Local government answers issues on Naic grand central terminal

Umani ng kabi-kabilang puna at reklamo ang dry run operation ng grand central terminal ng Naic sa Ibayo Silangan wala pa mang isang linggo itong nasisimulan. Sa pamamagitan ng Facebook, nakalap ng Naic Cavite Online (NCO) ang iba’t ibang damdamin at opinyon ng bayan ukol sa proyekto. Sa pakikipag-ugnayan ng NCO, sinagot ng pamahalaang lokal ang mga isyung kinaharap nito bunsod ng paunang implementasyon ng central terminal.
Hinaing ng mga pasahero

Ikinabigla ng marami ang mga pagbabagong naranasan sa pagsakay-sakay sa mga pampasaherong sasakyan sa Naic nang pumasok ang ikalawang linggo ng Enero. Ayon sa mga pasahero, hindi umano sila naabisuhan na sa central terminal na magmumula at hihimpil ang mga jeep, baby bus at van na naglalabas-pasok sa Naic. Samakatuwid, agarang naapektuhan ang mga pasaherong nagpaparoo’t parito sa ilang bayan o lungsod gaya ng Magallanes, Indang, Maragondon, Trece Martires, Rosario, General Trias, hanggang Maynila.

Kaugnay nito, higit ang pagbuhos ng hinaing ukol sa abalang idinulot ng doble-dobleng sakay ng mga pasahero. Maririnig ang mga hinaing sa mga kwentuhan hanggang sa mga posts sa social networking sites. Ayon kay Rachel Aguirre, “Lalo sagabal sa mga pasahero at dagdag gastos sa pamasahe aksaya oras pa sana naderetso pa din ng bayan kc doble pa sa pamasahe.”

Ayon pa kay Arlene Garcia Concepcion, “dagdag gastos tlga ung pamasahe namin dati 60 ngaun 120 na daig p nmin pumunta ng maynila….pambaon ng mga anak napupunta lang s pamasahe…maraming magulang ang naaapektuhan,sana maayos na to…”

Samantala, itinanggi ng pamahalaang lokal ng Naic na wala silang abiso ukol sa dry run na nagaganap. Sa pamamagitan ng isa sa mga pinagkakatiwalaang kawani ni Mayor Junio Dualan, sinagot ni Coleen Dualan ang ilang isyung idinulot ng central terminal. Ang mga sagot niya umano ay batay sa stand ni Mayor Dualan. May abiso umano ang pamahalaan na ang mga jeep, baby bus at van ay magmumula at hihimpil na sa central terminal. Kaugnay nito, nilinaw pang dry run ang nangyayari at bahagi ito ng patuloy pang pag-aaral ng pamahalaan sa sitwasyon. Ang paghimpil umano ng ilang tricycle sa central terminal ay hindi bahagi ng dry run kung hindi desisyon na lamang ng mga driver at operator na magparoon na rin wala pa man ang ganap na operasyon ng central terminal.

Sa umiiral umanong dry run ay pinahihintulutan ang mga jeep na makapasok hanggang bayan. Tanging ang mga baby bus lamang umano ang inaasahang agad na papasok sa central terminal pagdating sa Ibayo Silangan. Sa kabila nito, kapuna-punang halos wala ng jeep na humahantong pa sa poblasyon.

Hinaing ng mga tricycle driver

Hanggang sa kasalukuyan, nananatili ang malaking terminal ng mga tricycle driver sa tabi ng plaza sa poblasyon. Gayunman, may ilang tricycle driver nang pinili na ang pumila sa itinalaga sa kanilang puwesto sa central terminal. Matutunghayan na ang mga pilang naghahatid mula central terminal hanggang sa iba’t ibang dako gaya ng Villa Apolonia, Poblacion, Palangue, Molino, Halang, Calubcob, Malainen, Labac, Sabang, hanggang Maragondon at Ternate.
Bagaman hindi pa sakop ng ipinatutupad na dry run, naghayag na ng nararanasang suliranin ang mga tricycle driver na nakapanayam ng NCO mula mismo sa central terminal. Habang nakapila umano sila sa loob ng central terminal, ang mga van, baby bus at jeep naman ay nagbababa na ng mga pasahero sa panulukan ng Shell Gasoline Station. Mula sa gasolinahan ay matutunghayan ang mga kolorum umanong pila ng mga tricycle driver na silang higit na nakikinabang sa mga nangyayari.

Nananawagan ng saklolo ang mga nasa central terminal upang mapaigting ang panghuhuli sa mga kapwa tricycle driver na tinatawag nilang “buwaya” o “sibat.” Hindi rin umano makatutulong sa kanila ang kasalukuyang sistema sa dry run na pinahihintulutang makapasok hanggang poblasyon ang mga jeep dahil tuluyan na silang mawawalan ng pasaherong dumarating sa central terminal.

Kawing-kawing pang suliranin

Bukod sa mga pagkalito at di umano ay abala sa oras at lakas, dumagsa rin ang mensahe ukol sa pagtataas-singil ng mga mapagsamantalang tricycle driver. Sinasamantala umano ng ilan ang pagdalang ng mga tricycle sa mismong kabayanan. Ayon kay Chestnut Credito Misena Nazareno, “mxdo gahaman sa pmsahe ang ibng tricycle driver 20 n agd pmasahe puntang terminal.”

Naranasan naman ng ilang pasahero na makasakay sa mga kolorum na tricycle na hindi magawang pumasok sa central terminal. Habang sa central terminal ang pakay ng pasahero, ibinababa lamang sila ng mga nasasakyang kolorum sa gasolinahan ng Shell. Bukod sa lalakad pa, delikado umano ang ganoon lalo na kung madilim na sa lugar.

Ipinayo hindi lamang ng pamahalaan, kundi ng iba pang nagmamalasakit na mamamayan, na kunin ang pangalan sa ID, o kaya ay ang plaka ng mga mapagsamantalang tricycle driver. Saka umano isumbong ang mga ito sa kinauukulan.

Ang kalakal o negosyo sa kabila ng grand central terminal

Sa patuloy na inaasahang pagdami ng mga pasahero sa central terminal na katabing-katabi lamang ng pamilihang bayan, inaasahang mapasisigla ang bilihan sa palengke.
02Gayunman, sa unang linggo pa lamang ay umaalma na ang mga pangunahing negosyo sa poblasyon sa tila pagkawala ng dati-rati ay maraming tao roon. Inahalintulad pa sa “ghost town” ang tagpo sa kabayanan na halos buong araw walang mga tao at sasakyan. Ilan lamang sa mga dismayado ay ang mga may pwesto sa Rosie’s Mall. Ayon sa isa sa kanila, “mghapon na kami nakatanga. Meron bang bayan na mabibilang tao.”

Pulitika sa grand central terminal

Sa pagpapalitan ng mga opinyon ay hindi naman naiwasang mahaluan ng pulitika ang usapin. Matatandaang proyekto ng pamahalaang Edwina Mendoza ang grand central terminal. Kaugnay nito, magugunita ring hindi umano nagustuhan ng ilan ang proyektong ito, na isa sa mga naging dahilan upang ayawan ng mga botante ang dating alkalde (basahin ang ukol dito).

Sa kasalukuyan, bagaman inuulan ng suliranin ang proyekto ay hindi naman nawawala ang suporta rito ng ilang mamamayan. Sa pag-usad ng implementasyon ng central terminal sa panahon ngayon ni Mayor Dualan, may ilang taga-suportang nagpahayag ng kanilang pagsang-ayon sa proyekto. Ayon kay Larry Houdini, “Well done, though dagdag sa pamasahe ok lang yan para naman sa ikakaayos ng NAIC. Wag po puro sarili ntin isipin natin kya d umuunlad bansa eh, mki2ta nyo magi2ng magandang epekto nyan sa Naic in the long run.” Ayon naman kay Milencia Mella, “Kahit saan magulo tlaga. Mayor ipagpatuloy mo ang kabutihan mo sa mamamayang pilipino ng naic city maganda na po ang naic malaki na ang pag unlad.tulong tulong po tyo mga taga naic.”

Sa kabilang banda, nagpahayag din ng mensahe ang isa sa mga kilalang taga-suporta ni Mayor Mendoza. Ayon kay Harvey Blanco Poblete, “ang masasabi ko dati ayaw nila sa Grand Terminal na pinagawa ni Mayor Edwina Poblete Mendoza Mendoza ngayon nung nakita nila na maganda ang nasabing project ay puro papuri ……Maraming salamat Mayor Mendoza sa project na ito…” Dagdag pa ni Joseph Paredes, “Congratz Mayora Edwina Mendoza sa huli at magandang proyekto mo sa naic mananatili ang pag lilingkod mo sa aming mga puso.”

Sa pagkuha ng NCO sa panig ng pamahalaang lokal, sinabing “ang terminal ay ipinamana lamang ng dating administrasyon …ito po ayon sa kanilang feasibility ay kikita at mababayaran sa takdang panahon na kanilang kinuwenta at pinag aralan …ngunit kung atin po kasing pag aaralan mabuti ….may ilang buwan ,taon na po itong nakatiwangwang dahil po sa dami ng problemang iniwan nila na nakapaloob sa maling feasibility.”

Bilang karagdagan, “bago pa pasimulan ang dry run….ang lahat po ay ginawan ng public hearing at hindi basta na lamang isinakatuparan na mag isa lamang ng nanunungkulan…ang suhestyon at mga kwestion maging ang mga komento ng bawat mambabatas sa sanggunian ay pinakinggan kasama ng mga presidente ng mga nasabing pamapasaherong sasakyan…..ang pangunahing layunin ng isang terminal ay ang mabigyan ng maayos ay maalwan na serbisyo para sa transportasyon ang mga mamamayan gayon din kasabay ang pag unalad ng bayan…binalanse at binibigyan ang bawat partido driver man o pasahero kung paanong ang terminal na ito ay mabigyan ng katarungan sa laki ng naubos na salapi at utang na iniwanan nila sa ating mga taong bayan…..kaya ang hiling lamang po ng pamunuan ay ang kooperasyon at pakikisa na maisaayos sa halip na mambatikos sa mga nasabing pagkakamali ng kung sinoman.”

Ang central terminal sa hinaharap
Sinasabing patuloy pang pinag-aaralan ng pamahalaang lokal ang iba’t ibang salik ng central terminal.

Kaugnay nito, patuloy namang umaasa ang marami para sa ikabubuti ng lahat. Ayon kay Elena Cordova Beligon, “convenience of the people shall be the major priority.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s