Reports show Naic waters unsafe, polluted

Lumalabas sa mga pag-aaral na hindi ligtas paliguan at patuloy na nanganganib masira ang mga likas-yamang taglay ng dagat-Naic. Bahagi ng Manila Bay, ilan sa mga isyung kinaharap at patuloy na kinakaharap ng dagat-Naic ay ang mga kalamidad, pagmimina ng buhangin, iligal na pangingisda, basura, at di maayos na palikuran sa kaligiran nito.

Ilang mangingisdang taga-Naic habang nasa laot ng katubigang sakop ng bayan.

Ilang mangingisdang taga-Naic habang nasa laot ng katubigang sakop ng bayan.

Nasisirang yamang-dagat

Taong 2011 nang huling magsagawa ng pagsisiyasat ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) hinggil sa mga matatagpuang lamang-dagat sa Naic. Sa kanilang pagsusuri, bagsak sa 19.9% lamang ang bahura o coral reef na mayroon sa Naic. Higit itong mababa sa 28.9% na resulta ng kanilang pagsusuri noong 2010. Mula naman sa 28 uring kabilang sa 13 pamilya ng mga isda noong 2010, bumagsak din sa 21 uring kabilang sa 8 pamilya lamang ang mga isdang natunghayan ng BFAR sa dagat-Naic. Wala umanong nakitang palatandaan ang ahensya na malusog ang bahura sa Naic. Burak mula sa polusyon ang isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit humantong sa ganito ang yamang-dagat ng bayan. Tuwing umuulan o umaagos ang mga ilog sa matataas na lugar, sumasama umano ang mga basurang tumatambak sa ilalim ng dagat.

Sinasabing walang palatandaang malusog ang bahura o coral reef sa Naic, ayon sa ulat ng BFAR.

Sinasabing walang palatandaang malusog ang bahura o coral reef sa Naic, ayon sa ulat ng BFAR.

Polusyon

Sa mga ulat na ipinalabas ng Manila Bay Coordinating Office, sinasabing ang kanilang mga sample site sa Naic ay nagtataglay ng coliform count na umabot sa 3,510 noong 2009 at 3,340 noong 2010. Ang normal na bilang ng coliform ay kailangang nasa 1,000 upang masabing ligtas na paliguan ang isang dagat. Ang coliform ay uri ng ng bacteria na nagmumula sa mga dumi ng tao at hayop. Nito lamang Marso, itinampok pa sa programang Kapuso Mo Jessica Soho ang libu-libong salabay sa Naic. Ayon sa programa, palatandaan ang mga salabay kung gaano kadumi ang isang dagat.

Pagmimina ng buhangin

Ayon sa isang pag-aaral ng Ateneo de Manila University, ang mga naganap na pagmimina ng buhangin sa dagat-Naic ay isa ngayon sa mga dahilan kung bakit apektadong maigi ang bayan ng climate change. Tinukoy ng Provincial Environment and Natural Resources Office na may quarrying ng buhanging naganap sa tubig-Naic noong 2008. Noong nakaraang taon din lamang ay naging mainit na usaping pambayan ang banta ng mga bagong pagmimina sa dagat, at ang mga umaligid na sasakyang-pandagat na pinangambahang nanguha rin ng buhangin sa tubig. Taglay ng Naic ang black sand na sinasabing bentahe ang pagiging magnetic.

Matutunghayan ang itim na buhangin ng Naic na sinasabing bentahe ang pagiging magnetic.

Matutunghayan ang itim na buhangin ng Naic na sinasabing bentahe ang pagiging magnetic.

Iligal na pangingisda

Sa pag-itan ng 2009 at 2012, nakapagtala ang Cavite ng 73 paglabag sa iligal na pangingisda at Anti-Fencing Law. Samantala, 15% ng mga naturang paglabag ay naganap sa katubigang Naic. Walang paglabag sa Naic noong 2009, habang pinakamarami noong 2010 (64%). Tatlo (27%) ang kasong naitala noong 2011, at isa naman noong 2012. Kalimitan sa mga paglabag ay ang paggamit ng mga iligal na pamalakaya gaya ng hulbut-hulbot, galadgad at air compressor. Hindi rin kaila sa maraming taga-kostal ang paggamit ng putok o dinamita ng ilang mangingisda sa Naic. Ang galadgad ay sinusuyod ang buong dagat na kayang wasakin maging ang sahig kung saan naroon ang mga bahurang pangitlugan ng mga isda, habang ang dinamita ay kayang patayin ang anumang lamang-dagat na may buhay, isda man, bahura man, pawikan at iba pa.

Mga kalamidad

Tagpo sa Labac, baryong kostal ng Naic, nang magbaha hanggang nayon dahil kay bagyong Gener.

Tagpo sa Labac, baryong kostal ng Naic, nang magbaha hanggang nayon dahil kay bagyong Gener.

Bagaman hindi naiiwasan, sinasabing lumalala ang mga suliranin sa dagat kung ang mga kalamidad ay sinamahan na ng mga nabanggit na mga gawang-tao (basura, iligal na pangingisda, pagmimina at iba pa). Sa mga nakalipas na taon, natunghayan ng Naic at umabot pa sa mainstream media kung paanong nilamon ng dagat ang mga bahagi ng ilang baryo, at winasak ng mga alon ang napakaraming bahayan sa Naic. Sinira rin ng mga bagyo ang mga gamit pangkabuhayan ng maraming mangingisda. Bukod sa pagmimina ng buhangin at di umano ay mga reklamasyon sa ilang panig ng Manila Bay, ang mga maling pwesto umano ng bahay na napakalapit na sa baybayin ang pangunahing dahilan kung bakit madalas ang sakuna sa aplaya. Tinatayang nasa 40 metro dapat ang layo ng anumang istrukturang nakatayo mula sa talpukan ng alon.

Ilang hakbang sa pagsagip

Sa pagtutulungan ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan at pribadong samahan, isinasagawa ang ilang proyektong naglalayong sagipin ang dagat-Naic. Una nang isinabatas ang Naic Fish Sanctuary (NFS) na nagtalaga ng may 60 ektarya ng dagat sa bayan na hindi maaaring pasukin ng mga mangingisda nang makapagparami ang mga laman doon. Mayroon ding Naic Pawikan Conservation and Protection Project (NPCPP) ang bayan na partikular na nangangalaga sa mga pawikan sa Naic. Pinangungunahan din ng Naic ang Philippine National Aquasilviculture Program sa lalawigan na nagtatanim ng mga bakawan sa mga kostal. Tumatalima din ang Naic sa mga panawagan at pangangailangan ng iba’t ibang pambansang ahensya upang tugunan ang mandato ng Korte Suprema na ibalik sa antas na mapaliliguan ang Manila Bay.

Mga bagong pisang pawikan sa Naic sa kasiglahan noon ng pawikan conservation sa bayan.

Mga bagong pisang pawikan sa Naic sa kasiglahan noon ng pawikan conservation sa bayan.

Sa kabila ng mga proyekto, limitado ang Naic sa mga aspeto ng pondo at eksperto upang matutukan ang dagat-Naic. Naniniwala ang mga kasapi ng NFS na hindi napapatrolyahan ng regular ang santwaryo. Kapansin-pansin din ang pagtamlay ng NPCPP nitong nagdaang pangitlugan ng pawikan matapos ang halalang pambaranggay. Sinasabi naman ng ilang mangingisda na wala silang pangmatagalang pamalit na kabuhayan sakaling iwan nila ang pamamalakaya. Ito ay sa kabila ng iba’t ibang proyektong pangkabuhayan na ibinababa ng iba’t ibang ahensya sa mga taga-kostal.

Sa gitna ng nagsasanga-sangang suliranin sa dagat-Naic, nagpapatuloy ang banta ng lubusang pagkasira nito. Sa pangkalahatang ulat na tinanggap ng Korte Suprema mula sa minandatuhang mga ahensya nito lamang Marso 2014, sinasabing mahirap pa ring makamit ang malinis at ligtas na Manila Bay.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s