Trece Martires blast rocks Naic

Enero 29, 2009 (Huwebes). Nayanig ang ilang bahagi ng Naic matapos ang isang napakatinding pagsabog na naganap sa kabisera ng Cavite.

Ayon sa mga ulat na nakalap ng NAIC CAVITE ONLINE (NCO), sumabog ang pabrika ng paputok na Starmaker sa Conchu, Trece Martires City. Sa kasalukuyan, hindi bababa sa anim na tao ang namatay, habang nasa 70 naman ang sugatan.

Bandang ika-10:45 ng umaga, nasa Naic National High School ang NCO nang sandaling naabala ang ilang klase dahil sa dagundong ng pagsabog. Ilang ulit pang nasundan ng mahihinang pagsabog ang unang dagundong. Unang inakalang kulog o sasakyang bumangga sa kahabaan ng Halang, nabigla ang ilang guro at mag-aaral nang matanaw ang napakalaking usok ilang kilometro mula sa paaralan. Ikinumpara pa sa isang “nuclear bomb” ang halos hanggang ulap at mala-kabuteng usok na natanaw, lalo at katatapos lang na aralin ng mga fourth year student ang ukol sa bomba.

Mabilis na kumalat ang haka-haka sa Halang na maaaring sa Palangue, Indang o Dasmariñas ang lugar na pinangyarihan ng pagsabog. Sa panayam ng NCO sa mga taga-Halang, napag-alamang kasabay ng pagsabog ay nayanig din ang lupa sa baryo. Damang-dama umano ang naturang paggalaw ng lupa sa bukirin ng Halang.

Nadama din hanggang sa mga kasuluk-sulukang bahagi ng Naic ang epekto ng pagsabog. Nag-fluctuate ang daloy ng kuryente na nagpa-andap sa mga ilaw at segundong nagpa-antala sa paggana ng ilang appliances gaya ng TV at computer sa buong Naic. Sa munisipyo, napuna ng mga empleyado na bahagyang gumalaw ang napakalaking salamin sa kanilang bungad na counter. Sa Labac, kumawang umano ang nakapinid na pintong stainless sa isang bahay malapit sa simbahan ng Iglesia Filipina Independiente. Sa lakas ng pagsabog, inakala rin ng ilang estudyante ng Bancaan Elementary School na kumulog, at nagtaka gayong maaliwalas ang panahon. Ang pagsabog ay dinig din umano hanggang sa dulo pa ng Labac.

Sa ilang ulat pa na nakalap ng NCO, isang Naicqueño ang naka-duty sa isang ospital sa Trece nang maganap ang trahedya. Nangabasag din ang salamin sa ospital. Saksi ang naturang Naicqueño sa sali’t salitang pagsugod ng mga pasyente mula sa pagsabog. Ilang taga-Naic din na empleyado ng National Statistics Office (NSO) ang nabalot ng kaba matapos bumagsak ang kisame ng kanilang tanggapan sa Trece. Kasabay ng pagsuspinde sa mga pasok at klase sa buong lunsod, nag-uwian na rin sa Naic ang mga naturang empleyado. Gaya ng iba pang establisyamento sa Trece, ang ospital at tanggapan ng NSO ay ilang kilometro ang layo mula sa pinagmulan ng sabog.

Sa matinding panic na kagyat na umiral sa Trece, kaagad na naki-responde ang bumbero ng Naic. Higit na naunawaan at kumalat ang balita sa Naic nang wala pang isang oras ay isinahimpapawid na sa telebisyon ang kaganapan sa Trece. Maraming Naicqueño ang nangamba para sa kaligtasan ng mga kakilala, kaibigan at kamag-anak na nasa lunsod.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s