hanggang sa sumapit na ang hatinggabi. Sa ganitong tagpo, nagsabay-sabay na ang putukan at mga pasabog. Malimit ang putok ng kwitis at ng mga bagong kanyong nauso. Inaasahan namang hindi magiging ‘sing-ingay ng mga nakaraang taon ang kasalukuyang pagsalubong sa bagong taon. Kapuna-punang hindi ganoong kakalat ang mga kalsada kumpara sa mga nakaraan na dala ng maraming paputok. Samantala, maidaragdag na hindi man ganoong karami, mas nagliwanag naman ang ulap ng langit dahil sa mga fireworks na pinakawalan ng ilang Naicqueño.

Sa gitna ng mga nasabing eksena, nagkamayan o nagbatian ang mga Naicqueño. Bawat magsabi ng “Happy New Year,” o “Bagong Taon na” ay may ngiti sa kanilang mga labi.

Bilang karagdagan, hindi nalimutan ng ilang manalangin sa Maykapal upang magpasalamat sa taong nagdaan at humingi ng gabay sa bagong taong haharapin. Samantala, bagaman mga Kristiyano, hindi maiiwasan ang ilang pamahiin ng mga Naicqueño pagsasapit ng ganitong panahon. Nakagugulat isipin na may mga pagkakataong halos bawat pamilya, iba-iba ng pamahiin at kinagawiang pinaniniwalaan; na iba pa sa ilang nasa ibang baranggay.

Sa kabuuan, makulay at maingay pa rin ang pagsalubong ng bayan sa 2006. Halos madapa man ang marami sa hirap ng 2005, buo pa rin ang pag-asa nilang sa 2006, higit silang magkakaroon ng mas maunlad at masaganang buhay.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s