Habagat, typhoon Maring swamp Naic

Mula Setyembre hanggang Oktubre 2013, tatlong bagyo ang humatak at nagpalakas sa hanging habagat. Kabilang sa mga bagyong ito ang bagyong Maring, Santi at Odette. Nagdulot ng pagbabaha at pagkawasak sa mga ari-arian ang mga kalamidad. Subalit sa lahat ng ito, ang pagtuwang ng bagyong Maring sa habagat ang nagdulot ng ilang linggong pinsala sa Naic.

Tagpo sa paglikas ng ilang residente ng Balsahan matapos silang bahain mula sa tubig na dala ng habagat at bagyong Maring.

Tagpo sa paglikas ng ilang residente sa Balsahan matapos silang bahain ng tubig na dala ng habagat at bagyong Maring.

Babala mula sa Pagasa

Ika-18 ng Agosto nang mag-abiso ang Pagasa o Philippine Atmospheric, Geophysical & Astronomical Services Administration na kabilang ang Cavite sa mga lugar na nasa Red Rainfall Alert. Bunga umano ito ng habagat na pinaigting ng nananalasang bagyong Maring. Buong araw na inulan na may mga pagkulog at pagkidlat ang Naic. Sinuspinde ng Kapitolyo noong araw na iyon ang mga klase sa lahat ng antas sa lalawigan.

Paghagupit ng habagat at bagyong Maring

Makalipas ang isang araw, tumambad ang binahang Naic. Mabilis na kumalat sa Facebook ang larawan ng iba’t ibang baryo ng Naic na lumubog sa tubig. Sa talaan ng Naic Cavite Online (NCO), kaagad na binaha ang mga baryong kostal gaya ng Labac, Mabulo, Bagong Kalsada, Bucana Malaki, Munting Mapino at Bancaan. Sa Twitter account ng NCO ay tinanggap ang ulat na nag-abot leeg pa ang baha sa ilang bahagi ng Bucana Sasahan. Bahang-baha rin umano sa Sapa.

Samantala, pinangambahan din ang pag-apaw ng mga ilog kung kaya’t hindi na nakatulog ang mga taga-Santulan at Kanluran. Pinasok din ng baha ang Balsahan at una nang nagsilikas ang mga taga-roon. Hindi na rin kinakaya ng mga daluyan at kanal ang dami ng bumubuhos na tubig-ulan kung kaya’t bumaha na rin sa mismong kabayanan. Sa ilang ulat ay sinasabing binaha na rin sa mga baryo ng Timalan, Sabang at Malainen Bago. Hanggang tuhod umano ang inabot ng baha sa palengke sa Ibayo Silangan. Nagpahayag ng takot ang maraming taga-Naic sa Facebook, Twitter, text messages, Instagram, at mga kwentuhan. Kinansela ang pasok sa mga tanggapan gaya sa munisipyo. Ipinabatid ng ilang motorista na hindi na madaanan ang Amaya sa taas din ng baha sa Tanza.

Sa pag-usad ng araw, ibinaba sa Orange Rainfall Alert ang babala sa Cavite. Sa kabila nito, habang tumitila umano ang ulan ay maaari pa rin itong bumuhos sa mga susunod na oras. Ayon kay Gov. Jonvic Remulla ay sarado na halos ang mga daan patungong Maynila. Daang Hari na lamang umano ang ipinapayong daanan. Isang dam din umano ang bumigay sa Tanza. Pinangambahan din sa baybay-Naic ang posibleng high tide na maaaring magpataas pa ng tubig-baha.

Sa tindi ng pagbabaha, nanumbalik sa maraming taga-Naic ang alaala ng matitinding bagyong nagdaan, gaya ng Ondoy at Milenyo. Pinataas pa ng maghapuna’t magdamagang ulan ang baha sa ilang baryo na kinailangan na ng ilang magbangka. Pinasok na ng baha ang ilang bahay sa Gombalza bunga ng umapaw na Ilog Kay Alamang. Nasiraan ang ilang sasakyang inabot ng baha sa daan. Umapaw rin ang mga tubigan at palayan na nagpabaha sa upland Naic, gaya ng Palangue at Halang. Matinding kaba rin para sa mga taga-aplaya ang mapagitnaan ng baha sa kanayunan at nagngangalit na alon sa dalampasigan. Idinaing ang nagngangalit na hampas ng mga alon na ayon sa ulat ay halos durugin na ang bahayan sa Umboy sa Labac. Patuloy na naririnig ang dagundong ng mga kulog sa Naic.

Pagbabahang naranasan sa Mabulo.

Pagbabahang naranasan sa Mabulo.

Sarado ang napakaraming establisyamento sa bayan gaya na lamang ng mga bangko, salon, kainan, computer shops at iba pang tindahan.

Kaagad na isinailalim ang Naic sa state of calamity. Isinailalim din kapagdaka ang Cavite sa state of calamity matapos ding mapuruhan ng habagat at bagyong Maring ang mga bayan ng Tanza, Rosario, Noveleta, Kawit, Imus at Bacoor.

Tumamlay ang bayan

Sa ikatlong araw, ika-20 ng Agosto, ay patuloy pa ring bumayo ang habagat sa Naic. Kanselado pa rin ang mga klase sa buong Cavite, maging ang mga tanggapan sa Naic. Sa hindi na humupang baha sa Labac, pinasok na ang mga silid-aralan at nangabasa na ang mga gamit pang-eskwela. Pinasok na rin ang maraming bahay sa naturang baryo.

Pagabi nang humupa na ang pag-uulan. Gayunman, matamlay pa rin ang Poblacion ng Naic bunsod ng pananalasa ng habagat at bagyong Maring. Madalang pa rin ang mga tricycle drivers na namamasada. Bagaman nagbukas na ang ilang tindahan ngayong araw, maituturing na hindi pa rin normal ang mabagal na kalakalan at galaw ng mga tao sa kabayanan.

Panawagang tulong

Pagbabahang naranasan sa Halang.

Pagbabahang naranasan sa Halang.

Pumasok sa ika-apat na araw ang epektong hatid ng habagat. Kanselado pa rin ang mga klase dahil nananatiling lubog sa baha ang maraming baryo sa Naic. Tulong ang siyang panawagan ng mga nasalanta, lalo na ang mga nasiraan ng bahay at bangkang pangkabuhayan.

Bigla namang lumaki ang alon sa na tila nilamong muli ang bahaging kostal lalo na sa Munting Mapino. Nabukasan ang nagngangalit na alon na siya ring wumasak sa mga bahay hindi lang sa Munting Mapino kundi maging sa Mabulo. Kaugnay nito, marami sa mga mangingisdang Naicqueño ang hindi pa rin makalaot bunga ng matitinding gulong ng alon sa dagat.

Lumawig na epekto ng kalamidad

Agosto 23, 2013 (Biyernes). Bagaman manaka-nakang umuulan at umaambon, higit naman nang nasilayan at naramdaman ang init ng araw sa buong bayan. Gayunman, naiwan ang mga putik at lawa-lawaan sa mga bakuran, bako ng daan, at lupang tiwangwang. Kaakibat nito ang banta ng aksidente gaya ng mga pagkadulas o pagkabahura ng sasakyan. Kaugnay nito, karaniwan nang matutunghayan ang mga butete sa mga naglatiting parang. Higit namang pinangangambahan ang mga kiti-kiting maaaring maging lamok na makapagdadala ng karamdaman. Gaya sa mga nakalilipas na baha, kasama sa pinangangambahan ang pagkababad ng mga paa na maaaring humantong sa sakit sa balat gaya ng alipunga.

Sa pagbuti ng panahon, pinag-uli na ng Kapitolyo ang pasok sa lahat ng antas sa buong lalawigan.

Umaliwalas na sa Naic

Agosto 24, 2013 (Sabado). Masasabing higit nang gumanda ang panahon sa buong bayan ngayong araw. Karaniwang matutunghayan sa iba’t ibang bahagi ng Naic ang mga labadang nakasampay. Ilan sa mga damit ay mula pa sa pagkabasa mula sa naganap na mga pagbaha. Nakabilad din ang iba pang papel na nabasa sa mga paaralan, maging ilang gamit gaya ng kutsong natutunghayan.

Pagbuhos ng tulong

Matapos isailalim sa state of calamity ang Naic ay kaagad na naghatid ng tulong sa mga nasalanta ang pamahalaang lokal. Dumating din ang tulong mula sa Kapitolyo. Umigting pa ang tulong, lalo na sa mga taga-kostal, matapos sumabay sa trahedya ang dagok naman ng Cavite oil spill (basahin ang detalye ukol dito).

Agosto 23, namahagi ng tulong ang Lions Club at ang Leo Club na isinagawa sa Lolo Ikoy Building sa Ibayo Silangan. Isa ang Naic sa maraming lugar na sinadya ng District Officers ng Lions Club para sa kanilang relief operation. Pangunahin namang nakiisa sa proyekto ang Incumbent Leo District President ng Leo Club District 301-A2 Philippines na si Ian Cabatay ng San Roque.

Ika-31 ng Agosto nang mamahagi ng tulong sa Cavite si Kris Aquino. Sa Instagram account ng presidential sister, kabilang sa kanyang mga pinuntahan ang Rosario, Tanza at Naic. Kasama niya sa pamamahagi ng tulong ang magkapatid na sina MMDA Chairman Francis Tolentino at Congressman Bambol Tolentino. Pinasalamatan ni Kris bilang mga katuwang niya sa pamamahagi ang P&G, Bench, Lucky Me, at AliceinWonderLand320. Isinagawa ang pamamahagi sa plaza ng Naic.

Pagbabahang naranasan sa Timalan.

Pagbabahang naranasan sa Timalan.

Ika-10 ng Setyembre, inilunsad ng samahang Balikatan sa Naic ang isang relief operation. Samahan ito ng mga netizen sa Naic. Nakatuwang ng Balikatan sa pamamahagi ang The Generics Pharmacy, Naic Cavite Riders Club, at Naic Association of Southern California. Malaking tulong din ang mga donasyong natanggap ng Balikatan mula sa iba’t ibang indibidwal. Nasa 900 ang naabutan ng tulong mula sa mga baranggay ng Sabang, Halang, Palangue Central, Palangue II-III, Malainen Luma, Malainen Bago, Molino, Santulan, Latoria, Timalan Balsahan, Labac at Mabulo. Pinili ang mga lugar na hindi pa gaanong naabot ng mga naunang relief operation. Samantala, nangalap din ng donasyon at tumulong ang local Facebook fanpage na Balitaktakan sa Naic.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s