Undras 2008: Naic remembers the dead

Isang tagpo sa Nazarene Eternal Garden ngayong araw ng mga patay.

Nobyembre 1, 2008 (Sabado). Ngayong Todos Los Santos, damang-dama sa masiglang kilos ng bayan ang pag-alala sa kani-kanilang kamag-anak at kaibigang pumanaw.

Paghahanda sa Undras

Dalawang linggo pa lamang bago ang unang araw ng Nobyembre, naririnig na sa ilang Naicqueno ang paghahanda upang linisin ang puntod ng kani-kanilang mga mahal sa buhay. Habang lumalapit ang mismong undras, patuloy pang sumisigla ang galaw ng bayan upang isaayos ang mga naturang himlayan.

Isang araw bago ang undras, sinadya ng NAIC CAVITE ONLINE (NCO) ang pampubliko at ang pribadong sementeryo sa Sapa. Sa dalawang sementeryo, kapansin-pansing napakarami ng abala sa patuloy na pagsasaayos ng mga nitso. Patuloy na makikita ang pagpipinta ng mga puntod, paglilinis sa mga lapida, paggagapas ng mga nagdawag na damo, pagwawalis sa paligid at marami pang iba.

Sa pampublikong sementeryo ng Sapa, nagtayo na rin ng mga kubol ang ilang taga-roon upang simulan ang pagtitinda sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa sementeryo.

Sinadya rin ng NCO ang palengke at nagmasid sa ilang bulaklakan upang siyasatin ang mga bagay kaugnay ng undras. Sa muling pagkakataon, binuksan sa publiko ang bahagi ng nasunog na pamilihan. Matapos malinis ang nasunog na palengke, doon ipinuwesto ang maraming tindahan ng mga bulaklak. Sari-saring bulaklak sa iba’t ibang halaga ang matatagpuan sa pamilihan.

Bukod sa palengke, mas sumigla ang mga bulaklakan sa Ibayo Silangan at kabayanan kung saan kapuna-puna ang pagkaabala ng mga nag-aayos ng bulaklak at ang pagdami ng mga bulaklak sa mga naturang flower shop. May mga establisyamento ring nagtinda ng mga bulaklak para sa undras–gaya ng mga grocery store, mga parlor, maging maliliit na sari-sari store. Maging ilang bahay, nagbukas ng tindahan para sa mga bulaklak. Sa talaan ng isang binuksang tindahan ng bulaklak sa harap ng Velamart, nasa 450 piso ang pinakamahal na bulaklak, ang isang bungkos ng puting bangkok orchid. Nasa 15 piso naman ang pinakamurang bulaklak, ang isang tali ng puting aster. May mga mabibiling 500 pisong nakaayos nang bulaklak mula sa ilang flower shop. Habang upang makahanap ng mas mura, may mga ulat na tinanggap ang NCO na may ilang nagtungo sa Dangwa upang doon mamili ng bulaklak, bago pa ang mismong undras.

Bukod sa mga bulaklak, isa rin sa mga naging mabili ay ang kandila. Kaugnay nito, idinadaing ng marami ang malaking pagmamahal sa presyo ng mga kandila.

Samantala, kaugnay pa ng nalalapit na undras, mahigit isang linggo pa ay namahagi na ang Parokya ng Naic ng mga sobre kung saan matutunghayan ang iskedyul ng novena at misa para sa mga patay, maging ang ilang pupunan sakaling magpa-alala sa yumao lakip ang anumang abuloy.

Ilang ulat ukol sa mga party na isinagawa sa ilang bahagi ng Naic ang tinanggap ng NCO. Halimbawa nito ay ang “Halloween Party” sa Bancaan Covered Court kung saan hanggang sa mag-umaga nang nagsaya ang mga kabataan.

Isang paalala naman ang ipinaskil ng pamahalaang lokal sa sementeryo ng Sapa kung saan sinasaad, “Alam po ninyo puno na ang ating Sementeryo o Libingan ng mga Patay. Bayaran na ninyo ang inyong mga Nitso sa ating Munisipyo, at ipakita sa Sepulturero ang resibo at ng mai-record katunayang kayo ay bayad. Ang hindi makabayad ay ito ibibigay sa ibang nangangailangan.”

Pagdagsa ng Bayan sa mga Sementeryo

Sa datos noong 2004 mula sa pamahalaang lokal, may siyam (9) na sementeryo sa buong Naic. Apat sa mga ito ay pribado habang lima ang pampubliko. Kabilang sa mga pribadong sementeryo ang Nazarene Eternal Garden (Santulan), Immaculate Concepcion Cemetery (Sapa, itinatag: 2/2/97), Sanctuary Memorial Park, dating Feng Shui Garden Memorial Park (Timalan Balsahan, itinatag: 2/29/00), at ang Everlasting Memorial Park (Sapa, 6/23/04). Pampubliko naman ang Santulan Cemetery, Halang Cemetery, San Roque Cemetery, Sapa Cemetery, at Malainen Cemetery.

Maagang-maaga pa lang, mismong araw ng undras, abala na ang marami sa paghahanda upang dalawin ang mga yumaong mahal sa buhay. Sa pag-usad ng mga oras, patuloy na dumaragsa ang mga tao sa iba’t ibang sementeryo.

Pagsapit ng tanghali, dala ng makikipot na mga daan, partikular sa mga pampublikong libingan, halos hindi na mahulugang karayom ang mga sementeryo. Hapon nang dalawin ng NCO ang Santulan Cemetery at San Roque Cemetery, damang-dama ang init sa mga sementeryo bunga ng walang humpay na pagpaparoo’t parito ng mga tao.

Sa lawad na Everlasting Cemetery sa Sapa, kitang-kita rin kung paano dumagsa ang mga tao. Sinasabing hindi mahulugang karayom din ang dinagsang Sapa Cemetery. Dagsa rin ang mga tao sa Nazarene Eternal Garden subalit bunga ng marami at malalawak na mga daan, hindi gaanong nadama ang siksikan ng mga tao.

Kaugnay ng inaasahag pagdagsa ng bayan sa mga sementeryo, naglagay ng local assistance center ang pulisya at lokal na pamahalaan sa mga pampublikong sementeryo ng Santulan at San Roque. Tinawag ang programa bilang “Oplan Kaluluwa.”

Pag-alala sa mga Yumao

Sa pagdagsa ng mga Naicqueno sa iba’t ibang sementeryo sa bayan, bitbit ng marami ang mga bulaklak at mga kandila alay sa kani-kanilang mga namayapang mahal sa buhay. Bukod sa mga nabanggit, nag-alay rin ng panalangin ang mga nabubuhay para sa mga pumanaw na. Nagsagawa rin ng misa ang Parokya ng Naic sa Santulan Cemetery, ang kinikilalang Catholic Cemetery, at sa Nazarene Eternal Garden.

Nagmistulang reunion ang paggunita sa mga patay gayong maraming mula sa malalayong lugar, gaya ng Maynila, ang nagsiuwi upang dalawin ang mga namayapang mahal sa buhay. May ilang ngayon lamang din nakauwi mula sa pangingibang-bansa.

Halos pyesta ring maituturing ang undras gayong maraming pamilya ang nagdala ng sari-saring pagkain sa pagpunta sa kani-kanilang sementeryo. May mga kakanin gaya ng suman, alikaya, kalamay at iba pa; may ilang lutuin gaya ng pansit, spageti, sopas at marami pang uri.

Sa mga pampublikong sementeryo, kapansin-pansin ang nagkalat na mga nagtitinda ng mga laruan, lobo, maging ang ilang nagpapasugal gaya ng batak, beto-beto, pabunot at marami pang iba. May mga bukod sa pagdalaw sa nitso ng mahal sa buhay ay nagdala na rin ng mga paninda gaya ng softdrinks at mga tsitsirya.

Sa pagsasalu-salo ng magkakapamilya, pangkaniwan na ang kwentuhan, tawanan, may ilang nagkakantahan sa saliw ng radyo o gitara. May mga natunghayan ang NCO sa paglilibot nito na may ilang nagdala ng mga laptop, portable DVD player, game boy, portable PlayStation at ilan pang media devices upang pang-aliw at pampalipas oras. Hindi rin nawala ang mga tagpo ng inuman at pagsusugal, partikular ang paglalaro ng baraha.

Habang karaniwan sa matatanda ang kwentuhan at katuwaan, naging pampalipas-oras naman ng mga bata ang paglalaro. Umikot ang oras ng ilang bata, maging ng ilang kabataan, sa paggawa ng mga bola mula sa binilog na mga natutunaw na kandila. Habang pampalipas oras sa ilan, naging daan ang pangongolekta ng tunaw na kandila upang pagkakitaan. Ibinebenta ng ilan ang mga natipong kandila na naging daan naman upang samantalahin ng iba ang ilang himlayan–na maging ang mga hindi pa tunaw at babagong tirik na kandila ay ninanakaw na.

Bahagi pa ng paglilibot ng NCO sa ilang panig ng Naic, naging kapuna-puna ang mga nakatirik na kandila sa mga tapat ng bahay o di kaya ay sa mga altar. Iyon umano ang paraan ng paggunita ng ilang Naicqueno sa mga mahal sa buhay na hindi madalaw sapagkat nakalibing sa malayo. May ilang tagpong may larawan pa ng yumao, bukod sa mga imahe ng santo, katapat ng mga natitirik na kandila.

Sa pagkagat ng dilim at patuloy na paglalim ng gabi, patuloy na ring humupa ang mga tao sa mga sementeryo. May mangilan-ngilang nagpapalipas ng gabi sa mga libingan, lalo na ang may mga museleyo.

Ang paggunita sa patay ay hindi nagwawakas sa unang araw ng Nobyembre lamang gayong inaasahang may mangilan-ngilang dadalaw pa rin sa mga libingan sa ikalwang araw ng buwan, na takda naman bilang All Soul’s Day.

Samantala, naiibang pagkakataon ang naganap sa Everlasting Cemetery kung saan naghandog ng fireworks display ang pamunuan ng naturang libingan. Ika-7ng, ilang minutong natunghayan at narinig ang makukulay na paputok mula sa Sapa.

Sa ika-10:30ng, itinampok ng programang “Exklusibong Explosibong Expose” o XXX ng ABS-CBN ang kontrobersyal na cellphone video kuha sa isang libing sa Naic. Siniyasat ng XXX ang mga kwento sa likod ng video kung saan nagpakita umano ang mismong inililibing. Bahagi ang naturang kwento ng halloween episode ng XXX.

Samantala, hatinggabi hanggang madaling araw na ng ika-2 (Linggo), nasaksihan ng mga nagpa-umaga sa mga sementeryo ang mga bulalakaw sa kalawakan na maya’t mayang naglalabasan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s