Jun Dualan wins over past mayor Edwina Mendoza

Sa ikalawang pagkakataon, naranasan ng Naic ang automated elections. Sa magkasabay na halalang pambansa at lokal, nakiisa ang bayan sa paghalal ng mga bagong senador, at pumili ng kanilang mga pinuno para sa lalawigan, distrito at bayan. Taong 2012 hanggang unang kalahati ng 2013, tinutukan ng Naic Cavite Online (NCO) ang mahahalagang tagpo ukol sa halalan. Tunghayan ang natipong tala ng NCO.

Mga tagpo noong 2012
elecBagaman sa 2013 pa ang halalan, itinuturing nang malaking usapin ang ukol dito noon pa mang 2012. Sa itinakdang panahon ng Commission on Elections (Comelec) noong Oktubre, upang makapaghain ng kandidatura ang mga tatakbo, dalawang malalaking pangalan sa pulitika ang nanguna sa paghahain ng intensyon sa pagkandidato. Naghain ng kandidatura para sa pagka-alkalde ang noon ay Mayor na si Atty. Edwina Mendoza, at ang noon ay ikalwang alkalde, Vice Mayor Junio Dualan. Nakilala na rin ng bayan ang mga tatakbo sa Konseho, pati na rin sa mga puwestong panlalawigan.

Kaugnay nito, nagsara na ang patalaan para sa mga botante. Karaniwan na ring makikita ang mukha ng iba’t ibang kandidato, na sa iba’t ibang uri ng pagbati ay tila nangangampanya na sa bayan. Hindi na rin maiwasan ang kabi-kabilang pag-uusap hinggil sa kung sino ang mga dapat iboto, na maririnig mula sa mga karaniwang mamamayan, mga nasa pamilihan, mga tricycle driver, hanggang sa mga elitista ng bayan.

Enero 13, 2013 (Linggo). Unity walk
unity_walkIsang “Unity Walk” ang idinaos ng dalawang pangunahing partidong pulitikal sa Naic ika-5 ng madaling araw. Sa pamamahala ng Comelec – Naic at Local PNP, sama-samang naglakad mula Municipal Hall Compound ang Partido Liberal, sa pangunguna nina Mendoza at dating Vice Mayor Fer Prudente; at ang Partido Magdalo, sa pangunguna nina Dualan at Konsehal Rod Castillo. Kasama ng bawat partido ang kani-kanilang mga kandidato para sa pagka-Konsehal, at mga tagasuporta. Dilaw ang naging kulay ng Liberal habang pula naman sa Magdalo. Humantong ang paglalakad sa Parokya ng Naic kung saan dumalo ang lahat sa misang pang-6:00 AM.

Ang araw na ito ang simula ng Comelec gun ban, kaugnay ng halalang lokal sa Mayo. Pangunahing layon ng unity walk ang pagkakaroon ng malinis at ligtas na eleksyon.

Kampanyahan

Ika-29 ng Marso nang magsimula ang kampanyahan sa halalang lokal. Bagaman nagsimula na ang ilan na mangampanya sa Facebook, tila pinalipas muna ng marami ang Semana Santa. Kahapon, maaga pa lamang ay nag-ikot na ang ilang kandidato sa Naic na nagpabigat pa sa daloy ng trapiko. Maririnig na sa iba’t ibang panig ng bayan ang mga campaign jingles ng ilan na tumutugtog sa mga nag-iikot na sasakyan. Higit ding kapansin-pansin ngayon ang mga poster ng mga kandidato na nakapaskil sa iba’t ibang dako.
Sa unang linggo pa lamang ng kampanyahan para sa halalang lokal, nagmistulang fiesta sa iba’t ibang sulok ng bayan dahil sa mga nakapaskil na campaign materials, rumorondang mga sound system, at mga pagpupulong. Hatid ng bagong teknolohiya, masigla ring natutunghayan ng bayan ang kampanyahang via internet. Naging viral ang mga larawan ng ilang kandidatong lokal sa Naic.

Kapwa may kani-kanyang Facebook fanpage din ang dalawang partidong magtatapat sa bayan: ang Magdalo at ang Liberal. Sa pamamagitan ng kani-kanilang fanpages, nailalahad at naisisiwalat ng magkabilang panig ang kani-kanyang nais sabihin sa bayan, maging mga hamon at tugon sa kalaban. Halimbawa ng mga isyu sa magkabilang panig ang pagbabaklas at pagsisira umano sa mga campaign material ng isa’t isa. Pinagsisira umano sa Labac ang mga tarpaulin ng Liberal, habang pinagwawasak naman ang posters sa Muzon ng Magdalo. Kapwa tinatawag na “desperado” ng isa’t isa ang magkabilang kampo.

Kasabay naman ng panahon ng halalan ay ang pagiging mas abala ng ilang negosyo sa bayan. Dalawa mula sa iilang tarpaulin printing houses sa Naic ang nagsabi sa NCO na dumagsa ang tanggap nilang gawain dahil sa nalalapit na halalan. Maliban sa tarpaulin printing services, sinasabing kabuhayan din ang dulot ng kampanyahan sa mga gumagawa ng ilang souvenir items gaya ng payong, eco-bag, keychain at t-shirt. Nakikinabang din ang ilang nirerentahang mga sound system, mananayaw at mang-aawit sa Naic para sa mga campaign jingles at mga meeting de avance.

Sa huling araw ng kampanya noong ika-9 ng Mayo, Biyernes, kapwa nagpamalas ng lakas ang Partido Magdalo at Partido Liberal sa Naic. Araw nang isagawa ang motorcade ng kampo nina Dualan, habang gabi naman nang isang meeting de avance ang idinaos ng kampo nina Mendoza. Nakasuporta rin ang mga kaanib sa partido ng parehong kampo na nagsisitakbo sa mas matataas na pwesto gaya ng pagka-gobernador, bise gobernador at congressman.

Sa nakalipas na mga araw, nilibot ng mga kandidato ang buong Naic sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay at pagkakaroon ng mga pulong sa bawat baranggay. Bukod sa kani-kanilang talumpati at mensahe, pinasigla ang kampanyahan ng mga artistang nag-e-endorso sa bawat partido. Bagaman tapos na ang panahon ng kampanya, kapuna-punang patuloy ang kampanyahan sa Facebook at sa text.

Endorso ng mga Simbahan
churchesMababanaag ang impluwensya ng iba’t ibang simbahan sa Naic sa naganap na halalan. Sinasabing inendorso ng Iglesia ni Cristo ang kandidatura ni Dualan sa pagka-mayor. Kapuna-puna naman ang tahasang pagsuporta ng maraming Born Again Christian para sa re-eleksyon ng kapanalig na si Mendoza. Bagaman walang lantarang kandidatong isinusulong, gabay naman ang ibinibigay ng Simbahang Katoliko para sa mga botante. Sa mga nakalipas na linggo, paulit-ulit sa Parokya ng Naic na ipinaalalang kinakailangang bumoto ayon sa konsiyensya. Sa homilya isang araw bago ang halalan, ipinayo pang manalangin ang bawat isa bago piliin kung sinong iboboto.

Mayo 13, 2013 (Lunes). Araw ng halalan

Manaka-naka ang napakahinang pag-ambon. Maagang nagdatingan ang mga watcher at botante sa iba’ibang paaralan sa Naic. Maagang bumoto si Mendoza sa Naic Elementary School. Sa Bancaan naman ang presinto ni Dualan.
pilaMay 30ng minuto pa lamang nagsisimula ang pagboto ng bayan ay naghaba na ang pila sa ilang presinto. Ang mga presinto para sa Kanluran ang isa sa mga pinaka may mahahabang pila noon. Idinadaing ng marami ang matinding init. Sa pag-usad ng oras, naging mabagal ang pag-usad ng pila sa ilang presinto dahil sa mabagal na pagboto. Ipinayong maghanda na ng listahan ang mga botante upang mapabilis ang pagpili ng mga kandidato sa balota.

Iba’ibang mukha ng mga Naicqueño ang natunghayang nakiisa sa eleksyon. Binigyan ng hiwalay na pila ang mga buntis, physically challenged at senior citizen.

Sa bilis ng teknolohiya ay mabilis din ang komunikasyon ng mga election watcher, coordinators at leaders ng bawat partido mula sa iba’t ibang panig ng Naic.

Hapon nang tuluyan nang bumuhos ang ulan sa Naic na sinasabing bunga ng thunderstorm na may ulang nasa moderate to heavy. Nagtagal ito ng isa hanggang dalawang oras. Nagdulot pa ng may isang oras na brownout ang sama ng panahon. Bagaman walang kuryente ay nagpapatuloy ang botohan dahil sa sinasabing hanggang 12ng oras na baterya ng mga PCOS machine.

Ilang karanasan ng mga botante
Iba’t iba ang karanasan ng ilang botante. Isang botante sa Poblasyon ang hindi naiboto ang mga kandidatong lokal sa pag-aakalang wala ng pagpipilian sa likod. Ipinayong samahan ang matatandang boboto na may problema na sa pagbasa o pagsusulat. Kailangan din kasi umanong mapanatiling malinis maliban sa tamang pag-shade ang mga balota.

Isang lola naman mula sa Makina ang nasayangan ng boto sa kanyang presinto sa Balsahan Elementary School. Katatanggap pa lamang umano ng lola ng kanyang balota nang agad niya itong ipinasok sa PCOS machine. Wala ni isang botong nailagay ang lola sa kanyang balota.

Aberya sa PCOS machines

Gaya noong unang halalan, hindi naiwasan ang suliranin sa mga PCOS machine. Maraming balota umano ang hindi tinanggap ng PCOS machines sa ilang presinto sa Bancaan. Humantong pa ang tagpo sa pagwawala ng isang ginang na nais umanong punitin ang kanyang balota na iniluwa ng makina. Nangangamba umano ang ginang na baka magamit ang kanyang balota sa anumang pandaraya. Hindi pinahitulutan ng nakatalagang BEI ang naturang tangkang pagpunit. Binantayan ng ginang at iba pa ang mga balotang hindi tinanggap ng makina, at pansamantalang inihiwalay.
pcosIlang PCOS machine ang sinasabing nagka-aberya rin sa mga paaralan sa Muzon, Balsahan, Malainen Luma, Sabang at Munting Mapuni. Kinumpuni ang iyon ng otorisadong technician sa kani-kanyang lugar. Abala sa pagboto ang inaabot tuwing nagkakaproblema ang makina.

Bilangan na nang magka-aberya pa ang isang PCOS machine sa Timalan Concepcion.

PPCRV volunteers

Nagpahayag ng karanasan at saloobin ang ilang PPCRV volunteers. Ayon kay G. Romulo Asejo, kapuna-puna ang higit na pagdami ng mga bumoto ngayon kumpara sa mga nagdaang eleksyon. Pasensya at pag-unawa naman ang natutunan pa umano ng mga baguhang volunteer sa pakikitungo sa mga botante na minsan ay binabalewala o pinagsusungitan sila. Ayon kay Virgilio Sustal, kahit mahirap ang mga tungkulin bilang volunteer ay naging mabunga pa rin ang kanyang ginawa.
ppcrvBilangan

Sa kabila nang mga nabanggit na usapin, masasabing sa pangkalahatan ay mapayapang nagsara ang mga presinto. Masugid na nagbantay ang mga tagasuporta ng bawat kandidato sa Naic.

Kani-kanyang tally na ang mga tagasuporta ng iba’t ibang kandidato upang parsyal na makuha ang resulta ng naganap na botohan. Manaka-nakang maririnig ang hiyawan sa labas ng mga presinto na tanda ng pagdiriwang tuwing lumalamang ang sinusuportahang pulitiko.

Sa pamamagitan ng Facebook at Twitter, live na iniulat ng NCO ang maya’t mayang kwento sa pag-usad ng mga bilangan. Masasabing sa kauna-unahang pagkakataon, real time na tumunghay ang daan-daang Naicqueño sa loob at labas ng bansa sa NCO para sa balitang halalan.
voteSa mga partial and unofficial result ay lumabas na lamang si Mendoza sa mga baranggay ng Gombalza, Kanluran, Labac, Sapa, Santulan, Bucana Sasahan, Humbac, Makina, Palangue II-III, at Capt. C. Nazareno.

Lamang naman si Dualan sa Bucana Malaki, Mabulo, Ibayo Silangan, Latoria, Bagong Kalsada, Bancaan, Timalan Balsahan, at San Roque.

Kapwa may kani-kanyang tanggapan ang dalawang partido para sa kani-kanilang quick count. Naging makapigil hininga ang mga tagpo para sa nag-aabang ng resulta para sa mga taga-Liberal at Magdalo.

Samantala, dumami ang mga tao sa labas ng Sangguniang Bayan kung saan ginanap ang bilangang pambayan. Marami ang sa simula ay nag-abang para sa opisyal na resulta ng halalan mula sa Comelec. Naki-abang din sa Sanggunian ang ilang malalapit na kamag-anak ng mga kandidato.

Hindi pa man tapos ang bilangan sa Sanggunian, mabilis na umugong at kumalat ang balitang nanalo na ang tambalang Dualan at Castillo. Kaagad ding kumalat sa Facebook ang ulat maging ang mga paunang litrato ng kanilang pagdiriwang.

Resulta

Menos kinse para alas-dos nang madaling araw at hindi pa naihahayag ang opisyal na mga nanalo sa halalan sa Naic. Ayon sa mga source sa loob ng bilangan, nagkaproblemang transmission ng resulta mula sa isang presinto ng Muzon ang nagpapaantala upang mabuo na ang bilangan sa Naic. Bandang alas-4 na nang madaling araw nang maayos ang kahuli-hulihang problema sa naganap na bilangan sa Sangguniang Bayan.

Sa huli, nagwagi si Dualan bilang mayor sa botong 22,601 laban sa 20,574; at si Castillo bilang vice mayor sa botong 21,551 laban sa 19,292.

Sumusunod ang mga nagwaging Konsehal: Cesar Ryan Nazareno (21,534), Eva Arenas (20,885), Anita Carta (20,059), Sofia Motas (19,792), Joy Paras (19,317), Rodolfo Villar (17,806), Napoleon Nazareno (16,988) at Maximo Dagasdas (16,805).

Kagyat na iprinoklama ang mga nanalong opisyal ng bayan.

Ilang dahilan sa pagkapanalo nina Dualan at Castillo
munisipyoMatapos ang ilang buwan, maraming usaping kumalat at maraming ulat na tinanggap ang NCO ukol sa halalan. Kabilang sa mga ito ang ilang dahilan sa kung bakit natalo sina Mendoza at Prudente, at nanalo naman sina Dualan at Castillo.

Ikinasira umano nina Mendoza-Prudente sa upland barangays ang binuo nilang Comprehensive Land Use Policy (basahin ang ukol dito). Habang tinatahak ng kanilang proyekto ang industriyalisasyon sa Naic, nasagasaan umano nito ang mga magsasaka.

Hindi rin umano natuwa ang mga tricycle driver at ilang motorista sa ilang pagbabagong ipinatupad ng pamahalaang Mendoza kung kaya hindi nakuha ang kanilang boto, maging ng kanilang mga pamilya. Matatandaang nagkaroon ng mga bagong patakaran sa daloy ng trapiko sa kabayanan, at ang mga inayawang mga traffic lights sa national highway sa bayan; bukod pa ang usapin ng grand central terminal sa Ibayo Silangan.

Hindi rin umano natuwa ang maraming negosyante sa pamilihang bayan sa mga panukalang proyekto ng pamahalaang Mendoza ukol sa mga upa at pagpapagawa ng bagong gusali sa palengke.

Habang tungo umano sa pagpapataas ng kita ng pamahalaan at pagdidisiplina sa bayan ang layon ng marami sa mga proyekto at panukalang proyekto ng pamahalaang Mendoza, lumalabas na hindi ito nagustuhan ng higit na nakararaming mga Naicqueño.

Para naman sa iba, awa at paghanga ang kanilang sinasabing dahilan kung bakit nagwagi si Dualan. Bago ang halalan, matatandaang kumalat ang panawagan upang magpangharap sa isang debate sina Dualan at Mendoza. Ayon sa kampo ng mga Liberal, natatakot umano si Dualan na maaaring hindi ito handa sa pagiging lider ng bayan. Ayon sa kampo ng mga Magdalo, hindi iyon ang sukatan at sapat na umanong manahimik na lamang sa gitna ng di umano ay mga pagbabatikos ng kabilang kampo.

Sa huli, nagwagi sina Dualan at Castillo, mga pulitikong wala pa umanong bahid ng pagkatalo sa kanilang mga pagtakbo mula nang pasukin nila ang pulitika.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s