On St. Isidore the Farmer’s feast, Church slams land conversions in Naic

Mayo 15, 2014 (Huwebes). Sa araw ng kapistahan ni San Isidro Labrador, patron ng mga magsasaka at ikalwang patron ng Parokya ng Naic, tinalakay at binatikos ng Simbahan ang tila walang habas umanong pagpatay sa lupang sakahan ng bayan.

Imahe ni San Isidro Labrador, kuha sa Muzon.

Sa homilya kaninang umaga sa Parokya ng Naic, tinalakay ni Fr. Virgilio Mendoza, kura, ang kalagayan ng lupang sakahan sa bayan. Pinatutunayan umano ng kasaysayan ng Naic bilang dating asyenda ng tubo at palay, na mataba, masagana at mayaman ang lupang sakahan sa bayan. Kaugnay nito, pinuna ni Fr. Mendoza ang mga isyung tila kumikitil sa buhay ng lupang sakahan.

Ayon sa homilya, kasakiman ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit naglalaho ang mga taniman sa Naic. Sa layon umanong magkamal ng limpak-limpak na salapi, agad-agarang nadadala ang mga may-ari ng lupa upang ibenta ang kanilang mga sakahan. Kaugnay umano nito ang layon pa ng malalaking negosyante upang magtayo ng mga subdivision, pabrika at iba pang anyo ng industriyalisasyon, na kung hindi na mapakikinabangan ay maaaring humantong sa pagkatiwangwang na kailanman ay hindi na mapakikinabangan.

Bukod sa nabanggit, ang mga maling konsepto umano sa pagsasaka ang isa pa sa nagbibigay daan upang tuluyan na itong talikdan maging ng mga kabataan. Gayong nariyan at mayaman ang lupa, tinitingnan umano ang pagsasaka bilang mababang uri ng paggawa o propesyon dahil sa putik at duming hatid nito sa magsasaka. Subalit ayon kay Fr. Mendoza, kung pinagtuunan at pinagtutuunan lamang umano ng pamahalaan at mga dalubhasa ang isyu sa sakahan, gaya sa ibang bansa, teknolohiya ang susi tungo sa mas mataas na antas ng pagsasaka. Sa tamang pamamahala at teknolohiya umano, maaaring maging malinis, mabilis at masigla ang pagsasaka. Kaya kung kita rin lamang umano ang sinasabing dahilan upang pasukin ng industriyalisasyon ang mga sakahan, may kayamanan na umano sa taniman.

Ang patuloy umanong pagkawala ng mga sakahan sa Naic ay nararamdaman sa matataas na bilihin sa bayan. Hindi umano kagaya noong nakararaan na ang mga gulay o simpleng halaman ay napipitas sa bakuran at nahihingi sa kapitbahay. Higit dito, ang Naic na dating siyang nag-aangkat ng bigas sa ibang bayan ng Cavite at iba pang karatig-lalawigan, isa na umano ngayon sa umaangkat at bumibili ng bigas mula sa ibang bayan.

Bahagi rin ng homilya sa Parokya ng Naic ay ang panawagan sa sambayanan na gawing huwaran si San Isidro Labrador. Hindi umano dapat asahan ang santo na gumawa ng himala lamang–magpadami ng huli ng isda at magparami ng ani–gayong kulang naman sa kilos at gawa. Huwaran umano si San Isidro ng pagiging maka-Diyos, na bago ang anumang gawain o pagsasaka ay nananalangin, at huwaran din si San Isidro sa paggawa dahil sa kanyang sipag sa pagtatrabaho sa lupa.

Sakop ng Parokya ng Naic ang Timalan Concepcion, Timalan Balsahan, Munting Mapino, Latoria, Bucana Sasahan, Ibayo Silangan, Ibayo Estacion, Gombalza, Capt. C. Nazareno, Santulan, Kanluran, at Balsahan. Bukod sa Parokya ng Naic, ipinagdiwang din sa Parokya ng San Isidro Labrador ang malalaking kapistahan para sa patron. Sakop naman ng Parokya ng San Isidro Labrador ang mga baryo ng San Roque, Palangue Central, Palangue II-III, Calubcob, Halang, Malainen Bago, Malainen Luma, Molino at Muzon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s