Inauguration of Naic government officials

Panunumpa ng mga bagong konsehal ng bayan.

Hunyo 30, 2007. Matapos mapanalunan ang halos lahat ng puwesto sa lokal na posisyon noong halalan, isang misang pasasalamat ang idinaos sa Parokya ng Naic, pasado ika-5 ng hapon. Bukod sa mga deboto, pinuno rin ng mga taga-suporta ng partido ni Mayor Efren Nazareno ang simbahan. Dumalo rin ang ilang Naicqueno mula sa iba’t ibang sektor at baranggay.

Matapos ang misa na tumagal ng may isang oras, sinimulan na sa labas ng simbahan ang pag-aayos para sa isang Torch Parade. Ipinamigay at sinindihan na ang maraming sulo sa mga taga-suporta, at iniayos na ang puwesto sa parada. Mula naman sa loob ng simbahan, lumabas upang pangunahan ang parada ng mga bago at muling naihalal na opisyal ng Naic. Kasama rin ng mga opisyal ang outgoing Vice Governor ng Cavite, Juanito Victor Remulla, Jr,; maging ang mga kamag-anak ng bawat opisyal.

Sa pangunguna ng banda musiko, sinimulan ang parada mula sa tabi ng plaza na binaybay ang Ibayo Silangan hanggang sa humantong sa pamahalaang gusali ng Naic. Sinalubong ng hindi mabilang na putok ng kwitis ang parada, gaya ng pagpapaputok oras pa lamang ng misang pasasalamat.

***

Mula sa isang entabladong itinayo sa harap ng munisipyo, itinakdang idaos ang inagurasyon ng bagong set ng opisyal ng Naic. Madilim na nang dumating sa munisipyo ang mga pumarada mula sa simbahan. Pinuno naman ng mga taga-suporta ang harap ng entablado upang saksihan ang programa.

Sa pamamagitan ng panalangin, sinimulan ang programa, at sinundan ito ng pag-awit sa Pambansang Awit ng Pilipinas.

Bago pa ang ganap na inagurasyon, sa isang pananalita ay ipinaalala sa programang hindi makapagsisimula sa panunungkulan ang sinumang opisyal na hindi nakapanunumpa para sa puwesto. Tila tumutukoy ang pahayag sa nag-iisang halal na Konsehal, Rodrigo “Rod” Castillo, na wala sa inagurasyon. Matatandaang si Castillo ang nag-iisang nanalo sa partido ng kumandidato pagka-Mayor na si Fernando “Fer” Prudente.

Matapos ang sabay-sabay na panunumpa ng mga Konsehal, at ang panunumpa ni Vice Mayor Junio “Jun” Dualan, isa-isang nagbigay ng talumpati ang mga Konsehal. Uminog sa pagpapasalamat ang lahat ng mensahe. Kani-kanyang pasasalamat ang mga opisyal sa kanilang mga taga-suporta, kamag-anak at mga kaibigan.

Ipinaabot din ni Konsehal Mark Rainier “Mark” Nazareno ang pangakong sa kanyang panunungkulan, ibabatay lamang niya sa tama ang lahat ng gagawin at sasabihin. Ito ang kanyang tugon sa mga naninira umano at hindi nagtitiwala sa kanyang kakayahan lalo at sinasabing bata pa siya. Nagkakaisa naman ang himig ng mga konsehal na sina Macario “Mack” Pardo, Ferdinand “Ding” Wakay at Rogelio “Roger” Pangilinan sa pagsasabing nanalo sila sa malinis na kaparaanan.

Ang bagong halal na konsehal na si Romulo “Romy” Buenaflor at ang minsan nang naka-tatlong terminong si Joy Unas, nagkakaisa naman sa kanilang pangako sa bayan. Anila, handa silang maglingkod at tumalima ng tapat sa sambayanang Naicqueno.

Huling nagbigay ng talumpati ang nangunang konsehal na si Sofia “Pia” Motas. Pinasalamatan niya ang lahat ng taga-suporta at kapamilya sa kabila ng sinapit nila noong panahon ng kampanya. Matatandaang pinatay ang kanyang kapatid, kapitan ng Sabang, Lito Motas, noong panahon ng kampanya. Malaki rin ang kanyang pasasalamat sa pagtangkilik sa kanya ng bayan sa kabila ng kanyang payak na kalagayan sa buhay. Pinasalamatan din niya ang dating Mayor Edwina Mendoza sa paghikayat sa kanyang pasukin ang pulitika, at lalong higit kay Mayor Nazareno sa pagtitiwala sa kanya. Wala umano siyang pinagsisisihan sa pag-anib niya kina Mayor.

Ang mga talumpati ay sinundan ng intermission number: pag-awit ng mga nagwagi sa patimpalak noong selebrasyon ng Araw ng Naic. Kapagdaka ay nanumpa na si Mayor Efren Nazareno, na gaya kay Vice Mayor, ay kasama rin ang buong pamilya sa entablado habang nanunumpa.

Sa talumpati naman ni Vice Mayor, binalikan niya ang kanyang pagsisimula bilang isang pulitiko ng bayan. Habang umaga umano ang mga nakaraang inagurasyon, ang gabi naman niya sa gabi ng programang iyon ay naging makulay. Pinasalamatan niya ang lahat ng sumuporta sa mahigit isang dekada ng kanyang panunungkulan sa Naic. Ipinagpapasalamat din niya ang patuloy na pagtangkilik sa tambalan nila ni Mayor, na aniya ay malaking puntos tungo sa maayos na paglilingkod nila.

Pinagtuunan naman ni Mayor sa kanyang talumpati ang pagsusulong tungo sa pagiging siyudad ng Naic. Hiningi niya ang suporta ng mga Naicqueno upang tulungan sila ng muli ring naihalal na si Congressman Jesus Crispin “Boying” Remulla upang ganap na maging siyudad ang Naic. Sa pagiging siyudad ng Naic, magkakaroon aniya ng pagkakataon ang bayan upang tugunan ang mga sariling pangangailangan mula mismo sa kaban ng bayan, lalo at kulang na kulang ang suportang nakukuha ng Naic mula sa Kapitolyo. Ayon pa kay Mayor, “karangalan ng isang nanunungkulan na maganda ang antas ng pamumuhay ng kanyang mga kababayan.” Kaugnay nito, binalikan niya ang matagal nang nabuong “Pananaw” para sa Naic, na tinapos sa kanilang “Misyon” para sa bayan.

***

Sa pagwawakas ng programa, ipinamahagi ang mga pagkain para sa mga taga-suporta at dumalo sa inagurasyon. Sa magkabilang gilid ng pasukan sa bakuran ng munisipyo, itinayo ang mga kubol para sa pagkain. Tumagal ng mahigit isang oras ang kabuuan ng inagurasyon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s