Jun Dualan sworn in as new Naic mayor

Ang pamahalaan ay hindi maihihiwalay sa kasaysayan. Kaya naman, maituturing na malaking balita sa Naic nitong 2013 ang pag-upo ni dating Vice Mayor Junio Dualan bilang bagong mayor ng Naic. Tunghayan sa salaysay na ito ang pagtutok ng Naic Cavite Online mula sa panunumpa, unang araw, hanggang sa unang 100ng araw ni Mayor Dualan sa pwesto.
Basahin ang hiwalay na kuwento tungkol sa naganap May 2013 automated elections.

Turnover

Hunyo 28, 2013 (Biyernes). Nitong linggo ay isinagawa na ang turnover sa pamahalaang lokal ng Naic. Isinalin na kay Mayor-Elect Jun Dualan ang pamamahala mula sa pamumuno ni outgoing Mayor Edwina Mendoza.

Panunumpa

Hunyo 29, 2013 (Sabado). Bago ang ganap na Panunumpa, isang misa-pasasalamat ang idinaos sa Parokya ng Naic. Sa homilya ay pinaalalahanan ni Fr. Virgilio Mendoza, kura, kapwa ang mga pinuno at taga-suporta, na nawa ay maging para sa bayan ang bawat hangarin at hindi sa pansarili lamang.

Bandang 9:30 ng umaga, sinimulan naman ang Oathtaking Ceremony sa plaza ng bayan. Nagsilbing tagapanumpa at panauhin si Governor Jonvic Remulla. Isa-isang pumasok sa liwasan ang mga konsehal, vice mayor at mayor–na lahat ay sinalubong ng masiglang tugtugin at masigabong palakpakan. Sabay-sabay na nanumpa ang walong konsehal, na sinundan ni Vice Mayor Castillo at Mayor Dualan.
Pagkakaisa mula sa paghahating idinulot ng halalan ang paksa ng mga naging talumpati nina vice mayor at mayor. Patuloy at paparating pang pag-unlad naman ang ipinangako ng gobernador sa kanyang pananalita.

Bukod sa mga pinuno ng bayan, kaisa sa palatuntunan ang kanilang mga kapamilya at kaibigan. Sinaksihan ng mula sa iba’t ibang sektor ng bayan ang buong programa. Ito rin ang ika-55ng kaarawan ni Mayor Dualan.

Talumpati ni Vice Mayor Castillo    

Si Vice Mayor Castillo, kasama ang pamilya, habang nanunumpa.

Si Vice Mayor Castillo, kasama ang pamilya, habang nanunumpa.

“Kayo ang magiging guide namin sa aming tatahaking landas.” Bahagi ito ng pananalita sa bayan ni Vice Mayor Castillo matapos ang kanyang panunumpa. Tinutukoy niya ang lahat, sumuporta man o hindi, sa mga isasaalang-alang upang di umano ay maayos na mapamunuan ang Naic. Kaugnay ito ng inihahain niyang pagkakaisa matapos ang mga hidwaan mula sa naganap na halalan. Tiniyak rin niya na anuman ang mangyari, sa larangan ng pamumuno, bagaman dating nagkatunggali, magkakaisa sila hanggang sa huli ni Mayor Dualan.

Talumpati ni Mayor Dualan

Marami ang naantig sa kung papaano inialay ni Mayor Jun Dualan sa kanyang ama ang tagumpay na nakamit sa pulitika. Pangarap umano ng kanyang ama na maging punongbayan noon, na nabigyang katuparan sa katauhan niya ngayon. Inialay rin ni mayor ang kanyang tagumpay sa kanyang dalawang anak na ayon sa kanya ay kasa-kasama niya lagi sa pagtulog.

Si Mayor Castillo, kasama ang mga anak, habang nagbibigay ng kanyang mensahe sa bayan.

Si Mayor Dualan, kasama ang mga anak, habang nagbibigay ng kanyang mensahe sa bayan.

Sa iba pang bahagi ng kanyang talumpati, pinasalamatan niya ang bayan, higit ang Panginoon dahil sa maayos at malinis na natapos ang halalan.

Inilahad niya na naging ugat ang halalan upang magkaaway ang dating magkakaibigan, magkakapamilya, maging magkakapitbahay. Bagaman wala umano siyang magagawa dahil sa may kani-kanyang pananaw ang bawat isa, hinimok naman niya ang lahat tungo sa pagkakasundu-sundo. Ayon kay Mayor Dualan, “Ang kailangan po ngayon tayo’y magkaisang lahat para sa ikauunlad ng bayan. Wala na pong kala-kalaban. Dalawang kamay po kayo’y aking aakapin, que kalaban o hindi kalaban.”

Nanawagan din siya sa bayan na siya ay tulungan sa pagharap sa ilang hamon gaya sa mga isyu ukol sa grand terminal at basurahan. Binigyang diin pa ni mayor na hindi nagbabago ang kanyang paninindigan sa kung ano ang kanyang mga ipinangako noong panahon ng kampanyahan: pabahay para sa mahihirap, mataas na antas ng ospital, dagdag hanapbuhay sa mga kababayan, at edukasyon.

Talumpati ni Governor Remulla

Nagsilbing tagapanumpa at panauhin si Governor Remulla sa isinagawang Oathtaking Ceremony ng mga halal na pinuno ng Naic.

Ang pagpunta umano niya sa bayan ay pagpapakitang suporta para kina Mayor Jun Dualan at Vice Mayor Rod Castillo; at sa pagkilala sa suporta ng Naic sa kanya noong nagdaang eleksyon.

Pabirong sinabi ng gobernador na kung titingnan sina mayor at vice mayor ay wala naman silang kayamanan o kagwapuhan na maaaring maging daan upang sila ay mahalal. Isa lamang umano ang taglay ng dalawa upang iboto sila ng bayan: tapat na puso para sa Naic.

Si Gov. Remulla habang nagbibigay ng kanyang mensahe sa bayan.

Si Gov. Remulla habang nagbibigay ng kanyang mensahe sa bayan.

Ayon pa sa gobernador, bahagi ng kanyang mga pangarap na makitang ang mga namumuno sa Naic ay kagaya niyang tapat sa bayan at tapat sa usapan. Kaya naman umano tuwang-tuwa siya na nanalo sina mayor at vice mayor.

Tinawag pa niyang next wave city ang Naic na sa mga susunod na panahon umano ay makapagbibigay pa ng mas maraming trabaho at bahayan.

Sa pagwawakas niya sa talumpati, sinabi niyang “Asahan n’yo, magkasama kami ni Rod, magkasama kami ni Jun. Pasulong na ang Naic. Paakyat na ang Naic. Matutupad na ang lahat ng ating pangarap. Magkaisa tayo. Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat. Pagpalain tayo ng Diyos. Mabuhay ang Naic. Mabuhay ang Cavite. Ako po ang inyong gobernador, kalahating taga-Naic, tapat sa bayan, tapat sa usapan.”

Tumagal ng may anim na minuto ang mensahe ng gobernador na pinalakpakan ng may sampung ulit.

Unang araw ni Mayor Dualan

Hulyo 1, 2013 (Lunes). Unang araw at Lunes ng buwan, bagong mayor para sa Naic. Ika-7 nang umaga ay idinaos ang flag raising ceremony sa munisipyo. Dinaluhan ito ng mga kawani ng pamahalaang lokal, at ilang mamamayang mula sa iba’t ibang sektor.

Nagsalu-salo sa agahan ang mga dumalo sa gawain. Tampok din sa araw na ito ang pagbabasbas sa binagong-bihis na gusali ng Sangguniang Bayan. Pinangunahan ni Fr. Mendoza ang pagbabasbas.

Paroo’t parito ang mga taong nagsasadya sa Office of the Mayor para sa iba’t ibang pakay; karamihan ay upang kung sakali ay makasumpong ng trabaho. Kapuna-puna rin ang mga bagong mukhang tumatanggap ngayon sa opisina ng punongbayan.

Unang 100ng araw ni Mayor Dualan

Oktubre 8, 2013 (Martes). Ngayon ang ika-100ng araw ng panunungkulan bilang punongbayan ni Mayor Dualan. Kaugnay nito, kasabay ng Alay Lakad kahapon ay nag-ulat si mayor sa bayan.

Ang Alay Lakad ng Naic kung saan ibinigay ni Mayor Dualan ang kanyang talumpati kaugnay ng kanyang ika-100ng araw sa pwesto.

Ang Alay Lakad ng Naic kung saan ibinigay ni Mayor Dualan ang kanyang talumpati kaugnay ng kanyang ika-100ng araw sa pwesto.

Ayon kay Mayor Dualan, kalinisan ang kanyang tinututukan. Ito umano ang problema ng bayan na matagal na niyang nakikita. Kaugnay nito, tinitiyak umano niyang laging nakokolekta ang basura sa bawat baranggay. Malaking tulong umano ang Kapitolyo sa mga kagamitan ng Naic ngayon na ginagamit sa paghakot ng basura. Kapitolyo rin umano ang katuwang ng Naic upang mabigyan ng pagsasanay ang mga traffic enforcer ng bayan, at magkaroon ng dagdag na ambulansya ang Naic.

Samantala, tugon naman umano sa dumagsang aplikante sa simula ng kanyang panunungkulan ay ang isang job fair na idinaos noong Agosto. Inilahad din ni Mayor Dualan ang tulong na ipinaabot sa mga naapektuhan ng nagdaang oil spill at mga kalamidad (basahin ang ulat ukol sa oil spill at mga kalamidad).

Milyun-milyong halaga naman ng pagawain ang iniulat ng punongbayan. Isinasagawa o di kaya ay nakalinya na umano ang pagsesemento ng daan sa Ibayo Silangan patungong palengke, pagpapagana sa grand central terminal, paglilipat ng isang gusali ng pamilihang bayan sa loob ng terminal, multipurpose hall sa Bucana Elementary School, mga silid-aralan sa Sabang Elementary School, dalawang silid-aralan din sa isang paaralan sa Villa Apolonia, pag-aaspalto sa poblasyon, pagsesemento ng daan sa Kalye Seaman sa Bancaan, pagpapaayos sa plaza at ABC Hall na isusunod ang tema sa simbahan, pagpapalapad ng daan sa Sabang at Malainen, at pagbabagong mukha ng munisipyo upang makatawag pa ng ibang mga magnenegosyo (basahin ang ukol dito).

Ayon pa kay Mayor Dualan, sinisimulan na ang pagtatayo ng McDo sa pag-itan ng BDO at Sangguniang Bayan na ihahabol bago mag-Pasko; at ang planong paglipat ng Jollibee sa Ibayo upang tapatan ang McDo. Inaasahan din umano ang pagpalit ng isa pang food chain sa iiwanang pwesto ng Jollibee sa Rosie’s Mall.

Hinggil sa kapayapaan, wala naman umanong matinding krimeng nagaganap sa bayan, maliban sa mangilan-ngilang nakawan (basahin ang tungkol dito) o holdapan . Gayunman, kaagad naman umano itong inaaksyunan ng pamahalaan. Nakatutok din umano ang kanyang administrasyon upang masawata ang ipinagbabawal na gamot; hinikayat pa niyang makipagtulungan ang bawat mamamayan sa pagbibigay ulat sa kapulisan.

Kaugnay ng idaraos na halalang pambaranggay, nanawagan si Mayor Dualan tungo sa mahinahong eleksyon; at hinikayat niya ang mga botante na piliing mabuti ang mga ihahalal sa baranggay.

Naic din umano ang host para sa liga ng WCSU (West Cavite Sports Unit), na isa sa mga pinaghahandaan umano ngayon ng bayan, katuwang ang sektor ng edukasyon.

Samantala, bahagi ng mga gawain sa Alay Lakad ay ang pamamahagi ng 2,500 piso para sa 300ng iskolar ng Naic; at ang libreng pagsusuri sa mata.

2 thoughts on “Jun Dualan sworn in as new Naic mayor

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s