Super typhoon Yolanda sparks bayanihan among Naicqueños around the globe

Isa ang Naic sa mga unang napabalitang dadaanan ng super bagyong tinawag na Yolanda, may international name na Haiyan. Bagaman lumihis ang bagyo at hindi direktang tumama sa Naic, tumatak pa rin ito sa kasaysayan ng bayan. Sa natatanging pagkakataon, nagpamalas ng masidhi at malawakang pagtulong ang mga Naicqueño para sa mga nasalantang kababayan.

Larawang kuha sa Guiuan, Eastern Samar. Ang bayang unang dinaanan ni Yolanda.

Larawang kuha sa Guiuan, Eastern Samar. Ang bayang unang dinaanan ni Yolanda.

Banta ni Yolanda sa Naic

Ika-6 nang Nobyembre nang mapabilang ang Naic sa 84 na bayan sa Calabarzon na pinayuhang palikasin ang mga mamamayan bunga ng nalalapit na banta ng malakas na bagyo. Sa ulat ng DZMM Radyo Patrol, iminungkahi umano ng Calabarzon Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ang preemptive evacuation dahil sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa sakaling manalasa na ang paparating na bagyong Yolanda. Laman ng mga balitaan ang sinasabi ng Pagasa na maaaring umabot sa signal number 4 ang papasok na bagyo. Patuloy namang kumakalat sa mga text messages sa Naic ang mga mensaheng pinag-iingat ang lahat at pinapayuhang manalangin laban sa unos.

Iwinawasiwas ng hanging dala ni Yolanda ang signage na ito sa Naic.

Iwinawasiwas ng hanging dala ni Yolanda ang signage na ito sa Naic.

Makalipas ang dalawang araw, sa mismong pagpasok ni Yolanda na tinagurian nang super typhoon, inilagay ang Cavite sa signal number 2. Sa pagtaas ng storm signal sa lalawigan, sinuspinde na ng Kapitolyo ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan, maging pasok ng mga kawani ng pamahalaan.

Sa pagbaba ng storm signal sa bilang na isa, naramdaman kinagabihan sa Naic ang hanging dala ng bagyo. Sinasabing ang signal number 1 ay may hanging nasa 30 hanggang 60 kilometro kada oras. Damang-dama umano noon ang hanging kayang makasira ng mahuhunang bahay sa aplaya. Hindi gaanong inulan ang Naic.

Ang hagupit ni Yolanda sa Pilipinas

Bagaman hindi direktang naramdaman ng Naic ang bagsik ni Yolanda, nakadudurog naman ng puso para sa marami ang pananalasang ginawa nito sa Kabisayaan. Sa pamamagitan ng telebisyon, radyo, dyaryo at internet, tumambad hindi lamang sa bansa, kundi sa buong mundo, ang kalunus-lunos na sinapit ng Pilipinas sa bagyong pinakamalakas na umanong tumama sa talang kasaysayan ng daigdig. Libu-libo ang namatay at hanggang sa oras na ito ay nawawala.

Marami sa mga taga-Naic naman ang nangamba sa kanilang mga kamag-anak na nasa mga direktang tinamaan ng bagyo. Isa sa mga kumalat sa Facebook ang panawagang ito, “Mga Naiceňo, please HELP me and my wife on finding her cousin Jayniel Catibayan Susana and his family, they are originally from Malaineng Bago, Naic, Cavite at kamakailan lang ay pumaroon sa Samar. After typhoon Yolanda, hindi na po namin sila makontak. Sharing this would mean a lot for us. Thank you.”

Ang pagtulong ng Naic sa mga hinagupit ni Yolanda

Sa pagkilos ng buong mundo, kaisa ang mga taga-Naic upang tulungang makabangon ang mga kababayang iginupo ni Yolanda.

Nasa 80,000 piso ang agad na natipon ng pamahalaang Naic mula sa mga opisyal at kawani nito. Bukas din ang Munisipyo para sa iba pang handang mag-donate, na bukod sa pera ay nanawagan din ng mga gamot, pagkain, tubig, kumot, kulambo, damit at iba pa. Katuwang ng pamahalaang lokal ang ABS-CBN Sagip Kapamilya na siyang pinagdalhan ng lahat ng dumagsang tulong na natipon ng Munisipyo.

Pangangalap ng tulong sa Cavite State University - Naic.

Pangangalap ng tulong sa Cavite State University – Naic.

Kumilos din ang mga guro at mag-aaral sa iba’t ibang dako ng Naic. Nagtipon ang mga taga-Cavite State University – Naic (CvSU-Naic) ng mga sardinas, tubig at damit mula sa mga kawani at estudyante ng eskwelahan. Ipinadala sa mga biktima ang natipong tulong sa pamamagitan ng Mc Donalds. Bukod sa CvSU-Naic, nakiisa rin sa panawagan upang tumulong ang Naic Elementary School.

Kani-kanyang paraan din ang ilang negosyo sa pagtulong sa mga nasalanta ng super bagyo. Naglagay ng alkansya ang cellphone accessories and repair shop na Erichvern sa Rosie’s mall para sa sinumang handang maghulog. Ang kinita ng Tea.Ka.Muna na isang milk tea shop noong ika-15 ng Nobyembre ay ipinadala naman nito sa mga nasalanta sa Capiz. Nagkaroon ng 20-30% off ang Banahaw Heals Spa Naic kung saan ang kanilang kinita ay ipinadala rin umano sa mga nasalanta. Pinagdala naman ng Red Label Studio sa Ibayo Silangan ng isang litrong bottled water, isang kilong bigas, tatlong de-lata at anim na noodles sa studio ang sinumang gustong magpalitrato sa kanila ng libre. Itinulong din ang mga natipong relief.

Hindi rin nagpahuli ang netizens ng Naic sa pangangalap ng tulong. Kaagad na naglunsad ng panawagang tulong ang Balikatan sa Naic, Cavite para sa mga handang magbigay. Sa kanila ipinadala ng mga mananahi ng Given Grace Fashion ang natipong mga lumang damit. May panawagan din ang samahang Balitaktakan sa Naic na isinama nila sa nalikom ng Munisipyo. Wala ring tigil ang pagshe-share ng mga taga-Naic hinggil sa iba’t ibang paraan kung papaano makatutulong.

Kaisa rin ang Naic Health Center sa mga nanawagan upang tulungan ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Tumanggap ng donasyon ang health center na nasa Capt. C. Nazareno. Inaasahang dinala ng mga taga-health center ang natipog tulong sa GMA Kapuso Foundation noong ika-23 ng Nobyembre. Ayon kay Sharie Rapuso Andaya, tutulong din silang mag-repack ng relief goods noon sa GMA.

Ilang kabataan naman mula sa Muzon ang nagkaisa upang mangalap ng tulong. Noong ika-17, ay tiniis nila ang init sa daan upang makapangalap lamang ng donasyon mula sa mga nagdaraan sa kanilang lugar. Gamit nila ang mga basyong lalagyan ng tubig na nagsilbing alkansya para sa mga nagbibigay. Noong ika-29 ay ipinadala na ng mga taga-Muzon ang kanilang nakalap na tulong. Umabot sa mahigit 13,000 piso ang kanilang naipon.

Ang mga kabataan ng Muzon habang nangangalap ng tulong sa mga motorista.

Ang mga kabataan ng Muzon habang nangangalap ng tulong sa mga motorista.

Nagpatuloy ang pagtulong ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang baranggay ng bayan, ang ilan ay sa pangunguna ng pamahalaang baranggay, ang ilan naman ay ng mga mamamayan. Ilan sa mga naitalang tumugon sa mga panawagan ang mga taga-Halang, Bucana Sasahan, Latoria, Malainen Bago, Mabulo, Bancaan, at Ibayo Silangan.

Kaisa rin maging ang mga taga-Naic na nasa iba’t ibang panig ng daigdig sa malawakang tulong para sa mga nasalanta ng super bagyong Yolanda. Aktibo ang maraming taga-Naic sa Paris upang tugunan ang panawagan ng mga kapwa Filipino roon na mag-ambagan ng pera, gamot at mga pagkain. Sa huling ulat na nakuha ng Naic Cavite Online mula kay Honey Mojica, hindi bababa sa 230,000 pesos ang natipon na sa Paris. Una na rin silang nakapagtipon ng mga gamot na nadala na ng kasamahan nila roon na umuwi sa Leyte matapos ang bagyo. Patuloy namang gumagawa ng paraan si Mylyne Ebue upang makatuwang ang iba pang taga-Naic sa Toronto upang makapagpahatid ng tulong sa Pilipinas. Layon ni Ebue na magpadala ng relief goods sa mga nasalanta. Bukod sa mga nabanggit, ilang taga-Naic din ang nagpaabot at nangakong magpapadala ng tulong, gaya na lamang ng ilan sa Jeddah.
Katuwang din sa pagtulong ang iba’t ibang Simbahan sa Naic. Kanya-kanyang tipon ng donasyon ang iba’t ibang kapilya ng Iglesia ni Cristo sa Naic. Mula sa mga lokal ay dinadala sa Distrito ng iglesia sa Dasmariñas ang natitipong mga tulong. Maging ang mga Born Again Christian ay may mga hakbang din upang makatulong sa mga nasalantang kababayan. Isa lamang ang Holy Trinity Bible Church sa maraming churches ng mga Born Again sa Naic na tumanggap ng tulong mula sa mga kasapi nito. Maging yaong nasa labas ng Naic ang simbahan ay nagpadala rin ng donasyon, gaya na lamang ng mga miyembro ng Cathedral of Praise. Nagpaabot din ng donasyon ang Iglesia Filipina Independiente ng Labac sa pamamagitan ng programang Kris TV. Abala rin sa panawagan at pagtanggap ng donasyon ang mga samahang mula sa Simbahang Katoliko. Ilan lamang sa mga ito ay ang Antioch Silab at Knights of Columbus. Sa isang misa sa Parokya ng Naic ay hinikayat ni Fr. Nico Tagulao ang sambayanan na pamayanihin ang pananampalataya sa gitna ng mga kalamidad.

Pagsadya ng mga taga-Naic sa mga binayo ni Yolanda

Bukod sa mahabang kwento ng pagkakaisa sa Naic, may ilang taga-Naic na sinadya mismo ang mga lugar na nasalanta ng bagyo upang personal na maghatid ng tulong.

Hanggang sa ngayon ay aktibong tumutulong si Israel Garcia ng Naic sa Sta. Fe, Bantayan Island sa Hilagang Cebu. Isa ito sa mga maiging nasalanta kung saan 96% ng lugar at mga naninirahan ay naapektuhan. Sa unang yugto ng delubyong hatid ni Yolanda, mga pagkain at damit ang kaagad na pinagkaabalahan ng grupong Youth With A Mission (YWAM), grupong kinabibilangan ni Garcia. Sa kasalukuyan, ang pagtatayo ng mga bahay para sa daan-daang taga-Bantayan na nawalan ng tirahan ang pinag-uukulan nila ng pansin. Kasama rin ni Garcia sa YWAM, at tumutulong din sa Cebu, ay ang dalawa pang taga-Naic na sina Mace Mendoza at Jerome Mojica.

Ang mga taga-Naic na tumutulong sa Cebu.

Ang mga taga-Naic na tumutulong sa Cebu.

Tatlong araw namang naglayag ang unang pitong kinatawan ng Cavite sa pangunguna ng Provincial Social Welfare Development (PSWD) patungong Samar at Leyte. Kabilang sa grupo ang dalawang taga-Naic na sina Rhea Bernal at Emerie Kris Nepomuceno. Paunang hatid ng probinsya ang may 1000 kaban ng bigas at 4000 de-lata. Dumaong noong ika-20 ang PSWD sa bayang unang dinaanan ni Yolanda, ang Guiuan, Eastern Samar. Inilarawan nila ang itsura ng lugar na tila pinasabugan ng bomba. Namahagi sila ng tulong sa Guiuan at saka nagtungo upang magdala ng tulong sa Tacloban. Doon nila natunghayan ang nawasak na lungsod kasama ang namatay nitong mga mamamayan. Tiniyak nilang aabot maging hanggang sa ilang bayan pa gaya ng Jaro ang ayuda ng mga Caviteño.

Sa pag-uwi ng mga taga-Naic na kawani ng PSWD ay bitbit nila ang mga kwento ng pag-asa at pagbangon mula sa unos. Bagaman emosyonal mula sa mga natunghayang trahedya, hindi umano nila malilimutan ang saya ng pagtulong; maging ang katatagan at mga kwento ng pagbangon ng mga nakadaupang palad sa bayan ng Guiuan at lungsod ng Tacloban. Higit umano sa mga relief goods, mga taong handang makinig sa mga kwento ng mga biktima ni Yolanda ang higit na kailangan sa kasalukuyan. Sa mga sumunod na araw ay muling nagsadya ang PSWD sa Visayas. Muling nakasama si Bernal sa misyon. Inaasahang babalik sa Enero o Pebrero 2014 ang PSWD sa Visayas upang patuloy na maghatid ng tulong mula sa Cavite.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s