Naicqueños post resolutions, wishes and prayers for 2014

Muling natunghayan kung papaano ang sigla, saya at kulay ng pagsalubong ng mga taga-Naic sa Bagong Taon. Kaugnay nito, ibinahagi ng ilang Naicqueño ang kanilang mga resolusyon, hiling, maging mga panalangin para sa bayan.

Isang tagpo sa taunang party na isinasagawa ng mga taga-Luna bago salubungin ang Bagong Taon.

Isang tagpo sa taunang party na isinasagawa ng mga taga-Luna bago salubungin ang Bagong Taon.

Ang pagsalubong ng Naic sa 2014

Habang nagpapaalam sa 2013 at sumasalubong sa 2014 ang Naic, naging maingay, masaya,masigla at makulay ang bayan. Sa pag-itan ng 11:45PM at 12:30AM ay nagkasabay-sabay ang ingay ng mga paputok mula sa iba’t ibang dako ng bayan. Pinagliwanag naman ng mga payak hanggang magagarbong fireworks ang kalawakan ng Naic. Samu’t saring pag-iingay rin ang namayani sa iba’t ibang sulok ng Naic gaya ng malalakas na tunog ng telebisyon at radio, busina ng mga sasakyan, torotot at mga kinakalampag na mga takip ng kaldero.

Sa kabila nito, kapuna-puna ang matahimik na mga araw na nagdaan kumpara sa mga nakakaraang taon na ilang buwan, linggo o araw pa lamang ay karaniwan na sa Naic ang manaka-nakang pagpapaputok. Sa bisperas ng Bagong Taon, kapansin-pansing mas abala ang marami sa pamimili at paghahanda ng pagkaing pagsasaluhan sa media noche. Marami ang namili sa mga pamilihan, at maaga pa ay pila na ang mga tao sa pagbili ng mga cake at prutas. Gaya noong Pasko, ilang kubol ng mga paninda ang nagsulputan sa kabayanan.

Ilan sa mga itinuturong dahilan kung bakit kumaunti ang mga nagpapaputok ay ang pagtitipid. Sa mahal umano ng mga gastusin, may mga mas higit pang dapat gastusan gaya ng pagkain. Malaking tulong din umano ang mga kampanya laban sa mga paputok, lalo na sa mga ipinagbabawal. Hanggang ika-31 ng Disyembre ay patuloy ang kapulisan sa pangangampanya upang iwasan na ang pagpapaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. Kaugnay nito, dalawang magkasunod na operasyon ang isinagawa sa palengke upang kumpiskahin ang mga itinitinda doong bawal na paputok gaya ng super yolanda, napoles at goodbye philippines. Sa pagpulasan ng mga nagtitinda, ipinagtatapon sa Tibagan ang mga paputok na pinangambahang pinaputok ng mga nakapulot sa lugar bilang pagdiriwang sa Bagong Taon.

Samantala, bisperas ng Bagong Taon nang tanggapin ng Naic Cavite Online (NCO) ang ulat ukol sa di bababa sa tatlong naputukan na ng paputok na dinala sa Naic Medicare Hospital. Putol ang dulo ng kanang palasingsingan ng isang lalaking naputukan ng piccolo. Halos malasog din ang ibang bahagi ng kanyang kamay.

Resolutions, wishes, and prayers

Halos bahain ang Facebook ng samu’t saring resolutions, mga hiling at panalangin mula sa mga taga-Naic. Kaunay nito, tinanong ng NCO ang bayan sa Facebook gamit ang Naic, Cavite account nito ukol sa kanilang mga masasabi para sa 2014.

Personal ang resolutions ng mga taga-Naic gaya ng pagpapapayat, pagpapalaki ng katawan at pagpapakabuti. Ayon kay Glen Barrera, resolusyon niya “ang mabasa ko ang Bible sa buong taon; at mas lumago sa pananampalataya kay Jesus.” Inisa-isa naman ni Leslie Milay Mercado ang sa kanya: “get healthy, get happier, be a better person, find love, show more love to family, be a better friend, get better at work, learn something new, be a role model, and make some money.”

Pag-unlad, pag-asenso at kapayapaan ang dasal at hiling naman ng mga taga-Naic para sa bayan ngayong 2014. Ayon kay Ronilo Gutierrez Cervantes Jr., “Umasenso pa lalo [ang Naic]. Maging CITY para magka SM na!”  Para kay Lhen Cailao Gorospe,  sana umano ay walang patayan at holdapan na mangyari sa bayan.

Malinis at matinong panunungkulan ng mga pinuno ng bayan naman ang dalangin ng ilan. Hindi sana umano maging corrupt ang mga namumuno ayon kina Jenine Torres Villanueva at Jhoanna Martonito Bianzon. Sabi ni Joselito Roceta, “maging bukas [nawa] ang pananaw ng mga kinauukulan sa lahat ng oportunidad na makapagdudulot ng kapayapaan, kaunlaran, pagkakaisa at tagumpay ng lahat ng mamamayan.” Dagdag naman ni Diwata Sisracon, “mabawasan [sana] ang nepotismo at sistemang padrino sa lahat ng bahagi ng Naic.”

Ipinanalangin din ng iba ang ispiritwalidad ng mga mamamayan. Ayon sa panalangin ni Jeel Abad Lorenzo, “O Mama Mary Immaculate Conception, please guide us often so that we will not violate your moral and ethical values. Please send us our help in time of our needs, and please do not let it to delay or detour but instead to cover us with your unconditional love so that the evil spirit will not defeat us.” Halos ganito rin ang dasal nina Ruby Rodriguez at Felizardo M. Darvin.

Sa isa pang dasal ni Mark Resus, sinabi niyang “sana tulungan ng Diyos ang mga namumuno sa pamahalaan ng Naic para sa ikauunlad ng bayan at iLayo sa anumang masasamang gawain katuLad ng katiwalian. at sana maging mapayapa palage ang bayan ng Naic sa awa at tulong ng Diyos.” May mga nanalangin din para sa patuloy na pangangalaga ng bawat isa sa kalikasan.

Sa isang personal na text message ng kura-paroko ng Naic na si Fr. Virgilio Mendoza, sinabi niyang “as the old year bids goodbye let us thank God for His many blessings. Let go of the not so beautiful memories. Let us welcome the new year with renewed faith and hope in God and in one another. May this year be a more blessed one. My prayers for you.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s