Naic celebrates Christmas 2006

Halos patapos na ang Nobyembre nang magsimula ang kinagawiang karoling sa bayan ng Naic (mga bata, kabataan, grupo, samahan). Kapansin-pansing tila huli na kung ikukumpara ito sa nakalilipas na mga taon na Oktubre pa lamang ay nagsisimula na ang nasabing kinagawian. Bukod sa karoling, kapuna-puna rin ang higit na pagbawas ng mga christmas lights sa iba’t ibang bahagi ng Naic. Ang lahat ng ito, bunga ‘di umano ng pahirap nang pahirap na pamumuhay at pataas nang pataas na gastusin (i.e. kuryente sa puntong ito).

Gayunman, masasabing walang nakapipigil sa paghahanda ng bayan sa pagpasok ng Pasko. Habang kabalikat na ng paghahanda sa Pasko ang nauunang pagdiriwang ng pistang-bayan, ang ilang baranggay, gaya ng Ibayo Silangan, Capt. Nazareno at Santulan, ay pinag-isa na ang gayak na magsisilbing banderitas at christmas lights at parol sa kani-kanilang lugar.

Muling nabuhay ang masiglang galaw sa plaza nang ibalik ang tianggian o baratilyo sa mismong liwasan. Ilang araw matapos ang baratilyo para sa fiesta, ibinalik ang nasabing baratilyo noong ika-14 ng Disyembre. Sa pagkakataong ito, mas siksik at mas marami ang mga panindang inilatag sa bawat kubol o pwesto. Halos hindi magkamayaw ang maraming Naicqueño, na kapwa nagmula sa kabayanan at mga baryo, upang tumingin at mamili sa baratilyo. Halos iisa ang sinasabi ng marami, “nakatutuwang mag-ikot o mamili sa baratilyo.” May mga paninda gaya ng gamit sa bahay (kusina, dekorasyon, iba pang kasangkapan), mga damit, laruan at kung anu-ano pa. Samantala, aabutin pa ng Enero ang baratilyo sa plaza.

Halos kabi-kabila na rin ang tradisyunal na Lantern Parade ng mga elementarya, pati na ang mga Christmas party sa iba’t ibang antas ng paaralan, establisyamento, organisasyon at iba’t iba pang samahan.

Sa patuloy na paglapit ng Pasko, dumarami na rin ang mga namimili ng mga kasuotan nila, o kaya naman ay mga pangregalo. Bukod sa palengke sa Ibayo Silangan at baratilyo sa kabayanan, at ilang malalaking pamilihan sa bayan, may mga dumayo pa sa ilang mga malls (sa Dasmariñas at Bacoor), hanggang sa Kamaynilaan.

***

Kaugnay na rin ng maagang pagsisimula ng Pasko ay ang kinagawiang gawaing banal–ang Simbang Gabi. Kasabay ng malamig na simoy ng hangin kung Disyembre, maging ng itinayong mga pwesto ng puto bumbong, bibingka at gotohan sa tapat ng CCA; nagsimula ang Simbang Gabi noong ika-16 na dinagsa ng mga Naicqueño. Ganito rin ang tagpo sa mga parokya sa mga baryong Naic gaya ng Bancaan.

Sa siyam na araw ng Simbang Gabi, pinagnilayan sa mga homilya sa parokya ng bayan ang kaayusan at kalagayan ng kalikasan. Ini-ugnay ang kalikasan sa sangkatauhan, partikular sa mga Pilipino. Tinalakay ang mga elemento ng kalikasan: hangin, lupa, tubig at apoy, na dinagdagan pa ng elemento ng pag-ibig. Sa pinakahuling araw ng simbang gabi, inilahad ang ilang suhestiyon kung paano maliligtas at mapananatili ang kaayusan ng kalikasan. Ilan sa mga inilahad ang paghihiwalay ng mga basurang nabubulok sa ‘di nabubulok, pagre-recycle, pagtatanim ng punongkahoy minsan man lang sa talambuhay ng isang tao, at tahasang pagtalikod sa mga ‘di umano ay hindi makakalikasang food chains gaya na lamang ng Mc Donald’s.

***

Ika-6 nang gabi, ika-24, isinagawa ang tradisyunal na Panawagan sa bayan. Ika-8 naman nang idaos ang Banal na Misa na tumalakay sa pagsilang kay Kristo. Muli, nagkatipon para sa Banal na Misa ang mga Naicqueño, hindi lamang sa mismong parokya ng bayan, kundi maging sa ilang baryo, gaya na rin sa Sabang.

Matiyagang naghintay ang ilang pamilya sa pagsalubong sa araw ng Kapaskuhan. Sa katunayan, sa noche buena ay nagsalu-salo ang marami, habang ang mga hindi na nakapaghanda sa samu’t saring kadahilanan ay nakuntento naman sa kani-kanilang kaparaanan.

May kung anong ngiti na sa labi ng bawat isa tuwing sinasabi ang “Merry Christmas.” Maging ang hindi mga Romano Katoliko ay nakikiisa sa pagdiriwang ng Kapaskuhan. Bukod sa napaaga nang mga pagbati sa de-koreyong sulat at email, may nagtatawagan na sa telepono, at ang pinakamabilis at popular ngayong midyum ng komunikasyon, ang pagbati ng maligayang Pasko sa pamamagitan ng text.

***

Ika-25, mismong araw ng Pasko. Patuloy na dinudumog ang simbahan para sa mga misang idinaraos. Nagkaroon ng Banal na Pagdiriwang ng ika-6 at ika-8 ng umaga.

Samantala, suot ang kung hindi man bago, ay pinakamaaayos na damit, napakarami nang mga bata ang nagpaparoo’t parito sa iba’t ibang kalsada sa bayan. Ang iba ay kasama ang mga magulang, ang ilan naman ay ang mga kaibigan, sinasadya ng mga bata ang kani-kanilang mga ninong at ninang, ilang kakilala, at kamag-anak upang magmano at tumanggap ng aginaldo.

Hindi rin nawala maging ang ilang kabataan at matatandang nagbabahay-bahay upang mamasko. Ang ilan pa, bara-baranggay ang dinarayo sa panghihingi ng aginaldo. Nakararating sa mga kabahayan sa kabayanan ang mga mula sa Labac, Bucana Sasahan, Palangue at San Roque. Habang ang ilan sa kabayanan ay umaabot din sa mga karatig pang baryo.

Patanghali na nang unti-unting humupa ang dami ng mga namamasko. Pahapon naman nang magsimulang puminaw ang mga ito. Tanda ng esensya ng Kapaskuhan, bagaman naririnig sa mga nagpapapasko ang usapan ukol sa dami ng kanilang mga naipamigay, ang halaga ng kanilang nagastos, ang bilang ng mga namasko, hindi nawawala sa usapan ang anila ay saya tuwing nakapagbibigay sila.

Kaugnay ng ilang natalakay, may mga ilang kwento ring itinuturing na bahagi nitong kasaysayang lokal. Gaya na lamang ng istorya ng ilang mga elitistang Naicqueño na sinasadyang gugulin muna ang Kapaskuhan sa ilang hotel o aliwan, na ayon sa ilan ay upang makaiwas sa buhos ng taong namamasko kung Kapaskuhan. Samantala, para sa ilang Naicqueñong mayayaman, ito ay sadyang kaparaanan lamang upang kanilang ipagdiwang ang Kapaskuhan.

Maisasama ring sa kasagsagan ng dami ng tao, hindi naiwasan ang mga aksidente gaya na lamang ng isang batang nabangga ng traysikel sa Ibayo Estacion. Ayon sa ulat, ligtas naman ang bata na kasama ang ina nang maaksidente.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s