Rescued pawikan released off Naic waters

Ang pagpapakawala sa Naic ng pawikang nalambat sa Bacoor Bay.

Oktubre 1, 2012 (Lunes). Isang pawikang nalambat mula sa Bacoor Bay ang dinala at pinakawalan sa katubigan ng Naic.

Tinatawag na “olive ridley” (Lepidochelys olivacea) ang pawikang nalambat sa Bacoor Bay kaninang umaga ng mga mangingisdang mula sa Paranaque. Kaagad na itinurn over ng mga mangingisda ang pawikan sa Coast Guard. Dahilan sa bahaging Bacoor nahuli ang pawikan, dinala naman ito ng Coast Guard sa lokal na pamahalaan ng Bacoor.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bacoor sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Cavite, napagpasyahang dalhin ang pawikan sa Naic. Ayon sa CENRO, dinala ang pawikan sa naturang bayan gayong may santwaryo ito, at dagdag pa ang masiglang pangangalaga ng mga pawikan dito.

Nakipag-ugnayan ang CENRO sa Wildlife Enforcement Officer at Pawikan Conservation Team ng Naic. Hapon, idinating ang pawikan sa Cavite State University – Naic, institusyong kaisa sa Pawikan Conservation Project (PCP), at lugar na pinakamalapit sa santwaryo ng bayan.

Kapuna-puna ang tila-luslos na kalagayan ng pawikan.

Bago pakawalan, naitalang kapwa may 71 cm ang haba at lapad ng carapace o bao ng pawikan. Sa haba ng buntot, sinasabing lalaki ang pawikan na may kakaibang sitwasyon, na sa hinala ng grupo ay may karamdamang maihahalintulad sa luslos. Kapuna-punang bagaman naghilom na, may mga basag ang bao ng pawikan na maaaring tinamaan ng elesi ng bangka. Matutunghayang binutasan rin sa gilid ang bao na tinalian ng tansi na kinabitan ng pisong may butas sa gitna. Inalis ang naturang tali, at nilagyan ang pawikan ng metal tag na may nakasulat na serial number. Bahagi ng monitoring ang tag na ikinakabit sa palikpik ng pawikan.

Bandang ika-6 ng gabi, isinagawa ang pagpapakawala sa pawikan sa baybaying Naic na sakop ng Bucana Malaki. Kaagad na dinagsa ng mga taga-baryo ang gawain. Hinihinalang dahil sa haba ng byahe at mga taling iginapos sa pawikan, pagod at hindi agad ito pumalaot. Nagpalakpakan pa ang ilan, karamihan ay mga bata, nang tuluyan nang lumangoy sa dagat ang pawikan.

Ang pawikan ay kabilang sa buhay-ilang at mga hayop na nanganganib nang maglaho sa mundo. Noong nakaraang taon, inilunsad ang PCP sa Naic na nakapagsagip ng halos 2,000 pawikan. Inaasahan na rin ang pagbabalik ng mga mamumungad na pawikan sa baybaying Naic mula ngayong Setyembre hanggang sa katapusan ng taon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s