Naic treasures holy moments with former bishop, now Cardinal Tagle

Nobyembre 25, 2012 (Linggo). Kaisa ang Simbahang Katoliko, nagbubunyi ang Naic sa pagkakatalaga sa dati nitong Obispo, Luis Antonio “Chito” Tagle, bilang kardinal.

Ang Obispo ng Imus Luis Antonio Tagle nang pangunahan ang Misa Concelebrada sa Quasi-Parish ng San Isidro Larador sa baryo ng San Roque (2009).

Isang araw pa lamang ang nakalilipas nang ganap na italaga ni Pope Benedict XVI sa Vatican si Arsobispo ng Maynila Tagle bilang isa sa mga bagong kardinal ng Simbahan.

Kilala si Kardinal Tagle sa kanyang kapayakan, kababaang loob at makabagong lapit sa mga usaping pansimbahan at panlipunan.

Bago pa man itinalagang Arsobispo noong 2011, maituturing si Obispo ng Imus Tagle (mula 2001) bilang isa sa mahahalagang taong kaisa sa paghubog ng kasaysayang Naicqueño.

Sa nakalipas na mahigit isang dekada, kabahagi at pinangunahan ni Obispo Tagle ang maraming misa at gawaing pansimbahan sa Parokya ng Imaculada Concepcion ng Naic, Parokya ng San Isidro Labrador ng San Roque, at Quasi-Parish ng Sto. Niño ng Bancaan.

Mula sa sinupan ng Naic Cavite Online, sumusunod ang mga karanasan ng bayan kaisa ang bagong kardinal.

Mga Paglulunsad, Pagbabasbas at Pagtatalaga

Ika-26 ng Abril 2007, pinangunahan ni Obispo Tagle ang rededikasyon at pagbabasbas sa binagong anyong altar mayor ng Parokya ng Naic. Sa gitna ng pagkamangha ng mga tao dahil sa taglay na “ganda” ng bagong altar, sinabi ng obispo na ang kagandahan ay hindi lamang ayon sa kulay, sa mga disenyo, sa garbo, sa mga linya, o sa pagkakalikha ng isang bagay. Higit umanong magiging maganda kung sa pamamagitan ng bagong altar ay higit pang mahihikayat ang sambayanan upang patuloy na magsalu-salo sa hapag ng Panginoon.

Si Obispo Tagle habang nagbibigay ng awit ng pag-asa sa konsiyertong isinagawa ni Fr. Eleomer “Omer” Dendiego kaugnay ng kanyang ika-40ng kaarawan noong Hunyo 28, 2008, sa Parokya ng Imaculada Concepcion ng Naic (2008).

Aktibo ring tumulong si Obispo Tagle upang maisakatuparan ang mga pagawain para sa dating Quasi-Parish ng San Isidro. Sa konsiyertong isinagawa ni Fr. Eleomer “Omer” Dendiego kaugnay ng kanyang ika-40ng kaarawan noong Hunyo 28, 2008, nagbigay ng mga awit ng pag-asa ang obispo. Nasundan ito ng isa pang konsiyerto noong Mayo 22, 2009 nang magtambal ang dalawa sa tinawag na “The Bishop and The Priest.” Inilaan ang kita ng mga naturang konsiyerto para sa mga konstruksyon sa simbahan sa San Roque. Humantong ito hanggang sa ang quasi-parish ay ihayag na ni Arsobispo Tagle bilang isang Ganap at Nagsasariling Parokya noong Setyembre 4, 2012.

Si Obispo Tagle habang pinangungunahan ang isang misa para sa proyektong Hapag-Asa sa baryo ng Munting Mapino (2008).

Kaisa rin si Obispo Tagle sa “Hapag-asa Feeding Program” para sa mga batang taga-Munting Mapino. Ang feeding program ay tinustusan ng proyektong “Pondo ng Pinoy” ng Simbahan. Ang naturang pondo ay tinipon mula sa mga donasyong inimpok ng unti-unti: 25 sentimos kada araw–batay sa isa sa mga motto ng Pondo ng Pinoy, “Anumang magaling, kahit maliit, basta’t malimit, ay patungong langit.” Sa isang misa kaugnay ng proyekto noong Agosto 22, 2008, tinalakay ni Obispo Tagle na ang ang tunay na pondong tinitipon ay hindi lamang ang mga barya, kundi ang pag-iipon din ng kabutihan sa puso ng mga bata. Ang kabutihang maiipon sa kalooban ng mga bata, gaya ng mga batang kalahok sa feeding program, ay siyang magiging pondo umano ng bayan sa darating na panahon.

Paunang inihayag din sa Naic ang patungkol sa Golden Jubilee ng Diocese of Imus sa pamamagitan ng liham ni Obispo Tagle. Sa unang araw ng simbang gabi noong 2008, binasa ni dating kura, Fr. Nonilon Tibayan, ang liham na nagsasabing bukod sa Kapaskuhan, marapat lamang magsaya ang sambayanan para sa naturang ginintuang pagdiriwang. Mula noon ay tatlong taong naghanda (2009-2011) ang Cavite para sa anibersaryo ng Diocese batay sa temang “Tena’t Mag-KA-RA-KOL.” Tumutukoy ang “KA” sa “Kahapong Kay Yaman” na pinagnilayan ng sambayanan noong 2009; “RA” sa “Radikal na Pagsunod kay Kristo,” 2010; at “KOL” sa “Kolektibong Pagkilos,” 2011. Aktibong nakiisa ang mga Naicqueño sa iba’t ibang gawaing banal kaugnay ng mahabang pagdiriwang.

Mga Turo, Aral at Pagninilay

Sa isang misa noong Pebrero 11, 2004 sa Parokya ng Naic, pinagnilayan ni Obispo Tagle ang usapin ukol sa mga limitasyon ng tao. Sa pag-igpaw sa usapin, sinabi ng obispo na maubos na ang ating lakas bilang tao, huwag lamang ang ating pananampalataya; maubos na ang ating kakayahan bilang tao, huwag lamang ang ating pag-asa; at maubos na ang ating salapi, huwag lamang ang ating pag-ibig. Ipinabatid ng obispo na ang mga limitasyon ng tao ay mahalagang tingnan at maging daan upang lalo pang makarating kay Kristo.

Si Obispo Tagle habang pinangungunahan ang isang Lenten Recollection sa Parokya ng Naic (2008).

Pinangunahan naman ni Obispo Tagle ang isang lenten recollection sa Naic noong Marso 7, 2008. Pinagnilayan niya ang temang mula kay Lukas 22: 17,19, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian… ito ang aking Katawan na ihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa Akin.” Sa unang bahagi ng rekoleksyon, uminog ang mensahe ni Obispo Tagle sa pagiging makasarili ng mga tao. Matutunghayan umano ang pagiging makasarili ng mga tao sa pulitika, sa simbahan, sa mga pampublikong lugar hanggang sa mga tahanan. Isa sa napakaraming halimbawang ibinigay niya ay ang tanyag na karatulang “tapat ko, linis ko.” Higit umanong mabuti kung ito ay “kalye natin, linis natin,” “ilog natin, linis natin,” “bayan natin, linis natin,” at “simbahan natin, linis natin.” Tinawag pa niya ang bawat parokyang nasa simbahan mula sa Gen. Trias, Trece Martires, Tanza, Naic, Maragondon, Magallanes at Ternate. Nagkani-kanyang taas ng kamay ang mula sa iba’t ibang parokya. Sa huli, tinawag ni Bishop Tagle ang parokyang nagkakaisa sa pananalig sa Diyos, at sa ganito ay nagtaas ng kamay at nagpalakpakan ang lahat ng tao sa simbahan.

Sa Misa Concelebrada para sa kapistahan ng Naic noong Disyembre 6, 2008, tinalakay ni Obispo Tagle ang buhay ng Patrona ng Bayan. Ayon sa obispo, si Maria ay ipinaglihing walang sala ng kanyang inang si Sta. Ana, at dahil dito ay napuno siya ng grasya. Ang grasya, ayon sa obispo, ay hindi ang anumang salapi, lupa o ari-arian. Gaya ng nasusulat, si Maria ay napupuno ng grasya, sapagkat ang Panginoong Diyos ay sumasakanya. Samakatuwid, maaaring taglayin ng isang tao ang yaman, karangyaan at kapangyarihan, subalit kung hindi sumasakanya ang Diyos, hindi masasabing napupuno siya ng grasya. Sa yugtong iyon ay pinagnilay ng obispo ang bawat isa: sumasa-atin ba ang grasya; sumasa-atin ba ang presensya ng Diyos.

Ang Misa Concelebrada para sa kapistahan ng Imaculada Concepcion ng Naic na pinangunahan ni Obispo Tagle (2007).

Nag-homilya rin si Obispo Tagle sa Misa Concelebrada sa kapistahan ng San Roque noong Mayo 15, 2009. Ayon sa obispo, magandang pagkakataon ang kapistahan ni San Isidro Labrador o San Isidro Magsasaka upang kilalanin ang mga taong nagpapagal sa lupa. Kung sasariwain umano ang naging buhay ni San Isidro, makikitang ang buhay sa lupa ay kaakibat ng buhay na banal. Lagi-lagi, bago umano magsaka si San Isidro ay nagsisimba at nananalangin muna ito. Bilang pagninilay, tinalakay niya ang kalagayan ng bawat isa bilang mga sakahan at magsasaka. Bilang sakahan, ang mga tao umano ay gaya rin ng lupang may mga katangiang mabato, mababaw, matinik, at mataba. Bilang mga sakahan, tinukoy sa homilya ang salita ng Diyos bilang mga binhing inihahasik. Depende sa uri ng lupa, ang binhing itinanim ay maaari umanong sumibol at mamatay din agad, o hindi kaya ay magyabong at mamunga. Bilang mga magsasaka naman, inilahad ng obispo na ang bawat isa ay inaanyayahan din ng Diyos upang maging mga ka-manggagawa Niya. Bilang mga ka-manggagawa ng Diyos, tungkulin din umano ng bawat isang maghasik ng mabuti at magandang balita para sa iba. Sa huli ay inanyayahan niya ang bawat isa upang suriin kung anong uri ng sakahan ang kani-kanyang sarili, at kung nakikiisa ba siya bilang ka-manggagawa ng Diyos.

Ang Awit ng Naic

Isang awit ang kinatha ng Naic para kay Arsobispo Tagle nang tanggapin niya ang Papal Award na “Knight of the Equestrian Order of the Holy Sepulcher of Jerusalem” noong Nobyembre 2010. Pinamagatang “Pastol ng Kawan,” ang awit ay sa titik at musika ni Bro. Ned Nazareno at sa tinig nina Genesis Villaluz at Grace Santiago.

Inilunsad ito sa Parokya ng Naic minsang dumalo ang Arsobispo sa isang gawaing banal. Bahagi ng awit ay nagsasaad, “Ang ‘yong puso’y kay dalisay, ‘yong pag-ibig sa dukha ay tunay. Sa naliligaw ika’y gabay, ibinabalik ganda ng buhay. Panig sa api at mahihina, pinalalakas at pinalalaya. Ang pagod ‘di alintana, ang ‘yong lakas Kanyang Salita. Dugong bayani ay taglay mo, dangal ka ng Caviteño. Ikaw ay paring maka-Diyos, maka-buhay at makatao. Mapagmalasakit ka sa kalikasan, may pag-ibig sa Inang Bayan. Huwaran ka ng kabanalan. Pastol ka ng kawan.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s