Student expounds on Buwan ng Wika theme: “Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino”

Matutunghayan ang sanaysay na isinulat ni Eimeren Mislang, 3rd year student na kumukuha ng kursong Education sa Cavite State University – Naic. Nakamit ni Mislang ang unang gantimpala para sa kanyang sanaysay. Ang patimpalak ay kaugnay ng pagdiriwang ng naturang paaralan para sa Buwan ng Wika.

Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino

Ilang dekada nga ba ang lumipas bago tayo nagkaroon ng kasarinlan? Sa sobrang tagal, nakalimutan na ng henerasyon ngayon ang mga nangyari noon o marapat lamang ba na sabihin kong hindi na pala sila interesado sa kung ano pa man iyon?

Nakikilala ang isang bansa dahil sa mga simbolong sumasagisag dito, isa lamang ang ating pambansang wikang Filipino. Sa panunungkulan ni dating pangulong Manuel Quezon, binigyan ng masusing pansin at pag-aaral ang nasyonalismo. Magulo ang wikang pumapairal sa kanila. Ang alif-ba-ta (Arabo) o alibata ay napalitan ng abecedario (Kastila) na pilit binago ng alphabet (America). Ang mga liderato, palibhasan ay nakapag-aral ay dalubhasa sa Ingles. Sila ang inaasahan ng mga taumbayan na uunawa sa kanila. Ngunit paanong mabibigyan ng pansin ang kahilingan ng mamamayan kung sila-sila lamang na mga nasa katungkulan ang nagkakaintindihan? Ito ay humantong sa isang pagpupulong. Nabigyang pansin ang wikang Tagalog at sa Artikulo XIV Seksyon 3 ng Konstitusyong 1935 ay ginawang pambansang wika ang “Pilipino.”

Marami ang nagprotesta dahil sa tinalakay na kakulangan ng mga salita sa Tagalog. Isang magandang halimbawa ang mga salitang “seed” at “bone” na kapwa “buto” ang katumbas sa Tagalog. Kaya naman sa Konstitusyong 1987 ay opisyal na ginawang “Filipino” ang ating pambansang wika. Ito ay bilang paggalang sa iba pang malalaking wika sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa, at pagpapasalamat natin sa mga hiram na wika.

Nais kong ipabatid ang kahalagahan ng wikang Filipino sa pamamagitan ng isang kwentong hango sa anekdota ng dating pangulong Quezon. Nasa ospital siya dahil sa isang karamdaman at ang private nurse niya lamang ang kanyang kasama. Mayroong dumalaw sa kanya. Tiningnan muna ito ng nurse at bumalik sa kanya “Sir the press is outside.” Palibhasa ay pagod, ayaw ng pangulo ng pakikipanayam . “Tell the press to go to hell,” may inis pang sinabi niya. Laking pagkapahiya sa sarili ang kanyang naramdaman makalipas na malaman niyang pari pala ang tinutukoy na “press (priest)” ng kanyang nurse na Bisaya. Kung wikang Filipino ang ginamit, walang magaganap na pagkakamali at pagsisisi.

Ngayon, sana ay naging malinaw ako sa pagpapabatid ng kahalagahan ng wikang Filipino. Ang dahilan ng pagkatatag nito ay para sa sarili nating kapakanan. Ito ang dahilan ng pagkatuto natin sa mundo na sinuportahan lamang ng banyagang wika. Kung ang lahat tayo ay natuto na sa tamang dahilan at paraan; unti-unti tayong aasenso at unti-unti tayong uunlad. Masasabi na nating dahil sa wikang Filipino at pagkatatag nito, tayo ay naging matalino at higit sa lahat, tayo ay naging malakas!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s