Undras 2009: Naicquenos observe All Saints’ Day

Nobyembre 2, 2009 (Linggo). Muli na namang napuno ng tao ang mga sementeryo sa Naic bilang paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay, ika-1 ng buwan.

Umagang-umaga pa lamang, dama na ang galaw ng mga nagpaparoo’t paritong mga tao na kung hindi pa nagtutungo sa sementeryo ay naghahanda naman para sa gagawing pagpunta. Sa buong araw, hanggang gabi ng Todos Los Santos, napuno ng tao ang mga sementeryo ng bayan. Gayunman, sa mga ulat at paglilibot ng NAIC CAVITE ONLINE (NCO), sinasabing hindi kasing dami ng sa mga nakaraang taon ang naging buhos ng tao sa mga sementeryo gaya ng Nazarene Eternal Garden sa Santulan, at ng sementeryong pambayan sa San Roque.

Samantala, dama rin ng mga Naicqueno hanggang sa paggunita sa mga patay ang matinding hagupit ng mga nagdaang bagyo. Sa pananalasa ng mga bagyong Ondoy at Pepeng sa Luzon, idinaing ng marami ang naging epektong pagmamahal ng presyo ng mga bulaklak ngayon. Madaling araw, bisperas ng Todos Los Santos, sa babalang signal number 3 ay dinaanan pa ng bagyong Santi ang Naic. Ipinangamba ng marami ang maaaring maging negatibong dulot ng bagyo sa mga paghahanda at pagpunta mismo sa sementeryo.

Gaya naman ng una nang naiulat ng NCO, idinaos ng mga kabataan ang kabi-kabilang treat or trick at party sa iba’t ibang panig ng Naic. Tinanggap ng NCO ang ulat sa pagkakaroon ng party sa Labac at Bancaan; habang may treat or trick din sa Labac, Kanluran at Jollibee Naic. Sa isang kumento sa Facebook account ng NCO, sinasabing sa halip na candy, sari-saring suman ang ipinamigay sa ilang mga batang nag-treat or trick sa iba pang baryo.

Sa datos noong 2004, may siyam na sementeryo sa bayan ng Naic. Apat sa mga ito ay pribado habang lima ang pampubliko. Kabilang sa mga pribadong sementeryo ang Nazarene Eternal Garden, Immaculate Concepcion Cemetery (Sapa), Sanctuary Memorial Park, dating Feng Shui Garden Memorial Park (Timalan Balsahan), at ang Everlasting Memorial Park (Sapa). Pampubliko naman ang Santulan Cemetery, Halang Cemetery, San Roque Cemetery, Sapa Cemetery, at Malainen Cemetery.

Samantala, batay sa mga balitang nakalap ng NCO, mapayapang nairaos ng bayan ang paggunita sa mga patay. Ang mga misa sa ilang sementeryo ay nakaayon pa rin sa mga iskedyul nito sa mga nakaraang taon. Kaugnay ng Todos Los Santos, wala pa ring pasok sa mga eskwela at opisina ngayong ika-2 bilang Araw ng mga Kaluluwa.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s