The “Silver Chalice” of Naic

Ang ilang kasapi ng samahang Silver Chalice na manlalaro ng basketball. Kuha ito sa kumbento ng Naic, kasama si Fr. Fernando Baltazar (+), dating kura-paroko ng bayan.

Taong 1955, payak at pangkaraniwang maituturing ang pamumuhay sa Naic. Sa poblasyon, ang mga kabataan ay kalimitang nagkakatipon upang magkwentuhan, maglaru-laro ng basketball at kung minsan ay maglibut-libot sa bayan.

Ilang kabataang gaya nina Angelito “Itong” Vasquez (+) at Alberto “Elvie” Suzara ang malapit sa Simbahan. Sa patnubay ng noon ay kura-parokong si Fr. Fernando Baltazar (+), nabuo ang hangaring tipunin ang mga kabataang lalaki ng Naic at itatag ang isang samahang pang-kabataan.

Kasama ang mangilan-ngilan pang kabataan, naglibot sa kabayanan sina Itong upang anyayahan ang mga kabataang lalaki. Wari ay nangangampanya, kinausap din nina Itong ang mga magulang ng mga kabataan upang kunin ang pahintulot nila. Ilan sa mga baranggay na inabot ng pagbabahay-bahay ang Balsahan, Kanluran, GomBalZa, Santulan at Humbac.

Marami ang nahikayat na kabataan at napapayag na magulang dahil sa itinuturing na magagandang hangarin ng samahan. Kasikatan noon ng banyagang pelikulang “Silver Chalice,” at dahil na rin sa natatanging banal na kahulugan nito, ang Silver Chalice na ang napiling maging pangalan ng samahan.

Ika-11 ng Hunyo (Sabado), inanyayahan sa Simbahan ang mga kasapi ng Silver Chalice upang mangumpisal. Kinabukasan, muling nagsibalik sa simbahan ang lahat ng kasapi upang dumalo sa pang-umagang misa at upang tumanggap din ng komunyon.

Matapos ang Banal na Pagdiriwang, tinipon munang muli ang lahat ng kasapi ng Silver Chalice sa patio ng simbahan. Nagpatawag ng litratista mula sa Pulido si Fr. Baltazar at nagpakuha ng litrato ang lahat ng miyembro ng Silver Chalice. Matapos ang pagkuha ng larawan, isinaayos ang pamunuan ng samahan, muling inilatag ang mga gawain at layon, at nagbuo ng mga komite ayon sa iba’t ibang tungkulin. Upang maging pagkikilanlang ganap, itinuring ng Silver Chalice ang araw na iyon—Hunyo 12, 1955—bilang araw ng kanilang pagkakatatag.

Ilang linggo ang lumipas, sa pagbabayan-bayan ay dinala sa Naic ang imahe ng Fatima. Naging abala ang Silver Chalice sa pagsalubong sa imahe ng nasabing Birhen. Hanggang sa bagaman pawang mga kalalakihan, napagpasyahan nilang maging patron ng samahan ang Fatima.

MGA GAWAIN

Masigasig at masigla ang Silver Chalice sa pagsasakatuparan ng mga proyektong kanilang napagkasunduan. Naging abala ang samahan sa pangangasiwa sa mga gawaing pansimbahan gaya kung Fiesta ng Naic, Pasko, Mahal na Araw, Flores de Mayo at Karakol. Pinamunuan at isinulong din ng Silver Chalice ang gawaing pampalakasan, partikular ang liga ng basketball sa bayan. Bahagi rin ng naging tungkulin ng samahan ang pagtulong sa mga kababayang nangangailangan.

Sumusunod ang ilan sa mga gawaing pinangasiwaan, pinamunuan at isinulong ng Silver Chalice na siyang daan upang makilalang ganap ang samahan hindi lamang sa bayan ng Naic kundi maging sa lalawigan ng Cavite. Ang mga sumusunod ding gawain ang siyang dahilan kung bakit maraming kabataan pa mula sa mga baryu-baryo ng Naic ang nakiisa; o kung bakit maraming magulang pa sa Naic ang isinali ang kanilang mga anak sa samahan.

Koro. Nagbuo ng koro ang Silver Chalice na siyang kumakanta sa mga gawaing pansimbahan. Bukod sa mga misa kung pangkaraniwang panahon, umaawit din ang koro ng Silver Chalice kung Fiesta, Simbang Gabi, Flores de Mayo at kung may pa-Rosario Cantada.

Mahal na Araw. Bukod sa pag-awit, kaisa rin ang Silver Chalice sa iba pang mga gawaing pang-Mahal na Araw. Bukod sa pangangasiwa ng samahan para sa panahon ng Semana Santa, sila rin ang gumaganap na mga taga-taboy sa mag-asawang Jose at Maria kung may Panawagan. Samantala, habang Huwebes Santo o Biyernes Santo pa lamang, sinisimulan na ng Silver Chalice ang pagtatayo ng kawayang tripod sa harap ng simbahan. Sa nasabing tripod ibinibitin ang batang anghel na siyang ibinababa (sa pamamagitan ng pulley) upang magtanggal ng itim na belo at maglagay ng puting lambong sa imahe ng Maria Resurrecion kung oras na ng Salubong.

Karakol. Karaniwang ang Silver Chalice din ang nagiging abala at tagapamahala kung karakol para sa San Isidro Labrador. Tuwing ika-15 ng Mayo, maaga pa ay puno na ang simbahan ng mga deboto. Maging ang mga kalabaw ng mga magsasaka mula pa sa iba’t ibang baryo ng Naic ay nangakahalera na sa pintuan ng simbahan. Ang pagtatapos ng misa sa umaga ay hudyat naman sa pagsisimula ng nag-iisang karakol ng bayan. Mula simbahan, lulusong ang lahat sa Balsahan upang pasimulan ang karakol ng San Isidro sa tubig. Ang orihinal na imahe ng San Isidro ay isinasakay sa isang malaking bangka. Nasa anim o depende sa magkakasya pa sa bangka, may ilang musikero ring sumasama sa ilog. Naiiwan naman sa baybay ang ilang miyembro ng banda musiko. Habang binabaybay ng malaking bangka ang Balsahan patungong hangganan ng ilog at bukana ng dagat, may maliliit pang bangkang sumusunod at pumapalibot sa malaking bangka. Masigla ang mga nagkakarakol at mga nanonood. Masigla rin ang tugtog ng banda musiko. Sa pag-ahon ng karakol pabalik sa lupa, isinasagawa naman ang pagsayaw ng mga Naicqueno palibot sa kabayanan. Bawat kalsada sa buong kabayanan ay nililibot ng karakol. Ang tila walang humpay na kasiyahan ay pansamantalang titigil sa simbahan bandang ika-2 na ng hapon. Matapos ay nagkakaroon din ng mga palaro sa plaza para sa lahat. May hatawan ng palayok, palosebo, karera ng sako at juego de anillo. Sa Balsahan ay nagkakaroon din ng karera ng mga bangka. Bilang karagdagan, nagsisilbing patimpalak din ang karakol sa ilog kung saan pinipili ang may pinakamagandang gayak na bangka.

Prusisyon. Matapos ang karakol sa araw, isinasagawa naman ng bayan ang prusisyon para sa San Isidro kung gabi. Nagpapatuloy ang Silver Chalice sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin—ang pamamahala sa prusisyon. Pahapon pa lamang, isa-isa nang natitipon sa tapat ng simbahan ang mga karitelang hila ng kalabaw. Mula pa sa iba’t ibang baryo gaya ng Palangue, Muzon, Malainen, Timalan, Sabang at Bancaan, may kani-kanyang gayak ang mga karitela. Kalimitang napapalamutian ang mga karitela ng mga prutas gaya ng sinegwelas, kasoy, duhat, saging, makopa, niyog at iba pa. Sa oras ng prusisyon, humahanay ang mga karitelang hila ng kalabaw at saka babaybay sa kabayanan. Bukod sa imahe ng mga San Isidro, nakasakay rin sa karitela ang ilang kababaihang nakaayos at suot ang magagarang damit. Pagkakatapos ng prusisyon, nagkakaroon ng palatuntunan sa plaza kung saan may mga paputok, palma, toro at patimpalak sa kantahan ng matatanda.

Flores de Mayo. Matapos ang mga paghahanda para sa karakol, mas nagiging abala naman ang Silver Chalice para sa Flores de Mayo. Mula ika-16 ng Mayo hanggang mag-hermanahan sa katapusan ng buwan, araw-araw nang pinapalitan ng Silver Chalice ang gayak na bulaklak ng simbahan. Kalimitang pinangunguha lamang sa mga halamanan sa iba’t ibang bakuran sa Naic, matiyagang tinutuhog sa mga tingting ang iba’t ibang uri ng bulaklak. Ang mga natuhog na bulaklak ang siyang iginagayak sa simbahan. Kung oras naman ng salu-salo ng may mga pa-Flores, sa mga nais magpahanda ng palamig, ang Silver Chalice din ang siyang tumutugon. Dahilan sa wala pang ice cream na mabibili sa Naic, ginagawa ang sinaunang ice cream sa paulit-ulit na pagpihit sa garpenyera. Ang garpenyera ang dating gawaan ng ice cream—mga Silver Chalice ang nanghihiram sa mayroong garpenyera, at sila ring nagpipihit upang may maihandang pampalamig ang may pa-Flores. Karaniwan namang inihahanda ng mga may pa-Flores noon ang mga tinapay gaya ng biskotso, gilyetas patatas, puto-seko at gorgorya.

Fatima. Bilang patron, kinikilala ng Silver Chalice ang kapistahan ng Fatima tuwing ika-13 ng Oktubre. Kung fiesta ng Fatima, nag-aalay ng misa at prusisyon ang samahan para sa Birhen. Inaanyayahan ng Silver Chalice ang buong Cavite Community Academy, Western Colleges at Naic Elementary School upang makiisa sa prusisyon. Sa pagkakataong nabanggit, masasaksihan ang mahabang prusisyon na pinangungunahan ng Simbahan at Silver Chalice, at sinusundan ng nangakapilang mga opisyal, guro at mag-aaral ng mga nabanggit na paaralan.

Pamamahagi. Isa sa mga naging tungkulin ng Silver Chalice ang pagtulong sa mga nangangailangang kababayan. Madalas, kung sasapit na ang Pasko, namamahagi ng mga sobre ang samahan sa mga bahay-bahay sa bayan. Sa pamamagitan ng karoling, ang natitipong pera ay ibinibili ng mga bigas at ibang pagkain. Kinikilala ng Silver Chalice ang mga nangangailangan sa iba’t ibang panig ng bayan at saka binibigyan ng tiket na siyang pananda sa kung sino ang hahandugan ng mga pagkain bago mag-Pasko. Kapag naisaayos na ang lahat, idinaraos ng Silver Chalice ang pamamahagi sa simbahan.

Harana. Buhay na buhay pa ang harana sa panahon ng masiglang Silver Chalice. Sa mga pagkakataong may panauhing dalaga ang isang taga-Naic, halimbawa ay kamag-aral ng isang taga-Naic na mula pa sa Maynila, nananapatan ang ilang kasapi ng Silver Chalice sa bahay na may panauhin. Bitbit ang gitara, sinisimulan na ang harana. Sa ilang pagkakataon, halos maging magdamagan ang haranahan lalo at sumasagot ding pa-awit ang nasa durungawan. Samantala ay hindi lamang kung may dalaga nagsasagawa ng harana ang Silver Chalice. Kung may paani sa mga palayan kung Enero at Pebrero, lumulusong ang Silver Chalice sa mga bukid upang mag-gitara at mag-awitan. Sa ganito ay naaaliw at napapawi ang pagod ng mga nagsasaka.

Basketball. Ang basketball noon sa Naic ay maituturing na pangkaraniwang laro lamang ng mga kabataan. Walang ligang maaasahan, at kung may naglalaro man, wala namang nanonood. Sa pagsisikap ng Silver Chalice, isinaayos nila ang court sa poblasyon. Nagtayo sila ng ilang posteng kawayan na kinabitan ng tig-iisang bombilya sa dulo, saka sinakluban ng tila planggana upang magsilbing mga spotlight. Ang dating putikang court, unti-unting naipa-semento ng Silver Chalice—kung saan sila rin mismo ang gumagawa. Sa dami ng kasapi sa Silver Chalice, hinati sa kung ilang grupo ang mga maglalaro ng basketball upang maisakatuparan ang inter-color-game na liga sa Naic. Sa pagsisimula ng makasaysayang liga ng basketball sa Naic, nagsagawa ng torch parade sa buong kabayanan ang Silver Chalice upang ganap na ipakilala ang gawain. Sa mga sumunod na araw, upang higit pang makapag-anyaya ng mga manonood, nagpasayo o naglibot ang ilang kasapi ng Silver Chalice sa Naic sakay ng kalesa. Habang hinihila ng kabayo ang kalesa ay panay-panay ang pagkalampag ng Silver Chalice sa mga balde at isinisigaw ang nakatakdang laban ng basketball sa court. Ipinagpatuloy ng Silver Chalice ang paliga taun-taon. Hindi nagtagal, naaanyayahan na rin ang Silver Chalice sa ibang bayan ng Cavite para sa mas malalaking liga ng basketball. Sa ilang pagkakataon, inaanyayahan din ang ilang mula sa labas ng Naic, maging ang ilang manlalaro ng malalaking eskwelahan sa Maynila upang makipaglaro ng basketball sa Naic. Ilan sa mga nakalaban ng Silver Chalice sa Naic ang mga manlalaro ng University of Sto. Tomas at Mapua Institue of Technology. Bagaman mula ika-6 ng gabi hanggang ika-6 ng umaga lamang ang kuryente sa Naic noon na pinagagana ng malaking generator ng Naic Electric Company, sa gitna ng malalamlam na ilaw ng bombilya, kumislap ang Silver Chalice at nagsimulang magningning ang liga ng basketball sa Naic.

PAGPAPATULOY

Mula kalaghatian ng dekada ’50 hanggang sa mga unang bahagi ng dekada ’70 ay nanguna ang Silver Chalice sa mga gawaing pansimbahan, pampalakasan at panlipunan sa Naic.

Bunga ng pagkakaroon ng kani-kanyang pamilya at pangingibang bansa, unti-unti nang nahinto ang mga pangunahing gawain at proyekto ng samahan. Gayunman, nagpapatuloy ang Silver Chalice sa paminsan-minsang salu-salo, lalo na kung kapistahan ng Fatima.

Sa ngayon ay kabilang na rin sa samahan ang mga anak ng mga naunang kasapi ng Silver Chalice. Hindi man kasing-sigla ng sa unang yugto, ang mga nananatiling Silver Chalice sa Naic ay nakikiisa pa rin sa mga gawaing pansimbahan.

Habang sa kasalukuyan ay halos naiba na ang anyo ng Naic: magagarbo na ang mga bulaklak sa simbahan kung Flores de Mayo, bara-baranggay o baryu-baryo na ang mga karakol, tuluy-tuloy na ang daloy ng kuryente sa buong bayan, mas de-kalidad na ang court sa poblasyon, traysikel na ang naghahari sa daan, sementado na ang mga kalsada, iba na ang mukha ng plaza, at hindi na halos mabilang ang kabataan sa Naic—nagpapatuloy naman ang pamanang itinaguyod ng Silver Chalice: ang tamang paghubog sa mga kabataan sa aspetong pisikal, pangkalooban at ispiritwal.

The “Silver Chalice” of Naic
Salaysay ni G. Alberto “Elvie” Suzara
Hunyo 15, 2008

2 thoughts on “The “Silver Chalice” of Naic

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s