Southwest monsoon hits Naic

Agosto 19, 2013 (Lunes). Sa pananalasa ng habagat, na pinaigting ng bagyong Maring, binaha ang malaking bahagi ng Naic.

baha

Red Rainfall Alert

Kahapon pa lamang ay buong araw nang nag-uulan sa bayan. Bandang magha-hatinggabi nang isailalim ng Pagasa (Philippine Atmospheric, Geophysical & Astronomical Services Administration) ang ilang lugar sa Luzon, kasama ang Cavite, sa Red Rainfall Alert. Ito ang pinakamataas na babala ukol sa dami ng tubig-ulan na maaaring bumuhos sa isang lugar.

Kaugnay ng pananalasa ng habagat, kinansela na ni Gov. Jonvic Remulla ang klase mula preschool hanggang high school kagabi. Makalipas ang ilang oras ay sinuspinde na rin ng gobernador ang klase sa lahat ng antas kasama ang kolehiyo at graduate school.

Magdamagang Pag-uulan

Gaya ng inaasahan, buong magdamag na bumuhos ang napakalakas na ulan sa Naic. Magdamag ding nangamba ang mga naninirahan sa mga tabing-dagat at ilog dahil sa posibleng pagtaas ng tubig. Nagdala rin ng takot sa mga taga-aplaya ang naglakihang mga alon na humahampas na sa ilang bahayan. Sa isang paglalarawan ay tila dinudurog na umano ng mga alon ang ilang bahayan sa Umboy sa Labac. Malakas na hangin na may kasamang pagkulog at pagkidlat ang naghatid naman ng pangamba sa mga taga-Naic na naninirahan sa mga bukid, maging sa kabayanan.

444

Sa inaasahang pagbabaha at pagsalimpad ng mga bubungan, naghanda sa paglikas ang marami sa mga baryo ng Santulan, Kanluran, Humbac, Gombalza, Ibayo Estacion, Makina at Balsahan.

Binaha ang mga Baryo

Pinakaunang inabot ng baha ang mababang bahagi ng Balsahan. Bandang alas-3 nang madaling araw ay halos lumubog na sa baha ang buong baryo. Nagpantay at naglampas-bahay ang tubig sa Balsahan na sa isang pagkakataon ay halos ilubog ang buong pasong Balsahan o yaong malaking hagdanan sa lugar.

Bukod sa Balsahan ay hindi rin nakaligtas sa matinding pagbabaha ang iba pang baryo, partikular ang mga bahaging kostal. Bandang alas-7 nang umaga ay tinanggap ng Naic Cavite Online sa Twitter account nito ang ulat na hanggang leeg na ang baha sa Bucana Sasahan. Sa mga sumunod na oras, lumaganap na sa Facebook at Instagram ang kalunus-lunos na pagbabahang inabot ng Naic. Lumubog sa hanggang tuhod at sa ilan ay lampas-bewang na baha ang Labac, Mabulo, Bancaan, Bagong Kalsada, Sapa, Bucana Malaki, Munting Mapino, Timalan Balsahan at Timalan Concepcion.

3333

Sa lakas ng ulan, hindi rin kinaya ng mga tubigan at palayan ang tubig na nagpabaha sa mataas na bahagi ng Naic. Dinanas din ang pagbabaha sa Palangue, Halang hanggang sa Malainen Bago. Nagbaha rin sa ilang bahagi ng Sabang.

Bukod sa mga nabanggit, binaha rin ang ilang bahagi ng Naic, gaya ng Poblacion, matapos hindi kayanin ng mga drainage ang tubig sa mga daanan.

Ang Pananalanta ng Baha sa Naic

Nagising ang marami sa Balsahan sa sigaw ng kababaryong tumataas ang tubig-ilog. Kaagad na nagsilikas ang mga taga-Balsahan patungo sa mas matataas na lugar gaya ng covered court, plaza at terminal ng mga tricycle. Ang mga hindi agad nakalikas sa Balsahan ay nanatili sa bubong ng mga bahay. Napilitan namang lumangoy sa baha at tumawid sa mga kable ng kuryente ang ilan upang sagipin ang mga gamit at mahal sa buhay. Naging mukha ng paglikas sa Balsahan ang matandang babae na isinakay sa isang timbulan paakyat sa paso.

Sa pagtaas ng baha, na sa mga bandang tabing-ilog ay rumaragasa pa, pinasok ang maraming bahay sa Naic na nagdulot ng abala sa marami. Inilubog ng baha ang mga gamit, bukod pa sa putik, dumi at burak na ipinasok nito sa mga bahayan. Halos malubog din ang ilang sasakyan sa mga baryong kostal. Isang owner-type jeepney ang nasiraan sa Mabulo, habang nabahura naman sa lumambot na lupa sa Bancaan ang isang kotse.

Bagaman kinansela na rin ang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaang lokal, kinailangan pa rin ng ibang taga-Naic na sumuong sa baha gayong walang pahayag kung suspendido ang kanilang mga trabaho. Sumakay na sa rubber boats ang mga taga-Bancaan, habang sa mga de-katig naman sumakay ang ilan sa Bucana Malaki at Sapa. Ang sukdulang umiwas sa baha ay piniling dumaan sa mga lagusan mula Mabulo pa-Muzon.

ow

Napilitan na ring lumikas ang mga taga-callejon sa Lopez Jaena sa Kanluran nang mapansing umaapaw na ang Ilog Saluysoy. Sa isang ulat ay sinasabing nag-abot dibdib ang baha roon. Umapaw na rin ang ilog sa pag-itan ng Santulan at Malainen na siyang nagpalikas din sa ilang taga-roon. Sa pag-apaw rin ng Ilog Kay Alamang, pangamba ang idinulot nito sa mga taga-Ibayo Silangan, Ibayo Estacion at Gombalza. Sa Gomez, pinasok ng tubig ang ilang bahayan at ilang alagang baboy ang natangay ng baha.

Bumagal ang kalakalan at transportasyon sa Naic matapos marami ang hindi lumabas sa kani-kanilang bahay. Sarado ang ilang establisyamento at hindi namasada ang ilang nagmamaneho. Ang maliliit na tindero at tindera sa paligid ng mga eskwelahan ay nanghihinayang naman sa magiging lugi dahil nakapagluto na sila ng mga ibebenta sana gaya ng mga arnibal at sago. Apektado rin ang pamilihang bayan sa Ibayo Silangan matapos mag-abot-tuhod ang baha roon.

Ang Cavite sa Ilalim ng State of Calamity

Hindi nag-iisa ang Naic sa kalunus-lunos na sinapit mula sa hagupit ng habagat. Sa mga ulat ay sinasabing napuruhan ang mga bayan ng Bacoor, Kawit at Noveleta. Bumigay rin ang isang dam sa Tanza na dumagdag sa tubig-baha sa lalawigan. Dalawa ang kaagad na naiulat na namatay, habang nasa 20,000 pamilya umano ang inisyal na naapektuhan sa buong Cavite.

Sa pagsasara ng mga pangunahing daan sa lalawigan, maraming taga-Naic ang hindi na magawang makalabas ng Cavite o makauwi naman kung nagmumula sa Kamaynilaan. Napilitang magsibalik pauwi sa Naic ang mga na-stranded sa daan, habang tumirik din ang sasakyan ng ilan sa lansangan.

Ang Paghupa ng Ulan at Baha

Bandang alas-9 nang umaga ay nasa Orange Rainfall Alert na lamang ang Cavite. Ibinaba ang abiso sa Yellow Rainfall Alert kapagdaka na nangangahulugang hindi na kasinglakas ng kagabi ang bubuhos at bumubuhos na ulan sa Naic.

55555

Sa paghupa ng ulan, unti-unti na ring humupa ang baha sa maraming lugar. Gayunman, nananatiling lubog sa baha ang ilang baryo gaya ng Labac, Mabulo at Bancaan dahil sinabayan ito ng pagkakaroon ng high tide.

Matapos naman ang pamamahagi ng relief sa ilang pamayanan na babagong bumabangon mula sa dagok ng oil spill, nag-ikot ang mga kinatawan ng pamahalaang Naic sa bayan upang siyasatin ang sinapit ng mga nasasakupan.

Sa sandaling ito ay patuloy na nakararanas ng pag-uulan ang Naic.

Hapon pa lamang ay idineklara na ni Gov. Remulla ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas bukas sa buong lalawigan.

Matatandaang halos kagaya noong nakaraang taon ang dinanas ng Naic ngayon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s