Moonsoon rains swamp Naic

August 7, 2012. Wala na sa Pilipinas ang bagyong Gener na maiging binayo ang Naic. Subalit sa maigting na pag-iral ng hanging habagat, patuloy na inuulan ang bayan na sanhi upang bahain ang ilang baryo.

Matutunghayan ang malalakas na along humahampas sa baybayin ng Bancaan.

Sa nakalipas na buong araw kahapon, maging sa nagdaang magdamag, patuloy pa ring inuulan ang buong Naic. Bagaman walang bagyo, itinuturong dahilan ng pag-uulan ang hanging habagat. Kaugnay nito, sinuspinde ng pamahalaang probinsyal ang klase sa lahat ng antas sa buong Cavite ngayong araw. Suspendido rin ang pasok maging sa mga tanggapan ng gobyerno.

Dahilan sa pag-uulan, muling dumanas ng pagbabaha ang Labac, Mabulo at Bancaan. Lalo pang lumala ang sitwasyon nang tumaas ang tubig sa ilog at umapaw ang mga sapa. Wala pa mang hatinggabi kagabi, sinasabing nag-abot tuhod na ang baha sa Sapa at Bucana Malaki. Binaha rin ang Bagong Kalsada.

Sa kasagsagan ng pagbabaha, marami ang napuyat upang antabayanan ang galaw ng tubig. Inilagay ng marami sa mas mataas na lugar ang kanilang mga gamit upang huwag mabasa ng tubig.

Matutunghayan ang ilang taga-Bagong Karsada na gumagawa ng kanal upang padaluyin ang mga baha mula kanayunan patungong dagat.

Naging abala ang ilan sa aplaya sa paggawa ng mga kanal na daluyan ng mga bahang naipon sa kanayunan. Naghukay ang mga taga-kostal upang padaluyin ang baha patungong dagat. Kapuna-puna ito sa Bucana Malaki, Bagong Karsada at Bancaan. May ilang nag-iipon ng buhangin sa mga sako na ginagamit na sanggalang ng ilan sa anumang pagtalpok ng alon o di kaya ay upang patibayin ang kanilang mga bahay. Dama ang malakas na hangin sa aplaya, maging ang malakas na alon.

Sa saglit na pagtila nang ulan, kapuna-puna ang mga namumulot ng naanod na kahoy sa mga dalampasigan. Gagawin umano nilang panggatong ang mga kahoy. Nangawil rin ng isda ang ilan sa naglawak na ilog sa bukana.

Bandang 6:00PM nang magpalabas na ng suspensyon ng klase para sa kinabukasan (Agosto 8) ang Kapitolyo ng Cavite. Gaya ng mga ulat sa balitaan, inaasahang magpapatuloy pa rin hanggang bukas ang pag-uulan.

Nagbibigay naman ng pangamba sa ilang Naicqueno ang pagkalat ng mga hindi kumpirmadong ulat sa text at Facebook hinggil sa pagpapakawala ng tubig sa dam na maaari umanong magpabaha sa Naic. Bandang 9:45PM, nagpalabas ng mensahe sa fanpage ni Gov. Jonvic Remulla, “Wala pong katotohanan ang kumakalat na text message na magpapakawala ng tubig sa anumang dam. Ang Melanin Dam ay walang kapasidad na magpakawala ng tubig. Ito ay mayroon lamang na natural na pag-apaw. Hindi po ito ang dahilan ng pagbaha. Maraming salamat po.”

Patuloy naman ang pamamahagi ng tulong para sa mga una nang nasalanta ng bagyong Gener sa Naic. Kaugnay nito, nagkaisa ang mga local Facebook Fanpages sa bayan upang mangalap ng tulong para sa mga kababayan. Sa pangunguna ng “Balitaktakan sa Naic,” kasalukuyang nananawagan ng tulong ang “Taga Naic Cavite Kami” at “Naic Cavite Online.”

One thought on “Moonsoon rains swamp Naic

  1. Pingback: Southwest monsoon hits Naic | Naic Cavite Online 2012

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s