Fire razes half of Naic public market

Ang nasusunog na wet section ng pamilihang bayan habang tinutunghayan ng mga Naicqueno.

Setyembre 16, 2008 (Martes). Dalawang araw matapos ang malaking sunog na tumupok sa wet section ng pamilihang bayan ng Naic sa Ibayo Silangan, patuloy na tinatanggap at kinakalap ng NAIC CAVITE ONLINE (NCO) ang mga ulat ukol sa insidente.

Simula ng Sunog

Sa ulat ng Philippine Daily Inquirer (PDI), bandang ika-8:45 umano ng gabi nang mapansin ng gwardiya ng palengke ang isang makapal na usok na nagmumula sa wet section ng pamilihan.

Sa puntong nabanggit, natawag na rin ang pansin ng iba pang residenteng malapit sa palengke. Sa paunang ulat na tinanggap ng NCO, gaya rin ng nasa PDI, nagmula umano ang sunog sa panaderyang nasa wet section. May haka-haka ang mga residenteng naiwang kalan ang pinagmulan ng apoy. Gayunman, patuloy ring kumakalat ang mga sabi-sabing sa nag-overheat na refrigerator ng isang parmasyang malapit din sa panaderya nagmula ang sunog.

Sa panayam noong ika-15 (Lunes), ng PDI kay Chief Inspector Ruben Lacuesta, Hepe ng Pulis-Naic, sinasabing patuloy pa ring iniimbestigahan ang sanhi ng sunog.

Pagkalat ng balitang “sunog”

Unti-unti nang napapayapa ang kabayanan, maging ang mga baryo ng Naic, sa papalalim nang gabi. Mula sa sigawang “sunog” o hindi kaya ay “nasusunog ang palengke” na gumimbal sa Ibayo Silangan, halos kasingbilis ng pagkalat ng apoy sa pamilihan ang naging pagkalat ng balita ukol sa sunog.

Sa pamamagitan ng telepono at cellphone, mabilis na nagpasalin-salin ang balita ukol sa sunog na nagaganap. Ang cellphone na ginagamit ng NCO, halos walang tigil sa pagtanggap ng ulat at update mula sa sitwasyon sa iba’t ibang panig ng Naic habang nagaganap ang sunog.

Ang ilang hindi nakatanggap ng anumang tawag o text message, natuklasan ang nagaganap na sunog matapos matanaw ang malaking lagablab ng apoy at napakaitim na usok sa Ibayo Silangan. Sa mga ulat na tinanggap ng NCO, may mga papauwi sa Naic na nasa Capipisa, Tanza pa lamang ay tanaw na ang nagaganap na sunog. Sa mga nakakasalubong na motorista nakumpirma ng mga nasa byahe ang sunog sa palengke.

Pasado ika-9ng, tiyak na ng NCO na kalat na sa buong bayan ang ukol sa sunog. Sa kasagsagan ng apoy sa Ibayo Silangan, naglabasan ng kani-kanilang tahanan ang marami sa kabayanan, ilang baryo gaya ng Timalan at Munting Mapino, hanggang sa higit pang malalayong baryong kostal gaya ng Bancaan at Labac upang tanawin ang sunog. Kung hindi man natanaw ng ilan, kani-kanya namang pagkabigla, palitang-kuro at reaksyon ang marami hinggil sa nagaganap na sunog.

Sa kasagsagan ng sunog ay ilang ulit ding ikinalembang ang kampana sa Parokya ng Naic upang patuloy na ipabatid sa madla ang nagaganap na sunog sa palengke.

Ilang tagpo sa paligid ng nasusunog na palengke

Kaagad na nagkagulo ang mga residente sa palibot ng palengke, partikular ang mga taga-Tibagan. Ang ilang residenteng natakot sa sunog, mabilis na nag-impake ng mga gamit at lumikas sa mas ligtas na lugar–ilang kamag-anakan o kaibigan sa malayong bahagi ng Ibayo, o sa kabayanan. May ilang residente rin sa Tibagan na hindi naman natinag ng sunog–naniniwala silang hindi sila maabot ng apoy.

Sa pagresponde ng bumbero ng Naic, mabilis na tinanggap ng NCO ang ulat mula sa ilang taga-Tibagan na hindi kinaya ng bumbero ang sunog matapos maubusan ito ng tubig. Sa mga ulat naman ng ABS-CBN, kinailangan pa umanong rumesponde ng bumbero ng ilang karatig-bayan upang makatulong sa pag-apula ng apoy.

Habang kumakalat sa buong Naic ang balita ukol sa sunog, dumarami rin ang mga Naicqueñong napapasugod sa pamilihan. Habang ang ilang humahangos na makarating sa palengke ay may pwesto o tindahang nais sagipin, napakaraming nagpasa-palengke naman ang nais lamang maki-usyoso sa nagaganap na sunog.

Matinding panlulumo at panghihinayang ang sinapit ng mga nasunugan. Nakisimpatya ang ilang kaibigan sa mga tindero, tindera at ilan pang negosyante sa pamilihan. Sa tinanggap na ulat ng NCO, isang negosyante umano sa palengke ang ilang ulit hinimatay habang nagaganap ang sunog.

Dalawa ang malalaking gusali sa pamilihang Naic–ang dry section building at ang wet section building. Higit na malaki ang wet section kumpara sa dry section. Ilang paninda at tindahang nasa wet section ang babuyan, manukan, isdaan, bigasan, gulayan, refrigerated products, grocery products; maging pwesto ng mga Muslim na nagtintinda ng mga appliances at piratang CD.

Ilang metro ang layo sa nasusunog na wet section, marami rin sa dry section ang nag-alwas at nagtipon ng mga paninda upang ilayo pa sa sunog. Nangamba silang baka mahawa sa sunog ang dry section building. Bukod sa malaking apoy na tumutupok sa wet section building, nakasusulasok ding amoy ang nagmumula sa sunog na abot hanggang sa Querubin Subdivision, maraming metro ang layo mula sa palengke.

Sa kasagsagan ng sunog, marami rin ang nanamantala upang ayon sa kanila ay mapakinabangan ang mga produktong masusunog din lang. Sa paglalarawan sa NCO ng mga saksi, maging ng ilang nakikuha ng mga paninda, matinding nakawan sa pamilihan ang naganap. Bago pa man umano nasunog ang ilang nalalabing pwesto, tinungkab na ng mga tao ang saradong mga tindahan–kani-kanyang kuha, hakot, hagis, pasa, usong, takbo at pasan ng anumang mapapakinabangan: mula sa mga simpleng gulay, pake-pakete o bote-boteng pampalasa (suka, toyo, patis), mantika, sardinas, pati mga kutsilyo at timbangan, hanggang sa mga kahun-kahong isdang tuyo, saku-sakong bigas, at ayon sa isang source, itinimba nang mga cellphone.

Ayon sa ilang source ng NCO, bagaman may ilang tindahan sa palibot ng wet section ang hindi inabot ng apoy, nalimasan naman umano ng paninda ang mga naturang tindahan dahil sa tindi ng nakawang naganap. Hindi rin umano nakaligtas sa nakawan ang mga taga-dry section habang nagtitipon ng kani-kanilang mga paninda–gaya halimbawa ng mga damit at tsinelas.

Sa loob ng ilang oras, nagmistulang isang malaking panoorin ang sunog sa palengke. Natunghayan ng bayan kung paano nilamon ng apoy ang wet section building ng pamilihan. Habang nagkakagulo ang ilan sa pagnanakaw, nasaksihan ng marami kung paano humuhuho ang mga butil ng bigas habang tinutunaw ng init ang mga sako nito, at kung paano nasusunog ang mga pabalat na papel ng ilang de-lata habang nakasalansan pa sa mga istante; maya’t maya ring naririnig ang pagsabog ng mga LPG tank at ilang kemikal gaya ng mantika at ilan pang de-lata; at mula unti-unti ay mabilis na nag-uuling at naaabo ang ilang pwesto; marahang nayuyupi, humahapay, lumalagatik, at bumabagsak ang mga bakal na istruktura ng gusali, kasama ang matigas na metal nitong bubong, pati na ang ilang konretong haligi at pader ng mga tindahan.

Pag-apula sa sunog

Sa mga ulat ng PDI at ABS-CBN, sinasabing maghahatinggabi nang ideklarang fire out ang sunog sa palengke. Ayon naman sa ilang source ng NCO mula sa pamilihan, binantayan pa rin ng mga bumbero ang palengke hanggang madaling araw upang matiyak na hindi na sisiklab muli ang apoy.

Tapos na ang sunog subalit hindi pa rin napigilan ang maraming nagbaka-sakaling makakakuha ng anumang mapapakinabangan sa nasunog na palengke. May mga nakakuha pa rin umano ng ilang sako ng bigas na bagaman amoy usok na ay sinasabing pakikinabangan pa rin. Gayunman, naging pangunahing pakay na ng pangangalkal ang mga nasunog na barya, maging mga nasunog na kahoy at bakal na kung hindi man magagamit muli ay maipagbebenta.

Sa pagkakapatay sa apoy, unti-unti na ring nag-alisan ang mga umusyoso sa sunog. Gayunman, hindi na natulog ang mga nangalkal sa labi ng palengke, pati na ang mga nasunugan at ilan pang negosyante na nagbantay sa pamilihan. Hindi na rin nakatulog ang ilang taga-Ibayo Silangan na labis na nabalot ng takot, pati na ang mga nadala ng kwentuhan patungkol sa sunog.

Wala namang nasaktan o nasawi sa sunog.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s