Moon, Jupiter, Venus ‘smile’ over Naic

Matutunghayan sa larawan ang sinasabing pagngiti na nabuo matapos tila maglapit-lapit ang buwan at mga planetang Jupiter at Venus. Jupiter ang mas malaking liwanag na nagmistulang mata sa kaliwang bahagi ng larawan, habang Venus naman ang isa. Kuha ito sa Bancaan, pasado alas-7 ng gabi, bago tuluyang naglaho sa paningin ang buwan.

Disyembre 1, 2008 (Lunes). Ikinamangha ng maraming Naicqueño ang naiibang panoorin sa kalawakan matapos magmistulang nakangiti ang naglapit-lapit na mga planetang Venus at Jupiter, kasama ang buwan.

Bandang ika-6 pa lamang ng gabi, marami na ang nakapuna sa natatanging panoorin sa kalawakan. Sa salaysay ng mag-asawang galing sa Dasmariñas, sakay sila ng kotse nang mapuna ang mala-mukhang nakangiti. Kapwa sila nagsasawalang kibo subalit halos magkasabay nang pansinin ang natutunghayan sa kalawakan. Habang binabagtas ang Sabang papasok pa sa loob ng Naic, tila lumalapit pa nang lumalapit ang nakikita. Wala silang kamalay-malay na ang mga planetang Jupiter at Venus ang nagmistulang mga mata ng nakangiting buwan.

Sa pangangalap ng NAIC CAVITE ONLINE (NCO) ng mga kwento ukol sa karanasan ng bayan, lumalabas na tatlo ang mga dahilan kung papaano natuklasan ng mga tao ang ukol sa panoorin sa kalawakan. Gaya sa mag-asawang nasa kotse, aksidenteng napatingin lamang ang iba sa kalawakan. Sa Muzon kung saan marami umano ang nakatambay lamang sa labas ng mga bahay, sa pag-itan ng ika-6 at ika-7 ng gabi (mga oras na kitang-kita ang nakangiting buwan sa kalawakan), napatingala na lamang ang karamihan nang mapansin ang nasa papawirin. Aksidente ring natunghayan ng isang taga-Sabang ang nasa kalawakan nang aktong tutungga sa alak ay napatingala siya. Napatingala rin ang isang nakikipag-inumang taga-Bancaan habang nanunubig sa isang tagong gilid ng lugar. Kaabalahan naman sa pag-iinom ng ilang taga-nayon ng Malainen Luma ang dahilan kung bakit hindi na nila napuna ang nasa himpapawid.

Pagpapasa-pasa ng mensahe sa cellphone ang isa pang dahilan kung papaano kumalat ang balita ukol sa nakangiting buwan. Sa ulat na tinanggap ng NCO, isang taga-Bucana Malaki ang matiyagang nagtext sa mga kaibigan upang ipamalita ang natatanging panoorin sa kalawakan. Mensahe mula sa text din ang paraan upang matuklasan ng ilang taga-Labac ang ukol sa balita. Naggagayak-Pamasko umano sa simbahan ng Aglipay ang ilang taga-Labac nang tanggapin ang text kung kaya pansumandali silang tumigil upang tumunghay sa kalawakan. Sa kulitan sa text ng magkaibigang taga-Zamora at Ibayo Silangan, sinabi ng babaeng taga-Ibayo sa katext na lalaking taga-Zamora ang sumusunod, “ung moon naka-smile. : )”

Pinakahuling paraan sa kung paano natuklasan ng ilan ang ukol sa pagngiti ng buwan ay ang mga balitaan sa telebisyon. Matapos mapanood sa TV ang nagaganap na penomenong astronomikal, marami rin ang nagsilabas ng kanilang mga bahay upang saksihan ng personal ang pangyayari. Isang taga-Bagong Kalsada ang lumabas sa kanilang bahay at sa kahahanap sa buwan ay humantong sa aplaya. Dinatnan ng taga-Bagong Kalsada sa tabing-dagat ang marami pang kababaryo na manghang-mangha rin sa natutunghayan. Nagtatalo pa umano ang ilan sa aplaya kung planeta, bituin o ano ba talaga ang nakikita.

Sari-saring kwento pa ang tinanggap ng NCO kaugnay sa penomenon. Gaya sa Bagong Kalsada, nagkarami rin ang mga Naicqueñong napapunta sa aplaya ng Bucana Malaki. Sa katunayan, sampung magkakaibigan ang naglatag pa ng banig sa tabing-dagat at nagsipaghigaan na nakapabilog ang mga ulo upang matunghayan ng malinaw ang kalawakan. Maliwanag na maliwanag umano ang buwan sa aplaya, subalit ayon sa ilang mangingisda ay higit na maliwanag noong sila ay nasa laot. Pansing-pansin din umano ang liwanag ng buwan sa Balsahan at nayon ng Latoria.

Sa ilang baryo ng Naic, marami pa rin ang napalabas ng kani-kanilang mga bahay matapos matuklasan ang ukol sa nakangiting buwan. Saglit na nagsilabasan ang ilang taga-gulod ng Malainen Luma, Palangue Central, Mabulo, Kanluran at Humbac, habang inilarawang animo ay may artistang pinagkakaguluhan ang mga taga-Calle 1 sa San Roque. Matagal-tagal naman umanong tumutok sa kalawakan ang ilang taga-Halang at dulo ng Makina (malapit sa Naic Doctors Hospital) matapos kumalat ang balita ukol sa himpapawid. Gaya sa ilang baryo ng Naic, marami sa Halang ang sumubok na kunan ng litrato ang pagngiti ng buwan subalit marami rin ang hindi nagkaroon ng magandang larawan dahil sa kalidad ng cellphone camera na kanilang gamit. Samantala, halos hindi naman napansin ng maraming taga-Palangue 2-3 ang nagaganap sa kalawakan dahil abala ang marami sa panonood ng liga (inter-purok) ng baranggay na nagsimula bandang ala-1 ng hapon, at nagwakas bandang ika-8 ng gabi.

Bukod sa matinding pagkamangha, sari-saring reaksyon din ang umiral sa iba’t ibang panig pa ng bayan. Pangkaraniwang maririnig ang sabing sa buong buhay, maging ng matatanda na, ay ngayon lamang umano nila nasaksihan na ngumiti ang buwan. Tuwang-tuwa naman ang mga batang musmos sa silangan ng Timalan Concepcion habang pinapanood ang buwan at walang tigil ang pagsasabi sa mga salitang “happy, smile at masaya.” Ayon sa isang matandang taga-Sapa, pagkakataon umano ang gabi kung kailan ngumiti ang buwan upang manligaw ang mga binata sa mga dalaga. Magandang pangitain umano ang pagkakataong iyon. Para naman sa isa pang taga-Bancaan, maaaaring magandang pangitan din ang pagngiti ng buwan upang manalo sa casino–bagaman hindi natuloy, niyaya ng naturang taga-Bancaan ang mga magulang upang sana ay mag-casino. Samantala, para sa ilang matatanda ng Palangue 2, maaaring hudyat ang pagngiti ng buwan sa pagkakaroon ng masayang Pasko at Bagong Taon ng bayan–lalo at tumaon pa ang pangyayari sa unang araw ng Disyembre.

Ayon sa mga nailathalang artikulo sa internet, mapalad ang Pilipinas sapagkat isa ito sa mga bansa kung saan nagmistulang nakangiti ang Jupiter, Venus at buwan. Sa kabilang panig ng daigdig, baligtad at tila nakasimangot umano ang nabuong imahe sa paglalapit-lapit ng mga naturang bagay sa kalawakan. Gaya sa ilang lugar ng Pilipinas, mahigit isang oras nasaksihan ng Naic ang pagngiti ng buwan at mga planeta. Sinasabing minsan tuwing 48 taon lamang kung maganap ang pagngiti ng buwan, Jupiter at Venus.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s