Text messages trigger tsunami scare in coastal villages

Nobyembre 16, 2006. Hatinggabi nang magpanik ang mga taga-kostal na baranggay ng Naic. Ang dahilan ng panik at pag-akyat ng mga tao sa mas matataas na bahagi o lugar na dalawa hanggang tatlong kilometro ang layo, ay ang ‘di umano’y tsunaming hahampas at sisira sa baybayin ng bayan.

Ayon sa mga nagpasa-pasang mga kwento, Baranggay Mabulo ang pinagmulan ng “tsunami scare.” Isang text message ‘di umano na natanggap ng ilang taga-roon ang pinagmulan ng balitang kumalat sa mga taga-kostal. Kaugnay naman nito, ilang oras bago ang insidente sa Naic, tunay ngang nagpasa-pasa ang isang mensahe sa text na nag-aalerto sa lahat sa maaaring pagdating ng tsunami sa Pilipinas. Ayon pa sa mensahe, “let us all pray to G0D 2 guide us en stay away us frm any harm.. Phiv0cs ann0unced TSUNAMI alert #1 hr in d phil..aftr d earthquake hpen in Russia. May G0D bless us.PLZ PASS.”

Ang tila kuryenteng pagsasalin-salin at pagpapasa-pasa ng balita sa mga bahaging nayon at aplaya ng kostal, binulabog ang mga mamamayan. Naunang nagkagulo sa mga nayon, gaya sa Bucana Malaki at Bagong Kalsada–yaong bahagi ng mga pangunahing kalsada at bahayan ng mga baranggay–sanhi upang mag-alsa balutan ang marami. Patuloy naman ang pagpapasa-pasa ng balita, at patuloy ang pagpapadala ng text message sa ilan pang posibleng nananatili sa baybay-dagat.

Alas-tres naman na ng umaga, hindi pa rin nahihinto ang tsunami scare. Umabot na sa mga baranggay ng Bancaan at Labac ang balita. Halos nauubos na ang mga residente sa mga nasabing baranggay at nagsisipaglikasan sa takot na masama sa sinasabing dambuhalang mga alon. Halos lahat ng mula sa Labac, binagtas ang mahabang daan sa bukiring bahagi ng baranggay at nagsipaghantong sa Baranggay Muzon. Nanatili ang mga taga-Labac sa simbahan ng Muzon.

Ang mga taga-ibang baranggay sa kostal, kabayanan naman ang destinasyon. Habang nakuntento na sa sementeryong Everlasting Park sa Baranggay Sapa ang ilan, karamihan naman ay piniling manatili sa plaza ng bayan.

Malawak at masalimuot ang nangyaring pagpapanik sa kostal. Dahil sa may ilang natutulog nang saka pa lamang namamalayan ang nagaganap, sa mga oras na hindi lalampas mula hatinggabi hanggang alas-kwatro, saka pa lamang din sila nagsisipag-dalusan palikas ng tahanan. Sa katunayan, ang isang bahagi ng aplaya sa Bucana, alas-kwatro na nang abutin ng balita. Bagay na ayon sa ilan, kung totoo man daw na may tsunami, tiyak na nalamon na sila ng dagat.

***

Habang sariwa pa ang sinapit sa pananalanta ng bagyong Milenyo, matinding kaba at takot na naman ang idinulot ng panibagong banta ng kalikasan, ang tsunami. Tila trauma na sa paglaki ng tubig ang dinaranas ng mga taga-kostal. Kaya naman, ang kaganapang iyon ay nagbunga ng mga tagpong hindi dapat pakawalan sa talang kasaysayan.

Ang paglikas ng mga residente mula Labac, Mabulo, Bancaan at Bucana ay lumikha ng tagpong ni minsan ay hindi pa naranasan sa bayan. Para sa ilan, isang mahabang krusada ang padalos na paglakad ng mga tao, isang “field trip” naman ito sa paningin ng iba, habang mala-eksena naman sa pelikula para sa ilan.

Traysikel ang pinakamadaling paraan ng paglikas para sa mga taga-kostal. Subalit dahilan sa instink ng taong iligtas ang sarili, ang mga traysikel ay pinakinabangan ng mga may-aring pamilya, saka pa ang ilang kamag-anakan, at bago ang malalapit na kaibigan o kapitbahay. Madalang ‘di umano ang mga traysikel na nakuha pang pumasada.

Samantala, may mga patotoong kinaya ng isang traysikel ang sakay na mahigit sampu kagyat lamang makalikas sa lugar. Isang halimbawa: isa ang driver ng motor, isang bata sa kanyang harapan, dalawang nakaangkas sa kanyang tagiliran, dalawa ang nakasabit sa likuran ng sidecar, at apat sa loob ng sidecar.

May ilang dala ng matinding panik, agad-agarang nagsisipagsakayan sa iisang traysikel. Dahilan sa bigat, hindi pa man umuusad, tumataob na ang sasakyan.

Kaugnay pa ng mga nabanggit, dala ng pagkakaubos ng mga traysikel, kung saan wala na talagang masakyan, napilitan ang maraming idaan sa lakad ang paglisan. Dito naganap ang mala-prusisyong paglikas ng mga pamayanan. Ang ilang matatanda, sakay pa ng wheelchair. Ang ilang matatanda namang walang kaagapay, literal na usad-pagong ang dinanas sa paglakad makalayo lamang sa tabing-dagat.

Bukod sa mga pangunahing pinag-umpukan–plaza at simbahan sa Muzon–nagawa namang makituloy ng ilan sa mga kakilala at kamag-anak mula sa mga baranggay ng Naic malayo sa kostal.

Gayunman, higit lalong madali para sa may malalaking sasakyan ang paglikas. May mga ulat na lumikas ang ilang may sasakyang dala na rin ang mga pagkain at mga sako ng bigas. Ang ilan, nagpagasolina pa sa Petron sa Ibayo Silangan bago tuluyang nagpakalayo.

Kakaiba naman ang sa isang bahagi ng aplaya sa Bucana, kung saan isang van ang pag-aari ng pamilyang buntis ang madre de pamilya. Laking gulat ng mga may-ari ng van nang hindi pa man sila nakasasakay, nauna nang napuno ang sasakyan ng kanilang mga kapitbahay.

Matindi man ang emosyon sa mga apektadong residente, natatangi pa rin naman ang tagpong iyon sa ilan. Anila, hindi malilimutan ang kakaibang karanasang minsan ay bumulabog sa kanilang lugar. Sa katunayan, naging isang malaking isyu ng katatawanan naman sa mga taga-kostal ang pagbabalik-tanaw sa kani-kanilang naranasan.

***

Ang paghahawa-hawa ng emosyon, na siya ring gumagatong sa sariling apoy ng tsunami scare, ang maituturing na dahilan upang lumaki ang bilang ng mga residenteng lumikas.

Bagaman hindi kumpirmado ang kumalat na ulat tungkol sa tsunami, ang makitang umiiyak ang kapitbahay, na sinabayan ng panakbuhan sa iba’t ibang dako, na tatapunan pa ng mga sigaw na “Ayan na ang tubig,” at ‘di umano ay may sirenang wang-wang pang idinagdag, ang nagpa-alab sa silakbo ng kaganapan. Nag-impake ang ilan, maagap na lumikas ang iba kahit hindi na sinarhan ang mga tahanan, may mga ayaw mang lumisan ay napilitan na ring mapatiaanod sa daloy ng mga pangyayari, at may ilang yumakap na lamang sa mga puno ng niyog.

Isa na marahil sa maituturing na drama sa gitna ng insidente ay ang mga tagpo sa pag-itan ng mga magulang at mga batang anak. Sa maraming magkakahawig na insidente na ayaw pang lumisan ng magulang at pinauuna na ang anak, o kaya naman ay kinakailangang bumalik ng magulang sa tahanan at maiiwan sa pinaglikasan ang mga bata, luha at panaghoy ang namamayaning tugon ng mga anak. Ang dati-rati ay pilyong mga bata, sa puntong iyon, madaramang tila wakas na ng daigdig.

Iba naman ang eksena sa isang tahanan sa Bancaan kung saan nagkatipon ang ilang Born Again Christian. Sa gitna ng paglikas ng marami, sama-sama ang nasabing mga relihiyoso upang ipanalangin ang kaligtasan mula sa ‘di umano ay tsunaming darating.

***

Samantala, sa matinding pagpapanik ng marami, may ilang matibay ang paninindigan at paniniwalang walang tatamang tsunami. Ilan sa kanilang dahilan: iba ang iniulat sa balitang posibleng tatamaan ng tsunami; ang sa iba, tiyak na basag na ang malaking tubig bago pa ito dumating sa baybay-Naic dahil nahaharangan ang bayan ng iba pang isla.

Bukod sa mga naiwang may matibay na mga dahilan, hindi naman nakalikas ang ilan sa simpleng kadahilanan: mahimbing ang kanilang mga tulog at hindi namalayan ang kaguluhan sa kanilang pamayanan. Ang maraming ama naman ng tahanan, kusang nagpaiwan, na kung sakali man marahil ay tila nahahandang makipagsagupaan at para bagang may ilalaban sa hahampas na tubig-dagat.

Sa kalahatan, maliwanag na nasaid ang mga residente sa kahabaan ng aplaya, at halos maubus-ubos ang mga nasa nayon.

***

Bandang alas-singko na nang umaga nang magsipagbalikan ang marami sa kani-kanilang tahanan. Maliban sa liwanag na unti-unti nang sumisilay, halos walang pinagkaiba ang dami ng taong nagsisipaglakarang pauwi. Matinding paninikip sa daloy ng mga traysikel sa Tulay ng Saluysoy (Sapa-Kanluran) ang naganap nang sumabay ang mga tao sa pagdaan sa tulay. May ilang halos alas-siyete na bago tuluyang makarating sa kani-kanilang tahanan. Gayundin ang naging oras ng pagbabalik ng mga taga-Labac mula sa Muzon.

Bilang mahalagang karagdagan, may ilang ulat na may nawalan ng mga gamit sa bahay matapos nilang iwang bukas ang kanilang mga tahanan.

***

Mabilis na natunton ng ABS-CBN news team ang kaganapan sa Naic. Bandang alas-kwatro, dumating ang nasabing news team upang i-cover ang balita. Ayon sa ulat ng ABS-CBN sa TV Patrol World kinagabihan, at maging sa kanilang website (ABS-CBNNews.com), sila ang nag-kumpirma sa mga taga-Naic na walang tsunami–daan upang magsibalik ang mga nasa plaza sa kani-kanilang mga tahanan.

Tinutumbok sa ulat ng ABS-CBN na nagkulang ang pamahalaang lokal ng Naic sa nangyaring pagpapanik sa mga baryong kostal nito. Una, wala raw pagsasabing kanselado ang tsunaming naunang iniulat ng PHIVOLCS na posibleng tumama sa hilaga at silangang Luzon; at, hindi umano nabibigyan ng sapat na kaalaman ang mga taga-kostal ukol sa tsunami.

Batay sa pahayag ni Mayor Efren Nazareno sa ABS-CBN, kampante ang pamahalaang lokal at hindi dapat sisihin gayong hilaga at silangang Luzon ang inihayag ng PHIVOLCS na maaaring tamaan ng tsunami, samantalang nasa kanlurang bahagi naman ng Luzon ang Naic.

Ito rin ang ilustrasyong inilabas sa TV Patrol World sang-ayon sa pagkumpirma ng PHIVOLCS sa usapin–na hilaga at silangang Luzon ang nagkaroon ng banta, at nasa kanlurang panig ang Naic. Samantala, sa positibong pagtingin ay sinabi ng PHIVOLCS na mabuti ang naganap sa Naic sapagkat pinapakita nitong gising at alerto ang mga tao sa kostal, na ang dapat tugunan lamang, ay ang sapat at wastong pagpapakalat ng kaalaman ukol sa tsunami.

Ayon pa sa ABS-CBN, nagbalik na sa normal ang takbo ng pamumuhay sa kostal ng Naic matapos makabalik ang mga residente. Pinatunayan ito nang pumalaot na ang mga mangingisda at nagpatuloy ang kinasanayan ng mga taga-kostal matapos ang pagpapanik. Nanatili naman ang mga kwentuhang puro tungkol sa tsunami scare ang paksa.

***

Makatutulong ilahok sa saysaying ito ang maituturong mga ugat ng kaganapan. Bukod sa bagyong Milenyo na tila nagbigay ng trauma sa pagtaas ng tubig, tunay naman ngang naramdaman sa Naic ang isang lindol bandang ika-siyam ng umaga noong Nobyembre 14, o dalawang araw bago ang tsunami scare. Maitatayang hindi lalayo sa intensity 3 ang naramdamang pagyanig sa Naic. Bukod dito, sinasang-ayunan ng maraming mga mangingisda at taga-aplaya ang hindi pangkaraniwang pagbaba ng tubig mula sa pampang–hindi umano pangkaraniwan para sa simpleng low tide. Ang pagyanig ng lupa, maging ang labis na babang tubig sa low tide ang mga katangiang pang-kalikasang nakakumbinsi sa mga mamamayan upang lumikas.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s