Muslims settle in Naic

Ang mosque na matatagpuan sa Maname, itinayo noong 2003.

Tinatayang nasa 15 taon na ang nakararaan mula nang unang mapadpad ang may tatlong pamilyang Muslim mula Lanao del Sur patungong bayan ng Naic. Pangunahing pakay ng mga nasabing Muslim ang pangangalakal sa mga palengke ng iba’t ibang bayan. Nang mapansin ang sigla at ganda ng komersyo sa pamilihang Naic, minabuti na nilang manatili sa bayan.

Unang lumagi ang mga unang Muslim sa Ibayo Silangan. Kaugnay nito, bahagi ng kanilang paniniwalang sa tatlong pamilya o higit 10 Muslim na magkakatipon sa isang lugar, kinakailangan nilang magtayo kahit pansamantalang mosque man lamang upang makapanalangin kay Allah. Sa ganitong lagay, sa nilagian sa Ibayo Silangan (tapat ng Baranggay Hall ng Ibayo Silangan) natatag ang unang pansamantalang mosque ng mga Muslim sa Naic.

Sa pakikipanayam ng Naic Cavite Online noong 2007 kay Soler Abobacar, Muslim na nananahan sa Villa Apolonia, sinabi niyang hindi kailanman nila matatawag na permanenteng mosque ang isang mosque kung ang gusali at ang mismong kinatitirikan nito ay hindi nila ganap na pag-aari. Sa Naic, wala umano silang permanenteng mosque at ang lahat ay sinasabing pansamantala lamang: ang mga mosque sa palengke, Maname, at Villa Apolonia.

Matapos sa Ibayo Silangan, unang naitayo ang pansamantalang mosque ng mga Muslim sa Naic sa mismong likod ng palengke noong 2000. Sa may palengke ito itinayo gayong ang dumaraming mga Muslim sa Naic ay halos sa palengke rin naman ng bayan matatagpuan. Pagtitinda ng kung anu-anong mga gamit at CD ang kanilang pangunahing ikinabubuhay.

Nasundan naman ang mosque sa palengke ng isa pang pansamantalang mosque sa bahagi ng Maname noong 2003. Donasyon umano ang lupa sa Maname ng isang “balik-Islam.” Balik-Islam ang tawag ng mga Muslim sa mga Pilipinong mula sa ibang relihiyon ay nagiging kabahagi sa Islam. Nag-ugat ito sa sinasabi ng kasaysayan na Islam ang unang lumaganap na relihiyon sa Pilipinas bago pa dumating ang mga Espanyol at pinalaganap ang Kristiyanismo. Gayong dati ng Islam ang pinaniniwalaan, hindi umano simpleng paglipat lamang ang nagaganap sa pagtanggap ng isang mula sa ibang relihiyon sa Islam, kundi ito ay isang pagbabalik lamang sa orihinal na pinaniniwalaan. May ilan na ring taga-Naic ang nagbalik-Islam. Samantala, dahilan sa kalayuan ng mosque sa Maname mula sa mga tahanan o palengke, hindi naging ganap na nakapagsisimba ang mga Muslim doon, hanggang sa ituring na rin itong sarado sa panahon ngayon.

Sina Soler Abobacar (kaliwa) at Sultan Yasser Mangongcar (kanan), mga kinapanayam ng Naic Cavite Online para sa sulating ito. Kuha ang larawan sa kanilang pansamantalang mosque sa Villa Apolonia noong 2007.

Pinakahuli naman ang mosque sa Villa Apolonia na sadyang binuksan para sa Ramadan noong 2007. Mula sa tatlong pamilya na ngayon ay sinasabing nasa 100-120 pamilya na ng mga Muslim, karamihan sa kanila ay sa Villa Apolonia na nananahan. Kaugnay nito, minabuti na nilang sa malapit o sa lugar ng kanilang komunidad na rin magbukas ng isang mosque lalo at kung wala sila sa palengke.

Gaya ng pinakaunang mosque sa Ibayo Silangan, pangkaraniwan lamang ang gusali ng mga mosque sa palengke at Villa Apolonia—payak na silid. Ang mosque naman sa Maname ay hindi nalalayo sa tanyag na itsura ng mga gusali ng mosque—may pabilog na istruktura sa tuktok ng gusali at may simbolo ng buwan at bituin.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s