TIMELINE: The wrath of typhoon Milenyo in 2006

Upang magbalik-tanaw sa isang karanasang bayang may kinalaman sa pinakamatinding kalamidad na sinapit ng Naic sa nagdaang dekada, narito ang timeline ng mga kaganapan bago, habang at matapos ang bagyong Milenyo.

Setyembre 27, 2006 – Miyerkules

Mabilis na kumalat sa balita ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas—pribado at publiko—sa paaralan para sa susunod na araw. Maging ang mga pasok sa opisina ay sinuspindi na rin. Isang super typhoon umano ang tatama sa Kamaynilaan, kasama ang ilang lalawigan gaya ng Cavite.

28, Huwebes

Umagang-umaga – Kapansin-pansin na ang patay-sinding ilaw na pinagagana ng MERALCO. Ilang saglit pa, tuluyan nang nawala ang supply ng kuryente. Makulimlim na sa mga sandaling ito.

10:30am – Tuluyan nang nagbadya ang bagyo nang magsimula ang mahinang patak ng ulan.

11:00am – Lumakas na ang buhos ng ulan—masinsin at malalakas ang patak.

12:00nn – 2:00pm – Higit pang naramdaman ang bagyo sa pagsabay ng malakas na hangin. Sa kasagsagang ito ng bagyo, maraming puno ang nabuwal, mga bubong na sinalimpad, tulay na nawasak, gusaling nasira, pananim na nasalanta, isdaang umapaw, tumaas na tubig sa mga tubigan, ilog at sapa, at natangay na mga bahay, kagamitan at iba pa. May mga ulat na may ilang nagbuwis ng buhay.

2:30pm – Unti-unti nang humina ang bagyo. Tumambad sa bayan ang kalunus-lunos na sinapit ng Naic mula mga kasuluk-sulukang mga baryo, hanggang mismong sa kabayanan.

Inilagay ng Kapitolyo ang Cavite sa State of Calamity.

Larawan ng iniwang pinsala ng bagyong Milenyo sa bahagi ng Gomez.

29, Biyernes

Nanatiling suspendido ang pasok sa mga eskwelahan at opisina. Apektado ang mga serbisyong kailangan ng bayan matapos mawala ang linya ng mga telepono sa Globe at ilang linya ng PLDT. Nagsisimula nang mag-“low batt” ang cellphone ng marami. Maging ang mga pangunahing panaderya sa bayan, walang gawang tinapay. Dama na rin ang kakulangan sa isda. Habang sarado ang ilang establisyamento, ramdam ang pagdagsa ng tao sa ilang grocery store. Ang galaw ng bayan ay mapapansing nakatuon sa paglilinis at pag-aayos ng mga iniwang bakas ng bagyo. Maaliwalas sa umaga habang umambon sa hapon. Nagmistulang “ghost town” ang bayan nang kumapit na ang dilim.

Inilagay ng Munisipyo ang Naic sa State of Calamity.

30, Sabado

Patuloy na umaaliwalas ang panahon maliban sa saglit na mga pag-ambon. Wala pa ring kuryente sa buong Naic. Dama na ang kakulangan sa malinis na tubig nang unti-unti na umanong nagkakaubusan ng mineral/purified/distilled water sa mga pamilihan. Tuloy ang paglilinis, lalo na ng mga binaha, na animo ay may pyesta sa mala-banderitas na mga sampay sa kahabaan ng maraming baranggay. Natugunan ang pangangailangan ng ilan sa cellphone battery charging nang magbukas ang ilang may generator ng charging service. Sa gabi, buwan ang nagbigay liwanag sa bayan. Inirereklamo na ang matinding init dahil sa kawalan ng kuryente.

Oktubre 1, Linggo

Bagaman umulan ng malakas sa umaga, naging maaliwalas naman kinahapunan. Patuloy ang pagbibilad ng mga nilabhang damit, kutson at iba pang gamit. Nagpatuloy rin ang kakulangan sa tubig. Maging kandila at baterya ay nagkakaubusan na rin. Maging supply ng isda ay apektado pa rin. Tinalakay naman sa simbahan ang kahulugan ng bagyong sinapit ng bayan. Habang higit na maliwanag ang buwan kinagabihan, makikita na rin ang samu’t saring gasera/peruk-perok ng bayan. Radyong de-baterya naman ang naging libangan ng ilan.

2, Lunes

Umaga pa lamang ay gulung-gulo ang marami kung may pasok na ba o wala. Bagaman nagdeklara ng may pasok ang ilang institusyon, marami pa rin ang hindi nakarating dahil sa patuloy na epekto ng bagyo.

Kapuna-puna ring wala ang kinagawiang flag raising ceremony sa plaza gayong unang Lunes ng buwan. Isinagawa na lamang ito sa harap ng munisipyo. May mga tulong na ring dumating mula sa ilang NGO, maging sa pamahalaang lokal. Kagyat namang pinasimulan ang pagawain sa mga nasira sa simbahan.

Sa pagkasira naman ng tulay sa palengke, nadama na ang epekto nito sa paninikip ng daloy ng trapiko sa Tulay ng Kay Alamang (Ibayo-Poblacion). Samantala, natutunaw na rin umano ang mga cake at ice cream sa mga pamilihan. Maging yelo ay hirap nang makabili. Sa pananatiling basa ng mga lupa sa maraming lugar, maririnig na ang mga kwento ng alipunga at iba pang sakit sa balat. Samu’t sari na rin ang kwento tungkol sa kung kailan ba babalik ang kuryente.

3, Martes

Nananatiling walang klase sa maraming paaralan. Deklarado ring walang pasok sa elementarya sa Naic mula sa pamahalaang lokal. Pinasimulan at tinapos din agad ang pagsasa-ayos ng tulay sa Sapa. Samantala, nagdulot ng pangamba ang balitang may bagong bagyong dadaan sa Cavite. Halos magdiwang naman sa kabayanan ng bumalik ang daloy ng kuryente. Gayunman, nananatiling balot ng dilim ang maraming baryo sa kawalan ng kuryente.

4, Miyerkules

Sa pagbabalik ng kuryente, nagbukas na halos lahat ng establisyamento sa kabayanan. Kumalat naman ang balita ukol sa nakawan ng kable ng kuryente sa iba’t ibang bahagi ng Naic. Samantala, maraming klase pa rin ang suspendido. Dala naman ng patuloy na umaaliwalas pang panahon, marami na ang nagbibilad ng mga palay.

5, Huwebes

Isang lingo matapos ang bagyo, damang-dama pa rin ang epekto nito. Marami pa rin ang hindi tapos sa pagsasa-ayos ng mga nasalanta. Patuloy ang unti-unting pagbabalik kuryente sa ibang habagi ng bayan, gaya sa Malainin.

6, Biyernes

Dala ng magandang panahon, masigla nang muli ang mga magsasaka sa mga palayan. Nagbagsak presyo naman ang ilang tindahan sa halip na masira na ng tuluyan ang mga panindang lumubog sa baha. Sa ibang kaugnay, epekto umano ng bagyo, kumalat ang balitang bumagsak ang Tulay ng Tejero (Tanza-Gen. Trias). Dahil sa maling balitang ito, marami ang hindi pumasok at lumuwas kapwa pa-EPZA o pa-Maynila. At maraming nasa Maynila ang hindi pinauwi sa Naic.

7, Sabado

Nagkaroon na ng kuryente sa may Villa Apolonia subalit patuloy sa pagtitiis ang maraming baryo. Ang ibang lugar, bagaman naibalik na ang supply ng kuryente, problema naman ang mga kableng ninakaw.

8, Linggo

Ang second collection sa simbahan ay patuloy na inilaan para sa mga gawaing pansimbahan na epekto ng bagyo.

9, Lunes

Halos may pasok na sa lahat ng paaralan sa Naic. Patuloy naman sa pagbangon ang matinding mga nasalanta ng bagyo.

10, Martes

Makikita ang pinakapayapang itsura ng dagat-Naic. Nagbalik na ang kuryente sa Ibayo Estacion.

11, Miyerkules

Habang patuloy sa pagbabalik ang normal na galaw ng bayan, yaong mga matinding naapektuhan lalo na ng baha ay patuloy na isinasaayos ang mga tahanan.

12, Huwebes

Dalawang linggo makalipas ang bagyo, kumalat naman ang sabi-sabing muling mawawalan ng kuryente sa Naic sa loob ng may isang pang linggo. Iniuugnay ito sa mga pagawain umano ng MERALCO.

13, Biyernes

Sa isang programang dinaluhan ni Vice President Noli de Castro sa covered court, hinikayat ni dating Mayor Elvira Nazareno ang bayan na patuloy na tulungan ang mga nasalantang kababayan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s