Naic Death Stories: Facts, Figures, Trivia

Sa isang dekadang pangangalap ng impormasyon at kaalaman ukol sa Naic, inilalahad ng Naic Cavite Online (NCO) ang ilang tala na may kinalaman sa mga patay, kamatayan at mga kaugnay.

Kuha sa sementeryo sa San Roque noong Nobyembre 1, 2007.

Habang ginagamit sa pambansang midya ang salitang “Undas” bilang pantukoy sa panahon ng paggunita sa mga patay, mahalagang alalahaning sa Naic, tinutukoy ito bilang “Undras.”

***

Noong Panahon ng Kastila, tila nagiging oras ng pagandahan at pahusayan ng kasuotan ang Todos Los Santos para sa mga Naicquenong nagpapalakihan din ng alay sa simbahan. Tuwing Nobyembre 1, dumadagsa sa sementeryo sa San Roque ang mga Naicqueno mula iba’t ibang estado ng buhay–mayaman man o mahirap; babae man o lalaki–kalimitan ay tuwing ika-3 ng hapon hanggang hatinggabi. Kaya naman, nagmimistulang pista ng San Roque ang naturang pagkakataon (La Historica Cavite by Gervasio Pangilinan y Enriquez)

***

Himagsikang 1896-1897. Abril ng huling taon ng paghihimagsik laban sa Espanya, habang patuloy na nasasakop muli ng mga Kastila ang maraming bayan ng Cavite, patuloy na dumaragsa ang mga taong lumilikas patungo sa Naic. Nagkatipon ang ilang mula halimbawa sa Dasmarinas, Imus, Noveleta, Rosario at iba pa. Dahilan sa hindi na nagkasya ang mga tao sa mga bahay sa Naic, kinailangan na ng maraming matulog at manirahan sa labas. Nakalantad ang mga tao sa epidemya ng lagnat na ikinamatay ng marami araw-araw. Sa ganito, hindi na nagkasya ang bilang ng mga namatay sa mga libingan ng Naic. Maraming pamilya ang napilitang ilibing ang kanilang mga patay sa kabukiran at kagubatan ng Naic. Ang dinadala sa sementeryo, ayon sa isang suportorero, ay bumibilang sa 20 bawat araw (Kasaysayan ng Paghihimagsik ng mga Pilipino sa Cavite: 1897 by Don Telesforo Canseco).

***

Sa panahong bibilhin na ng mga Amerikano ang mga asyenda o lupaing pagmamay-ari ng mga prayle sa Pilipinas, isang halimbawa ang asyendang Naic kung saan hindi isinama ang mga pagmamay-ari ng simbahan. Bukod sa mga simbahan at kumbento, kasama rin ang mga sementeryo sa patuloy na pinagmay-arian ng simbahan (The American Friar Lands Policy: Its Framers, Context, and Beneficiaries, 1896-1916 by Rene R. Escalante)

***

Sa panahong ilog pa ang pangunahing daanan, ang mga bangkay na inililibing sa Sapa ay isinasakay pa ng bangka sa ilog malapit sa Parokya ng Naic–maaaring sa Katihan o Balsahan. Ang prusisyon ng libing ay nagaganap sa tubig mula simbahan patungong sementeryo sa Sapa (Ryan N. Sebastian/Panayam).

Tagpo sa pampublikong sementeryo sa Sapa bago ang Todos Los Santos noong 2007.

Sa datos noong 2004, may siyam (9) na sementeryo sa bayan ng Naic. Apat sa mga ito ay pribado habang lima ang pampubliko. Kabilang sa mga pribadong sementeryo ang Nazarene Eternal Garden (Santulan), Immaculate Concepcion Cemetery (Sapa, itinatag: 2/2/97), Sanctuary Memorial Park, dating Feng Shui Garden Memorial Park (Timalan Balsahan, itinatag: 2/29/00), at ang Everlasting Memorial Park (Sapa, 6/23/04). Pampubliko naman ang Santulan Cemetery, Halang Cemetery, San Roque Cemetery, Sapa Cemetery, at Malainen Cemetery (Cemetery Data from Municipality of Naic).

***

Noong 2004, sinasabing pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga sanggol sa Naic ang pneumonia, sepsis neonatorum, congenital heart disease, congenital abnormality, at aspiration. Sa matatanda naman ay heart disease, pneumonia, all types of cancer, cardiovascular accident, heart failure, chronic obstructive pulmunary disease, tuberculosis, diabetes mellitus, all types of accident, at renal failure (Municipality of Naic).

***

Sa maraming video na nai-post ng NCO sa YouTube nito (http://www.youtube.com/naiccavite), ang “Multo sa Libing? (http://www.youtube.com/watch?v=zW7ktcHCdK8)” ang may pinakamataas na views na umaabot na sa halos 1.2M. Ang nasabing video ay kuha mula sa cellphone ng isang estudyante minsang may libing. Isang ‘di umano ay multo ang lumabas sa video. Makailang ulit na itong ginamit at patuloy na hinihiram ng ilang programang pantelebisyon lalo na kung malapit na ang Araw ng mga Patay.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s