Typhoon Gener leaves Naic in state of calamity

Agosto 4, 2012 (Sabado). Sa isang linggong pananalasa ng bagyong Gener sa Naic, daan-daang pamilya ang nawalan ng tirahan, kabuhayahan o di kaya ay iba pang ari-arian.

Unang bugso ng bagyong Gener sa Naic

Ika-29 ng Hulyo, Linggo, nagsimulang maramdaman sa Naic ang epekto ng bagyong Gener. Bagaman nasa hilagang bahagi ng Luzon, hinila at pinaigting naman nito ang habagat. Dahil dito, halos buong araw na walang tigil ang ulan sa buong bayan ng Naic. Gayunman, nanatiling walang storm signal sa Cavite.

Kinagabihan, higit pang naramdaman ang hagupit ng bagyo sa Naic. Bandang 12:03 ng madaling araw, ika-30, tinanggap ng Naic Cavite Online (NCO) ang ulat na mala-delubyo na ang hanging nararamdaman sa Gulod, Munting Mapino. Ang napakalakas na hangin ay higit na naramdaman sa mga baybay-dagat ng bayan. Nagpahayag ng pagkatakot ang mga taga-Bucana Malaki dahil 6:00 na ng umaga ay dama pa rin ang lakas ng hangin.

Sa ulang nai-kategoryang “heavy,” katumbas ng hanggang 15 milimetrong patak nito kada oras, binaha ang maraming baryo lalo na ang mga nasa bahaging kostal. Dumanas ng may hanggang tuhod na baha ang Labac, Bancaan at Bucana Sasahan. Binaha rin ang Poblasyon, Bucana Malaki at Latoria.

Matutunghayan ang isang tagpo sa boundary ng Bancaan at Mabulo na binaha matapos ang tuluy-tuloy na pag-uulan hatid ng bagyong Gener.

Kaagad na sinuspinde ng pamahalaang lokal ang klase sa lahat ng antas sa Naic, pampubliko at pribado noong araw na iyon. Ika-9 ng umaga, pinauwi na rin ang mga kawani ng gobyerno.

Samantala, habang umuusad ang ikalwang araw ng bagyong Gener sa Naic, tumaas na rin ang tubig sa mga ilog. Sa Saluysoy, halos pumantay na sa breakwater ang tubig. Nagdulot ito ng kaba sa mga naninirahang malapit sa kailugan. Halos buong araw nilang binantayan ang galaw ng tubig.

Patuloy namang binabayo ng hangin ang buong aplaya ng bayan. Tinanggap ng NCO ang ulat hinggil sa pagkasira ng ilang bangka at kubo sa Mabulo. Pilit namang sinagip ng ilang taga-Mabulo ang kanilang mga bangka. Ang marami naman sa baybay-dagat ay tinibayan ang kanilang mga bahay.

Dama rin sa mga kanayunan ang bagyo. Maghapunan ding inulan hanggang Sabang at Palangue. Sa lakas ng hangin, sinasabing nagkalat ang mga nanlaglag na dahon sa Malainen Luma.

Ang Naic sa ilalim ng State of Calamity

Lingid sa kaalaman ng marami, bago pa ang bagyong Gener ay nasa ilalim na ng state of calamity ang Naic. Ika-23 pa lamang ng Hulyo, isinailalim na ang bayan sa state of calamity dahil sa pananalasa ng naunang bagyo. Ayon sa Resolution No. 46 (series of 2012), naapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka dahil sa bagyong Ferdie.

Sa ikatlong araw ng pagbayo ni Gener, iniulat nang kabilang ang Naic sa mga lugar ng Cavite na isinailalim sa state of calamity. Kabilang ang Naic sa iba pang bayan at lungsod ng Cavite na maiging nasalanta ng bagyo: Bacoor City, Kawit, Noveleta, Cavite City, Tanza, Rosario at Ternate. Patuloy na suspendido ang lahat ng klase sa Naic.

Sa Naic, daan-daang pamilya na ang naapektuhan ng bagyo. Ipinalabas ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ang sumusunod na datos hinggil sa bilang ng mga apektadong pamilya sa bayan: Munting Mapino: 700, Bancaan: 700, Mabulo: 500, Sapa: 300, Bucana Sasahan: 400, Timalan Concepcion: 300, Timalan Balsahan: 400, Latoria: 300, Bucana Malaki: 150, Bagong Kalsada: 200, Balsahan: 150. Sa Facebook Fanpage naman ni Cavite Gov. Jonvic Remulla, sinasabing nasa 39 na kabahayan ang winasak ng mga alon sa Munting Mapino. Nasa 856 umano ang apektadong pamilya ayon naman sa talaan ng baryo. Itinuturing ang Munting Mapino bilang pinakanasalantang baryo sa Naic.

Huwebes nang ideklara ng pamahalaang lokal na suspendido na rin ang mga klase sa buong Naic hanggang araw ng Biyernes.

Ang Munting Mapino sa gitna ng bagyo

Sa mga sumunod pang araw, naging laman na ng balitaang pambansa ang Munting Mapino. Ang malalaking TV stations gaya ng ABS-CBN at GMA, nagkaroon na ng mga live set sa  baryo at maya’t mayang iniuulat ang kalagayan ng pamayanan.

Sa ulat ni Maria Bulaklak Ausente sa 24 Oras noong unang araw ng Agosto, sinabing nasa tatlo hanggang limang metro ang mga along humahampas sa aplaya ng Munting Mapino. Sa ulat naman ni Francis Faulve sa Umagang Kay Ganda, kagayang araw, ang mga naturang malalaking alon ang umuukit sa pundasyon ng mga bahay na siyang nagpapaguho sa mga ito. Binigyang diin ni Faulve na hindi lamang ang mga bahay na yari sa kahoy, kundi maging yaong mga yari sa bato, ang winasak ng alon sa Munting Mapino.

Bukod sa mga kabahayan, iniulat din ang pagkawasak ng mga bangka ng marami sa Munting Mapino. Sa ulat ni Gretchen Malalad sa TV Patrol, ika-2 ng Agosto, tinangka pa umanong sagipin ng ilang mangingisda roon ang ikalwang bangka ni Cesar Sagpao. Nasira rin umano ang lantsa ni Sagpao na nagkakahalaga ng 1.6 million pesos.

Samantala, ayon kay Faulve, may poyekto umanong pangontra sa alon ang Munting Mapino subalit apat na araw pa lamang ito nasisimulan nang sumalakay ang malalaking alon. Wala rin umanong nakahandang evacuation center para sa mga taga-Munting Mapino kung kaya nakikisilong na lamang ang mga nawalan ng bahay sa ilang kapitbahay.

Ang pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo

Magkasunod na nagpaabot ng relief goods ang ABS-CBN at GMA sa mga nasalanta ng bagyo sa Munting Mapino. Araw nang ihatid ng Sagip Kapamilya ang tulong, samantala ay kinagabihan naman nang dumating ang tulong mula sa Kapuso Foundation.

Sa ulat ni Mel Tiangco sa 24 Oras noong ika-2 ng Agosto, inilarawang hindi natinag nang malakas na ulan ang mga tao sa pagtanggap ng tulong mula sa Kapuso. Mahigit 700 katao umano ang kanilang natulungan. Samantala, pinangunahan naman ni Bernadette Sembrano ang pamamahagi ng tulong ng Kapamilya.

Bukod sa mga nabanggit, iniulat ng pamahalaang lokal na nagpaabot rin ng tulong sina Senator Manny Villar at Congresswoman Cynthia Villar sa Bucana Sasahan. Namahagi rin ng tulong ang mismong pamahalaang probinsyal at pamahalaang bayan sa mga nasalanta ng bagyo. Samantala, ilang samahan pa ang inaasahang magpapaabot ng tulong sa mga naapektuhan sa Naic.

Bumuhos naman ang simpatya ng iba pang kababayan sa social networking sites matapos kumalat ang mga larawan ng kalunus-lunos na sinapit ng mga taga-kostal.

Ika-3 ng Agosto, iniulat ng PAGASA na tuluyan nang nakalabas ng bansa ang bagyong Gener. Gayunman, hanggang sa ngayon ay manaka-nakang nakararanas ng pag-uulan ang buong Naic.

4 thoughts on “Typhoon Gener leaves Naic in state of calamity

  1. Correction lang po, Yung picture na nasa itaas na courtesy of Jenelyn Manalo ay sa Boundary po ng Mabulo at Bancaan, at hindi po Labac kung saan ang baha ay tumatagal ng buwan bago mawala ang tubig dahil sa walang kanal papuntang dagat,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s