Local Facebook fanpages unite, help victims of heavy rains in Naic

August 11, 2012. Nagkaisa ang mga Facebook fanpage sa Naic upang maghatid ng tulong sa mga nasalanta ng unos sa bayan.

Ang mga administrator ng NCO, BSN at TNCK, na sama-samang nag-repack ng relief goods para sa mga kababayang nasalanta ng unos.

Matapos ang ilang araw na sabay-sabay na panawagan ng Naic Cavite Online (NCO), Balitaktakan sa Naic (BSN) at Taga Naic Cavite Kami (TNCK), tinipon na ngayong araw ang lahat ng donasyong natanggap. Nakakalap ng iba’t ibang pagkain ang grupo gaya ng bigas, noodles, kape, asukal, at de lata. Marami ring damit na nakalap ang grupo. Ang mga donasyon ay nagmula sa mga Naicqueno, mula sa mga karaniwang mamamayan, mag-aaral, propesyunal, pulitiko, nasa ibang mga bansa, maging mula sa ibang mga bayan.

Tinawag na “Balikatan” ang kauna-unahang pagsasanib ng NCO, BSN at TNCK. Ika-9 pa lamang ng umaga, tinipon na sa tahanan ng isa sa mga administrator ng BSN sa Kalye Luna ang lahat ng donasyon. Inilipat sa naturang lugar ng NCO ang lahat ng nakalap nito na unang ini-imbak sa Extension Services Office ng Cavite State University – Naic. Dinala rin ng TNCK ang mga nakalap na pagkain at damit sa Luna.

Sama-sama ang lahat ng administrator na nag-repack ng mga relief goods. Sa kabuuan, nakatipon ng 745 na supot ng mga pagkain ang Balikatan. Saku-sakong damit naman ang masinop na isinalansan at itiniklop ng grupo. Tinahian rin ang ilang damit na may tastas o butas.

Bandang ika-2 ng hapon, nagsimula nang maglibot sa mga nasalantang baryo ang mga administrator. Una ay sama-samang nagtungo ang lahat sa Labac. Mula roon, bumuo ng dalawang maliliit pang grupo ang samahan na sabay na namahagi ng tiket sa iba’t ibang baryo ng Naic. Nilibot ng mga grupo ang Labac, Mabulo, Bancaan, Bucana Sasahan, Munting Mapino at Malainen Bago.

Ang mga administrators ng NCO, BSN at TNCK na naglilibot sa mga baryo upang kilalanin ang mga nasalanta ng unos. Namahagi ng tiket ang grupo sa mga kababayang nasalanta.

Unang dumadaan ang grupo sa Pamahalaang Baranggay ng baryo. Matapos makipag-ugnayan, ginagabayan ng mga tanod ang grupo sa pagsuyod sa buong baranggay. Sa buong hapon hanggang gabi, sinuong ng grupo ang mga eskinita sa baryo, tumawid sa mga sapa at baha, binagtas ang mga pilapil at ginalugad ang mga kasuluk-sulukan ng mga baryo.

Sinadya ng grupo ang bawat lugar upang kilalanin ang mismong mga nasalanta ng 12 araw na pag-uulan sa bayan. Matatandaang sa magkasunod na bagyong Gener at hagupit ng habagat, winasak ng hangin at alon ang maraming bahay, at binaha ang maraming lugar sa Naic. Ang mga nasalanta ang mismong binigyan ng tiket ng grupo. Ang tiket ay kailangan upang maging maayos ang daloy ng pamamahagi ng mismong relief goods bukas.

Sa buong araw na gawain, nagtapos ika-8 na ng gabi, nanakit ang likod, binti, paa at iba pang bahagi ng katawan ng grupo. Sa kabila ng pagod, nakadama umano sila ng kagalakan bilang mga tulay ng pagtulong para sa mga higit na nangangailangang kababayan. Nabagbag ang damdamin ng ilang administrators matapos masaksihan ang mga wasak na bahay, maging ang pagdaing ng mga kababayan.

Bukas, mula ika-7 ng umaga ay magsisimula nang libutin ng Balikatan ang mga babahaginan ng relief goods. Magiging daloy ng pamamahagi ang mula Malainen Bago, pa-Labac, Mabulo, Bancaan, Bucana Sasahan at Munting Mapino.

Samantala, sa pangkalahatan, may dalawang administrators ang NCO, 9 ang BSN at 11 ang TNCK.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s