Naic mourns, remembers Cory Aquino

Matutunghayan ang isang tagpo sa paglilipat sa mga labi ni dating Pangulong Corazon Aquino mula sa La Salle Greenhills patungong Manila Cathedral. Kuha ito noong ika-3 ng Agosto, pasado alas-2 ng hapon. Ipinagkaloob ito ni Harvey Poblete sa NAIC CAVITE ONLINE.

Agosto 6, 2009 (Huwebes). Sa pagluluksa ng Pilipinas sa pagpanaw ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino, nakikiisa ang Naic sa pagbabahagi nito ng mga kwento, karanasan at pakikiramay.

Matapos kumalat ang balita ukol sa pagkamatay ni Cory noong ika-1, hanggang sa kasalukuyan ay bahagi na ng mga usapan at talakayan sa iba’t ibang bahagi ng bayan ang ukol sa dating pangulo. Marami ang nagpahayag ng kalungkutan gaya na lamang ng isang tinderang unang nakapanayam ng NAIC CAVITE ONLINE (NCO). Ayon sa tindera, bagaman nalulungkot siya sa pagpanaw ni Cory, masaya na rin siya para rito dahil hindi na nito mararamdaman ang hirap na dulot ng sakit.

Bago pa man ang pagpanaw, ipinapanalangin na ng bayan ang dating pangulo. Ika-26 ng Hulyo (Linggo), bahagi na si Cory ng ipinagdadasal sa mga misa sa Parokya ng Naic. Muling naghandog ng panalangin ang simbahan sa mga misa nito isang araw matapos ang pagpanaw ng dating pangulo. Kaugnay nito, karaniwan na ring laman si Cory ng mga panalangin sa mga pagpupulong at salu-salo, gaya na lamang sa acquaintance party ng mga estudyante ng Cavite State University – Naic.

Sa buwanang first-Monday-flag-ceremony nitong ika-3, inanyayahan ni Vice Mayor Jun Dualan ang sambayanan upang mag-alay ng panalangin para sa namayapang dating pangulo. Nagbigay pugay rin para kay Cory si Mayor Efren Nazareno nang magsalita sa naturang programa. Ayon sa alkalde, malaki ang pasasalamat ng bayan kay Cory gayong bahagi ang Naic sa tumatamasa ng demokrasyang ipinamana ng dating presidente. Pinangunahan din ng pamahalaang lokal sa Naic ang pagha-half-mast sa watawat ng Pilipinas. Nag-half-mast din ang mga paaralan ng bayan.

Bilang pagpupugay kay Cory, maging ang mga Naicqueno ay ginamit ang simbolong dilaw para sa dating Pangulo. Bago pa man pumanaw, tinanggap na ng NCO ang ulat na namamahagi umano ng mga dilaw na laso ang 7-11 Convenience Store sa kabayanan para sa mga mamimili nito. Ilang personalidad din sa Naic ang natunghayan ng NCO na naglagay ng dilaw na laso sa mga damit, maging sa mga sasakyan. Maraming empleyado ng munisipyo ang nagsuot ng dilaw na laso sa mga damit, na gagawin umano nila hanggang sa matapos ang 10 araw ng pambansang pagluluksa na idineklara ng Malakanyang. Sa ulat na tinanggap ng NCO, isa umano sa mga karaniwang hinahanap ng mga kabataan ngayon sa Naic ay kung saan makabibili ng mga pins ukol kay Cory.

Samantala, isang araw bago pumanaw si Cory, inilagay na ng NCO sa banner nito ang imahe ng isang dilaw na laso bilang pakikiisa sa laban ng dating pangulo. Kaugnay nito, kapuna-puna rin ang maraming Naicquenong may akses sa internet na naglahad ng kani-kanyang pagkilala sa dating pangulo, at nagpaskil ng mga imahe ng dilaw na laso. Sa Facebook account ni Konsehala Joy Unas, matipid subalit makahulugan ang kanyang ipinaskil na pamamaalam, “GOODBYE TITA CORY.” Bukod dito, sinuportahan din ng konsehala ang isang Facebook cause na nananawagan para sa “Canonization of Cory Aquino: Saint of People Power.”

Sa guestbook na binuksan ng ABS-CBN laan para sa dating pangulo, isang nagpakilalang taga-Naic ang nagpa-abot ng mensahe. Ayon kay Lhyn Manalo, “Tita Cory, You are truly an inspiration to every Filipino….. may your legacy live amongst us and may we all be worthy of you and your husband Ninoy’s sacrifices. God bless your family… Truly we will miss you…. Maraming salamat at Paalam Tita Cory!”

Maging ang mga Naicquenong nasa ibang bansa, nagpahayag din ng pagpupugay para sa dating pangulo. Ayon sa paskil sa Facebook ni Ira Therese Mananquil, mula sa Canada, “[I will] honor the late former President Corazon Cojuangco Aquino; [and] will always be proud to be a Filipino.” Pasasalamat naman ang mensahe ni Laarni Mojica na nasa France, nang sabihin niya sa Facebook, “President Corazon Aquino thank u for being such an inspiration to everyone… may u rest in peace…” Samantala, isang tula naman alay kay Cory ang ipinaskil sa Multiply ni Loi Olivar, taga-Malainen Luma at kasalukuyang nasa Qatar.

Tanda rin ng malalim at tunay na pagkilala kay Cory, maraming Naicqueno ang nagsadya na sa una pa mang pinagburulan ng dating pangulo. Ayon sa isang source, naiulat umano sa isang balitaang pantelebisyon ang ilang mga taga-Naic na dumayo pa sa La Salle Greenhills upang matunghayan ang mga labi ni Cory. Ayon umano sa balita, alas-5 pa ng umaga noong ika-2 ay nasa La Salle Greenhills na ang mga naturang taga-Naic.

Patanghali ng ika-2 rin nang makarating si Luz dela Merced-Herrera, 63, Naicqueno, sa unang pinagburalan kay Cory. Bunsod ng kagustuhang makita ang dating pangulo, ayon kay Herrera ay nadala ang kanyang damdamin nang masaksihan ang dami ng mga umiiyak sa burol ni Cory. Kasama rin ni Herrera si Emerenciana Nepomuceno, 81, na nagtiis ng gutom at pagod ng katawan masilayan lamang ang mga labi ni Cory. Mula alas-11 ng umaga hanggang ika-1 ng hapon, nakipila ang mga naturang taga-Naic sa La Salle Greenhills. Inilarawan ni Nepomuceno ang pino at napakaputing mukha ng namayapang dating pangulo. Bakas ang kagalakan kay Nepomuceno matapos makadalo sa burol ni Cory. Nagkaroon pa ng pagkakataon upang makapamili ng mga souvenir na damit, tatak ang mukha ni Cory, sina Herrera at Nepomuceno.

Saksi rin ang isang Naicqueno sa makasaysayang paglilipat sa mga labi ni Cory mula sa La Salle Greenhills patungong Manila Cathedral noong ika-3. Kasama ni Romilee Hinahon, 20, ang lima pang mga kamag-aral sa Philippine Normal University (PNU) na naghintay sa pagdating ng mga labi ng dating pangulo sa Maynila. Alas-3 ng hapon umano nang maghintay sa may Intramuros, inilarawan ni Hinahon ang pagdating ng mga labi ni Cory sa saliw ng sigawan ng mga taong nagbibigay pugay at nagsasaboy ng confetti para sa dating pangulo. Matapos makipila, bandang alas-8 na ng gabi nang masilayan nina Hinahon si Cory. Nagpunta umano ang magkakaklase sa burol upang makibahagi sa kasaysayan, at makiramay sa mga naulila ng dating pangulo. Nagsulat din sina Hinahon sa isang dedication wall para kay Cory malapit sa Manila Cathedral. Sa dami ng taong mula sa iba’t ibang antas ng buhay na nakipila, naunawaan umano ni Hinahon kung paano nahipo ni Cory ang maraming Pilipino. Nagkaroon muli ng pagkakataon sina Hinahon na masilayan ang dating pangulo makalipas ang isang araw. Ito ay matapos anyayahan ng PNU ang lahat ng mga mag-aaral nito na magtungo sa Manila Cathedral sa inilunsad na “Walk for Cory.”

Masaya naman si Hazeline Anne Lorica, 21, taga-Naic at kapapasa lamang sa Nursing Board Exam, nang mabigyan siya ng pagkakataon upang maging Red Cross volunteer sa burol ni Cory. Matapos ang makasaysayang paglilipat sa mga labi ng dating pangulo sa Manila Cathedral, ika-4 nang buong araw na kumuha ng blood pressure si Lorica sa mga taong dumadagsa sa burol ni Cory. Damang-dama umano ni Lorica ang saya sa nakikitang dami ng mga taong nakapila hanggang sa labas ng simbahan. Ayon pa kay Lorica, buong araw siyang nagbaybay sa mahabang pila upang makuha ang blood pressure ng mga nangangailangan.

Sa mga huling ulat na natanggap ng NCO, patuloy na nakidalo ang maraming Naicqueno sa bisperas ng libing ni Cory. Kabilang ang kaparian ng Cavite sa naghandog ng panalangin para sa dating pangulo sa Manila Cathedral. Isang bus din umano ng mga taga-Bancaan ang nagsadya sa Maynila upang makiramay, habang itinakda rin ang pagpunta ng may 70 miyembro ng asosasyon ng mga retiradong US Navy mula sa Naic.

Habang hindi lahat ay nagawang magtungo sa Maynila, marami naman sa mga Naicqueno ang tumutok sa mga telebisyon at radyo upang masubaybayan ang mga kaganapan sa burol ni Cory. Nagpatuloy rin ang pagtutok ng ilan sa mga live video streaming sites sa internet. Mula sa necrological mass hanggang sa requiem mass, buong bayan ang sumubaybay sa makasaysayang paglilibing kay Cory. Maraming ulat na tinanggap ang NCO na may mga kasong hindi na halos umalis sa harap ng telebisyon ang mga manonood mula pagkagising hanggang sa tuluyang naihatid si Cory sa huling hantungan. Ang mismong libing ng dating pangulo, ika-5, ay isinahimpapawid ng iba’t ibang television at radio stations sa loob ng mahigit 13 oras. Naging madamdamin para sa marami ang napakaraming tagpo sa isinagawang paglilibing kay Cory. Babae at lalaki, bata at matanda, mayaman at mahirap sa Naic, sinabing kung hindi napaluha o napaiyak, ay naantig naman ang kanilang mga damdamin. May mga ulat pa ring tinanggap ang NCO na may mga Naicquenong dumalo sa mismong libing ni Cory sa Kamaynilaan.

Sa pananaliksik ng NCO, sinasabing minsang dumaan ang motorcade ni Cory sa Naic noong ika-19 ng Enero 1986. Kasama rin umano ni Cory ang katuwang sa pagtakbong si Doy Laurel bilang bise presidente. Bumababa pa umano si Cory sa kabayanan at nakipagkamay sa mga tao. Ang naturang motorcade ay bahagi ng pangangampanya ni Cory bilang pangulo sa isinagawa noong snap elections. Makalipas ang dalawang araw, ang motorcade ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, kasama ang kanyang bise na si Arturo Tolentino, ang nag-motorcade naman sa Naic.

Sa paghantong ng snap elections sa EDSA Revolution, inilahad ni Konsehala Unas na nakibahagi sa People Power noon, na malaki ang ginampanang pamumuno ng mag-asawang Ninoy at Cory upang matamasa ng bansa ang demokrasya. Inaasahan ng konsehala na gaya niya noon ay makikibahagi at patuloy ring makikibahagi ang mga kabataan ngayon sa pagkilala sa dating pangulo.

Matatandaang bahagi ng mga pagbabagong isinulong ni dating Pangulong Aquino, itinalaga niya ang Naicquenong si Cesar Nazareno, bilang kauna-unahang pinuno ng Philippine National Police noong 1991. Ang naturang pagtatalaga ay kasabay ng transisyon ng tanggapan bilang dating Philippine Constabulary-Integrated National Police. Sa mensaheng mula kay Justita Hinahon, kapatid ng namayapa nang si Nazareno, sinabing “General Cesar Pardo Nazareno was blessed for having President Cory Aquino as Commander-in-Chief. He acquired from her the power of prayer and the courage to withstand any obstacle that came his way. Being one of her men, he had a chance to visit President Aquino in her home as a personal friend on rare occasions. There he saw the very real Cory, warm, hospitable, honest, kind, plus all the virtues one can think of.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s