Concelebrated mass and blessing of the minor altars

Ang pag-aalay ng bulaklak sa patrona, Imaculada Concepcion, habang idinadaos ang Misa Concelebrada.

Disyembre 06, 2007. Dalawang mahahalagang kaganapan ang ipinagdiwang sa Parokya ng Naic sa Misa Concelebrada para sa kapistahan ng Patrong Immaculada Concepcion: ang Hermanahan sa fiesta at ang pagpapasinaya sa magkabilang altar minor ng simbahan.

Pasado ika-8 pa lamang ng umaga, unti-unti nang dumaragsa ang mga tao sa simbahan upang dumalo sa Banal na Pagdiriwang. Habang ika-9:30 ng umaga ang nakatakdang pagsisimula, nakalipas pa ang ilang saglit bago ganap na nagsimula ang pagdiriwang. Una munang ibinaba ang mga tabing sa mga altar minor at kapagdaka ay umusad na ang mga gawain. Bahagi rin ng pagdiriwang ang pagbebendisyon sa mga bagong altar minor.

Kasama ang kaparian, pinangunahan ni Bishop Luis Antonio Tagle ang selebrasyon. Sa homilya ng obispo, ipinaliwanag niya ang kahulugan ng Patrona ng Naic, ang Imaculada Concepcion: na siya ay tanda ng pagpapahayag ng pananampalatayang may pag-asang totoo. Ayon sa homilya, kung susuriin ang Genesis, makikitang hindi ang Diyos ang lumikha ng kasalanan kundi ang pagiging masuwayin ng mga tao. Gayunman, kumilos ang Diyos at ibinigay ang anak na si Hesus upang tubusin ang mga kasalanan. Kaugnay nito, nauna nang inihanda si Maria, na ipinaglihing walang sala, upang maisakatuparan nga ang pagsilang kay Hesus na magiging ligtas mula sa kasalanan. Ito rin ay tanda ng pag-asa. Pinalawig ng obispo ang homilya sa pagsasabing madalas, kasalanan lamang ang ating napupuna: ang kasalanan ng asawa, magulang, estudyante at iba pang kapwa. Gayong ang totoo, may kabutihang umiiral na siyang taglay ng bawat isa. Kung sa gitna ng kasalanan noon ay kumilos ang Diyos upang buuing matuwid ang sangkatauhang muli, dapat tayong manampalatayang kumikilos ang Diyos. Ang pagkilos ng Diyos ay hindi hungkag, sapagkat ito ay nakabatay sa katotohanan–ang pinanampalatayaang may pag-asa ay totoo. Totoo sapagkat sa pamamagitan ni Maria na ipinaglihing walang sala, naisakatuparan ang pagsasakatawang tao ni Hesus na Siyang nagligtas mula sa kasalanan. Kung kumilos ang Diyos noon, kumikilos pa rin Siya ngayon. Makikita ang pagkilos ng Diyos sa kabutihan ng bawat isa: galing sa pagsayaw ng mga bata, husay sa computer ng kabataan, at biyayang tinamo ng mga nagdanas ng pagsubok sa buhay.

Sa pagwawakas ng obispo, iniugnay niya ang kahulugan ng mga bagong altar minor ng simbahan. Ang sa kaliwa (kung nasa pwesto ng mga sumisimba) ay ang Tabernakulo. Ayon sa obispo, ang Imaculada Concepcion ang unang Tabernakulo. Sa kanya unang namahay si Hesus. Sa tuwing titingin umano sa bahaging yaon ng simbahan, nawa ay maramdaman nating Tabernakulo rin tayo ni Hesus–namamahay si Hesus sa ating mga puso. Samantala, sa kanan naman ay ang Santo Rosario. Gaya ng Santo Rosario, ginabayan ni Maria si Hesus sa anumang pagkakataon. Magkasama sila sa hapis, luwalhati at pighati. Nawa, magpaalala itong huwag tayong lalayo kay Hesus sa anumang pagkakataon. Panghuli, sa altar mayor, maipaalala nawa nito sa atin ang pahayag ng pananampalatayang may pag-asang totoo.

Nagpatuloy ang pagdiriwang sa pag-aalay ng mga bulaklak sa imahe ng patrona. Pinangunahan ito ng Hermana de Fiesta, dating alkalde Elvira Nazareno, kasama ang kanyang mga anak. Pinangunahan din ng Hermana ang Panalangin ng Bayan. Sa dasal, pinasalamatan ng Hermana ang patrona bilang gabay sa Panginoon na sanhi upang magkaroon ng masagang pananim at huling isda, proteksyon sa sakuna at kalamidad, pagkakaisa ng mga taga-Naic, at sa lahat ng biyaya na tinatamo ng bayan.

Sa huli pinasalamatan ng kura-paroko, Fr. Nonilon Tibayan, ang lahat ng nagtulung-tulong upang maisakatuparan ang mga altar minor. Idinagdag din ng obispo ang pagpapasalamat sa kura.

Mula umpisa hanggang matapos ay punung-puno ng mga tao ang simbahan. Makikita ang iba’t ibang mukha ng mga Naicquenong damang-dama ang pagdiriwang, lalo na nang walang tigil na nagpalakpakan ang lahat nang ibaba ang tabing ng mga bagong altar.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s