Cavite oil spill takes toll on Naic fishing villages

Ika 8 ng Agosto 2013 (Linggo) nang tinatayang mahigit kalahating milyong litro ng Petron diesel ang tumagas sa dagat ng Rosario. Kaugnay nito, umabot hanggang Naic ang pinsalang dulot ng pangyayari. Samantala, sumusunod ang ilang tala sa kung papaano naglalim ang suliranin sa pangisdaan at kung papaano bumangon ang mga naapektuhan.

Bahagi ng laot-Naic na naapektuhan ng Cavite oil spill nitong 2013.

Bahagi ng laot-Naic na naapektuhan ng Cavite oil spill nitong 2013.

Agosto 10, 2013 (Sabado)

Ayon sa mga mangingisda, pulu-pulong matutunghayan ang nangingintab na langis na umabot na sa dagat ng Naic.

Hindi na umano mapakinabangan ang mga huling isda sa ilang bahagi ng bayan dahil sa nangangamoy langis na ito. Patay naman na ang ilang lamang-dagat na kanilang nasusumpungan. Kabilang sa mga ito ang lawlaw, bisugo at alimasag. Sa katunayan, isang banyera ng alimasag ang hindi naibenta sa Mabulo dahil sa takot ng mga taong kontaminado iyon ng langis. Ipinamahagi na lamang umano iyon sa ilang taga-baryo na tiwalang hindi sa bahaging kontaminado iyon nahuli.

Mula kahapon hanggang ngayon ay may mga lumalaot pa ring mangingisda gaya sa Bagong Karsada. Dumarayo sila sa bahaging hindi inaabot ng oil spill. Matumal ang bentahan ng huli, na sa Munting Mapino ay napipilitan ang mga mangingisdang magbagsak presyo.

Nagpalabas na ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng ban sa panghuhuli at pagbili ng isdang mula sa mga naapektuhan ng tumagas na langis. Nag-abiso rin ang Department of Health na huwag paliliguan ang dagat na naapektuhan.

Agosto 12, 2013 (Lunes)

Sa ulat ng ABS-CBN News, sinasabing manipis na at halos pawala na ang langis sa Naic. Gayunman, sinabi kanina ni Cavite Gov. Jonvic Remulla sa GMA News na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa maaaring kainin ang mga shellfish na nanggagaling sa Naic. Ang tumagas na langis din ang isa umano sa dahilan kung bakit sinuspinde ng Kapitolyo ang pasok sa mga paaralan ngayong nakataas ang typhoon signal number 1 sa Cavite. Maaari umanong pataasin ng bagyong Labuyo ang mga alon sa baybayin, na maaari namang makasama sa kalusugan ng tatamaang mga mag-aaral.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, kabilang sa may 31 baranggay na apektado ng tumagas na langis sa Cavite ang Timalan Balsahan, Timalan Concepcion, Munting Mapino, Bucana Sasahan, Bucana Malaki, Bagong Karsada, Bancaan, Mabulo at Labac. Sa paghina ng kalakal sa pangisdaan, nakahanda umano ang Kapitolyo na i- “recompensate” ang mga apektadong mangingisda ng lalawigan.

Sa ulat ng TV5 ngayong gabi, bagaman sinasabing pawala na ang diesel sa dagat, tila matatagalan pa umano bago makabangon ang sektor ng pangisdaan. Sa panayaman ng istasyon kay Damaso Antonio, pangulo ng Samahang Nabubuhay sa Talaba sa Naic, sinabi niyang mula nang mangyari ang oil spill ay halos hindi na sila makabenta ng talaba. Naglalasang langis na rin umano ang kanilang mga talaba. Kasalukuyan pa ring hinihintay ang toxicology report ng BFAR tungkol sa mga lamang-dagat sa Cavite.

Ipinahayag naman ni Mayor Junio Dualan sa flag raising ceremony ng Munisipyo nitong umaga na ipaaabot ng lokal na pamahalaan ang tulong para sa mga apektadong mangingisda ng bayan.

Agosto 13, 2013 (Martes)

Limang araw matapos ang pagtagas ng mahigit kalahating milyong litro ng Petron diesel sa Rosario, ramdam pa rin sa Naic ang pangambang idinulot nito. Mula sa mga bulungan at pandawan ay hindi na nabibili ang mga isdang nangangamoy langis. Ang mga tiyak namang ligtas na huli, hindi pa rin maibenta nang lubusan dahil nananatili ang pangamba ng mga mamimiling kontaminado ang mga naturang lamang-dagat.

Ayon sa mga taga-baybayin, marami sa upland Naic, maging sa kabayanan, ang takot pa ring mag-ulam ng isda sa ngayon. Ayon sa ilang mamimiling takot pa sa huling-dagat, kung nag-uulam man sila ngayon ng isda ay tinitiyak nilang huli iyon sa tabang o sa mga palaisdaan, gaya ng tilapia. Bagaman nabibili ang mga paninda, aminado ang mga nagbebenta sa talipapa sa Bancaan na apektado ang kanilang kita sa isyu ng oil spill. Sa ngayon, kung sakali umanong maaamoy o malalasahan ng mamimiling may langis ang kanilang tindang isda, handa naman silang tanggapin iyon kung isasauli. Karaniwang presyo na umano ang bentahan sa naturang talipapa kung saan nasa 100 piso ang kilo ng mga isdang asubi, maliit na albakora, hiwas, bruha, at salmon; nasa 70 ang kilo ng sekoy.

Ayon naman sa isang source, sa isinagawang pulong kanina ng Lalawigan at Petron, handa umanong magpaabot ng tulong para sa mga apektadong mangingisda, matapos silang masertipikahan ng lokal na tanggapan ng Agrikultura. Sa ulat ng Manila Bulletin, nasa 3M-piso ang ilalabas ng Kapitolyo para sa mga apektado ng oil spill.

Agosto 14, 2013 (Miyerkules)

Bulungan sa pandawan sa Labac.

Bulungan sa pandawan sa Labac.

Inihayag na ng BFAR-IVA na ligtas kainin ang mga lamang-dagat sa Cavite. Sa gitna nito, sabayang kinapanayam ng Naic Cavite Online ang ilang guro, alumni at mag-aaral ng Cavite State University – Naic (CvSU-Naic, dating Cavite College of Fisheries) upang kilalanin ang iba’t ibang uri ng isdang nahuhuli sa Manila Bay. Ang dagat-Naic ay bahagi ng naturang bay.

Kung nais umanong higit na makatiyak sa pamimili, maaaring ang mga isdang pelagic o yaong mga isdang namumuhay sa itaas na bahagi ng tubig-dagat ang silang nabahiran ng tumagas na langis. Maituturing nang ligtas kainin ang mga isdang mesopelagic o yaong namumuhay sa gitna ng tubig-dagat; lalo na ang mga demersal na isda o yaong nasa ilalim o halos sa sahig na ng dagat namumuhay.

Kabilang sa mga isdang pelagic ang hasa-hasa o kabayas, alumahan, salaysalay, salaysalay-ginto, salaysalay-habagat, burador, galunggong, tamban, albakora, bariles, tulingan, tanggigue, kandao, torsilyo, malasuge, pahabela, gulyasan, espada o balila, titing kastila, asubi, banak, buan-buan, bidbid, at bitilyang-tae. Mesopelagic ang talakitok at hiwas.

Demersal naman ang isdang bato, mayamaya, samaral, bitso, gudjabaw, kalaso, burara, kanduli, bruha, bisugo, bisugong bato, mamale, mamaleng bato, tampal-puke, tambol, lapu-lapu, labahita, loro, at kalaso. Banner program ng CvSU-Naic ang BS Fisheries. Ang eskwelahan ay itinuturing na nangunguna sa buong rehiyon bilang National University for Agriculture and Fisheries. Dito rin nagmula ang napakaraming eksperto sa pangisdaan na nasa iba’t ibang pangunahing tanggapan sa NCR at Calabarzon gaya ng BFAR.

Agosto 15, 2013 (Huwebes)

Sama-samang naglinis sa baybay-Naic ang mga kinatawan at volunteer ng Petron, LGU-Cavite, LGU-Naic, at Coast Guard kaninang umaga. Naghati sa apat na grupo ang lahat ng naglinis upang sabay-sabay at mas mabilis na matapos ang siyam na baryong nasa tabing-dagat: Labac, Mabulo, Bancaan, Bagong Kalsada, Bucana Malaki, Bucana Sasahan, Munting Mapino, Timalan Concepcion at Timalan Balsahan.

Ang naturang cleanup ay bahagi ng paglilinis sa dagat bunsod ng naganap na pagtagas ng Petron diesel sa bayan ng Rosario. Gayong wala na umano ang langis sa dagat-Naic, ang tabing-dagat na lamang ang pinagtulung-tulungang malinis. Sa kabila nito, nakahanda umanong umaksyon ang Petron, Coast Guard at pamahalaang lokal ng Cavite at Naic sakaling may mababakas pang langis sa dagat ng bayan.

Agosto 18, 2013 (Linggo)

Magkatuwang ang pamahalaang Cavite at pamahalaang Naic sa pamamahagi ng may 4000 supot ng bigas ngayong umaga sa Timalan Concepcion. Bahagi umano ito ng tulong para sa mga naapektuhan ng oil spill sa bayan. Bandang 9:00AM nang pangunahan nina Gov. Jonvic Remulla at Mayor Jun Dualan ang pamamahagi ng relief. Bukod sa mga taga-naturang baryo, nabahaginan din ang mga taga-Timalan Balsahan at Munting Mapino. Samantala, nagpapatuloy pa rin umano ang pagre-repack ng bigas sa kapitolyo.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s