Naic welcomes 2007

Upang magabayan ang NAIC ONLINE kung papaano ilalarawan ang pagsalubong ng bayan sa taong 2007, isang payak na survey sa text ang isinagawa. Sa pagtatanong gamit ang cellphone, lumabas na ang lahat sa pitong sumagot ay nagsasabing higit na naging maingay ang pagsalubong ng Naic sa 2006 kumpara ngayong 2007; halos lahat–maliban sa isa–ang nagsabing mas makulay (literal) rin ang pagsalubong sa nakaraang taon kumpara sa ngayon; at marami pa rin ang nagsabi–taliwas sa dalawa–na higit na mas maraming paputok noong 2006 kumpara sa kasalukuyan. Sa nasabing survey, dalawa ang mula sa Bancaan, at tig-iisa naman sa Bucana Malaki, Zamora, Munting Mapino, Luna, at Sabang.

Samantala, sa puntong ito at sa mga pag-usad ng pagtalakay, ilalahok na rin ang paglalarawan gamit ang mata ng NAIC ONLINE, na nabigyang linaw sa tulong ng pagmamasid, pangungumusta, at pakikipagkwentuhan sa marami pang Naicqueño sa iba’t ibang bahagi ng bayan.

Ang kanyon, o PVC boga

Sang-ayon sa naunang pahayag, kapuna-punang halos wala masyadong nagpapaputok bago pa sumapit ang mismong selebrasyon ng bagong taon. Sa tatlong taong pagtatala ng NAIC ONLINE ukol sa mga pagsalubong ng bayan sa bagong taon, tila patuloy sa pagbaba ang sigla kung ibabatay sa dami ng paputok ang usapin. Sa nakaraang taon, dahilan ang pagka-uso ng PVC o latang kanyon (na ngayon ay tinatawag na PVC boga) sa pag-unti ng mga gumagamit ng binibiling paputok. Gayunman, tila nagkakasundo ang 2006 at 2007 kung kalagayang pang-ekonomiya ang sisilipin–nagtitipid o ‘di kaya ay sadyang walang pambili ang marami. Maidaragdag pa ang katotohanang dama pa rin ng ilang Naicqueño ang sinapit sa bagyong Milenyo at mga bagyong sumusog sa nauna.

Upang palawigin ang nabanggit, mahihinuhang naging maingay ang 2006 sa tulong ng bagu-bagong usong boga noon. Naging kontrobersyal ang boga sa kasalukuyan matapos makapagtala ang DOH ng maraming kaso ng pagkasugat bunga ng nasabing paputok.

Habang sa Cavite pa lamang laganap ang boga noong sasapit ang 2006, na hindi pa ganoong nabibigyang pansin ng pamahalaan ukol sa peligrong dala nito, naging bukas at maluwag ang bayan sa pagpapaputok gamit ang bagong kanyon; habang kumalat na sa maraming dako ng bansa, na nakapagtala pa ng maraming sakuna ang boga sa Kamaynilaan ngayong sasapit naman ang 2007, nagkaroon ng mga paghihigpit sa paggamit nito. Halos maging usaping nasyonal ang pagbabawal sa paggamit ng boga, na isang dahilan upang tuluyang ang inaasahang magpapa-ingay sa ngayon, ay mapigilan at masawata.

Habang tahasang ipinagbawal sa Kamaynilaan at sa iba pang panig ng bansa ang pagbebenta at/o paggamit ng boga, tila tahimik naman ang pamahalaang lokal sa usaping ito. Gayunman, may mga ulat na kinumpiska, ‘di umano, ng kapulisan ang mga boga sa ilang bahagi ng Naic; at may mga nagsasabing tahasan din ang pangungumpiska ng baranggay, ‘di umano, sa boga sa Bucana Sasahan.

Sa kabila nito, hindi pa rin napigilan ang ilang Naicqueño sa paglikha at pagpapaputok ng boga. Sa mga baryo gaya ng Labac, talamak pa rin ang boga na ang ilan ay gawa pa sa mga lata ng gatas (gaya ng Bona). Gayunman, higit na kaunti ang boga sa Naic ngayon kung ihahambing noong sasapit ang 2006 na saanmang dako ng bayan ay may boga.

Bilang karagdagan, kapuna-punang ang mumurahing piccolo ang siyang pangunahing paputok na kinasisiyahang bilhin, lalo ng mga kabataan, ngayon. Nasa isa at kalahating pulgada, ikinikiskis lamang sa mala-kiskisan ng posporo ang dulo ng piccolo upang pumutok. Ang ilan, lighter na ang pinangsisindi sa mala-ulo ng palito namang dulo ng piccolo. Kailangang maihagis ng mabilis ang piccolo bago ito tuluyang pumutok sa loob ng mula 10 hanggang 20 segundo. Masasabing kayang tapatan ng piccolo ang putok ng pinakamaliit na trayanggulo.

Bago ang pagpapalit ng taon

Gabi ng ika-30 ng Disyembre, nagkaroon ng isang party sa covered court sa bayan. Maraming kabataan ang dumalo sa nasabing party na inabot na ng madaling araw ng ika-31. May mga bandang tumugtog sa party na nagbigay sigla sa mga naroroon.

Sunud-sunod naman ang mga misa sa Simbahang Katolika sa kabayanan. Ang ika-31, Linggo, ay nagkaroon ng mga misa sa alas-6 at alas-8 ng umaga at alas-4, alas-6 at alas-8 ng gabi. Sa mga pangkaraniwang Linggo, wala ang misa ng alas-8 ng gabi. Samantala, nagkaroon pa rin ng misa mismong unang araw ng 2007 noong ika-6 at ika-8 ng umaga. Marami ang dumalo sa Linggo, habang kaunti naman sa ika-1 ng Enero. Marahil ay puyat ang marami dahil sa inumagang paghihintay sa 2007.

Iisa naman ang kalagayan ng pamilihang bayan sa Ibayo Silangan mula ika-30 at ika-31 ng Disyembre. Hindi mahulugang karayom ang palengke partikular kung umagang-umaga pupunta. Dagsa ang mga mamimili bilang paghahanda sa bagong taon; habang dagsa rin ang mga nagbebenta ng prutas hindi lamang sa palengke, kundi pati sa kabayanan (sa tabi ng Velamart), at pati na sa ilang panulukan ng bayan.

Gaya pa rin ng mga nakagawian, nagkakatipon ang magkakamag-anak o ‘di kaya ay magkakanayon upang magsagawa ng ilang kasiyahan–palaro, raffle, party at iba pa—ilang oras bago salubungin ang taon. Halimbawa ang ilang bahagi sa baranggay Kanluran at baranggay Balsahan sa nagkatipon para sa ganitong mga pagsasalu-salo.

Sa kabayanan, matatanaw ang ilang pulis, bukod pa ang mga kapulisang rumoronda sakay ng kanilang patrol car.

Ilang tradisyon, paniniwala at bagay ukol sa bagong taon

Gaya ng laging paliwanag, sinisikap ng maraming pasiglahin ang pagsalubong sa bagong taon gayong simbolo ito ng pag-asa. Ang pagbabago ng taon ay kumakatawan sa pagpapanibago ng buhay; na marahil, sa mga lugar na marami ang kinakapos gaya ng Naic, ay sumasalamin sa paghahangad na mapabuti sa darating na taon.

Bagaman mga Kristiyano, hindi nawawala ang paniniwala ng maraming Naicqueño sa mga pamahiin. Sa pagsalubong sa bagong taon, hindi mabilang na paniniwala ang isinasagawa ng mga Naicqueño. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod: paghahanda ng mga prutas at pagkain; pagpuno sa mga lalagyan ng bigas at tubig; paglalagay ng mga barya sa bulsa; paghihip ng bubbles o bulak sa kabahayan; pagpapa-usok ng insenso at kamanyang sa loob at bakuran ng bahay; pagtalon mula ikatlong baitang ng hagdan; paglalagay ng bawang/ pitong maliliit na baso ng tubig/ asin/ bulak sa lamesa; pagsusuot ng anumang may kulay ginto; pag-iingay; pag-iwas sa gastusin kung bagong taon; o sa iba naman ay pagiging galante sa unang araw ng taon. Muli, layon sa mga pamahiing ito na mapabuti ang buhay sa bagong taon–magkaroon ng magaan at banayad na takbo ng pamumuhay, maalwang dating ng pera, matatag na pamilya, malusog na pangangatawan, at marami pang iba.

Maiwawangis din naman ang bagong taon sa Pasko. Mangyari, ang bagong taon ay nagsisilbing panahon ng pakikipagbati para sa ilang Naicqueño, at pagbibigayan ng biyaya, gaya ng pagkain para sa iba pa.

Samantala, ang ilang pagdiriwang gaya ng inuman, nauuwi naman sa lasingan. Ganito ang makikita sa ilang bahagi ng Naic–baryo man o kabayanan–hindi pa man tuluyang nagwawalay ang mga taon.

Sa lahat ng ito, pinakamahalagang maituturing ang kinagawiang pagpapasalamat sa Diyos para sa mga panahong nagdaan, at patuloy na pananalig sa pagpapalit ng taon.

Ang pagwawalay ng 2006 at 2007

Bandang alas-10 ng gabi, ika-31 ng Disyembre, kapansin-pansin na ang paglilibot ng mga scooter at motorsiklo sa iba’t ibang bahagi ng bayan. Patuloy ang ganitong tagpo habang unti-unting lumalapit ang hatinggabi. Ang ilan ay sadyang naglilibot, ang ilan naman ay sinisimulan na ang pag-iingay sa pamamagitan ng pagbusina o pangangaladkad ng mga lata.

Sa ilang tahanan, may mga nagsisimula nang magsalu-salo sa mga pagkaing inihanda, gaano man kaunti o karami ang nakayanan. May mga bata namang pinatulog o ‘di nakayanan ang paghihintay sa hatinggabi, kung kaya hinayaan na muna silang umidlip saka ginising nang sasalubong na sa 2007.

Bumabaha naman ng text messages sa mga cellphone. Sari-sari ang batian ng magkakaibigan at magkakamag-anak. Nanggagaling at nagmumula ang pagbati hindi lamang sa mga Naicqueño kundi maging sa mga kaibigan at kamag-anak sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at dako ng mundo.

Bagaman makaririnig na ng mga ingay ng paputok sa iba’t ibang bahagi ng Naic bago ang hatinggabi, labinlimang minuto pa bago mag-alas-dose nagsimula ang pag-igting ng putukan. Sa pag-usad ng mga minuto, patuloy ang ingay ng paputok hanggang sa marating nito ang kasukdulan pagsapit ng ika-12 ng gabi. May ilang Naicqueñong naglagay ng bulak sa mga tenga: mga inang nilagyan ng bulak ang tenga ng mga sanggol, at maging mga may edad na, na sadyang hindi makayanan ang ingay sa paligid.

Tuluyang nagsama-sama ang iba’t ibang ingay na pinaniniwalaang tataboy sa mga malas, masasamang elemento, o anumang hindi magandang bagay na posibleng dala o naiwan ng 2006. Halu-halong maririnig ang ingay ng mga paputok gaya ng kwitis, labintador o trayanggulo, sinturon ni hudas, at iba pa; mga radyo at telebisyong isinagad ang volyum; mga kinakalampag na gamit gaya ng mga kaldero at sandok, o mga takip ng kaserola; mga sigaw ng nagsasayang mga tao, na ang ilan ay napapasayaw pa; mga torotot na iba’t iba ang laki; mga busina ng naglilibot na mga sasakyan gaya na rin ng traysikel; at marami pang iba.

Tamang-tama naman ang timpla ng kalangitan kung saan may liwanag ding hatid ang nakasungaw na buwan; mangilan-ngilan ang bituin habang tumatabing ang maninipis hanggang may kakapalang mga ulap, na nakalatag sa himpapawid (kalimitan ay cirrus at mala-cirrocumulus na ulap). Ang malamlam na hatinggabi kung kailan naghihiwalay ang 2006 at 2007 ay nalangkapan ng iba’t ibang kulay. Matingkad ang pinakawalang mga fireworks ng ilang Naicqueño na natatanaw ng marami pa sa iba’t ibang bahagi ng bayan.

Hindi lamang kalangitan ang nagliliwanag gayong may ilan ding pinagliwanag ang lupa kasabay ng pagkakaingay. Ang mga fountain, lusis, at mga kagayang display ay sinindihan sa iba’t ibang bahagi ng bayan.

Sa kalahatan, bagaman sinasabing higit ang kulay at ingay ng nakaraang taon, masasabing sapat at nag-uumapaw pa rin ang selebrasyong isinagawa ng mga Naicqueño. Tila kasing dami ng mga ingay at kulay; na sinabayan ng mga ngiti sa pagbabatian ng “Happy New Year,” “Bagong Taon na,” o “2007 na,” ay ang hindi mabilang na mga aspirasyon at pag-asang nagpanibago sa puso at isip ng bawat Naicqueño.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s