Naicqueños observe Undas 2012

Nobyembre 2, 2012 (Biyernes). Sa pagpapatuloy ng mahabang tradisyon at banal na pagturing sa Undas, muling inalala ng mga Naicqueño ang mga namayapang mahal sa buhay.

Isang tagpo sa Nazarene, undas, bandang ika-5 ng hapon.

Kagaya ng sa mga nakalilipas na taon, ilang linggo o ilang araw pa man bago ang unang araw ng Nobyembre, marami sa mga taga-Naic ang sinimulan nang linisin at pagandahin pa ang mga puntod at nitso ng kani-kanilang namayapa nang mahal sa buhay.

Bago pa ang paggunita sa mga patay, sari-saring gawain na ang isinagawa ng mga Naicqueño. Gaya ng ilang taon nang kinagawian, nagkaroon ng “Trick or Treat” sa Labac at sa Jollibee na nasa Rosie’s Mall. Nagsagawa rin nito ang pamilya Bigalbal sa Timalan Concepcion.

Ilang bahay at tanggapan sa Naic ang naggayak ng ilang simbolo ng katatakutan. Kapansin-pansin naman ang pagpapalit ng mga cover photos at profile pictures ng mga taga-Naic, kung saan matutunghayan ang iba’t ibang kuhang pang-kababalaghan. Ilang araw ring tinalakay ng Naic Cavite Online ang mga kwento ng katatakutan sa Naic, nang muli nitong buksan ang “Naic Paranormal Stories.”

Sa iba’t ibang panig ng Naic, naging pangkaraniwan ang pagluluto, pagbebenta at pagbibigayan ng suman. May ilang naghanda rin ng ibang kakanin gaya ng alikaya at biko.

Samantala, bagaman ika-2 ang Araw ng mga Kaluluwa, tuwing Todos Los Santos dumaragsa ang mga Naicqueño sa mga sementeryo sa Naic. Ika-1, habang nagdaratingan na ang marami sa mga sementeryo, dinadagsa rin ang pamilihang bayan sa Ibayo Silangan. Nagkalat hindi lamang sa palengke ang mga kandila at bulaklak, kundi sa iba’t ibang bahagi ng Naic. Marami rin ang namimili ng mga pagkaing inaasahang ihahanda sa pagsasalu-salo ng mga magkakamag-anak. Nagmimistulang reunion na rin ng magkakamag-anak ang undas gayong ang ilang nasa malalayong lugar ay nagkakaroon ng pagkakataon upang makasama ang mga kamag-anak na nasa Naic.

Sa pagdating ng mga tao sa mga sementeryo, dala nila ang alay na mga bulaklak at kandila sa mga pumanaw nang mahal sa buhay. Nagkaroon ng mga misa sa mga sementeryo ng simbahan. Marami rin ang nag-alay ng panalangin sa kani-kanilang namayapa.

Halloween costume party sa Bucana Malaki.

Bukod sa mga gawaing banal, nagmistulang nagpipista sa mga sementeryo dahil sa mga pagkaing nakahanda. Habang nagkakainan ay may nagkukwentuhan, naglalaro o gumagamit ng iba’t ibang multimedia gadget, nag-gigitara, nagkukuhanan ng larawan, nag-iinuman at marami pang iba. Ang ilang bata ay nawiling gumawa ng mga bola mula sa natutunaw na kandila. Nagkalat din ang mga kubol na nagtitinda ng kung anu-anong pamatid uhaw at panawid gutom. May mga naglilibot ring nagtitinda ng mga laruan at nagpapabunot ng mga sisiw.

Pinangambahan naman ang paninikip ng daloy ng trapiko sa araw ng undas. Kaugnay ito ng pagsasara ng isinasagawang Tulay ng Kumbento sa san Roque – Malainen. Subalit pinairal ang one-way traffic system sa araw ng undas, kung saan ang mga pabayan mula San Roque ay kinakailangang dumaan sa Soriano Highway sa Ibayo Silangan. Sa ilang pagkakataon ay nakapasok na ang mga sasakyan sa Nazarene Eternal Garden, subalit sa sistemang one way pa rin: highway pa-Santulan lamang. Sa ganito ay hindi ganoong naramdaman ang matinding daloy ng trapiko.

Bukod sa nagbantay sa daloy ng trapiko, ang “Oplan Undas” ng otoridad ay inilagay sa mga bungad ng sementeryo upang tugunan ang tanong ng mga nangangailangan at upang mapanatili rin ang kapayapaan.

Samantala, humabol sa mga gawain ang mga taga-Bucana Malaki matapos magkaroon ng halloween costume party ang mga taga-baryo. Pumarada pa ang mga nakabihis pang-undas kung saan naging tampok ang kabaong na buhat ng mga zombie, at ang babaeng nakagayak manananggal. Inaasahan naman ang isang Post-Halloween Party na dadaluhan ng mga kabataan bukas sa kabayanan.

Bagaman nagsi-uwian na ang marami sa unti-unting pagkapit ng dilim, may mga Naicqueñong inabot pa ng hanggang madaling araw sa mga sementeryo. Ang ilang taga-Naic, dinalaw ang kanilang mga mahal sa buhay ngayong araw. Ang mga mahal sa buhay na nakalibing sa malalayo at hindi na madadalaw pa, inalayan na lamang ng mga sinindihang kandila sa mga bahay-bahay ng ilang taga-Naic.

Sa datos noong 2004, may siyam (9) na sementeryo sa Naic. Apat sa mga ito ay pribado habang lima ang pampubliko. Kabilang sa mga pribadong sementeryo ang Nazarene, Immaculate Concepcion Cemetery (Sapa, itinatag: 2/2/97), Sanctuary Memorial Park, dating Feng Shui Garden Memorial Park (Timalan Balsahan, itinatag: 2/29/00), at ang Everlasting Memorial Park (Sapa, 6/23/04). Pampubliko naman ang Santulan Cemetery, Halang Cemetery, San Roque Cemetery, Sapa Cemetery, at Malainen Cemetery

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s