Ang Kasaysayan ng Iglesia ni Cristo sa Naic

Ang kapilya ng Iglesia ni Cristo sa Lokal ng Naic

Ang kapilya ng Iglesia ni Cristo sa Lokal ng Naic

Sa pakikipulong ng Naic Cavite Online (NCO) kasama ang ilang may matataas na katungkulan sa Iglesia ni Cristo (INC) noong 2009, nasariwa ang kasaysayan ng INC sa Naic.

Mula sa tanggapan ng Destinadong Ministro sa Lokal ng Naic sa Ibayo Silangan, nakapulong ng NCO ang Pangulong Diakono I na si Ka Geraldo Novelo, at ang mga Diakonesa na sina Ka Solita Poblete at Ka Marta Malimban. Gabay ang isang lumang aklat-talaan, natunton ang pagsisimula ng INC sa bayan ng Naic.

Mula sa naturang aklat-talaan, tinagurian ang pagdating ng iglesia sa Naic bilang isa sa mga makasaysayang kaganapan para sa INC sa Pilipinas. Dekada ‘20, sa isang pagpupulong sa Salinas-Bacoor na dinaluhan ng isang hindi napangalanang taga-Naic, nahikayat ang naturang Naicqueño sa katuruan ng INC. Ang naturang taga-Naic ay nagpaabot ng kahilingan sa tagapagtatag ng INC na si Ka Felix Manalo upang magkaroon ng lokal ng INC sa sariling bayan.

Taong 1926, ipinadala ni Ka Felix sa Naic si Ka Norberto Cruz upang ganap na mapasimulan ang INC sa bayan. Makalipas ang isang taon, isang banyagang kaanib ang muling ipinadala ni Ka Felix sa Naic at mula noon ay naging madalas na ang mga pagpapalaganap at mga talakayan. Naitala ang 30 katao na unang bumuo sa INC sa Naic. Unang itinuring ang Lokal ng Naic bilang anak ng Lokal ng Bacoor, na sa pasimula ay nasasakop ng Dibisyon ng Maynila.

Sa mga unang taon ng INC sa Naic, wala pang naitatayong bahay-sambahan sa bayan. Ang mga kaanib ng iglesia ay nagtitipon sa bahay ni Ka Maximo Antiojo sa Ibayo Silangan. Noong 1929, inilipat sa bahay ni Ka Vicente Cayde sa Makina ang mga pagtitipon para sa anumang gawaing pang-iglesia. Sa pagtutulung-tulong ng mga kaanib, nakabili ng lupa sa Humbac at naipatayo ang kauna-unahang kapilya ng INC sa Naic noong 1931. Sinasabing semi-concrete na yari sa bato, kahoy at yero, kayang maglaman ng kapilya hanggang sa 200 katao. Binigyang diin sa talaan ng INC na mula sa pagkakaisa ng mga kaanib sa Naic ang pagpapatayo ng kapilya, at walang anumang tulong na nagmula sa Dibisyon. Naitala rin ang pagpapaayos na isinagawa sa naturang kapilya noong 1950. Walang tiyak na halagang naisulat, subalit sinasabing hindi sa kung anumang kasiraan kundi para sa higit na kaayusan ang naturang pagsasaayos.

Sa panukala nina Ka Pablo Yuvienco at Ka Anastacio Arieta, nabigyang-daan ang paglilipat ng kapilya mula sa kabayanan patungo sa kasalukuyang kinaroroonan nito. Taong 1973, sinimulan ang konstruksyon sa Ibayo Silangan na tumagal ng may isang taon. Samantala, itinuturing ngayon bilang isa sa mga mahahalagang araw ng INC sa Naic, ika-6 ng Mayo 1974, pinangunahan at isinagawa ni Ka Eraño Manalo ang “paghahandog” o pagbabasbas sa kapilya.

Sa halos 80 taon ng INC sa Naic, sinasabing makatlong ulit nagkaroon ng malaking pamamahayag sa bayan. Dekada ‘50, ilang araw na naghanda ang mga taga-Naic at ginayakan umanong mabuti ang noon ay kiosko sa lumang liwasan ng bayan. Dinagsa umano ng maraming tao ang pamamahayag na pinamunuan mismo ni Ka Felix. Habang walang malinaw na tala o rekoleksyon ang mga nakapanayam ng NCO hinggil sa ikalwang pamamahayag, mismong ang NCO ang nakapagtala sa huling pamamahayag na isinagawa sa kabayanan. Ika-17 ng Abril 2009, isang grand evangelical mission o GEM ang idinaos sa plaza ng Naic. Dinaluhan muli ng marami, pinangunahan ni Ka Arnel Solano ang naturang pamamahayag.

Bahagi ng paglingon sa kasaysayan ng INC, sinasabing madalas noon ang mga debate sa ilang bahagi ng Naic gaya sa Balsahan, lalo na sa Malainen. Gayunman, maikukumparang patuloy umanong sumisigla ang iglesia sa Naic sa patuloy na paglipas ng panahon. Sa kasalukuyan, ilan sa mga madalas isagawa ng INC ang mga year-end socialization, at pamamahayag kung anibersaryo ng INC.

Sa kasalukuyan, may walong lokal ang iglesia sa Naic. Ito ay ang mga lokal ng Naic, Malainen, Halang, Palangue, Labac, Munting Mapino, Muzon, at Bancaan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s