Palangue: Its people and culture

Ang Palangue

Sa kasalukuyan, nahahati ang Palangue sa dalawang baranggay. Una ang Palangue Central bilang isang baryo, at pinagsama ang Palangue 2 at 3 bilang isa pa ring baryo. Ayon sa ilang tala mula sa pamahalaang lokal ng Naic, may kabuuang 2,044 ektarya ang lawak ng buong Palangue–131 ektarya ang Central at 1,913 ektarya naman ang 2-3. Nasa layong 5 kilometro ang Central mula kabayanan ng Naic, at pinakamalayong baryong Naic mula kabayanan naman ang 2-3 sa sukat na 6 kilometro. Sa pinakahuling istatistikang hawak ng Naic Cavite Online (NCO), sensus noong 2000, may kabuuang populasyong 2,804 ang Central, habang 2,843 naman ang sa 2-3.

Ang karakol sa Palangue nang ipagdiwang ang kanilang "Pistang Plato" noong 2008.

Ang karakol sa Palangue nang ipagdiwang ang kanilang “Pistang Plato” noong 2008.

Ayon pa sa dokumentong mula sa pamahalaang lokal (2002), may natatanging patubig sa timog-silangang yaon ng Naic. Sa listahan, may 755 na kabahayang nadadaluyan ng tubig mula sa Naic Water Utilities Cooperative. Ang tubig ay dumadaloy sa mga baryo gaya ng Halang, San Roque, Malainen Bago at Calubcob. Nagmumula ang tubig mula sa isinaayos na mga bukal sa Palangue Central, 2 at 3. Gravity ang nagpapadaloy sa tubig mula mataas na Palangue pababa sa una nang naturang mga baranggay. Hindi minemetruhan ang linya ng tubig, at bawat kabahayang may koneksyon nito ay nagbabayad lamang ng 40 piso kada buwan.

Sa ilang ulit na pagmamasid at pagsubaybay sa Palangue, masasabi ng NCO na ilan sa mga pangunahing kabuhayan sa baryo ay pagsasaka. Malawak ang lupain sa Palangue para sa pagtatanim ng palay, mga prutas at gulay. Marami rin ang nag-uuling at gumagawa ng gatong roon. Samantala, hindi nawawala ang mga nagtatrabaho sa EPZA, at marami rin ang mga propesyunal. May mga taga-Palangue ring ngayon ay naghahanap-buhay sa ibang bansa.

Kasaysayan ng Palangue

Sa mga aklat na nasuri ng NCO, may iba-ibang pagbaybay sa ngalan ng Palangue. Sa bagong aklat-Naic, tinawag itong Pulanggi, habang ang may mayamang datos ukol sa pagsisimula nito, ang aklat na “La Historica Cavite” ni Gervacio Pangilinan, inilista ito bilang Polangui.

Ayon kay Pangilinan, itinatag ang Palangue bilang baryo noong 1887. Bagaman walang malinaw na pakahulugan sa pangalan ng baryo, ipinagpapalagay na kinuha ito sa anyong tubig na naroroon, ang “Ilat ng Polangui.” Sinasabing unang nanirahan sa Palangue sina Leon Aquino, Prudencio Miguelino, asawa ni Prudencio na si Cirila Marges, Eustaquio Lasana, Fabian Maluto, at asawa ni Fabian na si Damasa.

Ilang taga-Palangue.

Ilang taga-Palangue.

Sa aklat na “Ilang Talata Tungkol sa Paghihimagsik 1896-97” ni Carlos Ronquillo, isinalaysay ang kauna-unahang labanang naganap sa Naic noong panahon ng rebolusyon. Sa nasabing labanan, nasalantang maigi ang mga Kastila.

Abril 1897, sa paniniwala ng mga Kastila, wala nang suliranin upang muling kubkubin ang Naic na hawak ng mga rebolusyunaryo. Kaya naman, nilusob nila ang Naic mula sa baryo ng Palangue. Sa pagsalugsog ng mga Kastila sa kaparangan ng Palangue, dahil sadyang walang pangambang iniisip ay hindi na nila inagam kung ano pa ang pwedeng mangyari. Ang may 15 barilan at 30 gulukan na tumatanod noon sa Palangue ay kaagad na ipinagtanggol ang bayan. Matapos ang isa at kalahating oras ng madugong labanan, nagsipag-urungan ang mga Kastila.

Bago ang labanan, inilahad naman ni Telesforo Canseco sa mahaba niyang liham na Palangue at Malainin ang pinagtaguan ng taong-bayan nang unti-unti nang nakukubkob ng mga Kastila ang mga karatig-bayan ng Naic, Pebrero 1897.

Tunghayan ang marami pang larawang kuha sa Palangue.

Pistang Plato

Disyembre 28 ang fiestang opisyal na kinikilala ng simbahan para sa Palangue, patron ang Sagrada Familia. Payak ang kadalasang pagdiriwang ng baryo tuwing Disyembre. Kalimitan ay sa pamamagitan ng prusisyon kung gabi, at sa ilang bahagi ng Palangue ay nagkaroon din ng pagkakarakol kung araw.

Ilang imahen sa kapilya sa Palangue.

Ilang imahen sa kapilya sa Palangue.

Samantala, kapuna-punang tuwing unang Linggo ng Marso, saka naman nagsisipaghanda ang mga taga-Palangue para sa tinatawag nilang “pistang plato.” Hindi fiesta ng kapilya, subalit masigla ang baryo–sa iba’t ibang bahagi ng Palangue ay may mga palaro gaya ng batak (color game), pabunot ng mga sisiw at ibon, at maraming paninda; paroo’t parito ang mga taong nagmumula hindi lamang sa iba’t ibang baryo ng Naic, kundi sa iba’t ibang bayan; kabi-kabila ang kainan, inuman, kantahan sa videoke, kwentuhan at kasiyahan; may karakol sa kahabaan ng baryo; at may programa kinagabihan.

Ayon sa ilang parokyano at matatanda ng Palangue na nakapanayam ng NCO, maraming taon na ang nakalilipas ay katapusan ng Mayo ipinagdiriwang ang fiesta ng Palangue, para sa patron San Isidro Labrador. May isa umanong taga-Palangue noon na nakabili ng imahe ng Sagrada Familia na inilagak sa bagong tayo naman nilang kapilya–yari ang simbahan sa kogon, kawayan, kahoy. Mula noon, nagsilbing patron naman ng baryo ang Sagrada Familia.

Minsang unang linggo ng Marso, nagkaroon umano ng isang napakasaganang ani sa Palangue. Noon ay napuno ang mga kamalig o imbakan ng mga inaning palay. Dahil dito, labis na nagdiwang ang mga taga-baryo at nang sumunod na taon ay inilipat na sa unang Linggo ng Marso ang pagdiriwang ng fiesta sa Palangue. Ito ay tanda ng paggunita sa masagang ani na kanilang natamo.

Dahil sa layo ng Palangue sa Parokya ng Naic, madalang umanong nararating ng kura ang baryo. Sanhi ito upang hindi ganap na magabayan ang mga taga-baryo gaya na lamang sa pagdiriwang ng kapistahan. Sa pagkakaroon ng noon ay quasi parish, ngayon ay Parokya na ng San Isidro sa San Roque, higit na napalapit ang mga taga-Palangue at napaigting ang pagsubaybay ng simbahan sa mga parokyano ng baryo. Kaugnay nito, saka lamang napagtibay at naipaalam sa mga taga-Palangue na Disyembre 28 ang kinikilalang fiesta para sa Sagrada Familia. Hindi lalayo sa isang dekada mula nang pasimulan ang Disyembre 28 bilang fiesta sa Palangue.

Samantala, dahil sa kinasanayan na ng mga taga-Palangue na maghanda tuwing Marso, magpasahanggang ngayon ay nagpapatuloy ang paghahanda ng mga taga-roon. Dahil sa alam ng mga taga-Palangue na hindi na kinikilala ng simbahan ang kanilang fiesta kung Marso, ang paghahanda nila kung ganitong panahon ay tinawag na lamang pistang plato o katumbas ng pista dahil sa masaganang kainang kinasanayan.

Sa pagpulso ng NCO sa Palangue, masasabing naguguluhan pa rin ang ilan. Maraming bisita na nasanay ng Marso ang naniniwala pa ring fiestang opisyal ng Palangue kapag Marso. Maraming bahayan ang patuloy pa ring ipinauunawa sa mga nasanay nilang bisita na Disyembre na ang kanilang fiesta. May ilan pang nagsabing sa mga susunod na panahon, Disyembre na lamang pupunta. Gayunman, hindi magawa ng ilang tuluyang itigil ang paghahanda kung Marso dahil sa nahihiya umano sila o naalangan umano sila na hindi sila maghahanda sa gitna ng masiglang “pistang platong” nagaganap.

Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy ang Parokya sa pagpapaunawa sa mga parokyanong hindi sa handaan nasusukat ang diwa ng fiesta, kundi higit sa panalangin at pagkilala sa patron ng kanilang kapilya.

Ang sitwasyon ng Palangue ay pinagdaanan na rin umano ng Calubcob. Dati rati ay sabay-sabay na nagdiriwang ang mga taga-Palangue at Calubcob ng kanilang fiesta tuwing unang Linggo ng Marso. Nang mapagtibay ang fiesta ng Calubcob tuwing sa ikatlong Linggo ng Marso, hindi nagkasundo ang simbahan at pamahalaang pambaranggay ng Calubcob. Nais magdiwang ng baranggay tuwing unang Linggo, habang ayaw naman ng simbahang ipalabas ang imahe ng patron nito. Umabot sa Munisipyo ang kaso at nanalo ang Simbahan. Noon din ay mabilis na tumalima ang Calubcob sa itinuturing na nilang fiesta opisyal–ikatlong Linggo ng Marso.

Ilang taga-Palangue.

Ilang taga-Palangue.

Taliwas sa Calubcob, kung hindi panglagian, masasabing matatagalan pa bago mabura ang kultura ng fiesta sa Palangue tuwing unang Linggo ng Marso. Sa katunayan, pinagtibay pa ng pamahalaang pambaranggay ng Palangue 2-3 ang unang Linggo ng Marso bilang “Araw ng Palangue 2-3.” Nitong ika-2 ng Marso 2008, gabi nang nagkaroon ng palma, higante (fireworks) at palatuntunan sa nasabing Palangue. Sa 2-3 din isinagawa ang karakol na nilahukan ng ilang taga-roon. Sa Central, bagaman hindi kasingdami ng sa 2-3 ang mga palatuntunan, masigla pa rin naman ang mga tao sa iba pang nabanggit nang kasiyahan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s