Provincial bus ban in Manila affects Naicqueños

Kalagitnaan ng 2013 nang maging malaking isyu para sa mga byaherong taga-Naic ang mga pagbabago sa ruta, terminal at sistema ng transportasyon sa Kamaynilaan.

Isang tagpo sa Provincial Bus Terminal sa Parañaque.

Isang tagpo sa Provincial Bus Terminal sa Parañaque.

Ilang araw makaupo si Mayor Joseph Estrada sa Maynila, ipinagbawal ang mga provincial bus na makapasok sa lungsod lalo na iyong mga walang terminal doon. Kaugnay nito, nabuo ang Southwest Interim Transport Terminal kung saan naging Provincial Bus Terminal ang bahagi ng Uniwide reclamation area sa Parañaque. Dito nahimpil ang mga bus na nagmumula sa Cavite, kabilang ang napakaraming bus na umaabot sa Naic.

Dahil sa mga pangyayari, ang mga bus na noon ay nakapapasok sa Baclaran, Vito Cruz, hanggang Lawton ay hanggang sa Uniwide na lamang nakararating. Umalma ang napakaraming commuter sa Cavite, kabilang ang mga taga-Naic sa malaking pagbabagong iyon. Sa mga unang linggo ay halos araw-araw na maririnig at mababasa sa mga Facebook account ng regular commuters ang di umano ay pahirap at abalang idinulot ng naturang pagbabago: dagdag pamasahe, dagdag lakad at pagod, dusa kung tag-ulan at pagkalito. Sa isang halimbawa, ang isang sakay papunta sa Philippine General Hospital na nasa Taft, nagiging dalawang sakay na ngayon.

Sa patuloy na pag-iral ng pagbabago, umalma hindi lamang ang mga pasahero kundi maging mga driver, konduktor at bus operators. Kaugnay nito, patuloy na naging usaping pambansa ang pagbagal ng daloy ng byahe sa Parañaque-Cavite noong ika-28 ng Agosto 2013. Hinihinalang isang bus strike ang naganap. Sa ulat ng Inquirer News, bandang 8:30AM nang magpalabas umano ng dalawang trak ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA upang ihatid hanggang Naic ang mga pasaherong walang masakyan sa Kamaynilaan. Bandang 11:00AM umano nang mag-“normalize” ang mga byahe.

Sa ulat pa rin ng Inquirer, sinabi ni dating Naic Municipal Councilor, Atty. Ferdinand Wakay, ang legal counsel para sa United Cavite Bus Operators Inc., na kaunti lamang ang natunghayang mga bus mula sa Cavite noong ika-28 dahil naipit umano ang mga sasakyan sa matinding traffic sa mga bayang nagpi-fiesta, Tanza at Dasmariñas. Naranasan ng Naic Cavite Online ang matinding traffic noon sa Tanza na tumagal ng humigit-kumulang tatlong oras (5:00-9:00PM). Samantala, isang araw bago ang sinasabing bumagal ang byahe ng mga Cavite bus, naging usap-usapan sa Facebook ng ilang taga-Naic na magkakaroon nga ‘di umano ng bus strike sa susunod na araw.

Sa kasalukuyan, nananatiling usaping panghukuman ang isyung ito sa transportasyon. Habang patuloy na inilalaban ng mga driver, konduktor at bus operator ang kanilang panig, hupa na sa mga byaherong mag-aaral, nagtatrabaho at ilang pasahero ang usaping ito.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s