Text scare on child abduction triggers panic; LGU denies rumor

Marso 12, 2008. Umabot na sa sukdulan ang pangambang idinulot sa Naic ng kumakalat na balita ukol sa sindikatong nangunguha umano ng mga lamang-loob ng bata. Umaga at patanghali nang magsuguran ang mga magulang sa iba’t ibang mababa at mataas na paaralan ng bayan. Ayon sa isang text na nagbigay-takot sa marami, paiigtingin umano ngayong araw ang pangunguha ng mga bata sa Cavite ng grupong nagpakilala bilang “InterOrgans.”

Ayon sa text scare, “Kylngan po ntng svhn s atng mGa kmaganak o s ibAng tao sa pliGid na bukaz nG 3:15 unti2 nang ku2nin anG mga eStUdyante na my edad na 16 paBa2.pki pasa s ibA by miko LYNTA- MEMBER ng sindikato na nangu2ha nG mga bAta (intERorgans) ang pangalan ng aming sindikato.,nakukunsensya ako,pinlano yan kaninang hapon matapos mahuli ang ilan naming ksama sa silang cavite. Tandaan nxo 3:15 16 edad paba2,dahil kailangan.. PLS PASS.”

Bandang ika-9nu pa lamang ng umaga, napaulat na ang pagsugod ng mga magulang sa ilang elementarya sa Naic. Ayon sa isang gurong nagtuturo sa Bucana Sasahan Elementary School, nag-iiyakan ang mga magulang na dumating sa kanilang eskwelahan. Kalat na kalat na umano ang balitang may isang estudyanteng nakuha ng sindikato sa Naic Elementary School (NES).

Patuloy sa pagdagsa ang mga magulang sa Bucana Sasahan at wala nang nagawa ang pamunuan ng paaralan kundi ibigay sa mga sumusundong magulang ang mga bata. Sa loob lamang ng halos isang oras, wala nang natirang estudyante sa Bucana Sasahan. Sa natanggap pang ulat ng NAIC CAVITE ONLINE (NCO), sa kasabay na oras ay nagaganap din ang pagsugod at pagsundo ng mga magulang sa Ibayo Elementary School.

Habang sinasabi sa text scare na edad 16 pababa ang mga kukunin, bandang ika-11nu nang hindi rin magkamayaw ang mga magulang sa pagsundo sa kanilang mga anak na nag-aaral sa Naic National High School (NNHS) sa Halang. Hindi pinayagan ng pamunuan ng NNHS na pauwiin ang mga estudyanteng walang sundo. Subalit nang tanghali na at may mga estudyante pa ring walang magulang o gabay na dumarating, ang mga titser na ng NNHS ang nagsakay sa mga bata sa mga mapagkakatiwalaang traysikel driver upang maihatid ang mga estudyante ng ligtas.

Gaya sa NNHS, hindi basta pinahintulutan ng Cavite Community Academy (CCA) ang kanilang mga estudyante na umuwi ng walang sundo. Samantala, maagang-maaga pa lamang nang pauwiin na umano ng Western Colleges (WC) ang kanilang mga mag-aaral.

Kasabay pa ng mga kaguluhan sa ilang matataas na paaralan, bandang ika-11nu rin nang dumagsa sa NES ang mga magulang. Inilarawan sa NCO ng mga nagtitinda sa harap ng NES ang sitwasyon: humahangos umano ang mga magulang na patakbong sumusugod sa eskwelahan; ang iba ay napapasambit pa ng “Ang anak ko;” na maging ang mga magulang na hindi naman ugaling sumundo sa mga anak, napasugod din.

Nagtulung-tulong ang seguridad ng NES, mga tanod, at may apat na pulis sa pagbabantay sa nagaganap na kaguluhan sa eskwelahan. Hindi pinahintulutang makapasok ang mga magulang gayong oras pa ng klase at marami sa mga estudyante ang kumukuha ng lagumang pagsusulit.

Matindi ang emosyon ng mga magulang na napasugod. Marami ang nag-iiyakan dahil na rin sa balitang isang estudyante ng NES ang nakuha ng sindikato. Punung-puno ang harapan ng eskwelahan, ang mga upuan at palibot ng covered court, hanggang sa harapan ng simbahan.

Ayon sa ilang estudyante ng NES na nakausap ng NCO, takang-taka at nabalot sila ng kaba nang mapansing nagkakagulo ang maraming magulang sa gate ng eskwelahan.

Oras ng tanghalian nang buksan na ang gate ng NES. Ayon sa isang magulang na nakapanayam ng NCO, tila pila sa noontime show na “Wowowee” ang buhos ng mga magulang na nag-uunahang makapasok sa eskwelahan. Halos magkandahulog pa umano ang ilang magulang sa pag-akyat sa hagdan ng main building nito.

Nang matanto ng mga mag-aaral ang sanhi ng kaguluhan, marami na sa mga ito ang nagsipag-iyakan. Ayon sa ilang estudyante mula sa iba’t ibang antas sa NES na nakausap ng NCO, lahat sila ay nagsabing nakaramdam sila ng kaba.

Ipinagpatuloy ang nakatakdang pagsusulit ng ilang antas sa NES kinahapunan. Ang ilang walang iskedyul ng eksaminasyon, hindi na pinapasok ng mga magulang. Sa isang klaseng walang pagsusulit, may ulat na nasa anim lamang umano ang pumasok para sa panghapong klase. Samantala, may ilang magulang na hindi na rin pinapasok ang kanilang mga anak na nakatakda sana sa pagkuha ng test. Ayon sa kanila, mabuti nang hindi makakuha ng pagsusulit ang kanilang mga anak, huwag lamang mapahamak ang mga ito.

Wala na ring dumating na estudyante sa Bucana Sasahan kinahapunan. Ayon sa ulat, sinasabing naganap ang pagsundo ng mga magulang at kanselasyon ng klase sa halos lahat ng mababa at mataas na paaralan sa Naic. Gayunman, partikular na matitiyak lamang ng NCO ang ganitong sitwasyon sa NES, Bucana Sasahan, Ibayo, CCA, WC, NNHS, San Roque, Bancaan, at Bucana Malaki.

Hindi limitado ang takot na nadama ng mga magulang sa mga anak nilang nag-aaral sa Naic gayong kalat ang text scare at mga kaguluhan sa ilan pang paaralan hanggang Tanza, Trece Martires, Ternate, at Maragondon. Maraming taga-Naic ang nag-aaral sa iba’t ibang paaralan sa mga kalapit-bayan nito, partikular sa Maragondon at Tanza.

Samantala, sa mga balitaang pambansa sa telebisyon ngayong gabi, iniulat na pananakot lamang ang kumakalat na text scare sa CALABARZON. Ayon sa Philippine National Police o PNP, sa kabila ng kumakalat na balita, wala silang natatanggap na pormal na reklamo. Ang sinasabi ring plate number ng sasakyan sa mga naunang text, hindi rin umano pa nailalabas ng Land Transportation Office o LTO.

***

Sa ilang araw na pagsubaybay ng NCO sa mga kaganapan, tatlo ang lumilitaw na dahilan ng pangamba, ayon sa mga usapan at kuru-kurong bayan: kapanahunan ngayon ng pagti-thesis at maaaring bahagi lamang ang lahat ng isang pag-aaral; may sadyang walang magawa at nananakot lang; at taktika lamang umano ang lahat upang ilihis ang atensyon ng bayan sa tensyong-pulitikal ngayon ng Pilipinas.

Bago pa nagkagulo sa mga paaralan, ilang kaugnay na insidente na ang naganap sa ilang bahagi ng Naic. May isang linggo na ang nakararaan, nagkagulo sa Bancaan nang magpanakbuhan ang takut na takot na mga bata dahil umano sa pagtatangka ng isang naka-van na manguha ng bata. Labasan ng mga mag-aaral at pulu-pulo ang mga bata. Ayon sa ulat na tinanggap ng NCO, upang hindi maka-aksidente, dinahan-dahan ang patakbo sa sasakyan. Nang maglabas ng kamay ang isang sakay (na ayon sa ilan ay magtatanong sa mga bata ukol sa direksyon ng isang lugar), bigla na lamang umano natakot ang mga bata at nagpanakbuhan. Inakala ng mga batang ang nasabing van ang nangunguha ng mga bata.

Ika-9 ng Marso (Linggo), bandang ika-7ng, nagkagulo umano naman sa Labac nang isang Koreano ang pinagbubugbog ‘di umano doon. Magpapaturo rin ng tamang direksyon para sa isang lugar, akay-akay umano ng Koreano ang isang bata. Dahil sa lalaki naman ang Koreano na kung bakit umano nakapiluka pa, inakala ng mga taga-Labac na nagpapanggap ang Koreano kung kaya pinagbubugbog ang biktima. Sa huli, natuklasang bakla umano ang Koreano kung kaya nakasuot pa ito ng piluka.

Nagkaroon din ng bersyong nagpapanggap pang madre ang ilang nangunguha ng mga bata. Sa isang ulat na natanggap ng NCO, sa isang pampaaralang pagdiriwang nito lamang nakaraang linggo, kinatakutan ng mga estudyante ang isang madreng dumalo upang manood sa pagtitipon. Ayon sa mga mapagkakatiwalaang source, tunay na madre ang nasabing kinatakutan at iniwasan ng mga bata.

Sa maraming araw na nagdaan, nagsanga-sanga at lumawig ang mga kwento ukol sa sindikatong nangunguha ng mga bata upang kunin ang lamang-loob ng mga ito. Tinanggap ng NCO ang mga sabi-sabing may natagpuang patay, muntikan nang makuha, nahuling mga salarin, at kung anu-ano pa. Gayunman, gaya ng sinabi ng PNP, walang pormal na kaso, at wala ni isang burol man lamang na nakita ang NCO—gayong kung susuriin, halos bawat baranggay sa Naic ay sinasabing may naganap na insidente ng pangunguha ng bata.

***

Matapos magpanik at magsuguran ang mga magulang sa iba’t ibang paaralan sa Naic, dahil sa ‘di umano ay banta ng pangunguha sa mga bata, nagpalabas ng isang Memorandum Order (MO) ang lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor Efren Nazareno.

May subject na “Rumors regarding alleged kidnapping of minors,” at ipinadala sa lahat ng pampubliko at pribadong mga paaralan sa buong bayan, layon ng MO #11 (Series of 2008) na payapain ang lahat. Ayon sa katawan ng MO:

“Please be advised that rumors regarding alleged kidnapping of minors by some syndicates wherein the internal organs are being extracted and sold are totally baseless and just plain hearsays. DO NOT PANIC because we are already monitoring these in coordination with our Police Force. We are in control of this situation.

“Please direct all questions, doubts or queries to my office (Mayor Nazareno) or to the Chief of Police at Tel. No. 412-0250 regarding the above subject.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s