Thousands celebrate feast of Immaculate Concepcion in Naic

Ang pag-iikot ng banda musiko sa kabayanan upang pasiglahin ang pagdiriwang ng kapistahan.

Disyembre 8, 2008 (Lunes). Libu-libong tao ang dumagsa sa kabayanan ng Naic upang ipagdiwang ang taunang kapistahan ng patrona nito, ang Imaculada Concepcion.

Madaling araw pa lamang, maririnig na ang mga pagkampana sa simbahan ng Naic. Higit na nagising ang kabayanan nang alas-6 pa lamang ng umaga ay naglibot na sa mga kalye ang iba-ibang banda musiko. Samantala, matapos ang paggising sa bayan, kapuna-puna ang kaabalahan ng marami sa patuloy na pagluluto at paghahanda para sa mga salu-salo.

Sa pag-itan ng ika-9 at ika-10 ng umaga, pinasimulan ng NAIC CAVITE ONLINE (NCO) ang paunang paglilibot nito sa bayan. Kapuna-puna ang kauntian ng mga taong namamalengke, at nadarama lamang ang sikip sa mga pansamantalang tindahan na itinayo matapos ang sunog–dahil sa sadyang makipot ang mga daanan. Sa mga ulat na tinanggap ng NCO, marami ang namili na bago pa ang araw ng fiesta, at hindi lahat ay sa pamilihang bayan namaraka, kundi sa ilan ding grocery stores na matatagpuan sa Naic. Sa taas ng presyo ng bilihin, marami ang napilitang magbawas ng handa ngayon kumpara sa mga nakakaraang taon. Para sa ibang labis na dinaranas ang krisis sa pamumuhay, imposible na ang makapaghanda pa.

Hindi pa dama ang sigla ng bayan kung pagbabatayan ang lagay ng mga kalsada sa mga baranggay gaya ng Kanluran, Capt. C. Nazareno, GomBalZa at Balsahan. Sa paunang paglilibot ng NCO, bagaman marami na ang mga nagtitinda ng mga kandila at kakanin sa palibot ng simbahan, maging ng mga laruan at kung anu-anong gamit pambahay sa paligid ng kumbento, palibot sa mga gilid ng plaza, ABC Hall, at mga panulukan ng Kalye Poblete at Capt. C. Nazareno, hindi pa naman ganoong tinatao ang mga pamilihan.

Patuloy sa paglilibot ang may limang banda musiko sa iba’t ibang panig ng kabayanan sa iba’t ibang oras ng kapistahan. Pagsapit ng pananghalian, nagsimula nang nadama ang galaw sa iba’t ibang bahagi ng Naic.

Habang umuusad ang oras pahapon, patuloy ring sumisigla ang mga tao. Sa iba’t ibang bahagi ng bayan, hindi na nawawala ang mga taong nagpaparoo’t parito. Kalimitang grupu-grupo o sama-sama ang mga taong nagpapauli-uli. Karaniwang mula sa mga baryo ng Naic na hindi sakop ng kapistahan ang matutunghayan sa paligid. Mayroon namang bagaman nagdiriwang din ng kapistahan ay sumasama rin sa ibang kaibigan patungo sa ibang baranggay. Mapapansin din ang ilang mula pa sa mga karatig-bayan ng Naic, o sa malalayo pang lugar ng Kamaynilaan. Ang naturang pagdalaw ng mga bisita patungo sa bahay ng kaibigang nagdiriwang ng fiesta ang kilalang “pamimiyesta.” Sa pamimiyesta ng marami, karaniwang kainan ang pinagsasalu-saluhan, bagaman matutunghayan din ang ilang tagpo ng kantahan, inuman at sugalan.

Sa tulong naman ng teknolohiya, mas mabilis na naipaaabot ang mga mensaheng may kaugnayan sa fiesta, gaya na lamang ng paggamit ng mga cellphone upang batiin ang nagdiriwang ng fiesta, o di kaya ay magyaya o magsasabing mamimiyesta ang isa sa isa. Teknolohiya rin ang dahilan upang real time na masaksihan ng ilang Naicqueñong nasa ibang panig ng daigdig kung anong nagaganap sa mismong bayan ng Naic. Bukod sa telepono, sa pamamagitan ng internet ay napanonood at nakakausap mismo ng mga nasa malayo ang nasa sa Naic. Dalawang kaso ang tinanggap ng NCO hinggil sa naturang sitwasyon. Sa taga-Ibayo Silangan at sa taga-Kanluran, naramdaman ng kani-kanyang kapamilyang nasa Gitnang Silangan at Amerika ang nagaganap sa kani-kanilang bahay sa Naic.

Ika-4 ng hapon, sa muling pag-iikot ng NCO sa kabayanan, partikular sa Poblacion, kapuna-punang hindi na mahulugang karayom ang pag-itan ng plaza at ABC Hall, maging ang daan sa pag-itan naman ng plaza at simbahan. Bukod sa paniningin ng marami sa samu’t saring paninda sa paligid, tila umaagos din ang mga papasok at palabas ng simbahan. Kung walang misa, nangakapila naman ang mga taong umaakyat sa likod ng Altar Mayor upang makahawak at makahalik sa nakalabas na bahagi ng damit ng Imaculada Concepcion.

Sa maagang pagkagat ng dilim, pasado ika-5 ng hapon, tuluyan nang nagsikip ang may libu-libong tao sa Poblacion. Sa pagkukumparang hindi kasing-aga ng pagdagsa ng mga tao noong nakaraang taon ang pagdami ng mga tao sa kapistahan ngayon, tinataya ng ilan na ang pagtapat ng fiesta sa Lunes ang dahilan. Sa kabila ng suspensyon ng mga pasok at klase sa buong Naic, marami namang taga-Naic at may mga kaibigan o kamag-anak sa Naic na mula sa ibang mga bayan ang may pasok sa eskwela o trabaho. Ipinagpapalagay rin na ito ang dahilan kung bakit higit na nadama ang paninikip sa daloy ng trapiko habang gumagabi. Sa salaysay ng isang pamilyang naka-dyip na nagpilit pasukin ang Poblacion, mula umano Villa Apolonia hanggang plaza ay inabot ng isang oras ang kanilang pag-usad. Nagkalat naman sa iba’t ibang panig ng kabayanan ang mga tricycle, habang naging madalas ang paghahatid ng mga bangka sa pag-itan ng Balsahan at Latoria.

Bukod sa mga misang nagsimula ika-4:30 pa lamang ng madaling araw, na oras-oras sinundan hanggang 9:30; pati sa binyagan sa ika-10:30nu; maging sa mga misa sa ika-4nh at ika-6ng, nagsilbing pangwakas na gawaing banal sa araw ng kapistahan ang prusisyon para sa karangalan ng Imaculada Concepcion. Pasado ika-7ng, sinimulan ang pagpu-prusisyon sa imaheng replica ng orihinal na imahe ng patrona. Bumagal ang daloy ng prusisyon dahil sa sikip ng mga daan bunga ng mga taong nagpapalakad-lakad sa Poblacion, maging sa pag-iiwas ng mga banderitas na tumatama sa sinag ng patrona. Humigit-kumulang isang oras ang itinagal ng prusisyon. Bilang karagdagan, ang mga naging pagbasa sa mga misa ay kagaya ng mga pagbasa sa Misa Concelebrada noong ika-6. Halos kagaya rin ng mensahe sa homilya ni Bishop Luis Tagle noong concelebrada ang homilya ng mga paring nagmisa sa araw ng fiesta.

Ilang sandali matapos ang prusisyon, pinasimulan naman ang programa sa plaza na handog ng pamahalaang lokal. Nagkaroon ng fireworks at ng inaabangang “toro” kung saan tila hinahabol ng mga paputok ang mga tao sa paligid. Nanatiling dagsa ang marami sa Poblacion sa pagkakaroon ng kantahan, sayawan at acrobat show sa entablado. Sa unti-unting pagsapit ng hatinggabi, baha-bahagyang nababawasan ang mga taong nanonood ng palabas sa plaza. Nasa ika-2 na nang madaling araw ng matapos ang programa at humupa ang tao sa plaza.

Samantala, sa kabila ng masiglang pagdiriwang ng marami sa Naic, hindi naiwasang mabahiran ng tensyon at pangamba ang ilan. Sa Kalye Luna, isang di-kilalang tao ang nakisabay sa maraming nakikipamiyesta sa isang pamilya at kinuha ang cellphone ng may bahay. Nakatakas ang nagnakaw ng cellphone subalit naabutan at nahuli siya ng may-ari sa 7-11. Naibalik ang ninakaw na cellphone at ipinapulis ang kumuha. Tinanggap din ng NCO ang ulat ukol sa mainit na away na naganap sa plaza habang nagkakaroon ng programa. Magkakaiba ang ulat na tinanggap ng NCO sa mga sabing nagsaksakan, nagtutukan ng baril, at nagtutukan ng panaksak ang dalawang kaagad na nirespundihan ng mga nagpapatrolyang pulis. Kapuna-puna pa ang pagdami ng mga namamalimos sa Poblasyon, maging ng mga nagbabahay-bahay upang manghingi ng tulong sa araw ng fiesta.

Sa talaan ng NCO, nagdiwang ng kapistahan ang mga baranggay na sakop ng Parokya ng Naic, partikular ang Balsahan, Kanluran, Capt. C. Nazareno, Santulan, Makina, Humbac, Ibayo Silangan, Ibayo Estacion at Latoria. Bagaman sakop ng Quasi-Parish ng Sto. Niño de Bancaan, kaisa rin ang Sapa sa pagdiriwang ng fiesta para sa kagayang patrona ng baryo. Sa ulat na tinanggap ng NCO, isa sa mga pinakatampok na gawain sa Sapa ay ang marathon na idinaos kung saan may kung ilang ikot na nag-marathon ang mga lumahok mula Sapa, pa-Bucana Malaki, Bagong Kalsada, Bancaan, pabalik sa Sapa.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s