Floodings turn Naic into ‘waterworld’

Mula Agosto hanggang Setyembre, kawing-kawing na suliranin ang idinulot ng pagbabaha sa Naic. Kabilang dito ang mga bahay na nasisira, mga pasok sa eskwela at tanggapang nakakansela, tinutubig at nababahurang mga sasakyan, pagkakasakit dahil sa nagdadaming mga insekto at basura, at marami pang iba.

Isang tagpo sa Balsahan nang bahain ito nang palakasin ng bagyo ang habagat.

Isang tagpo sa Balsahan nang bahain ito nang palakasin ng bagyo ang habagat.

Pinakamatinding pagbabaha ang sinapit ng Naic nang manalasa ang bagyong Maring at habagat noong Agosto (basahin ang detalye ukol dito). Bukod dito, makailang ulit pang nagbaha sa iba’t ibang dako ng bayan.

Sa pananalasa naman ng bagyong Odette at habagat noong Setyembre, ilang araw ring dinanas ng Naic ang maya’t mayang malalakas na pagbuhos ng ulan. Bunga ng high tide, tumaas ang tubig sa dagat, mga ilog at sapa sa Naic. Sa pagsasanib ng high tide at ulan, naghanda na sa paglikas ang mga taga-tabing-ilog sa Lopez Jaena sakaling umapaw ang Ilog ng Saluysoy. Rumaragasa ang mga tubig sa ilog, maging sa Kay Alamang. Nag-antabay na rin ang mga taga-Balsahan matapos pasukin ng baha ang kanilang baryo. Ininda ang baha sa ilang bahagi ng Sapa, Bagong Kalsada at Bucana Malaki. Kaugnay nito, higit pang tumaas ang baha sa Labac na ilang araw nang hindi nawawala. Nagputik at nagbaha na rin sa matataas na baryo gaya sa Poblacion, San Roque, Halang at Palangue.

Sa ilang araw na pag-uulan, binansagang “waterworld” sa Facebook ang sitwasyon sa Naic. Inireklamo pa ng ilang taga-Mabulo ang di umano ay sobrang singil ng ilang namamasada roon na umaabot sa 40 pesos bawat pasahero; idinadahilan umano ng mga driver na malayo ang kanilang binabaybay upang makapaglabas-masok ngayon sa baryo. Itinampok pa noong ika-23 ng Setyembre sa balitaang 24 Oras ng GMA 7 ang video ng rumaragasang baha sa Halang na kuha ng taga-roong si Leighrone Letana.

Muling dumanas ng matinding pagbabaha ang Naic noong ika-12 ng Oktubre matapos palakasin ng bagyong Santi ang habagat. Sa paglakas ng hangin at pagtaas ng tubig, muling sinalanta ng alon ang mga bahayan sa Munting Mapino. Kapuna-puna kung papaanong patuloy na nilalamon ng dagat ang aplaya ng baryo, sanhi upang mabuwal at halos mabuwal ang mga puno ng niyog doon. Ilang bahayan muli ang winasak ng bagyo. Bukod dito, muling nakaranas ng pagbabaha ang ilang baryong kostal, lalo na ang Labac na mabilis muling pinasok ng tubig.

Sa tindi ng mga pagbabaha, naging malaking usapin sa Naic ang mga sanhi at solusyon ditto. Samu’t saring kwento at paliwanag ang tinanggap ng Naic Cavite Online tungkol sa kung papaanong tumataas ang tubig sa iba’t ibang bahagi nito. Tuwing malakas ang ulan, pangunahin na umanong dahilan ang pagkaipon ng tubig sa mas mabababang lugar na dinadaluyan ng mga umaagos na tubig mula sa higit na matataas na baryo. Nakakadagdag din umano sa baha ang mga umaapaw na tubigan na dumadaloy rin sa mas mabababang lugar. Lumalala rin umano ang baha sa Naic kung high tide dahil tumataas din ang tubig sa dagat, ilog at sapa na pumapasok sa mga nayon at pamayanan.

Sa Labac, itinuturong dahilan naman ng maraming taga-roon ang pagsesemento sa gilid ng isang sapa roon, na nagpasikip din umano sa naturang anyong tubig.

Sa lahat ng ito, maraming Naicqueño ang nananawagan ng tugon at solusyon. Tahasang tinatawag ng marami ang pamahalaan upang aksyunan ang suliranin. Sa kabila nito, nagpaabot ng mensahe ang isang taga-kostal na hirap na hirap na umano sa baha. Habang abala umano ang marami sa pagtuturo, nanawagan siya sa mga kababayan na magkaroon ng disiplina sa pagtatapon ng kani-kanilang mga basura. Isa umano ito sa mga hindi napapansing dahilan kung bakit nagbabara ang mga daluyan ng tubig. Sa halip umano na mabilis na nakakadaloy ang tubig, nababarahan ito ng mga basurang itinatapon ng walang pakundangan sa mga lansangan, kanal, sapa at ilog. May magagawa umano ang bawat isa upang malutas ang problema ng Naic sa baha.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s