New Pope, new bishop, new Naic parish, new church coating

Ang taong 2013 ay hitik sa mga pangyayaring bumubuhay at nagpapasidhi sa pananampalataya ng mga mamamayan nito. Bilang bayang binubuo ng mga Kristiyano, na pinakamalaking bahagdan ay mga Romano Katoliko, kabi-kabilang natunghayan ang mga fiesta, karakul, prusisyon at iba pang gawaing banal. Bukod sa pagkakaroon ng bagong Santo Papa, ang 2013 sa Naic ay pinatingkad ng pagbisita ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Naic, pagtatalaga sa dating quasi-parish ng Sto. Niño de Bancaan bilang isang ganap na nagsasariling parokya, at pagkakaroon ng bagong Obispo ng Diyosesis ng Imus.

Pagdalaw ni Cardinal Tagle sa Naic

Si Cardinal Tagle habang ipinapanalangin ang isang taga-Naic ng dumalaw siya sa Parokya ng Inmaculada Concepcion.

Si Cardinal Tagle habang ipinapanalangin ang isang taga-Naic nang dumalaw siya sa Parokya ng Inmaculada Concepcion.

Mayo 31, 2013 (Biyernes). Maituturing na instrumento ng pagpapala para sa mga Katoliko ang pagdating sa Naic ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.

Pinangunahan ng cardinal ang misa sa pagwawakas ng Flores de Mayo sa Parokya ng Naic, 6:00 AM. Sa kanyang homilya, pinagnilayan kung gaano kahalagang maging laman ng mga pag-uusap ang tungkol sa Diyos–paksang nakapagpapalakas ng loob at hindi nakasisira.

Matapos ang misa ay sumaglit si Cardinal Tagle sa Parokya ng Sto. Niño de Bancaan upang batiin ang sambayanan sa araw ng proklamasyon nito bilang nagsasariling parokya. Mula sa Poblasyon ay hindi agad nakaalis ang cardinal matapos siyang dumugin ng sambayanan na nais magpakuha ng litrato, mangumusta at magmano. Tila celebrity namang naghiyawan at nagpalakpakan ang mga taga-Bancaan nang bumaba sa kanyang sinasakyan ang cardinal. Bukod sa mga nagpapalitrato ay may ilan pang mga nagpa-autograph sa Bancaan.

Bago nagwakas ang misa sa Parokya ng Naic, muling inawit ang kantang alay sa kanya ng parokya noon pang 2010, ang “Pastol ng Kawan.” Bago naging arsobispo ng Maynila ay obispo ng Diyosesis ng Imus si Cardinal Tagle. Kaya naman, bahagi ng kanyang panalangin ay tangkilikin ng sambayanan ang magiging bagong obispo sa Cavite, kagaya sa kung papaano siya sinuportahan.

Higit na nakilala si Cardinal Tagle matapos siyang ituring na matunog na papal contender sa naganap na pagpili ng papalit na Santo Papa kay Pope Benedict XVI. Maaaring tunghayan ang malawak na pagtalakay sa malalim na karanasang banal ng Naic kay Cardinal Tagle sa artikulong ito: Naic treasures holy moments with former bishop, now Cardinal Tagle.

Ang Bagong Parokya sa Naic

Mga tagpo nang italaga ang dating quasi-parish ng Sto. Niño de Bancaan bilang isang ganap na nagsasariling parokya.

Mga tagpo nang italaga ang dating quasi-parish ng Sto. Niño de Bancaan bilang isang ganap na nagsasariling parokya.

Mayo 31, 2013 (Biyernes). Ganap nang idineklara ang simbahan ng Sto. Niño de Bancaan bilang isang nagsasariling parokya.

Matapos pamunuan ang misa sa Parokya ng Naic, halos 9:00 AM, dumalaw si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Bancaan upang bumati at magpaabot ng mensahe sa bagong parokya. Ayon sa cardinal, “madaling maging parokya subalit mahirap magpaka-parokya.” Bago tuluyang umalis ay iniwan niya sa sambayanan ang hamong tugunan ang mga tawag ng isang parokya.

Kaisa ang mga kaparian ng Diyosesis ng Imus, pinangunahan ng tagapangasiwang si Msgr. George Morales ang pagdiriwang. Sa homilya, inilahad ni Fr. Morales ang mga larawan ng isang parokya, halaw sa tatlong pagbasa. Ang parokya umano ay kasingkahulugan ng pagtitipan ng Diyos at sambayanan. Sa ganito, ang Diyos ay nagkakaloob sa bayan habang ang sambayanan ay naglilingkod sa Diyos. Sa parokya ay iba’t iba ang kaloob ng Diyos at bawat isa ay marapat gamitin ang kani-kanyang biyaya upang maglingkod. Bahagi rin umano ng pagiging parokya ang pagkakaroon ng sambayanang nananalangin sa Diyos upang mapaglabanan ang masasamang espiritung hangad ay mapabagsak ang Simbahan. Gaya ng kay Cardinal Tagle, binigyang diin ni Fr. Morales na ang isinagawang deklarasyon ay hindi lamang pagdiriwang kundi malaking hamon upang tugunan ang mga pangangailangan ng isang parokya.

Samantala, itinalaga rin si Fr. Nico Tagulao bilang kauna-unahang kura ng parokya; habang kinilala naman ang mga dating nagsilbing tagapangasiwa nito bilang dating quasi-parish.

Punung-puno ang simbahan na dinaluhan ng sambayanang mula sa mga sakop ng parokya: Sapa, Bucana Malaki, Bagong Kalsada, Mabulo, Bancaan at Labac. Nakiisa rin ang mula sa ilang parokya sa Naic. Bahagi rin ng mga gawain ang ilang pinuno ng bayan gaya ng bagong halal na mayor, Vice Mayor Jun Dualan.

Ang bagong Obispo ng Cavite

Abril nang ihayag Pope Francis ang magiging bagong Obispo ng Imus. Kauna-unahan umano itong pagtatalaga ng Santo Papa sa Pilipinas matapos siyang maluklok kapalit ni Pope Benedict XVI. Ika-5 ng Hunyo nang ganap na manungkulan si Bishop Reynaldo Evangelista sa Diyosesis. Mula noon, makailang ulit na rin siyang nakapag-misa sa Naic. Ang Diyosesis ng Imus ang sumasaklaw sa sambayanang Cavite.

Ang bagong mukha ng simbahan ng Naic

Ang ipinaskil na larawan ng Simbahan sa Facebook account nito. Makikitang ginaya sa mas naunang disenyo ng simbahan ang anyo nito ngayon.

Ang ipinaskil na larawan ng Simbahan sa Facebook account nito. Makikitang ginaya sa mas naunang disenyo ng simbahan ang anyo nito ngayon.

Lingid sa kaalaman ng marami, 2012 pa nang simulang tapalan ng apog ang simbahan ng Naic. Gayunman, higit na naging kapuna-puna ito nang umpisahan nang tapalan at mamuti ang harap ng simbahan.

Sa simula ay umani ng di magandang puna ang pagawaing iyon. Ayon sa ilang parokyano, nawala umano ang pagka-antigo ng simbahang bato. Subalit depensa ng Simbahan, ibinabalik lamang nito sa dating anyo ang itsura ng simbahan. Hindi umano renovation kung hindi isang restoration ang nagaganap. Ilang ulit sinabi sa mga nagdaang misa ang tungkol dito, at nagpaskil pa sa Facebook account ng Simbahan ng mga litratong nagpapakita sa orihinal na neo-gothic na arkitektura ng simbahan noong 1890s.

Sa hiwalay na pagkakataon, inilibot ni Fr. Virgilio Mendoza, kura ng Naic, ang Naic Cavite Online sa ilang bahagi ng simbahan. Ipinakita ng kura ang mga natitipak at napupulbos na bahagi ng gusali. Ang isinasagawa umanong pagtatapal ng apog ay paraan din upang mapagtibay ang nasisirang simbahan. Tinatayang milyun-milyong pisong halaga ang ginugugol ng Parokya upang matustusan ang pagawain. Mula umano sa mga donasyon ang naturang pangtustos.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s