Local fanpages launch “Balikatan,” hold relief operations for hundreds of Naicquenos

August 12, 2012 (Linggo). Matapos ang ilang araw na pangangalap ng donasyon at paghahanda ng local fanpages ng Naic, naisakatuparan na ang pamamahagi ng tulong para sa daan-daang Naicquenong nasalanta ng nagdaang mga kalamidad.

Ika-7 pa lamang ng umaga, muling nagsama-sama ang mga administrator ng Naic Cavite Online (NCO), Balitaktakan sa Naic (BSN) at Taga Naic Cavite Kami (TNCK). Gamit ang isang trak nina Lynn Ner, isa sa mga administrator ng TNCK, ikinarga ang saku-sakong ni-repack na mga pagkain at damit. Laman ng bawat supot ng pagkain ang bigas, de lata, noodles, kape at asukal. Matatandaang kahapon, buong araw ring nagsama-sama ang mga namamahala ng iba’t ibang fanpages upang mag-repack ng mga ipamimigay at mamahagi ng tiket sa iba’t ibang baryo ng bayan.

Matutunghayan ang pamamahagi ng NCO, BSN at TNCK sa Munting Mapino. Isa sa mga pinakadinagsa ng tao ang pamamahagi sa naturang baryo. Matatandaang ang Munting Mapino ang isa sa mga pinakamaiging nasalanta ng nagdaang kalamidad. May 34 na bahay ang winasak ng alon at hangin sa lugar.

Bukod sa mga administrator, nakiisa rin sa gawang pamamahagi ang tatlong kasapi ng grupong Philippine Rural Reconstruction Youth Association ng Cavite State University – Naic. Katuwang din sa relief operations ang The Generics Pharmacy na namahagi ng daan-daang supot ng iba’t ibang pangunahing gamot. Nakiisa rin ang isa sa mga tagasubaybay ng local fanpages na si Misha Matro.

Unang tumulak ang grupo sa Malainen Bago kung saan isinagawa ang unang yugto ng pamimigay. Kasunod nito ang Labac, Mabulo, Bancaan, Bucana Sasahan at Munting Mapino. Nag-ukol ng tig-iisang oras ang grupo sa bawat baryo. Mainit na tinanggap ng mga taga-baryo ang relief operations. Pangunahing tumanggap ng relief goods ang mga napiling bigyan ng tiket kahapon. Matatandaang sinuyod at ginalugad ng grupo ang mga baryo upang kilalanin kung sinu-sino ang pinakanasalanta at higit na nangangailangan.

Katulad ng inaasahan, may mga pumilang hindi nabigyan ng tiket. May ilang relief goods na sobra sa naipamigay na tiket ang grupo upang tugunan ang ibang dumating sa operasyon. Ang ibang walang tiket ay nabigyan din ng pagkakataon upang mapili ang mga kasukat at nais nilang damit. Kapansin-pansin ang dagsa ng mga tao sa Labac, Bancaan at Munting Mapino. Kaisa ng grupo ang mga opisyal at tanod ng bawat baryong pinamahaginan.

Kapuna-puna ang halos maya’t mayang relief operation ng iba’t ibang samahan sa Munting Mapino. Magugunitang naging laman ng balitaang pambansa, mula sa iba’t ibang media networks, ang naturang baryo. Sa talaan ng Baranggay, nasa 34 ang bilang ng mga kabahayang buung-buong winasak ng paglaki ng alon at paglakas ng hangin bunga ng nagdaang bagyong Gener na sinundan ng paghagupit ng umigting na hanging habagat. May 12 araw at gabing nakaranas ng pag-uulan ang Naic.

Sa bawat baryong puntahan ng grupo, pasasalamat ang ipinaaabot ng maraming natulungan. Umabot sa 745 na relief goods ang naisupot ng samahan. Bukod pa rito ang saku-sakong damit na masinop na iniayos bago pa ang relief operations. Ang naturang mga ipinamahagi ay nakalap ng NCO, BSN at TNCK sa mga Naicquenong tumugon sa panawagang tulong. Ang tulong ay mula sa mga karaniwang Naicqueno, mga mag-aaral, propesyunal, pulitiko, mga nananahan na sa ibang bansa, maging mula sa ilang karatig-bayan.

Matapos ang pamamahagi sa anim na baryo, may higit 50 relief goods pa ang natira. Dinala ng grupo ang mga natira sa plaza at ini-raffle sa mga tricycle driver at ilan pang naroroon. Inilista ng grupo ang pangalan ng lahat ng nasa lugar at kagyat na nagsagawa ng palabunutan. Bakas ang saya sa lahat ng nasa liwasan na tila nabiglaanan sa mga kaganapan.

Sa huli, bagaman idinadaing ang sakit ng katawan at hapdi ng balat matapos mabilad sa matinding sikat ng araw, maririnig naman ang pahayag ng kagalakan mula sa mga bumubuo ng NCO, BSN at TNCK. Gaya ng binanggit sa isang post ng TNCK, “Kami po ay taos pusong nagpapasalamat sa lahat ng mga taong tumulong upang maisakatuparan ang aming layunin na maging daan sa pagtulong para sa ating mga kababayan.Salamat din sa amin naging kabalikat ang Balitaktakan sa Naic at Naic Cavite Online dahil hindi lang pagtulong sa ating mga kababayan ang ating naisakatuparan kung hindi ang maipakita na kaya natin magkaisa at magtulong tulong para sa ating bayan.Napawi ang init at pagod dahil napakasarap sa pakiramdam ang makatulong at magkaroon pa ng maraming kaibigan..God bless Naic!”

Kagaya rin ng sa TNCK, sa post ng BSN ay mababasa, “pagod, sakit ng katawan at sunog na balat.. lahat ng yan naranasan natin..pero worth it lahat ng iyan pag nakita mo ang ngiti ng ating mga kababayan samahan pa ng salita na ‘SALAMAT PO’.. maraming salamat sa nakiisa sa ating BALIKATAN .. Balitaktakan sa Naic, Taga Naic Cavite Kami, Naic Cavite Online, at The Generics Pharmacy.”

Sa mensaheng ipinaabot sa NCO ni Ako si Basha ng TNCK, “Pagod, puyat, sakit ng katawan.. pero fulfilling, uplifting, sulit… Wala na nga talagang mas sasarap pang feeling sa pagtulong sa kapwa mo… mula sa bumubuo ng Taga Naic Cavite Kami, taos puso po kaming nagpapasalamat sa lahat ng nakiisa at tumulong na maisakatupan ang layuning ito… HINDI PA ITO ANG HULI… God bless Naic… God bless us all…”

Para sa NCO, sa mahigit isang dekada ng paggalugad sa mga kasuluk-sulukang panig ng Naic upang makalap at maihatid ang mga kwento at kasaysayan ng bayan, napapanahon lamang ang pagkilos upang tumulong sa bayan. Batid ng NCO na bukod sa gawang paghahatid ng mga kaalaman at balita, kinakailangan nang umigpaw upang makitugon sa mga nasasaksihang pangangailangan ng bayan.

Ang NCO, BSN at TNCK ay nagkakaisa at nananalig na ang relief operations na isinagawa ay hindi ang una at huling pagsasama-sama nila para sa Naic. Ngayon pa lamang, pinag-uusapan at nagpapanukala na ng ilang proyekto ang grupo upang makatulong sa bayan. Ang pagsasama-sama ng mga local fanpage ng Naic ay tinaguriang “Balikatan.”

One thought on “Local fanpages launch “Balikatan,” hold relief operations for hundreds of Naicquenos

  1. Pingback: Hundres of Naicqueños benefit from “Balikatan medical mission” | Naic Cavite Online 2012

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s