30 Naic barangays hold election, 14 new chairmen take post

Ang manu-manong halalang pambaranggay ang isa sa mga inabangang yugto sa 2013. Kaugnay nito, iniulat at sininop ng Naic Cavite Online (NCO) ang mga pangyayari sa Naic mula sa panahon ng pagpaparehistro, kampanyahan, halalan hanggang sa panunumpa ng mga nanalong kandidato. Tunghayan ang natipong ulat ng NCO mula Hulyo hanggang Nobyembre.
Hulyo 27, 2013. Pagpapatala

Itinakda ng Commission on Elections (Comelec) ang ika-22 hanggang ika-31 ng Hulyo bilang mga araw ng pagpapatala para sa nais makiisa sa nalalapit na halalang pambaranggay at Sangguniang Kabataan (SK). Sa katunayan, kahit Sabado ay naghaba ang pila ngayong araw sa tanggapan ng Comelec sa Naic.

Isa si Kelly Orsal, 15, ng San Roque, na nagpatala ngayong araw dahil naniniwala siyang mahalaga at karapatan niya ang bumoto. Pagkakataon na rin umano ito upang mas maunawaan na niya ang sistema ng halalan sa Pilipinas.

Una na ring nagpatala si Elaine Vergara, 16, ng Ibayo Silangan, dahil kailangan din umano ito lalo at balak niyang tumakbo bilang kagawad sa SK. Magiging isang magandang pagkakataon umano para sa kanya kung sakali ang pagtulong sa mga kapwa kabataan, sa pamamagitan ng mga proyektong kanilang mailulunsad.

Nakapagpatala rin ngayong araw si Dannah Mae Antiojo, 15, ng Labac, na kuntento naman umano sa proseso ng pagpapatala sa Comelec. Hinahanap niya umano ang mga kandidatong matalino na kanyang iboboto pagsapit ng halalan sa Oktubre 28.

Hulyo 31, 2013. Huling araw ng pagpapatala

Dinagsa ang tanggapan ng Comelec sa Naic para sa huling araw ng pagpaparehistro sa halalang pambaranggay at SK.

Hindi pa man nagbubukas ang tanggapan ng Comelec, nakaabang na ang maraming Naicqueño sa compound ng munisipyo. Pasado alas-otso ay matutunghayan ang pila ng mga nagpapatalang nasa humigit-kumulang 50 metro. Bukod sa haba ng pila, ininda rin ng mga nagpaparehistro ang matinding ulan na bumuhos buong araw.

Samantala, pasado alas-singko na ng hapon ay tinatapos pa rin ang patalaan sa Comelec.

Bukod sa mga bagong botante, sinabi ng ilang pakay nila ang pagpapalipat ng baranggay kung saan sila ay boboto. Nakatakda ang halalan sa ika-28 ng Oktubre.

Setyembre 4, 2013. Paghahanda sa halalan

Sinimulan na ng pamahalaang lokal na buksan ang mga ballot box na ginamit sa huling SK and Barangay Elections. Ang gawaing ito ay bahagi ng pagdi-dispose ng mga lumang dokumento, at bilang paghahanda na rin sa nalalapit na halalang SK at pambaranggay ngayong Oktubre.

Setyembre 28, 2013. Gun ban

Ganap nang pumasok ang panahon ng eleksyon para sa mga magiging opisyal ng iba’t ibang baranggay ngayong 2013. Nagsimula na ngayong araw ang gun ban kaugnay ng halalan. Inaasahan na rin ang mga checkpoint sa ilang pook ng Naic. Nakatakda namang idaos ang eleksyon sa Oktubre 28. Taliwas sa mga naunang paghahanda, walang magaganap na SK Election ngayong taon. Ikinadismaya ito ng ilang kabataan, habang wala umanong nakikitang masama rito ang ilan.

Oktubre 18, 2013. Kampanyahan sa Bara-baranggay

Nagsimula nang mangampanya ang mga kandidato para sa pagka-opisyal sa iba’t ibang baranggay ng Naic. Umaga pa lamang ay nagbahay-bahay na ang mga kandidato upang suyuin ang mga kababaryo. Matutunghayan na ring nakapaskil sa iba’t ibang lugar ang mga campaign materials ng mga partido at kandidatong independiente. Laganap din ang kampanyahan sa Facebook. Kapuna-punang ilang linggo pa bago ang kampanyahan ay mga poster na ang ilan na nakapaskil sa ilang pook ng bayan. Sa kabuuan, may 30 baranggay ang Naic.

Oktubre 22, 2013. Peace Covenant Signing

Habang idinadaos ang peace covenant signing sa Simbahan ng Naic.

Habang idinadaos ang peace covenant signing sa Simbahan ng Naic.

Maagang-maaga nang magsama-sama ang mga kandidato para sa darating na halalang pambaranggay. Nasagawa sila ng isang unity walk na humantong sa simbahan ng Naic.

Sa simbahan, lumagda ang mga kandidato sa isang kasunduan na nangangakong makikiisa tungo sa mapayapang halalan. Puno ang simbahan ng mga tatakbo sa pagka-kapitan at pagka-kagawad mula sa 30ng baranggay ng Naic. Ang gawain ay pinangunahan at pinamahalaan ng Parokya ng Naic, Pulis-Naic, Tanggapan ng Punongbayan, Sangguniang Bayan, at mga lokal na tanggapan ng Department of Education, Department of the Interior and Local Government at Commission on Elections.

Sa talumpati ni Mayor Junio Dualan, sinabi niyang “napakaganda pong tingnang nagkakaisa ang lahat… sa eleksyon.” Sa ipinamalas umanong pagkakaisa ng mga kandidato sa Naic, sa sandaling iyon ay kino-congratulate na umano niya ang bawat isa. Nanawagan siyang sana, matapos ang halalan, patuloy pa ring magkaisa ang lahat para sa kaunlaran ng bayan.

Oktubre 23, 2013. Ang Board of Election Tellers (BET)

Nagpulong kahapon ang mga magsisilbing BET sa darating na halalang pambaranggay. Partikular na natipun-tipon sa Naic Elementary School ang mga guro at kawani ng pamahalaang sakop ng Naic I. Pinangunahan ng lokal na tanggapan ng Comelec ang pulong na tinalakay ang mahahalang paksang gagampanan ng BET bago, habang at matapos ang halalan. Inaasahang nagpulong din ngayong araw ang mga sakop ng Naic II.

Oktubre 28, 2013. Araw ng Halalan

Ang pagboto ng bayan para sa halalang pambaranggay.

Ang pagboto ng bayan para sa halalang pambaranggay.

Mainit ang mga tagpo sa ilang baranggay ng Naic kaugnay ng nagaganap na halalan ngayong araw. Kagabi pa lamang ay kumalat na ang balitang nagpangharap ang ilang magkababaryo at nagkakainitan bunga ng magkakaibang sinusuportahang partido. Tinanggap ng NCO ang ulat na nagsuntukan di umano ang dalawang tumatakbong kapitan ng isang baranggay.

Nagbukas ang mga voting precincts nitong ika-7 ng umaga. Inaasahang magsasara ang mga presinto pagsapit ng alas-3 ng hapon. Manu-mano ang halalan kung saan isang kapitan at pitong kagawad ang kailangang iboto ng bawat mamamayan. Tatlumpu (30) ang lahat ng baranggay sa Naic.

Kinahapunan, nagmistulang bagong taon ang paligid bunga ng sunud-sunod na pagpapaputok ng kwitis; tanda ng pagdiriwang ng mga nanalong tumakbo sa halalang pambaranggay. Samantala, sama-samang binuo ng mga taga-Naic ang unofficial list ng mga nanalo bilang kapitan sa iba’t ibang baranggay ng Naic. Sa pamamagitan ng Facebook, bumuhos ang mga ulat mula sa iba’t ibang panig ng bayan hinggil sa mga nagwagi. Habang papatapos na ang pagtatala sa “Naic Cavite” Facebook account ng NCO, lumutang ang isang listahan na tugma sa sinasabi ng marami. Ang listahang ito ay nagmula sa Facebook account ni Mayor Junio Dualan.

Samantala, maituturing na bayani ngayong araw ang mga tumayong BET. Sila ang mga guro at iba pang kawani ng pamahalaan na umupo upang pangasiwaan ang halalan sa iba’t ibang presinto sa Naic. Madaling araw pa nang magsimula ang kanilang trabaho sa pamamagitan ng paghahanda ng mga gagamitin sa halalan. Matapos ang proklamasyon ng mga nagwagi, at iba pang tungkulin, matiwasay na umanong nakauwi ang mga BET sa Naic. Ayon sa ilang BET mula sa poblasyon at ibayo, wala silang naging suliraning malaki sa naganap na halalang pambaranggay.

Nobyembre 4, 2013. Panunumpa ng mga halal na kapitan at kagawad

Muling nagtipon ang sambayanan sa plaza upang idaos ang buwanang pagtataas ng watawat at panunumpa ng mga bagong opisyal ng bawat baranggay.

Panauhin at tagapagsalita si DILG Provincial Director Allan Benitez. Nanawagan si Director Benitez na patatagin pa ang bawat baranggay dahil ang kalakasan umano ng bawat baranggay ay kalakasan ng buong bayan. Hindi man umano magkakatiket ang mga nanalo sa naganap na halalang pambaranggay, mahalaga umano ang pagkakaisa tungo sa sama-samang pag-unlad.

Ang panunumpa ng mga halal na kapitan ng 30ng baranggay ng Naic.

Ang panunumpa ng mga halal na kapitan ng 30ng baranggay ng Naic.

Sa talumpati naman ni Mayor Junio Dualan ay pinasalamatan niya ang Comeled, Municipal Treasurer’s Office, at Municipal Administrator dahil sa maayos na naganap ang eleksyon. Maliban umano sa suntukang naganap sa isang baryo, maituturing namang mapayapa ang kabuuan ng halalan.

Tampok sa buong palatuntunan ang panunumpa ng mga kapitan na pinangunahan ni Mayor Dualan. Namayani ang puting kasuotan sa mga kapitan na ayon kay mayor ay tanda ng pagkakaisa ng lahat. Hinamon pa ng alkalde ang mga halal na opisyal upang tupdin ang pinanumpaan; at patuloy pang hinimok na makiisa sa pagsama-sama tungo sa iisang adhikain.

Tatlumpu (30) ang lahat ng baranggay sa Naic kung saan 16 ang kapitang magpapatuloy sa termino at 14 ang bago; tatlo ang walang kalaban sa naganap na halalan; at sa Makina ay lumamang lamang ng isa ang bagong kapitana.

Ang listahan ng mga nanalong kapitan; unang ipinaskil sa Facebook account ni Mayor Dualan.

Ang listahan ng mga nanalong kapitan; unang ipinaskil sa Facebook account ni Mayor Dualan.

Nanumpa rin ang mga halal na kagawad ng 30ng baranggay ng Naic.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s