Naic history book launched

Ang mga Naicquenong saksi sa paglulunsad ng aklat-Naic, kasama sina dating Prime Minister, Cesar Virata, kasalukuyang pangulo ng Cavite Hostorical Society, at si Dr. Emmanuel Calairo, may-akda ng aklat.

Pebrero 29, 2008. Sa kauna-unahang pagkakataon, inilunsad na sa pang-akademikong larangan ang pinakaunang aklat pangkasaysayan ng Naic, pinamagatang “Naic, Cavite: Kasaysayang Lokal Mula Panahon ng Kastila Hanggang Panahon ng Hapon.” Isinulat ni Dr. Emmanuel Calairo ang aklat-Naic.

Kasabay na inilunsad sa pang-akademikong larangan ang mga nauna nang nailunsad na aklat, ang “The Ternatenos: History, Language, Customs, and Traditions” ni Esteban de Ocampo, ang “Bahra: The History, Legends, Customs and Traditions of Ternate, Cavite” ni Dr. Evangelino Nigoza, at ang “Pantyon: Ilang Pamahiin, Tradisyon, at Kwento ng Paglilibing sa Kabite” ni Mr. Jeffrey Lubang.

Ang quadruple book launching na ito ang isa sa mga pinakamalalaking proyekto ng Cavite Studies Center (CSC) ngayong 2008. Ang CSC ay tanggapan sa De La Salle University – Dasmarinas (DLSU-D) na nagsusulong at nangunguna sa pag-aaral ng kultura at kasaysayang Caviteno.

Ika-10nu nang magtipun-tipon sa lobby ng Aklatang Emilio Aguinaldo sa DLSU-D ang mga saksing karamihan ay mula sa sektor ng edukasyon, mga nagtataguyod at tumatangkilik sa kasaysayang Caviteno, at ilang kaibigan at kamag-anak ng mga umakda sa mga aklat.

Pinasimulan ang palatuntunan sa isang panalangin na pinamunuan ni Fr. Lino De Castro, DLSU-D Chaplain. Sinundan ito ng Pambansang awit sa pangunguna ni Jennifer Dinglasan, mag-aaral ng Cavite Westpoint College. Nagbigay rin ng ilang pananalita ukol sa mga aklat at kasaysayang Caviteno ang mga sumusunod: Bro. Gus Boquer, DLSU-D President; Dr. Veronidia de Leon, DLSU-D Vice Chancellor for Academics and Research; dating Prime Minister Cesar Virata, Cavite Historical Society (CHS) President; at Dr. Augusto de Viana, Research and Publications Division Chief ng National Historical Institute. Sa mensahe ni Mr. Virata, tinukoy niya ang Naic bilang napakamakasaysayang bayan. Gayunman, pinuna niya ang kalagayan ng dating Casa Hacienda (Naic Elementary School ngayon) na tila napapabayaan.

Kaagad namang isinagawa ang unveiling o paglalantad sa mga aklat, partikular sa pabalat ng mga ito na pinalakihan at inimprenta sa mga tarpaulin. Isa-isang inilunsad ang mga libro: The Ternatenos, sa pangunguna ng anak ni de Ocampo, Amb. Susan O. Castrence at Bro. Boquer; Pantyon, Mr. Jeffrey Lubang at ang publisher nitong si Mr. Guillermo Ramos, Jr.; Naic, Dr. Calairo at Dr. de Leon; at Bahra, Dr. Nigoza at Mr. Virata.

Matapos ang ganap na paglulunsad, nagbigay-tugon si Dr. Calairo ukol sa gawain. Nagpasalamat, at tinalakay niya ang gampanin ng CSC at ang ilang kalagayan ng kultura at kasaysayang Caviteno.

Bilang pangwakas, nagbigay rin ng mensahe ang direktor ng CSC, Mr. Aquino Garcia. Tumagal ang programa ng mahigit isang oras na sinundan naman ng book signing at isang salu-salo.

***

Unang nailathala bilang aklat ang “Kasaysayan ng Paghihimagsik ng mga Pilipino sa Cavite 1897” ni Telesforo Canseco, na isinalin ni Dr. Jose Rhommel Hernandez noong 1999. Ang naturang aklat ay tumatalakay sa panahon ng himagsikang 1896-1897 at nakasentro sa bayan ng Naic. Bagaman unang naisa-aklat ang mahabang liham na ito ni Canseco, masasabing una ang aklat-Naic ni Dr. Calairo sa layong pagtipon at paglalahad sa kasaysayan ng Naic saklaw ang mahabang panahon.

May sukat na 9×6 pulgada at may mahigit 300 pahina, ang aklat-Naic ni Dr. Calairo ay pagsasakatuparan ng mahigit isang dekadang paghihintay rito. Nagsimula ang aklat sa hangarin ng Naic Historical Society (NHS), at nabuo naman sa pagtutulungan ng CSC, University Faculty Research Office ng DLSU-D, at CHS.

Sa pabalat na may kulay asul at dilaw, makikita ang mga lumang larawan ng simbahan ng Naic at Casa Hacienda. May larawan din ng matandang Nazareno na may kasamang baboy. Malaking bahagi ng kwentong-bayan at kasaysayan ng Naic ang baboy gayong may kwentong nagmula ang pangalan ng Naic sa pag-igik ng baboy; at Naic naman ang kauna-unahang bayan sa Pilipinas na nagpalabas ng ordinansa ukol sa pagbabawal sa paglaboy o paggala ng baboy sa mga kalye.

Sa aklat ay binalangkas ang kasaysayan ng Naic sa apat na bahagi: Panahon ng Kastila, Himagsikang Pilipino, Panahon ng Amerikano, at Panahon ng Hapon. Mababasa sa aklat ang mga pangunahing karanasan ng bayan na bunga ng mga pananaliksik ni Dr. Calairo sa Pambansang Sinupan ng Pilipinas, sinupan ng University of Sto. Tomas, Mormons Family Center, University of the Philippines Library Microfilm section, at American Historical Collection sa Ateneo de Manila University. Bukod sa mga panayam sa ilang Naicqueno, nagpayaman din sa aklat ang mga libro gaya ng kay Canseco at ang “La Historica Cavite” ni Gervacio Pangilinan. Ang dalawang aklat na nabanggit ay ilan din sa mga pangunahing ginagamit ng NAIC CAVITE ONLINE (NCO) sa pagsusuri nito sa kasaysayan ng Naic.

Ilan sa mga nagbigay ng mensahe sa aklat sina Mayor Efren Nazareno at Mr. Ryan Sebastian, Pangulo ng NHS. Makikita rin sa aklat ang ilang sinauna at makabagong larawang may kaugnayan sa kasaysayan ng Naic.

Matapos ang paglulunsad sa DLSU-D, inaasahan ang isa pang paglulunsad ng aklat-Naic sa mismong bayan ng Naic. Bagaman wala pang tiyak na petsa, ang Mayo 1 o Araw ng Naic ang kasalukuyang ipinagpapalagay.

Samantala, sa patuloy na pakikipag-ugnayan ng NCO sa CSC, ang aklat-Naic ay isa sa mga aklat na maaaring mabili rito sa website.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s