The “Rizalistas” of Naic

Ang imahe ni Jose Rizal sa labas ng templo ng KALK sa Malainen Luma.

Bilang pagpupugay ng NAIC CAVITE ONLINE (NCO) sa kaarawan ni Gat Jose Rizal nitong ika-19 ng Hunyo, ilalahad sa pahinang ito ang ibang mukha ng pagkilala sa pambansang bayani ng bansa. Limang kilometro ang layo mula sa Poblasyon, sinadya ng NCO ang Malainen Luma upang makipanayam sa isang samahang tinatawag na mga “Rizalista” ng Naic.

Bahagi ng paunang tangkang kilalanin ang samahang may pananalig na ispiritwal kay Rizal, ilalahad sa pahinang ito ang mga nakalap ng NCO–ipinakikilala ang isa sa mga natatanging pananampalatayang Naicqueno, mula sa “Kapatiran ng Litaw na Katalinuhan.”

Pagsisimula ng “Kapatiran ng Litaw na Katalinuhan”

Pinaniniwalaang mga ilang taon pa lamang makalipas patayin si Rizal sa Bagumbayan (Luneta), isa na sa mga nabuong samahang maka-Rizal ang KALK (baybay: “ka-e-li-ka”). Sa simula ay nangangahulugan ang KALK bilang “Kataas-taasang Ama ng Lupa at Kalangitan,” na may pagkilala kay Rizal bilang isang banal.

Sa pagpapaluwag sa sistema ng relihiyon ng pamahalaang Amerika matapos masakop ang Pilipinas, ganap na naipakilala ang KALK. Abril 14, 1934 nang maipatala ang KALK sa Securities and Exchange Commission o SEC.

Samantala, upang mapangalagaan ang dinadakilang “Ama,” minarapat ng KALK na ibahin ang kahulugan ng KALK sa pagpaparehistro nito noon sa SEC. Itinuturing na kalabisan at kalapastanganan kung masasambit sa mga hindi banal na gawain ang “Ama” lalo at karaniwan na silang tutukuyin ng iba bilang mga tagasunod ng Kataas-taasang Ama ng Lupa at Kalangitan. Dahil dito, sinimulang gamitin ang “Kapatiran ng Litaw na Katalinuhan.”

Ilang paniniwalang KALK

Nililinaw ng KALK na iba sila sa tanyag na konsepto at pagkakakilala sa mga tinatawag na Rizalista. Bagaman itinuturing ng KALK na banal si Rizal, hindi ito nangangahulugang si Rizal na ang sukdulan at lumikha ng lahat sa daigdig. Para sa mga KALK, may Diyos Ama na siyang pinakamakapangyarihan sa lahat at Siyang nagsugo kay Rizal.

Sa paghahambing sa Simbahang Katoliko, pinakamalapit umano ang katauhan ni Rizal ng mga KALK kay Kristo. Kung para sa mga Katoliko ay si Hesus ang tumubos sa kasalanan ng sanlibutan, naniniwala naman ang KALK na si Rizal ang nagbayad upang mapalaya ang inaaliping Pilipinas noong Panahon ng Kastila.

Bilang karagdagan sa istruktura ng sinasampalatayanan ng KALK, may pananalig din ang samahan sa mga kinikilalang bayani ng bayan. Ilan sa maraming santo ng KALK sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at Apolinario Mabini. Tiniyak ng KALK sa NCO na hindi nila kinikilalang bayani o santo si Emilio Aguinaldo, bagaman kaisa sila sa turing na si Aguinaldo ang kauna-unahang pangulo ng bansa. Hindi umano kabayanihan ang pagpapapatay ni Aguinaldo kay Bonifacio.

Gaya rin ng sa Simbahang Katoliko, may mga Banal na Sakramento rin ang KALK tulad ng Binyag, Kasal at Pagpapahid ng Banal na Langis. Gayunman, pinaninindigan ng KALK na hindi naniningil ng anumang kabayaran ang kanilang samahan, maging ang kanilang Templo (simbahan).

Inaasahan namang ang bawat miyembro ng KALK ay mayroong kaalaman sa kasaysayan ng Pilipinas, talambuhay ng mga bayani, lalong higit sa naging buhay at mga akda ni Rizal.

Sa ibang dako, ukol sa kabilang buhay, naniniwala ang KALK na lahat ng namamatay ay tumutuloy sa langit. Ang ganitong paniniwala ay hindi dahilan upang gumawa na ng kasamaan ang sinumang kaanib ng KALK. Habang ang mga nagpakabuti ay walang hirap na tutuloy sa kalangitan, ang mga naging makasalanan ay dadaan pa sa isang proseso ng paglilinis–bagay na magpapatagal upang maranasan agad ang paraiso ng Diyos Ama.

Pagdating ng KALK sa Naic

Kung hindi bago, katatapos pa lamang noon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dumalaw sa Malaineng Luma ang nagtatag ng KALK, Kgg. Angel Lorenzo. Sa naturang pagbisita, nakumbinsi ang isang lalaking taga-Malaineng Luma upang palaganapin sa Cavite ang KALK.

Naipatayo ang templo ng KALK sa Malainen Luma, na dati ay yari lamang sa kubo. Nahikayat din naman ang maraming taga-baryo upang maki-anib sa samahan.

Mula noon, hanggang ngayong mahigit 60 taon na ang nakalilipas, nagpapatuloy ang KALK sa Malainen Luma.

Dahilan sa hindi naniningil ng anumang bayarin ang Templo at mismong ang KALK, nagbayanihan ang mga kaanib sa pagpapaayos ng kanilang templo. Ang mga nakaririwasa sa buhay ay nagbigay ng salapi, habang ang ilan naman ay lakas-paggawa ang ibinigay. Sa ganito, ang dating kubong templo, ngayon ay konkreto at halos kumpleto na sa gamit–kasya maging ang mahigit sa 100 katao na magkakatipon.

Sa kasalukuyan, tatlo ang templo ng mga KALK sa Cavite. Dalawa ang matatagpuan sa Maragondon–sa Mabacao at sa Ibayo. Samantala, ang malaking templo sa Naic ang nagsisilbing templong sentral ng Cavite. Mula sa pangalan ng mga bayani ang siyang itinatawag sa mga templo ng KALK sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Ang templong sentral ng Cavite sa Malainen Luma, isinunod mismo kay Rizal–“Templo Rizal.” Ilan sa mga parte ng bansa na may KALK ang Laguna, Pangasinan, Quezon at Tarlac.

Ilang gawaing KALK

Sa antanda ng Katoliko, itinatapat ang kamay sa noo, dibdib, kaliwang balikat at kanang balikat. Sa KALK, tanda namang ang “Diyos ay sumaatin” sa pagtatapat ng kamay sa noo patungong dibdib, babalik sa noo patungo muli sa dibdib.

Kapuna-puna namang kababaihan ang silang tumatayong mga pinuno ng KALK. Napatunayan umano noon ni Lorenzo na higit na may kakayahang palaganapin ng mga kababaihan ang KALK lalo at sila ang mga unang guro ng bawat batang isinisilang. Kaya naman, sa tuluyang pagpanaw noon ni Lorenzo, pawang mga kababaihan na lamang ang naiwang namamahala at nagpapahayag sa kanilang mga aral.

Sa mga Templo ng KALK gaya sa Naic at Maragondon, Obispa ang siyang nagsisilbing pinuno. Hindi naman lalayo sa lima ang kasalukuyang bilang ng mga Obispa sa Malainen Luma. Karaniwang mae-edad na ang mga Obispa ngayon sa Malainen Luma. Sila ang nangunguna sa mga pangunahing gawaing pang-Templo. Madalas na gawain ng mga Obispa ang magmisa at magbinyag. Lisensyado rin ng pamahalaan ang mga Obispa upang makapagkasal.

Kung may misa, ginagamit ng mga Obispa ang isang aklat na tinatawag na “misal.” Mayroon din namang “aklat-dasalan” ang KALK na para sa pang-araw-araw na pananalangin. Kumpleto umano para sa lahat ng panalangin ang aklat-dasalan: kung aalis, kakain, maglilibang, magtatrabaho, at marami pang iba.

Sa araw-araw, inaasahang ang bawat kaanib ng KALK ay makasusunod sa mga takdang oras ng pagdarasal: sa hatinggabi (ika-12ng), sa madaling araw (ika-3 hanggang -5nu), sa pagpupuri sa Amang Araw (ika-6nu), sa orasyon (ika-6ng), at sa panlahatang pananalangin (ika-7ng). Sa panlahatang pananalangin, sa hudyat ng kampana, lahat ng kaanib ng KALK ay nagtitipon sa templo upang sama-samang manalangin.

Ang KALK-Naic sa kasalukuyan

Bagaman nagsimula ang KALK sa Naic kung saan marami sa Malainen Luma ang nahikayat maki-anib noon, aminado ang KALK na unti-unti at patuloy na nababawasan na ang kanilang mga kaanib ngayon. Ilan sa mga itinurong dahilan ng KALK ang maluwag na pagbibigay na kalayaan sa sinuman upang piliin ang anumang relihiyong nanaisin–lalo at may mga nahikayat na ang Iglesia ni Cristo (INC) sa Malainen Luma (may lokal na sambahan ang INC sa Malainen), maging ang ilan pang relihiyon/sekta/denominasyon sa paligid ng Malainen Luma, o mismong sa Naic; at may mga KALK na nakapag-aasawa ng mula sa ibang relihiyon.

Sa kabila ng umuunting bilang, naninindigan ang KALK na hindi kailanman sila mamimilit ng sinuman upang umanib sa kanila. Naniniwala ang KALK sa karapatan ng bawat isa na malayang piliin kung saan siya magkakaroon ng kapayapaang ispiritwal. Kaugnay nito, aminado rin ang KALK na hindi sila mahigpit sa pagpapatupad ng kanilang mga aral at gawain. Gayunman, ilan sa mga pinaka-importante at buhay na buhay sa mga KALK ng Naic ay ang pagsasama-sama tuwing ika-7ng sa Templo Rizal upang manalangin. Regular din ang pagdaraos ng misa sa Templo Rizal tuwing makalwahang Linggo (ika-7:30nu), kung saan maging ang mga taga-Maragondon at Maynila, paminsan-minsan ay maging ang kasalukuyang pangulo ng KALK sa buong Pilipinas ay dumadalo. Si Enoria Magpantay ng Laguna ang pangulo ng KALK.

Bunga ng ilang pagkakataon, may mga kasong sumasalimuot ang pagiging kaanib sa samahan ng isang KALK. May ilang kaanib na kasal sa KALK subalit binyagan sa ibang relihiyon ang mga anak. Mayroon namang nabibinyagan ang bata sa KALK dahil sa hindi umano kinakayang gastos kung magpapabinyag sa ibang relihiyon gaya ng sa Katoliko. Para sa KALK, ang mga naturang sitwasyon ay nagbibigay bahid upang ituring pang ganap ang pagiging KALK ng isang kaanib.

Sa mga gawaing panlipunan, iniiwasan ng KALK na makilahok sa mga proyektong pinangungunahan ng pamahalaang lokal ng Naic. Gaya ng paninindigan, iniiwasan ng KALK na magamit ang kanilang samahan sa isyu ng pulitika. Dahil dito, minamabuti ng KALK sa Malainen Luma na sa halip na makiisa sa pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Rizal sa Poblasyon tuwing ika-30 ng Disyembre (kamatayan ni Rizal), pumupunta na lamang sila sa Luneta upang doon mag-alay ng bulaklak. Kung ika-19 naman ng Hunyo, nagtitipun-tipon ang mga KALK mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas upang dakilain ang banal na Rizal–halimbawa ang pagpapahayag ng aral sa paraan ng seminar, worksyap o palaro para sa mga kabataan.

Samantala, kasalukuyang matatagpuan ang konkretong templo ng KALK sa Malainen Luma. Sa loob at unahan ng templo, nakaguhit sa dingding ang imahe ni Lorenzo; at ni Salud Nueva, ang itinuring at namayapa nang Suprema ng KALK. Nakaguhit din sa gitna ng mga imahe ang isang matang may mga sinag ng araw–ang simbolo ng Diyos Ama na nakatingin sa lahat. Bahagi naman ng altar ang may isa at kalahating talampakang taas ng mala-monumentong imahe ni Rizal. Sa isang silid ng templo, nakahalera rin ang mga larawan ng naging mga pangulo ng KALK sa nakalipas na panahon.

Matatagpuan sa bakuran ng templo ang isa pang monumento ni Rizal. Hindi lalayo sa tatlo hanggang apat na talampakan ang taas ng imahe mula ulo hanggang paa. Tangan at matatagpuan din sa paanan ng imahe ang ilang mga aklat–tanda ng katalinuhang litaw, na siyang pinagsasaluhan ng mga Naicquenong may pananampalataya kay Rizal.

One thought on “The “Rizalistas” of Naic

  1. Sa pangalan po ng Kgg.Ktt.Angel Lorenzo.Supremo National ng KALL.LBL,NOS 1-32(1934-1939)Kapuluang pilipinas.ako po si raymundo bautista,nakatira sa 056 M.Casas,st.Brgy takungan Pililla,Rizal.Philippines.ayon po sa natuuhan ko sa akin biyenan,na si Ereneo P.libao.nagsimula ang templo rizal.at ang nagtatag nito ay walang iba ang ating Diyos nakikilala.Ang Kgg.Diyos Lolo Anghel Lorenzo.na ang tawag ng mga kapatid sa una ay itay nung una.at dahil my mga anak sya sa katawang tao.Ang Amang Pamping Villa Flores po sya.marami ang mga kapatid nung panahong 1934-1939.at kasama sa pamumuno ng samahan ay c Gng Salud Nuevodava,at Praczedes Punsalan.dumami po ang mga kapatiran sa una sa lugar ng Pasong tamo QC.Maraming Himala ang pinakikita ng Diyos Lolo Angel Lorenzo.nahindi kayang gawin na kung cnong pangkaraniwang tao lamang dito sa daigdig.Pinakikita nya ang mga bagay ng cristo ng strael.dito na man ang cristo ng pilipinas ay si Dr.joserizal!at ang mga Bayani ng ibat ibang Bansa.
    Sanay nagustohan nyo po ang mga nakalaman sa liham na ito.naway magkitakita po tayo sa ibang panahon.
    Gumagalang Ang inyong Kapatid sa KALK,LBL.
    RAYMUNDO BAUTISTA,
    Lubos pong Bumabati sa inyo ng Masaganana at Manigong Bagong Toon.At Pagpalain Po tayo ng Kgg.Ktt,Diyos Angel Lorenzo.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s